Balik Sa Sentro ng Kagubatan ng Gororiya
Ulay's Point of View
“Bakit hindi mo sinamahan ang prinsipe, Satur? Hindi ba at nangako kang poprotektahan mo si Ulay?” nakapikit pa ko nang mga sandaling iyon pero malinaw sa aking ang boses ni ama. May pinapagalitan ito.
“Paumanhin po, mahal na hari ngunit, mapilit po ang prinsipe. Sinunod ko lamang po ang kaniyang bilin na manatili rito at bantayan si Aurora,” dinig ko namang sagot ni Satur nang mga oras na iyon.
“Ipagpaumanhin din po ninyo kung hindi ako nagising para masundan naming dalawa ni Satur ang prinsipe. Kasalanan ko po, mahal na hari,” sumingit naman si Aurora sa nagagalit na aking ama.
“Hindi ito ang oras para magsihan. Nakita naman nating lahat kung paano tinalo nang mag-isa ni Ulay ang malaking mabangis na hayop? Hindi ba kayo nagtataka kung paano niya nagawa iyon?” dinig kong pagsasalita ng aking ina. Hindi pa rin ako dumilat. Gusto kong marinig kung ano ang iniisip nila nang mga sandaling iyon.
“Hindi kaya may tumulong sa kaniya?” hula ng aking amang hari.
“Baka may ibang nilalang nga na nandito sa kagubatang ito, mahal na hari at nakitang nasa panganib ang prinsipe,” sagot naman ni Satur.
“Hindi kaya ay nakakaalala na ang prinsipe at alam na niya kung paano niya nagagawa iyon. Kaya niya napaslang ang mabangis na hayop na iyon?” malinaw na malinaw ang sinabi ni Aurora. Mukhang siya lang ang may tamang sagot.
“Alin man sa mga sagot ninyo ang tama, mas mainam kung malaman at marinig natin ang kasagutan mula sa prinsipe. May dalawang araw na itong natutulog at hindi natin alam kung kailan siya magigising. Mas maingat na lamang tayo sa kagubatang ito. Mauubos ang limangdaang lahi natin kung hindi tayo magiging mapagmatyag at matapang,” boses ni ina. Hindi na ako magtataka kung ganoon ito kung magsalita.
Ngunit ang ikinagulat ko ay ang sinabi nitong magda-dalawang araw na akong hindi pa nagigising. Dahil sa narinig na mga usapan ng apat ay agad akong gumalaw at uminat-inat bago dahan-dahang dumilat. Nang tuluyan ko nang binuksan ang pintuan ng aking mga mata, apat na nagtataka at nagtatanong na mga mata ang aking nasilayan. Nakapamaywang si ama. Si Satur naman ay titig na titig sa akin at nang dumako ang mata ko sa balikat nitong sugatan, mukhang magaling na siya. Nang ibaling ko naman ang aking mata kay Aurora, nakangiti lang ito sa akin at isang matamis na ngiti rin ang aking iginanti. At ang panghuli ay nang magtama ang aming mga mata ni inang reyna. Lumapit pa ito sa akin at tumabi, saka nagtapon ng mga tanong.
“Ulay, anak, mahal na prinsiipe, magpaliwanag ka sa nangyari sa iyo sa batis. Ano ang totoong nangyari at bakit may nakahandusay na mabangis na hayop nang dumating kami? Ikaw ba ang pumatay sa nilalang na iyon? O may ibang tumulong sa iyo na hindi namin naabutang makita?”
Sunod-sunod ang mga tanong ni inang reyna sa akin. Mabilis namang lumapit si ama para pigilan si ina sa sunod-sunod nitong mga tanong. Napangiti na lamang ako nang pinakalma ni ama ang aking ama.
“Mahal na reyna, huminahon ka. Akala ko ba ay kailangan nating pakinggan ang ating anak para malaman ang totoong nangyari? Bakit naparami yata ang mga tanong na inihain mo sa kaniya?” Hinahagod-hagod nito ang likuran ni ina. Umupo na rin ito sa tabi ni inang reyna habang sina Satur at Aurora ay umupo naman sa aking harapan.
“Makikinig kami, Ulay. Dalawang araw kang natulog. Iyon na ang pinakamahabang tulog mo rito sa kagubatan ng Gororiya. Kaya nais naming malaman ang totoong nangyari,” utos ng aking amang hari. Kapag kasi siya ang nagsalita ay wala na akong kailangan pang itago sa kaniya. Tumango ako bilang pagsang-ayon at sinagot ang tanong na bumabagabag sa kanilang isipan.
“Kanina pa po ako gising, ama, ina. Narinig ko po ang mga usapan ninyo,” pagsisimula ko na ikinagulat naman nila. Magkasabay pang napailing ang magulang ko sa pagsisimula ng aking kuwento. Wala namang imik ang dalawang sina Satur at Aurora, kaya ipinagpatuloy ko na lang aking pagkukuwento.
Tango lang sila nang tango at manghang-mangha nang sinabi kong pumunta lang naman ako sa batis para magpahinga. Nakarinig ako ng boses sa batis na iyon at tinanong kung ano ang pangalan niya kasi hindi ko nga nakikita pero nawala iyon ng bigla. Ikinuwento ko rin kung paano sumulpot sa aking harapan ang nilalang na may mukha ng kalabaw na may dalawang sungay tapos may buntot ng ahas.
“Takot na takot na ako noon at hindi ko na alam ang gagawing pag-iwas sa mabangis na hayop, hanggang sa narinig ko na naman ang boses na iyon sa batis at pinatatag niya ang loob ko. Tinuruan niya ako kung paano ilabas ang galit ko't mailigtas ang aking sarili sa kamatayan.”
Hindi pa rin nagtatanong ang mga ito. Nanatili lang silang nakikinig dahil alam kong hinihintay nilang magsabi ako na ako ang pumatay sa nilalang na iyon. Na nakaya kong kalabanin ang hayop na iyon at nagawa kong iligtas ang aking sarili sa tiyak na kapahamakan.
“Gaya nga ng sinabi ko kanina, dahil sa boses na iyon, natutunan kong ilabas ang emosyon ko para mailigtas ang aking sarili. At hindi lang iyon ang nangyari dahil nang kalabanin ko nga ang mabangis na hayop na iyon at mapatay ko, tandang-tanda ko pa rin ang lahat ng nangyari sa batis na iyon,” pagtatapos ko ng aking kuwento.
“Ibig sabihin naalala mo na ang ginawa mong pagligtas sa iyong sarili, Ulay?” pagkukumpirma ng aking ama. Tumango ako bilang sagot.
“Pati ba ang nangyari sa atin nang namumulot tayo ng isisigang kahoy? Naalala mo rin ba iyon?” tanong naman ni inang reyna. Tatango na rin sana ako bilang pagsang-ayon kay ina nang sumingit sina Satur at Aurora.
“Naalala mo na rin ba ang nangyari sa atin sa batis na iyon?” si Aurora.
“Pati ang pagliligtas mo sa amin ni Aurora, mahal na prinsipe? Naalala mo na rin ba?” si Satur.
Napailing na lamang ako at lihim na napangiti. Dahil gusto ng mga ito ng kasagutan ay sumagot na agad ako. “Walang duda po, ina. Opo, naalala ko na po ang lahat, Satur, Aurora.”
Nagkatinginan sina ama at ina. Ganoon din sina Aurora at Satur hanggang sa pare-pareho nang nagtinginan ang apat at nag-ingay bilang pagsasaya. Niyakap pa ako ng inang reyna at ama habang nakangiti naman sa harapan ko sina Aurora at Satur.
...
Bundok Elementu,
Sa Tuktok ng
KULANG ANG MGA PAGSUSUMAMO at pagluha ni Hariya nang mga oras na iyon sa tuktok ng bundok ng Elementu. Kinuha na niya agad ang bangkay ni Diyamande at nakita ang kalunos-lunos na sinapit nito. Ganoon din ang dalawa pang sina Auru at Aquarina. Hindi ito makapaniwalang ganoon katindi ang sasapitin ng mga ito. Pare-pareho pang warak at wakwak ang mga dibdib ng mga ito. Halos bato na kung titingnan ang kani-kanilang mga katawan dahil wala na ang mga puso nito kung saan nakatago ang mga mahahalagang bato ng Elementu.
“Mananatili kayong buhay sa aking puso, Diyamande, Auru, at Aquarina. Hihintayin ko na lang ang sasapitin nina Shila at Feru bago ko sabay-sabay na ibalik ang inyong mga katawan sa inyong mga kaharian.”
Nakaluhod siya nang mga oras na iyon. Pansamantala muna niyang ibinalik ang kaanyuan sa isang makisig na engkantado at nakaluhod na pinagmamasdan ang mga wala nang buhay na katawan ng tatlong tagapangalaga ng brilyante ng apoy, lupa, at tubig na sina Diyamande, Auru, at Aquarina. Kahit alam niya ang magiging kahihinatnan ng natitirang sina Shila at Feru, hindi pa rin siya papagitna upang iligtas ang dalawa sa kanilang matagal nang nakasulat sa libro ng kamatayan ng Elementu. Yumuko na lamang si Hariya at nanalangin upang maibsan ang kalungkutang nararamdaman.
“Walang alam ang mga Karbona, Arumian, at Berila sa inyong pagkamatay. Ang itinakda ay itinakda at hindi ko maaring pakialaman ang mangyayari sa dalawa pa ninyong kaibigan. Pangako, ibabalik ko ang inyong mga katawan sa inyong mga kaharian upang hintayin ang susunod na propesiyang bubuhay sa inyong lahat. Mananatili munang nasa paanan ng bundok ng Elementu ang inyong minamahal na mga Karbona, Arumian, at Berila habang hinihintay ko ang pagdating ng Sixilan at Perruan mula sa hilaga at timog-kanluran.”
Pigil na pigil na ni Hariya ang paghikbi nang mga sandaling iyon. Bukas na ri ang kanlurang bahagi ng paanan ng bundok para sa mga Arumian na paparating at Timog na parte naman para sa mga Berila na nilangoy ang karagatan patungo sa pinakaligtas na lugar ng Elementu. Nasa hindi kalayuan pa ang mga Sixilan at Perruan pero hindi magtatagal ay makakarating rin sila rito.
“Humihingi rin ako sa inyong mga bangkay ng kapatawaran pagkat ang ilan sa mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan at Perruan na mga lalaki ay inakita at ginawa nang alipin ni Helya sa kaharian ng Bahaghari. Malapit nang magtapos ang limangdaang taon at lilitaw ang isang matapang para kunin ang nawala sa kaniya. At kapag lumitaw na iyon, kinakailangan niya munang ipunin ang mga brilyante at bato at buhayin kayo.”