Beryl, Elementu
Sa Timog at Ilalim ng Karagatan ng Elementu,
Sa Pagtatapos ng Limangdaang Taon
MABILIS ang paglangoy na ginawa ni Aquarina kasama ng mga Berilang minanduhan niyang sumunod sa kaniya pabalik sa kailaliman ng karagatan, sa timog na bahagi ng Elementu. Habang nakalusong na sa pabalik sa kahariang nais niiyang protektahan ay napag-isip-isip din ni Aquarina na walang balak ang mga kalaban na sundan siya. Iyon ang akala niya.
SA DALAMPASIGAN ng Elementu, sa timog ng karagatang Elementu, naiwan namang tulala ang mga kalaban. Hindi sila nakapaghanda dahil sa mismong karagatan pala ang magiging laban ni Ururu. Hindi maaaring lumusong sina Bulcan, Giginto, at Vatu. Si Bagyo naman ay hindi rin niya kailangang pumunta sa ilalim ng dagat. May kakayahan siyang ilabas ang mga ito sa ilalim pero hindi kaya ng kapangyarihan niya. Iyon ay sa kadahilanang limitado lang ang hangin at mahihirapan siyang makipaglaban sa tubig. Malulunod lang siya kapag sasama pa siya.
“Wala kang magagawa ngayon, Ururu kung hindi ang sundan sila. Hindi kami pupuwedeng sumama sa iyo. Kaya mo na rin naman sigurong harapin ang pinunong si Aquarina at ang mga Berila para makuha ang pakay mo, hindi ba?” komento ni Bulcan. Agad itong umupo sa dalampasigan at inilabas ang hawak na pulang diyamante't napangiti.
Lumingon si Ururu sa ibang mga kasama pero hindi ito tumingin sa kaniya. Nang magtama naman ang kanilang mga mata ni Bagyo, pumikit ito at narinig ang pagsabi nito ng rason. “Huwag mo na akong pilitin, Ururu. Limitado ang kapangyarihan ko para samahan ka. Ang pinunong si Aquarina at ang sampu pang kasama niya lang siguro ang makakalaban mo. Nawa ay magtagumpay at makabalik ka rito.”
Napailing na lamang si Ururu. Wala naman siyang magagawa kung hindi siya masasamahan. Mag-isa lang siyang haharap kay Aquarina at sa mga kasama nito para makipaglaban. Hawak niya ang kapangyarihan ng tubig at makakaya niyang huminga sa ilalim ng karagatan. Hindi na lamang sumagot si Ururu. Tumalikod na lamang ito sa mga kasamahang nakaupo na sa dalampasigan. Wala na itong inaksayang oras dahil agad itong lumangoy at sumisida pailalim para habulin si Aquarina.
NASA BUNGAD na ng kaharian ng Beryl sina Aquarina nang may makita niya ang isang Berila na natuhog. Napatigil siya at sinundan ng tingin kung sino ang may kagagawan. Nang mapalingon ay nakita niya ang siyam pang mga Berila na nakikipagtagisan na ng kakayahan sa kalabang hindi niya alam kung paano nakasunod sa kanila nang mabilis. Nang mapalibutan na ito ng mga Berila doon lamang niya nakita nang malapitan ang mukha ng kalaban. Na sa pagkakatanda niya ay Ururu ang pangalan.
May malalaking hasang na ito sa tainga. Ang ulo ay mukhang palaka. Ang mga palikpik naman nito ay matutulis. May hawak din itong parang sibat na mahabang ginamit sa pagtuhog sa isang Berila kanina sa harapan niya. Habang pinalilibutan si Ururu ng mga kasama, hindi niya nakita ang mabilis na pag-atake nito gamit ang mala-sibat na hawak at sabay-sabay na tinuhog na naging dahilan ng pagkagulat ni Aquarina.
“Ngayong wala nang sagabal sa aking planong kunin ang batong akwamarin, magtutuos tayo, Aquarina!”
Habang umiibwal ang galit sa loob ng katawan ni Aquarina, nagulat na naman siya nang marinig ang boses ni Ururu sa kaniyang isipan. Hindi ito nagsasalita pero dinig na dinig niya ang mga salitang iyon. Dahil kaya naman niyang magsalita kahit nasa ilalim ng karagatan ay hindi niya inasahan ang paglitaw ng kapangyarihan ni Ururu at pinalibutan siya ng mala-ipuipong tubig. Hindi nito inasahan ang pagdala ng ipuipo sa kaniya palabas ng karagatan. Gamit muli ang kapangyarihan ni Ururu ay napansin niyang nakatayo na siya sa ibabaw ng tubig.
“Nagustuhan mo ba ang sorpresa ko, reyna Aquarina?” pang-iinsulto ni Ururu sa kaniya.
“Sa tingin mo madadala mo ako sa pang-iinsulto mo? Matapos mong paslangin ang mga Berila, hinding-hindi kita mapapatawad!” bulyaw ni Aquarina sa kaniya.
“Ibigay mo na lamang sa akin ang batong akwamarin at hindi mangyayari sa iyo ang ginawa ko sa kanila, Aquarina!” ganting sigaw din nito sa harapan ni Aquarina.
“Dadaan ka muna sa aking kapangyarihan bago mo makuha ang batong akwamarin sa akin!” determinado si Aquarina na hindi patatalo sa harapan ng kalabang si Ururu.
“Gutom na ako,” biglang sabi ni Vatu at narinig iyon ni Ururu. Pero hindi niya ito binigyan ng pansin.
“Tapusin mo na ang laban, Ururu! Hindi na ako makapaghintay na mapuntahan ang Sixila!” sigaw ni Bagyo. Tahimik naman sina Bulcan na ngiting-ngiti sa hawak na pulang diyamante at si Giginto na mahirap ang pinagdaanan makuha lang ang gintong bato sa kamay ni Auru.
“Narinig mo ba ang mga sinabi ng mga kasama ko, Aquarina? Tingnan mo sina Bulcan at Giginto. Nasa kanilang mga kamay na ang pulang diyamante at gintong batong nakuha nila sa Karbo kay Diyamande at sa Arum kay Auru,” pagbibida nito. Napalingon naman si Aquarina sa sinabing iyon ni Ururu.
Malakas ang memorya niyang nasa loob ng katawan nina Diyamande at Auru ang mga batong pinangangalagaan nila pero hindi niya inakalang matatalo ang mga ito nang ganoon-ganoon na lamang. Lalong nagngitngit sa galit si Aquarina at napasigaw nang malakas. Ibinalik ni Ururu ang tingin sa nagsisigaw na si Aquarina at nasaksihan ang pagtaas ng tubig sa karagatan. Pinalibutan ng mga tubig na iyon ang katawan nito hanggang sa hindi na niya ito makita.
Sa loob naman ng tubig na iyon ay naroon si Aquarin at unti-unting nagbabago ang kaanyuan. Nang matapos ang pagbabagong anyo ay isang hindi makapaniwalang Ururu ang nasilayan niya. Luwang-luwa ang mga mata nito nang makita ang kaniyang bagong hitsura. Kulay asul ang mga baluti nito sa dibdib at sa mga braso't kamay at paa. Napangiti lang si Ururu nang masilayan ang kumikinang na kulay asul ring batong nakalutang sa ulo ni Aquarina.
“Iyan nga ang batong hinahanap ko. Nasa iyo nga ito, Aquarina. Humanda ka dahil kukunin ko iyan sa iyo!”
Parang kidlat na nagtatakbo si Ururu patungok sa kinatatayuan ni Aquarina pero hindi niya inasahan ang biglang paghampas sa kaniyang katawan ng tubig na latigo't napatigil siya. Ilang saglit pa ay nakita ni Ururu ang pagpasok ng batong akwamarin sa dibdib ni Aquarina at naglaho.
“Ngayon mo subukang kunin ang mga bato!”
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Aquarina at hindi lang si Ururu ang puntirya nito dahil ang mga butil ng tubig sa karagatan ay naging mga malilit na yelong punyal at pinagsasaboy ang mga iyon sa mga nakaupong kalaban sa dalampasigan. Hindi naman natinag sina Bulcan, Giginto, Bagyo, at Vatu sa ginawa nito sa kanila. Tinunaw lang ni Bulcan ang matatalim na yelong iyon habang si Giginto naman ay umilag lang nang umilag. Si Bagyo naman ay ibinalik ang mga yelong punyal na iyon sa kung saan ito nanggaling habang si Vatu ay nakabuka lang ang bunganga't pinagkakain ang mga yelong iyon.
Nakagawa naman ng harang si Aquarina para sanggain ang mga bumalik na yelong punyal at sa direksyon ito ni Ururu napadpad. Panay naman ang ilag at iwas ni Ururu sa mga matutulis na punyal. Pero hindi roon natapos dahil mula sa ilalim ng karagatan ay nagpaulan na naman ito ng malalaking yelong punyal. Sa galit ni Ururu ay ginamit nito ang bilis para isa-isang basagin ang mga punyal na iyoon. At hindi napaghandaan ni Aquarina ang bilis ng kalaban. Nasakal siya ni Ururu pero mabilis niya itong natanggap at pareho na sila ngayong nagsusukatan ng mga lakas.
“Kukunin ko ang napakagandang akwamarin sa iyong katawan. Papatayin kita!” sigaw sa kaniya ni Ururu habang tuloy lang sila sa pagsasalpukan ng kani-kanilang mga kapangyarihan.
Parehong gumawa ng espadang mula sa tubig ang dalawa. Isang kulay itim na espada ang hawak ni Ururu habang kulay asul naman ang kay Aquarina. Hawak ng pinuno ng Beryl ang asul na espada sa kanan habang ang kaliwang kamay ay may hawak na pananggalang. Sa bawat kalansing ng mga kanilang mga sandata ay ang pag-igting ng galit ng mga ito sa isa't isa. Pareho silang malakas pero talo si Aquarina sa bilis ni Ururu. Nanghihina na ito at nakatikim na rin ng mga sugat sa katawan hanggang sa ang mga baluting nasa katawan nito ay unti-unting naglaho.
“Magiging madali para sa akin kung iluwa mo na lamang ang batong akwamarin, Aquarina. Sayang ang iyong kagandahan. Alam kong may lahi kang serena pagkat ang alindog mong taglay ay hindi kailanman binabalewala.” Nakatutok na ang itim na espadang iyon sa dibdib ng nakaluhod at hinang-hina nang si Aquarina.
“Gaya ng sinabi ko, mapapatay mo muna ako bago mo makuha ang bato!”
Sa huling pagkakataon ay ibubuhos na sana ni Aquarina ang huling lakas na mayroon siya nang itarak na ni Ururu ang itim na espada nito sa kaniyang dibdib at napaubo siya ng dugo. Napahawak na lamang siya sa espadang iyon at nang hugutin iyon ni Ururu, ibinaon niya ulit ito nang paulit-ulit hanggang sa tuluyan na ngang pumikit ang mga mata nito sa harapan niya.
Gamit ang kapangyarihang mayroon siya, ginawa niyang yelo ang hihigaan ni Aquarina at walang kaabog-abog na itinarak ang matutulis na kamay upang kunin ang puso nito. Nang makapa ang puso ni Aquarina at naramdaman ang matigas na batong naroon ay mabilis niya iyong hinugot at tumalon ng pagkataas-taas para tumungo sa dalampasigan. Bago pisain ang puso ni Aquarina na may batong akwamarin, ibinalik niya sa normal ang daloy ng tubig sa karagatan at hinayaang hilahin ng tubig ang bangkay ni Aquarina pailalim.
“Sa wakas! Nasa akin na ang bato! Nagtagumpay akong makuha ito. Tara na sa susunod na bayan nang makuha na ni Bagyo ang kaniyang pakay na batong opal!”