Kabanata Diyes: Ang Bagong Bantay ni Ulay

1520 Words
MALALIM NA ANG GABI. ANG KAHARIAN lang ng Bahaghari ang tanging kahariang malayo sa bundok ng Elementu. Mga dalawang bundok lang naman ang layo nito mula sa kalapit na bayan. Kaya ito ang napili at pinili ni Helya noon na puntahan dahil isang bundok lang ang layo nito mula sa kaniyang tahanan. Natuklasan kasi nito ang kagandahang lalaki ni Ulay nang maisilang ito sa kaharian ng Bahaghari kaya, naman nang tumuntong na ang binata sa tamang edad ay ginawa niya ang lahat makarating lang sa maliit na kahariang iyon. Ngunit, ang pagbabalatkayo niya ay hindi umubra. Pinaganda niya ang kaniyang sarili pero sa huli, hindi rin tumalab. “Walang kuwenta ang pagpapanggap ko sa harapan ng hari at reyna, maging sa prinsipeng si Ulay sa kahariang ito. Kung hindi umubra ang aking pagbabalatkayo ay gagamitin ko naman ito sa mga tao, sa kalapit na bayan ng kahariang ito.” Ang mga katagang iyon ay nasabi ni Helya sa kaniyang sarili habang pinaghahandaan ang sarili nang umagang iyon. Kaharap ni Helya ang paborito niyang nakalutang na salamin. Tinitingnan ang mala-kulay kape at balingkinitang katawan. Isang orasyon kasi palagi ang ginagawa niya sa pagsapit ng umaga upang mapanatili ang kaniyang kagandahan at alindog na ang tanging nakakakita lang naman ay ang hari at reyna, si Prinsipe Ulay at ang nasa loob ng bulwagang iyon ng kaharian. Ngayong ang kaniyang pakay ay makahanap ng aakiting mga lalaki sa kalapit na bayan ng kaharian ng Bahaghari, kinailangan niyang makakuha ng kaniyang magiging alipin. Gayak na gayak na ito nang maglaho mula sa silid ng kaharian at lumitaw sa maingay at abalang bayan ng Kulayan. Ang bayan na iyon ay kilalang-kilala niyang mas marami ang kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. Kaya, iyon ang una niyang puntirya. Suot ang kulay puti at mahabang damit na kapag nasisikatan ng araw ay lumulusot ang liwanag sa tela nito. Saktong paglitaw niya sa Kulayan ay napalingon ang lahat ng mga kalalakihan sa kaniya at nahumaling. Tila nahipnotismo ang mga ito nang hindi napapansin ng mga kababaihang naroon nang umagang iyon. Pagsulpot na pagsulpot kasi ni Helya sa Kulayan ay ginamitan na ito ng kaniyang kapangyarihan upang hindi na pansinin ng mga kababaihan ang mga lalaking lilingon sa kaniyang alindog at angking kagandahan. “Halika kayong laha. Lumapit kayo at pagmasdan ang aking angking kagandahan,” pang-hihipnotismo nito sa kanila. Dahil halos karamihan sa mga kalalakihan sa Kulayan ay naglalakad nang wala sa sarili na lumalapit sa kaniyang kinatatayuan, sinadya niyang akitin pa ang mga ito hanggang makalayo sila sa mga kababaihan. Nang nasa kakahuyan na sila ng Kulayan, ilang distansiya lang ang layo sa bayan ng Kulayan. Nang tumigil ito sa gitna ng kakahuyan ay doon na isa-isang binulungan ni Helya sa kani-kanilang mga tainga ang mahigit sampung kalalakiha ng mga katagang siya lamang ang nakakaintindi. Romus adege gareb Romus adege gareb Korma anareg diyaren Isinalin ni Helya ang mga katagang iyon sa lenguaheng maiintindihan ng mga kalalakihan upang ikintal sa mga isipan nito ang kaniyang pakay na mapasailalim silang lahat sa kaniyang kapangyarihan at maging alipin. Sa araw na ito kayo ay magiging akin. Habambuhay na magiging alipin, Susundin ang lahat ng aking sasabihin. Pagkatapos isa-isang maibulong ang mga katagang iyon ay naging kulay itim ang mga balintataw ng mga ito. Lihim na napangiti si Helya. Nagtagumpay siyang akitin ang mga ito gamit ang kaniyang kapangyarihan. Nang ito ay umayon na sa kaniyang mga plano, pinitik niya ang kaniyang mga daliri at lahat sila kasama ang kaniyang sarili ay naglaho sa bayan ng Kulayan. Nakabalik na ito sa kaharian ng Bahaghari kasama ang mahigit sampung kalalakihang nabingwit niya mula roon. “Magmadali kayo at ipaghanda ako ng makakain. Ihanda na rin ang aking pampaligo. Ayaw ko nang kukupad-kupad. Bilis!” Balik iritado ito at mataray sa harapan ng mga kalalakihang ninakaw niya mula sa Kulayan. Masunurin namang sumunod ang mga ito dahil nasa ilalim pa rin naman ito ng kaniyang kapangyarihan. Nang lahat ay isa-isang lumabas sa bulwagan ng trono ay umupo si Helya sa trono at napangiti. Pansamantala itong umidlip at hindi na muna pa inabala ang sariling tingnan kung ano ang nangyayari sa kagubatan ng Gororiya. .... SAMANTALA... tahimik na pinagmamasdan nina Yalu at Aliya si Ulay. Nagamot na rin ang mga sugat nito maging ang kay Aurora. Ilang oras na rin nilang hinihintay na magising ito pero wala pa rin itong malay. “Sa tingin mo, Yalu magigising na naman ba ang ating anak na walang maaalala?” tanong ni Aliya. “Hindi natin masasabi, Aliya. Pero gaya nga ng narinig nating kuwento mula kay Aurora, si Ulay na naman ang gumawa ng paraan para mailigtas ito,” aniya sa reyna. “Isa lang ang ibig sabihin ng nangyari kanina, Yalu. Nagising na naman ang natutulog niyang lakas at nailigtas si Aurora. Kahit pa sinabi ni Aurora na una niyang pinrotektahan ang ating anak, na kitang-kita naman sa mga sugat na tinamo niya, hindi pa rin natin maipagkakailang may nangyayaring hindi maganda sa ating anak, Yalu. Ano ang ating puwedeng gawin?” muling pagbibigay komento ni Aliya sa hari. Pansamantalang tumigil sa pagsagot si haring Yalu. Napag-isip-isip din naman kasi niyang may punto ang reynang si Aliya. Wala pa itong mahinuhang sagot. Malalim pa rin itong nag-isip-isip ng tamang salitang ibibigay sa kaniyang reyna. “Mahal na hari, at mahal na reyna. Ikinalulungkot ko po ang nangyari sa prinsipe,” bati at pagsisimpatiya ng isa sa mga kilala ng hari na kawal ng kaniyang kaharian noong nasa anyong tao pa lamang siya. “Nasa mabuting kalagayan na ang prinsip, Satur. Wala ka nang dapat na ipag-alala,” awtorisado ang boses nito sa harapan ni Satur. “Magandang marinig iyan mula sa inyo, mahal na hari. Kung pahihintulutan po ninyo, nais ko pong maging bantay ng prinsipe sa anumang oras,” aniya. Lumuhod ang kanang paa nito at yumuko sa harapan ng hari at reyna. Natigilan naman at magkasabay pang nagkatinginan ang hari at reyna. Mukhang alam ng isa't isa ang naiisip nilang magiging balakid kapag ginawa nilang bantay ng prinsipe si Satur. Unang nagsalita ang reyna at ipinaliwanag ang dalawang insidenteng may kinalaman kay prinsipe Ulay. Malinaw na ipinaintindi nito ang nangyayaring hindi maganda sa prinsipe. “Naiintindihan mo ba ang mga sinabi ko, Satur?” tanong ng reyna pagkatapos maikuwento ang lahat. Tanging si Satur lamang ang wala sa eksena nang atakihin sila ng dambuhalang ahas. Sa nangyari naman kasama si Aurora, sila naman ang wala at hindi nila naipagtanggol ang anak. Ngunit sa dalawang insidenteng iyon, pareho silang iniligtas ni Ulay. “Naintindihan ko po ang ibig ninyong sabihin, mahal na reyna. Hindi ko man nasaksihan ang pangyayari, malugod pa rin akong tatanggapin ang responsibilidad na maging tagapagtanggol ninyo at ng prinsipe sa abot ng aking makakaya,” sagot nito. Nanatili pa rin itong nakayuko at naghihintay na lamang ng basbas mula sa haring si Yalu. Muling namayani ang katahimikan sa pagitan ng hari at reyna. Naghihintay na lamang ng kasagutan mula sa hari si Satur. Tumango-tango na si Aliya bilang pagsang-ayon sa mga sagot ni Satur. “Kung may isang tao man akong dapat na pagkatiwalaan sa aking anak, ikaw iyon Satur. Kaya bilang haring nagmula sa Bahaghari at kasalukuyang pinuno sa kagubatan ng Gororiya, pinahihintulutan kitang maging tagapatanggol ng prinsipe, pero sa isang kondisyon,” binigyan na ni Yalu nang pahintulot si Satur sa gusto niya. “Handa po akong tanggapin kung anumang kondisyon ang gusto ninyong sabihin, mahal na hari,” hindi tumanggi si Satur. Bagkus, mataas pa rin ang respeto niya sa pagiging pinuno ng kagubatan ng Gororiya, na itinuturing pa rin niyang hari ng Bahaghari. “Huwag na huwag mong tatangkaing pigilan ang prinsipe kapag natuklasan mo ang kaniyang ginawang pagwawala. Malalaman at malalaman mo rin naman iyan kapag personal mo nang masaksihan ang tunay na lakas at katapangan ng aming anak. Malinaw ba sa iyo ang mga katagang aking binitiwan, Satur?” paliwanag ng hari. Upang mas maintindihan pa ang sinabi ng hari, sumingit si Aliya upang malinawan si Satur. “Kilala ang aking anak na hindi gumagawa ng gulo at matatakutin kapag nasa panganib. Pero kapag magkaroon man ng pagkakataong kailangang-kailangan niyang iligtas ka sa bingit ng kamatayan, huwag na huwag mong tatangkaing pigilan siya dahil baka maging dahilan siya ng iyong kamatayan. Maliwanag na siguro ang mga salitang iyan, Satur,” aniya ni reyna Aliya. “Tumayo ka na at ibigay sa amin ang iyong kasagutan sa amin, Satur,” utos ni haring Yalu. Sumunod naman si Satur at nang makatayo ay nangako ito sa harapan ng hari at reyna na susundin ang mga narinig. “Ako po ay nangangako, mahal na reyna Aliya at mahal na haring Yalu na susundin ang lahat ng mga ibinilin ninyo sa akin. Gagawin ko po ang lahat maprotektahan ang prinsipe sa abot ng aking makakaya at hindi aabalahin kapag ako naman ang nasa panganib. Makakaasa po kayo sa aking katapatan.” Napangiti namang pareho sina Yalu at Aliya. Kuntento sila sa sagot ni Satur at nang maramdaman nilang nagising na si Ulay ay ibinaling ng hari at reyna ang kanilang atensyon sa prinsipe upang kumustahin ang kalagayan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD