Kabanata Onse: Ang Beryl sa Ilalim ng Karagatan

1535 Words
Beryl, Elementu Sa Timog Na Bahagi ng Bundok, Sa Nakalipas na Limangdaang Taon Ang Beryl ya isang maliit na pamayanang napapalibutan ng karagatan. Sa madaling salita, ang bayang ito ay hindi nakatayo sa ibabaw ng lupa. Ito ay nasa ilalim ng karagatang konektado sa buong bahagi ng Elementu. Sa Beryl kumukuha ng pagkain ang mga nakatira mula sa Karbo, Arum, Sixila, at Perrue katulad ng pangingisda at mga lamang dagat. Sagana at mayaman ang karagatang nakapalibot sa bundok ng Elementu. At iyon ay sa kadahilanang ang namumuno sa ilalim ng karagatan na si Aquarina ay responsable sa kaniyang tungkuling alagaan at pangalagaan ang yamang-tubig. Kahit walang alam ang mga Karbona, Arumian, Sixilan, at Perrue na dahil sa mga Berila (tawag sa mga taong nakatira sa Beryl), nabubuhay silang hindi kulang ang mga pangangailangan. Kahit na lumaking mapaglaro, masiyahin, at mahilig sa tubig si Aquarina, na kalimitang hindi naiintindihan ng mga Berila, seryoso naman ito sa pagbabantay sa kanilang maliit na pamayanan sa ilalim ng karagatan. Ang mge Berila ay nakakahinga sa ilalim ng tubig dahil sa mga hasang nito sa kanilang tainga, at mga palikpik sa kanilang mga kamay at paa kapag sila ay lumalangoy. Kapag pumupunta o napapadpad naman sila sa ibabaw ng lupa, nawawala ang kanilang mga hasang at mga palikpik sa kamay at paa, pero hindi sila pupuwdeng magtagal sa lupa o malayo sa tubig dahil mamamatay sila. Kaya bibihira kung lumabas ng tubig para magliwaliw. Iyon na rin ang kabilin-bilinan ni Aquarina sa mga Berila na huwag na huwag pupunta o aahon sa karagatan. “Binabalaan ko ang lahat ng Berila, lalong-lalo na ang mga batang mahilig maglaro na bawal na bawal kayong lumagpas o lumabas ng kaharian, o lumayo sa tubig kung ayaw ninyong mamatay lahat. Maliwanag ba?” Minsang pagbibigay babala nito sa mga kasamahan sa kaharian. Mula nang siya ang binigyan ng responsibilidad ng engkantado na mamuno ay naging maingat si Aquarina na hindi mapansin ng mga Berila ang kaniyang mapaglarong personalidad. Mahilig kasi ito sa tubig, kaya walang minutong hindi ito lumalangoy nang lumalangoy. Ang pagiging isip-bata niya minsan ay nahuhuli ng ibang mga Berila, pero kibit-balikat na lamang ang mga ito dahil alam nilang kailangan din ng kanilang pinuno na magkaroon ng oras para sa kaniyang sarili. Seryoso naman kasi at hindi nagpapabaya sa kaniyang tungkulin si Aquarina. Kaya, ganoon na lamang siya kamahal ng mga Berila. Dahil rin sa pamumuno ni Aquarina sa loob ng halos limangdaang taon, naging tahimik, masaya, at walang problema ang Beryl. Bagay na ipinagpapasalamat ng lahat ng Berila. Ngunit, ang inakalang tahimik at payapang pamumuhay ng mga iyon ay magagambala pala ng mga hindi inaasahang bisita sa Elementu. Dalawang magkakaibang pagsabog at pagyanig ang narinig ng mga Berila. Kahit magkakalayo ang mga bayan ng Elementu, dinig na dinig at ramdam na ramdam naman ng mga Berila ang anumang uri panganib sa ilalim. Hinding-hindi nila ito binabalewala pagkat buhay din nila sa ilalim ang magiging kapalit kapag nagkaroon ng lindol o pagguho ng lupa ang Elementu. “Ito na marahil ang sinasabi ng engkantado na panganib sa Elementu sa loob ng limangdaang taon. Kailangan kong sabihan ang mga Berila na umahon pansamantala,” aniya sa isipan at mabilis na lumangoy pabalik sa kaharian ng Beryl. Upang hindi na siya mag-utos, lumikha na lamang ng isang ingay gamit ang kaniyang matinis na boses si Aquarina upang tawagin ang atensyon ng mga Berila. Alam na alam na ng mga ito ang ibig sabihin ng kaniyang boses, kaya habang lumalangoy pabalik ay isa-isa na ring nagsitungo at nagtipon-tipon ang mga Berila sa loob ng kaharian. Nang makarating at nakitang kumpleto na ang mga Berila, nag-anunsyo na ito sa harapan nilang lahat. “Isang hindi inaasahang panauhin ang dumating at ginagambala na marahil sa ngayon ang ibang mga bayan sa ibabaw ng lupa. Ang nais kong sabihin sa inyo na kailangan nating umahon mula sa ilalim kung ayaw nating matabunan ng lupa mula sa ibabaw. Wala na tayong panahon, kaya ngayon pa lang, sumunod na kayo sa akin!” Pagkatapos na sabihin ang mga katagang iyon sa mga Berila, nauna na agad itong lumangoy palabas ng kaharian at isa-isa namang nagsisunuran ang mga Berila hanggang sa walang magawa ang ibang gusto sanang magtanong pa, kung hindi sumabay na rin sa pag-ahon. Nang makaahon ang mga ito sa dalampasigan, muling nagbigay ng utos si Aquarina. Seryosong-seryos ang mukha nito na walang sinuman sa mga Berila ang nagtangkang salungatin ang mga salita niya. “Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, mga mahal kong Berila. Mula rito sa dalampasigang ito ay kailangan ninyong lumangoy upang magtungo sa sentrong bahagi ng Elementu. Lalangoy kayo patungong kanluran hanggang marating ninyo ang silangang bahagi ng Elementu. Sa silangang bahagi ay makikita ninyo ang tuktok ng bundok pero dahil hindi nga tayo maaaring lumayo sa tubig, maaari kayong manatili sa ilalim ng karagatang iyon.” Ang mga salitang binitiwan ni Aquarina ay naging lungkot sa mga mukha ng mga Berila. Kaya, hindi nag-aksaya ng oras ang ilan upang tanungin ang kanilang pinuno. Magiging mabigat sa kanilang kalooban kung hindi nito sasabihin na hindi siya sasama sa paglikas na gagawin nila nang mga sandaling iyon. “Paumanhin, pinunong Aquarina, may nais lamang po kaming malaman. Hahayaan po ba ninyong dadayo ang mga Berila sa silangang bahagi ng Elementu nang walang pinunong magsusubaybay?” tanong ng isa sa mga pinagkakatiwalaan niyang Berila. “Tama ka. Dahil nasabi mo na sa akin iyan, ikaw, Kuran ay inaatasan kong maging pansamantalang pinuno ng mga Berila pagdating ninyo doon. Hindi ako sasama sa inyong paglikas pagkat kailangan kong harapin at protektahan ang Beryl. Ibig sabihin ay babalik pa ako roon upang hindi masira ang pinaghirapan nating lahat na palasyo sa ilalim ng karagatan,” pagpapaliwanag ni Aquarina. Hindi biro ang responsibilidad na nakaatang sa kaniyang balikat at dahil mahal niya ang Beryl at ang mga Berila, nakapagdesisyon na siya. “Maiiwan din ako rito, sampu ng iba pang matatapang na kawal na iyong itinalaga, Aquarina,” muling nagsalita si Kuran at hindi pumayag sa gustong mangyari ni Aquarina. Pero hindi rin nagpatinag ang pinuno ng Beryl at naging matigas ito sa kaniyang desisyon. “Ang kaligtasan ng mga Berila ang una sa aking isipan, Kuran. Kaya nararapat lamang na ikaw ang gumabay sa kanila patungo sa silangan. Maiiwan ang sampung mga kawal pero hindi ikaw. Kailangan mong sumunod sa aking sasabihin. Walang pero-pero o anumang rason pang dapat na marinig ko pa. Humayo na kayo dahil ramdam ko na ang papalapit na kalaban. Bilis. Lumangoy na kayo at umalis!” Hindi na nga nagsalita pa si Kuran. Binalingan na lamang niya ang sampung mga kasama niyang kawal at binilinang protektahan ang kanilang pinuno. Sumang-ayon naman ang mga ito at isa-isang nagpaalam ang mga Berila kay Aquarina at lumusong na sa karagatan para simulan ang kanilang paglalakbay patungong silangan. Nang wala na sa paningin niya ang mga ito, siya namang pagsulpot ng mga kalaban sa kanilang likuran. “Hindi na pala natin kailangang languyin ang karagatan at hanapin ang pakay natin. Mukhang galing na ang mga ito sa ilalim upang batiin tayong lahat. Hindi ba, Bulcan?” Nang lingunin ni Aquarina ang nagsalita, napangiwi ito dahil sa mga hitsura nilang hindi kanais-nais. “Kayo ba ang dahilan ng pagsabog at pagyanig sa lupain ng Elementu?” “Kami nga. Ito ang dalampasigang konektado sa kaharian ng Beryl, hindi ba?” tanong ni Ururu. Sa kaniya iniatas ni Helya ang pagkuha ng brilyante ng akwamarin kaya, may lakas na siya ng loob para kausapin ang hindi pa niya nakikilang magandang dilag. “Ako ay natutuwa pagkat isang magandang dilag ang aking masisilayan ngayon. Ikaw ba ang pinuno ng kaharian ng Beryl sa ilalim ng karagatan?” pinuri pa niya si Aquarina pero hindi iyon umubra sa pinuno ng Beryl. “Kung hindi kayo magpapakilala at kung hindi ninyo sasabihin ang inyong mga pakay, wala akong dapat na sagutin sa mga tanong mo,” matigas na sagot ni Aquarina sa harapan ni Ururu. Ikinainis iyon kaagad ni Ururu at nang ibaling ang tingin sa kasamahan at nakita si Bagyo na gagawa na naman sana ng hakbang, mabilis niya iyong pinigilan. “Huwag na huwag kang magtatangkang gawin ang iyong nais. Ako ang may karapatan ngayon sa teritoryong ito!” matatalim na mga titig ang ipinakita ni Ururu kay Bagyo at kibit-balikat lang ang iginanti. Ibinalik ni Ururu ang tingin kina Aquarina at sinagot ang tanong nito. “Hindi ako ang tipong nagpapakilala pero dahil mapilit ka, pagbibigyan kita. Ako si Ururu, siya naman si Bulcan na pumatay kay Diyamande at nakuha ang pulang brilyante ng Karbo. Si Giginto naman ang nasa katabi niyang may hawak ng gintong brilyante na pumaslang kay Auru sa Arum. Ang matigas ang ulo naman ay si Bagyo at ang matabang laging may pagkain ay si Vatu. Malinaw na ba? Maaari ko na bang malaman kung sino kayo?” Matatalim na mga titig na ang pinakawalan ni Ururu nang mga oras na iyon. Matatalim din na mga titig ang ipinukol ni Aquarina. Nginitian niya ito at imbes na sagutin ang tanong ni Ururu, ibang salita ang lumabas sa kaniyang bibig. “Sa bilang ko ng tatlo, mga Berila, sundin ang utos ko. Isa. Dalawa. Tatlo. Langoy!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD