Kabanata Tres: Sa Kagubatan Ng Gororiya

1589 Words
Sa Nakaraang Limangdaang Taon... “Mahirap pala maging unggoy dito sa Gororiya, ina,” minsang naitanong ni Ulay sa kaniyang inang si Aliya. “Pero nakakapagsalita pa rin tayo kahit papaano.” “Ipagpasalamat na lamang natin sa babaeng iyon, anak. Na nakapagsasalita pa tayo. Mahirap sa umpisa pero kailangan nating mamuhay hanggang matapos ang limangdaang taong pagkabilanggo sa katawang ito,” nakangiting sagot ni Aliya sa anak. Kasalukuyan silang naghahanap ng masisigang mga kahoy sa kagubatan ng Gororiya nang mga oras na iyon at halatang-halatang nahihirapan sa pamumulot si Ulay ng mga ito gamit ang kaniyang malalaking mga daliri sa kamay. Ganoon din ang kaniyang inang si Aliya pero lihim lang itong napapangiti. Kahit naman kasi anong gawin nila ay wala pa rin naman silang magagawa dahil hindi pa sila makababalik sa dati nilang anyo--- bilang isang tao. Nasasanay na si Aliya pero si Ulay ay sinusubukan pa ring gawin ang kaniyang parte. Nakailang ulit din siya hanggang sa tuwang-tuwa ito nang mahawakan ang isang bilog at mahabang kahoy na kasya sa mga daliri niya. Ngiting-ngiti naman si Aliya sa anak. Nang sumunod na pamumulot na ni Ulay, nakuha na nito ang tamang paghawak sa mga kahoy at madami na siyang nakakapulot. “Oras na sa pag-uwi, Ulay,” aniya ni Aliya hawak ang bitbit na mga napulot na kahoy. “Ang bilis pala ng oras dito. Parang kanina lang tayo dumating dito pagkatapos ay aalis na agad?” kunwaring reklamo nito. Pero ang totoo ay gusto lang niyang pagbutihin pa ang pamumulot ng mga kahoy. “Oo, Ulay. Marami pa tayong dapat na matutunan sa pamumuhay natin bilang isang unggoy dito sa Gororiya. Ang pamumulot ng kahoy ay isang madaling paraan, anak. May mga mahihirap pang dapat nating matutunan habang tinatapos natin ang limangdaang taong pananatili dito sa kagubatang ito,” paliwanag at pagpapaintindi naman ni Aliya sa anak. “Ganoon po ba? Sige po, ina balik na po tayo sa gitna ng kagubatan baka mayroon din ditong mababangis na hayop at lapain tayo,” sinang-ayunan ni Ulay ang ina at nauna na itong naglakad. Sumunod na rin siya habang iniingatang hindi mahulog ang mga napulot na mga mga kahoy. “Paano po pala ninyo natutunan ang ganito, ina? Hindi ko naman kayo minsan nakitang lumabas ng kaharian ng Bahaghari noong tao pa tayo.” Ipinagpatuloy ni Aliya ang paglalakad habang napapangiti sa anak na kahit unggoy na ay matanong pa rin. “Dahil hindi ka namin sinasama kapag pumupunta kami sa labas at tingnan ang ating mga sakop sa kanilang gawain gaya ng pagsasaka, pangingisda, at pangangahoy na ikinabubuhay nila.” “Bakit hindi po ninyo naikuwento sa akin iyan, ina?” manghang-mangha si Ulay pero hindi nito maitatanggi ang pagdamdam. “Dahil gusto naming paglaanan ng pansin ang pagpapalaki sa iyong isang mabuting anak. Sa paraan lang iyon namin maipapamana ang pagiging mabuting hari kapag ikaw na ang pumalit sa iyong ama.” “Naiintindihan ko po, ina. Nawa ay gabayan po ako ni Bathala sa pangarap ninyo para sa akin at sa ating mahal na mga Bahaghari. Susundin ko po ang lahat ng ituturo ninyo at hindi kakalimutan sa aking puso. Ipapanalangin ko rin pong tumagal pa ang buhay ninyo ni amang hari, ina.” Malinaw na malinaw kay Aliya ang mga katagang binitiwan ni Ulay. Pasasaan pa at magkakatotoo rin ang mga sinasabi niya sa anak. Kahit nasa anyong unggoy pa sila, hindi pa rin niya papabayaan ang anak. Ituturo at ituturo pa rin nila ng kaniyang asawang hari na si Yalu ang mga dapat nitong matutunan sa pamumuno. Ipinagpatuloy na lamang nila ang kanilang paglalakad at hindi na narinig ni Aliya pa ang pagtatanong ng anak na si Ulay. ... SAMANTALA sa Bahagharing inangkin ni Helya... “Anong nakain ng dalawang mga unggoy na ito at namumulot ng kahoy? Akala nila mga tao sila ha? Puwes! Tingnan lang natin kung malalagpasan ninyo ang patibong ko.” Prente itong nakaupo sa tronong inagaw niya mula sa haring si Yalu Bahaghari. Siya rin ang dahilan ng pagiging unggo ng hari at reyna, ng lalaking inibig niyang si Ulay at ang limangdaang taong nakatira sa Bahaghari. Dahil sa hindi pagpayag ni Ulay na gawin siyang kabiyak ay isinumpa niya ang lahat na maging unggoy sa loob ng limangdaang taon sa Gororiya. Naghahanap siya ng hayop sa malaking hugis pabilog na salaming lumulutang sa harapan niya upang gawing pagsubok sa dalawang unggoy, na kung hindi siya nagkakamali ay mag-ina ang mga ito. Wala kasi siyang alam na nakakapagsalita ang mga ito. Ang nakikita lang niya ay ang pagbubuka ng mga bibig ng mga ito. Iyon lamang ang hindi alam ni Helya. Nang may mahagip si Helya na gumagapang... “Ikaw. Ikaw na ahas ka ang gagawin kong pagsubok sa dalawang unggoy na iyon. Gagawin kitang kasing laki nila. Mabuhay man sila o hindi, gagawin ko pa ring miserable ang buhay ng mga unggoy na iyan sa Gororiya!” Pagkatapos makakita ng isang hayop ay nagsimula nang bumigkas ng hindi maintindihang mga salita si Helya. Habang binibigkas ang mga salitang iyon ay dahan-dahan siyang tumayo at isa-isang inangat ang mga kamay. Ang kaliwa ay nakatutok sa nakalutang na salamin habang ang kanang kamay naman nito ay naghahandang ipasa ang kapangyarihang nabubuo sa palad nito patungo sa kaliwang nakatutok sa harapang salamin. Inuutusan ko ang hangin ng Bahaghari Sa aking mga salita, ikaw ay makinig! Gawing dambuhala ang ahas, At pahirapan nang matindi, Ang dalawang unggoy na nakakainis! Pagkatapos sabihin ang mga salitang iyon ay mabilis na itinapat ni Helya ang kanang kamay, katabi ng kaliwa nito't lumabas sa mga palad niya ang itim na usok na pumapasok sa salaming iyon. Isang malamig at nakakapanindig balahibong pakiramdam naman ang mararamdaman sa buong Bahaghari. Mabilis ang pag-ihip ng hangin. Ang mga dahon ay nagsilagasan. May mga punongkahoy na nagsibuwal hanggang sa ang kapangyarihang iyon ay umabot nga sa kagubatan ng Gororiya. ... RAMDAM na ramdam nina Aliya at Ulay ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin sa paligid, sa daang kanilang tinatahak pabalik sa gitna ng kagubatan. Nang sila nga ay pansamantalang tumigil para makiramdam at tingnan ang paligid, nagulat silang pareho sa pagsulpot ng isang malaking ahas sa kanilang harapan. Mabilis na binitiwan ni Aliya ang mga napulot na kahoy at pumagitna sa harapan ni Ulay. “Huwag kang mag-alala, Ulay. Hindi kita pababayaan. Ang mabuti pa ay mauna ka nang pumunta roon at humingi ng tulong,” mahihina na lang mga salitang iyon pero para sa isang unggoy sasapat na iyon para marinig ni Ulay. Magsasalita pa sana si Ulay nang bigla na lamang niyang nakita ang mabilis na paggapang ng malaking ahas papunta sa kanila at hindi niya inasahan ang inang makipaglaban dito. Labas na labas ang mga pangil ng ahas na iyon habang tinutuklaw ang inang ginagamit ang malalaking braso para depensahan ang sarili. Takot ang namayani sa puso ni Ulay nang mga oras na iyon. Hindi niya alam ang gagawin. Ni hindi nga nito namalayang niyayakap na niya ang mga napulot na kahoy nang mga oras na iyon. Nang makitang pumulupot na sa ina ang malaking ahas at pinipigilan naman ng ina ang leeg nitong tutuklawin siya, napasigaw ang ina ng malakas. Dahil sa sigaw na iyon, umalingawngaw ito hanggang sa gitna ng kagubatan. Narinig ito ni Yalu at ng iba pang mga unggoy. Pamilyar na pamilyar sa kaniya ang sigaw na iyon kaya, mabilis siyang naglambitin sa malalaki at matitibay na baging. Ang mga lalaking unggoy naman ay sumunod na rin sa hari nila. Hindi nila ito puwedeng pabayaan dahil sa oras na bumalik sila sa pagiging tao, kailangan pa rin nila ang isang hari. Mabilis lang paglambitin ng hari sa mga baging hanggang sa matanaw na niya ang isang dambuhalang ahas na nakapulupot sa unggoy. Kitang-kita rin nito ang isang unggoy sa likuran nitong pinoprotektahan. Tumalon ito sa harapan at mabilis na kinagat ang katawan ng ahas na iyon. “Maayos ka lang ba,mahal?” tanong nito agad nang kusang umalisa sa katawan nito ang malaking ahas. “Oo... Okay lang ako, Yalu,” hinang-hina ang boses ni Aliya. Inalalayan ito ni Yalu upang itabi muna sa natatakot pang si Ulay. Niyakap naman agad siya ng ina. “Dito lang kayo. Ako na muna ang bahala sa malaking ahas na iyan.” “Sasamahan ka namin, mahal na hari. Poprotektahan kayo namin,” sagot naman ng mga nagsidatingang mga kasamang unggoy. Tumango lang ang hari at nang haharapin na ang dambuhalang ahas, mas nagulat pa sila nang may dalawa pang malaking sumulpot. Ngayon ay tatlong malalaking ahas na ang nasa harapan nila. ... WALA NAMANG KAALAM-ALAM ang mga unggoy na nagdagdag pa si Helya ng dalawa pa at mas makamandag pa ang mga ito kaysa sa nauna niyang nilikha. “Tingnan ko lang kung makakaligtas pa kayong mga unggoy kayo. Binabawi ko nang buhayin kayo dahil ngayon, gusto kong mawala na lang kayo sa aking landas. Hindi ko na hahayaan pang umabot kayo ng limangdaang taon at bumalik sa pagiging tao!” Humalakhak itong bumalik sa tronong inuupuan at prenteng pinapanood ang nangyayari sa kagubatan ng Gororiya. Tatlong malalaking ahas laban sa mga unggoy na kasing laki lang din nila. Pero dahil nga hindi pa sanay ang mga ito sa pag-alam kung makamandag ba o hindi, pinagkatiwalaan na lamang nila ang kani-kanilang mga isipan na kahit anong uri pang ahas ang nasa harapan nila, pare-pareho lang itong makamandag. At ang sumunod na nangyari ay hindi inasahan ng mga mata ni Ulay na mangyari. Isang pangyayaring gigising pala sa kaniyang natutulog na kakayahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD