Kabanata Dos: Makalipas Ang Limangdaang Taon

1129 Words
Kaharian Ng Bahaghari, Limangdaang taon ang nakalipas “Magaling ang inyong mga ginawa,” pagbati ni reyna Helya sa mga magigiting nitong alipores na nagnakaw ng mga mamahalin at importanteng mga bato sa mundo ng Elementu. “Maraming salamat sa inyong papuri, reyna Helya,” sabay-sabay na yumuko at nagbigay pugay ang mga halimaw sa harapan ng nag-iisang reyna na ngayon ng Bahaghari. Limangdaang taon na rin ang nakalipas mula nang isumpa niya ang lalaki at prinsipeng kinahumalingan niya, bago siya mapadpad sa maliit na kaharian ng Bahaghari. “Masaya ako at napagtagumpayan ninyong lahat ang pagnakaw ng mga batong iyan. Siguraduhin lamang ninyong hindi na makababalik iyan sa totoong may-ari. Dahil kung hindi, malalagot kayo sa akin. Naiintindihan ninyo?” Ang tinig nitong dumadagundong sa loob ng bulwagan ng kahariang kaniyang inangkin ang kadalasang mitsa ng takot sa mga alipin niya at mga alipores. “Makakaasa po kayo, reyna Helya. Itatay ko po ang aking buhay at pupuksain ang sinumang magtatangkang kukuha ng bato ng diyamante sa akin,” sagot at pagbibigay kasiguruduhan ni Bulcan sa harapan ni Helya. “Ang batong kulay ginto ay aking iingatan nang hindi ito makuhang muli ng tunay na may-ari at hari ng Arum na si Auru, mahal na reyna Helya,” pagtitiyak naman ni Giginto. “Kung sakali mang makuhang muli ang bato ng akwamarin, muli kong paiibigin si Aquarina, mahal na reyna,” pagbibida naman ni Ururu. “Walang sinuman mang makakasira ng aking kapangyarihan kapag may magtangkang kumuha ng batong Opal ko,” nagbida rin si Bagyo sa harapan ng reyna at ng iba pa na lumikha pa ng mala-ipuipong hangin sa kaniyang mga palad. “Ang pagkain at paborito kong pagkaing Amatista ay hindi kailanman makukuha sa loob ng aking tiyan. Makakaasa ka, mahal na reyna Helya,” huling nagsalita at nagbigay ng katiyakan ay si Vatu na panay pa ang nguya ng amatistang batong nasa kamay niya. “Siguraduhin lamang ninyong lima. Alam ninyo ang magiging kaparusahan. Buhay ninyo ang siyang magiging kabayaran. Humayo na kayo at bantayan ang espesyal na mga batong iyan. Alis!” Muling umalingawngaw ang boses ni Helya. Nagmamadali na itong paalisin ang mga halimaw sa harapan niya pagkat malapit na rin sumapit ang takipsilim. “Masusunod, mahal na reyna Helya,” sabay-sabay namang sagot ng mga ito at isa-isang nagsipaglahong parang bula sa harapan niya. Nang mawala sina Bulcan, Giginto, Ururu, Bagyo, at Vatu sa kaniyang harapan, mabilis din niyang nilisan ang bulwagan at lumitaw sa pinakatuktok at tore ng Bahaghari na kaniyang ipinagawa. Dahil lahat ng mga tao ng Bahaghari ay isinumpa niyang maging mga unggoy at ipinadala sa Gororiya, wala siyang pagpipilian kung hindi ang gamitin ang kaniyang kapangyarihan at gumawa ng sariling mga utusang tao upang gawing alipin. Nang lumitaw sa loob ng masikip at pang-isahang taong tore na iyon, humarap ang matandang hukluban sa maliit na kulay puti at bilog na kristal na nakapatong sa gawa sa batong mesa sa masikip na toreng iyon. “Salamin, salamin. Ipakita sa akin ang nangyayari sa Gororiya.” “Salamin, salamin. Ipakita sa akin ang nangyayari sa Gororiya.” “Salamin, salamin. Ipakita sa akin ang nangyayari sa Gororiya.” Tatlong beses na inulit iyon ni Helya at lumiwanag ang puting bolang kristal sa kaniyang harapan at ipinakita ang nangyayari sa lupain ng Gororiya kung saan niya ipinadala at isinumpa ang binatang si Prinsipe Ulay. ... Sa lupain ng Gororiya naman, bilang na bilang nina Ulay, haring Yalu, at reyna Aliya ang ikalimangdaang araw ng kanilang paghihirap. Nagtitipon-tipon na rin sa kanilang harapan, sa gitnang bahagi ng kagubatang iyon ang mga ibang isinumpang unggoy at iba pang uri ng unggoy upang saksihan at umaasang babalik at babalik sila anyong tao. Tahimik ang paligid. Pansamantalang nilamon ng katahimikang iyon ang mga pusong sabik na sabik na makabalik sa dating anyo. Tanging mahihinang huni ng mga ibon, lagaslas ng tubig sa batis, at mga naapakang tuyong mga dahon sa paligid ang maririnig. Nakapikit ang mga mata ng lahat. Naghihintay sa magiging resulta ng limangdaaong pagkabilanggo sa sumpa at paghihirap sa kagubatang naging kanilang pangalawang tirahan. Ilang sandali pa ay isa-isang nagliwanag ang kani-kanilang mga katawan at ang buong kagubatan ng Gororiya ay mistulang mga bituing nagkikislapan hanggang sa unti-unting mawala ang liwanag at bumalik ang kanilang mga katawan sa anyong tao. “Mahal na hari. Mahal na reyna. Mahal na prinsipe, Ulay. Bumalik na tayo sa ating mga dating anyo!” sigaw ng isang tagasilbi ng mga ito nang makita ang dating mukha ng hari, reyna, at prinsipe. Lahat ay nagbunyi. Nagyakapan. Nagsipagsayawan. Nakatawa. Mangiyak-ngiyak. May ila namang lumuhod sa harapan ng hari at reyna upang humingi ng kapatawaran sa kanilang ginawang kamalian. “Mahal na haring Yalu, at reyna Aliya, ako po ay taos-pusong humihingi ng kapatawaran mula sa inyong mababait na mga puso. Handa po akong tanggapin ang anumang kaparusahan sa ginawa ng matabil kong dila at sa hindi pagtiwala sa inyong makababalik tayo sa anyong tao.” Nakayuko at nakaluhod ito sa paanan ng hari at reyna. Nagkatinginan naman ang hari at reyna at ibinigay ang pagkakataon kay Prinsipe Ulay na magsalita sa harapan ng mga taga-Bahaghari. “Oras na upang ikaw naman ang magsalita sa harapan namin, Ulay,” utos ni haring Yalu kay Ulay. “Hephep. Bago iyan, nais ko munang tuparin ang ipinangako ko sa iyo, anak. Naalala mo pa ba?” singit ni reyna Aliya at tumango naman si Ulay nang maalala ang napag-usapan nila noon. “Handa ka na bang marinig?” “Opo, ina. Handang-handa na,” sagot niya. “Ngayong handang-handa ka na, nais kong sabihin sa iyo ang paraan kung paano natin mababawi ang kaharian natin sa kamay ni Helya. Tatlong ilog at dalawang bundok mula dito sa Gororiya, matatagpuan mo ang bundok ng Elementu kung saan naroon ang isang matandang ermitanyong kailangan mong tulungan. Kapag natulungan mo na siya, ang ermitanyong iyon ang iyong magiging gabay at magtuturo sa iyo landas na tatahakin mo kung paano magagapi ang kampon ng kasamaan. Malinaw ba sa iyo, anak?” paliwanag at pag-eesplika ni reyna Aliya sa prinsipe. “Malinaw na malinaw po inang Reyna,” sagot niya. “Maaari ka nang magsalita tungkol sa nakaluhod sa ating harapan, anak,” muling pagpapaalala ni haring Yalu at agad na naglakad patungo sa harapan ng mga nakaluhod si prinsipe Ulay. “Tumayo kayong lahat na nakaluhod at makinig sa aking sasabihin.” Tumayo naman ang mga ito at nagsimulang makinig. “Sa araw na ito, sisimulan ko ang aking paglalakbay upang sundin ang sinabi sa akin ng mahal na reyna. Kapag nagtagumpay ako sa aking paglalakbay at madadagdagan ang aking lakas, sisiguraduhin kong maibabalik ko ang ating kaharian at muli tayong babalik sa Bahaghari. Isinusumpa ko sa inyong harapan na tatalunin ko si Helya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD