SA MUNDO NG ELEMENTU,
ISANG LIBONG TAON ANG NAKALIPAS
Sa tahimik at maalamat ng lugar na kung tawagin ay Elementu, naninirahan ang mga iba't ibang uri ng nilalang. Mga nilalang na hindi nakikita ng isang normal na tao dahil malayo ito sa mundo ng mga mortal. Ang Elementu ay pinamumunuan ng isang engkantadong hindi kailanman nakikita ng mga naninirahan dito. Ang tanging pinapakitaan lang ng engkantado ay ang limang pinuno ng mga lupaing sakop nito. Iyon ay sina Diyamande, Auru, Aquarina, Shila, at Feru.
Ang Elementu ay may limang bayang magkakalayo. Mahigit lima hanggang sampung orasa ang lalakarin mo para marating ang susunod na mga bayang gusto mong puntahan. Dahil sa engkantadong iyon ay biniyayaan ang buong Elementu ng katahimikan, kasaganaan, at kayamanang kailangan nilang ingatan. Ang limang pinuno ay binigyan din ng engkantadong iyon ng responsibilidad na dadalhin nila habambuhay.
Sagana ang Elementu sa limang mahahalagang elemento ng kalikasang pinakaiingatan ng engkantado. Sa engkantadong iyon kasi ibinigay ng Reyna ng Kalikasan na si Malaya ang malaking responsibilidad para pangalagaan ang mga ito na hindi makuha ng kampon ng kasamaan. At dahil importante para sa engkantado na itago ang mga ito, mahigit limang daang taon din niya itong iniingatan nang mag-isa lamang. Ngunit dahil natagpuan niya ang Elementu, dito niya binuo ang isang kumunidad at nakilala ang mga imortal na may dugong kalahating tao at engkantado. Napagpasiyahan nitong itatag ang Elementu at hatiin ang responsibilidad sa may busilak ang puso.
Ang engkantado ang pumili sa limang mga taong iyon noong mga bata pa ito at nang masiguradong karapat-dapat nga ang mga ito, dinala niya ang mga ito sa pinakatuktok ng bundok ng Elementu. Wala pang kamalay-malay ang pare-parehong isandaang taong gulang nang mga panahong iyon na sina Diyamande, Arum, Aquarina, Shila, at Feru sa naghihintay na responsibilidad sa kanila. Gulat na gulat din ang mga ito nang isa-isa silang lumitaw sa tuktok ng Elementu.
“Anong ginagawa ko rito?” tanong ni Diyamande sa sarili.
“Nasaan ako? Sino kayo?” gulat namang tanong ni Auru nang makita sa kauna-unahang pagkakataon ang mga mukha ng hindi niya kilala.
“Walang tubig? Hindi ako mabubuhay ng walang tubig dito,” reklamo naman ni Aquarina nang makitang puro damuhan ang nakikita.
“Ang ganda ng lugar. Napakapresko ng ihip ng hangin,” lahat ay ibinaling ang tingin sa nagsalitang si Shila. Umupo pa ito at pumikit para lalong maramdaman pa ang preskong hanging dumadampi sa kaniyang buong katawan.
“Hindi ko kayo kilala pero magpapakilala ako. Ako nga pala si Feru, mula sa Perrue,” nakangiti ito sa harapan ng apat pero ni isa ay walang pumansin sa kaniya. Si Feru na lang ang lumapit sa kanila isa-isa upang makipagkamay.
“Diyamande, mula sa lupain ng Karbo,” ngumiti na rin at sumagot si Diyamande nang makipagkamay si Feru.
“Auru, mula sa Arum,” pilit namang sumagot si Auru nang kaharap na nito si Feru.
“Aquarina, mula sa Beryl na may maraming tubig. Tubig, kailangan ko ng tubig,” hindi ito nakipagkamay dahil kanina pa ito palinga-linga sa paghahanap ng tubig.
“Hindi mo na kailangang makipagkamay sa akin. Ako si Shila, mula sa Sixila,” nakapikit pa rin si Shila at patuloy na dinadama ang pagkakataong masamyo ang preskong hanging dumadampi sa kaniyang buong katawan.
Napangiti naman si Feru nang makilala isa-isa ang mga bagong mukhang sa isipan na magiging kaibigan niya rin sa huli. Ang limang mga batang nasa edad isangdaang taon ay nanatiling nagtataka at naglilibot sa paligid kung bakit sila lumitaw sa tuktok ng bundok ng Elementu.
“Magandang araw sa inyong lima.”
Isang boses ang narinig nila at nang hanapin ang kinaroroonan ng tinig ay nakita nila ang isang imahe ng liwanag nakakasisilaw. Lahat ay napapikit sa liwanag na iyon at nang mawala ito ay gulat na gulat ang kanilang mukha sa nakita. Hindi nila inasahan ang imahe ng isang lalaking may matikas na tindig sa kanilang harapan.
“Ako si Hariya, ang engkantadong nakabantay sa buong Elementu, sa lupaing tinitirhan ng pamilya ninyo at dito sa tuktok ng bundok na kinatatayuan ninyo ngayon,” pagpapakilala nito. Tahimik at sadyang hindi makapagsalita ang lima sa nakikitang engkantado.
Ni minsan sa kanilang isipan ay hindi nila inakalang masisilayan nang personal ang engkantadong sa mga kuwentong bayan lang nila naririnig sa kani-kanilang mga tahanan. Dahil nagpakita ito sa kanila, magalang na lumuhod ang mga ito at nagbigay ng kanilang respeto.
“Tumayo na kayo, mga anak. Hindi ninyo kailangang maging pormal sa akin. Hindi ako Diyos para inyong luhuran at sambahin. Tumayo kayo at makinig sa aking sasabihin,” pinaalalahanan ni Hariya ang mga ito at inutusang tumayo.
Nang tumayo ang mga ito at ibinalik ang tingin, nagulat naman sila dahil nagpalit ito sa isang gusgusing matandang may hawak na baston. Tahimik pa rin ang lima. Hindi ito nagtatanong pagkat alam nilang wala silang karapatang gawin iyon sa harapan ng tagapangalaga at may-ari ng buong Elementu.
“Huwag ka nang mag-alala, Aquarina,” sa isang pitik ng dalawang daliri nito, lumabas sa kani-kanilang katawan ang mga ito na ikinagulat ng lima.
“Ang init!” sigaw nang sigaw si Diyamande nang maramdaman ang lumiliyab ng apoy sa kaniyang katawan.
“Bakit ang daming nakasabit na mga baging sa aking katawan?” tanong naman ni Auru nang mapansin ang mala-gintong kulay ng baging na nakapulupot sa katawan.
“Tubig. Gusto ko itong tubig. Salamat po, mahal na engkantado Hariya,” tuwang-tuwa naman si Aquarina nang maging presko ang pakiramdam nito dahil sa tubig na nakapalibot sa kaniya.
“Maraming salamat po sa ipinagkaloob ninyo, mahal na engkantado,” isang pasasalamat na lamang ang sinabi ni Shila nang makita ang sariling lumulutang.
“Bakit sila po mayroon, mahal na engkantado? Bakit po ako wala?” nakangiting tanong ni Feru. Ang tatlo ay napalingon sa kaniya habang si Diyamande naman ay pilit na kinokontrol ang apoy sa kaniyang katawan. Nang pinakalma ang isipan, unti-unti na ring tinatanggap ng katawan nito ang apoy.
“Nariyan na sa iyong puso, Feru ang elemento ng pagmamahal. Hindi ito nagliliyab pero mas tumitindi ito kapag nas panganib. Mas mahalaga pa ito sa ginto, mas malalim pa sa kailaliman ng karagatan, at mas presko pa sa hangin ng ating inang kalikasan. Dahil sa iyong puso nariyan ang kapangyarihan ng pagmamahal, Feru,” paliwanag naman ni Hariya sa nakangiting mukha ni Feru.
“Maraming salamat po, mahal na engkantado. Ano po ang gagawin namin dito? Bakit po ninyo kami binigyan ng kapangyarihan?” nagpasalamat muna si Feru bago nagbitaw ng isa pang tanong. Ikinagulat nito ng apat dahil sa kanilang lima, si Feru lang ang may lakas ng loob na magsalita o magtanong sa harapan ng engkantado.
“Dahil dito, mga anak,” sagot nito at nang itaas nito ang sungkod, nakita ng lima ang limang elementong isa-isang ibinigay sa kanila. “Diyamande, sa iyo ko ibinibigay ang responsibiilidad at pangangalaga sa elemento ng apoy na pulang diyamente. Sa iyo naman ang kulay gintong bato Arum. Ikaw naman ang magpoprotekta sa kulay asul na bato ng akwamarin, Aquarina. Sa iyo ko naman ipinagkakaloob ang bato ng opal, Shila. At ang panghuli, ang huling bato ay nasa iyong puso na Feru.”
Lahat ay hindi makapaniwala nang isa-isang pumasok sa kani-kanilang mga puso ang mga batong kailangan nilang ingatan. Nawala na rin ang nagliliyab na apoy sa katawan ni Diyamande. Maging ang mga gintong baging na nakapulupot sa katawan ni Arum ay natanggal na rin. Presko na rin ang pakiramdam ni Aquarina nang wala nang tubig na nakapalibot sa kaniya habang si Shila naman ay nakatapak na ring muli ang mga paa sa lupa. Si Feru naman ay hindi pa rin matanggal-tanggal ang mga ngiti. Nakahawak pa ang dalawang kamay nito sa dibdib kung saan naroon ang kaniyang puso.
“Inyong pakatandaan na sa oras na ito, gusto kong ipaalam sa inyo na ibinibigay ko na sa inyong pangangalaga ang mga elementong iyan. Huwag na huwag ninyong hahayaang mapasakamay ang mga ito sa kamay ng masasamang taon. Bakit? Dahil limangdaang taon mula ngayon ay may sisira sa katahimikan ng inyong mga bayan. Kung sakali mang mawala ang mga iyan, manakaw, o maging dahilan ng inyong kamatayan, darating din ang isang mortal upang bawiin ang mga ito sa kamay ng mga kalaban at kayo ay mabubuhay. Sa oras na kayo ay kaniyang mabuhay, kailangan ninyo siyang tulungan upang magapi ang tunay na kalaban. Nawa ay naintindihan ninyo ang aking mga sinabi at ikintal sa inyong isipan at puso ang lahat. Hanggang sa muli nating pagkikita, Diyamande, Arum, Aquarina, Shila, at Feru.”
Nawala na sa kanilang harapan ang engkantado. Isa-isa ring nawala ang lima sa tuktok ng bundok ng Elementu at isa-isa ring lumitaw ang mga ito sa kani-kanilang mga bayan dala ang mga bilin ng engkantadong pumuprotekta sa kanilang lahat. Masiglang-masigla ang mga itong bumalik sa kani-kanilang mga gawain na hindi kailanman iniisip ang darating na mangyayari limangdaang taon mula sa kanilang panahon.
“Iingatan ko ito ng buong puso habambuhay,” pangako ni Diyamande sa kaniyang sarili habang nakalagay ang kanang kamay sa kaniyang dibdib sa bayan ng Karbo.
“Kung kailangang ibaon ko ang aking sarili sa lupa, huwag ka lang makuha ng kampon ng kasamaan ay gagawin ko,” bulong naman sa sariling sabi ni Arum sa bayan ng Auru.
“Hinding-hindi ka nila makukuha sa akin. Magiging delubyo ang kahihinatnan,” nakatingin sa kalangitang sabi ni Aquarina at mabilis na lumangoy pailalim ng karagatan.
“Sisirain ko ang sinumang magtatangkang kunin ito sa aking katawan,” naipangako naman ni Shila sa kaniyang sarili nang makabalik sa kanilang bayan na kung tawagin ay Sixila.
“Ang puso ko ang buhay at ang puso ko rin ang kamatayan. Gagawin ko ang lahat mapangalagaan lamang ang elemento ng pagmamahal, mahal na engkantado. Marami pong salamat,” masiglang-masiglang sabi ni Feru habang nakatingin sa papalubog nang araw sa kaniyang harapan.