SA TORE NG KAHARIAN NG BAHAGHARI
MABILIS NA SUMAPIT ang gabi sa kaharian ng Bahaghari at nasa toreng muli si Helya. Nag-iisip sa nalalabing kalahating araw bago ang pagsapit bukas ng pagtatapos ng limangdaang taon. Hindi sa takot siya sa posibleng pag-atake nina Ulay upang bawiin ang Bahaghari, kung hindi dahil bukas ay o mamayang hatinggabi makikita ang kabilugan ng buwan. Iyon na rin ang hudyat ng pagbabalik sa normal nina Ulay. Na kailangan niyang mapigilan sa ibang mga Bahaghari. Plano niyang hindi lahat ay makababalik sa normal mula sa kaniyang sumpa at pahihirapan niya si Ulay na mabawi ang kaharian niya.
Kung tungkol naman sa gayumang ginawa niya, masaya siyang malaman na tumalab naman ang mga ito sa mga alipin niya. Wala na ang mga ito sa kaniyang kapangyarihan kung hindi ay nasa ilalim na ito ng gayumang ginawa niya. Nauutusan na niya ang mga ito sa anumang gustong gawin niya. Nakakapagsanay na rin ang mga ito nang hindi niya sinusubaybayan. Kaya wala siyang dapat na alalahanin kung hindi ang gumawa ng paraan para pigilan na lamang ang pagbabalik tao ng mga Bahaghari. Malapit nang sumapit ang hatinggabi at kanina pa siya buklat nang buklat ng mga pahina sa Libro ng Mahika.
“Nasaan ang sagot. Nasaan ang sagot. Libro ng Pahina ipakita sa akin ang sagot sa katanungan sa aking isipan. Ibigay mo sa aking ang tamang pahina!”
Ginamitan na niya ito ng kaniyang kapangyarihan at kaliwa at kanang palipat-lipat ang mga pahina ng libro hanggang sa tumigil ito sa huling pahina kung saan tumambad sa kaniyang harapan ang sagot sa kaniyang katanungan. Dahil sa nakitang iyon ay lumapad ang kaniyang mga ngiti at sinimulang basahin ang engkantasyong nakasulat roon. Tumapat ang matandang hukluban sa balkonahe ng tore. Hawak ang pahinang nasa Libro ng Mahika ay nagsimula na itong magsalita sa nakasulat sa libro.
Malalim ang gabi sa isang sumpang hinabi
Ihip ng hangin sa pagsapit ng hatinggabi ay pakinggan ang mga salita sa aking mga labi
Hiling sa gabing madilim na pigilan ang anumang sumpang mangyayari
Huwag hayaang ang lahat ay bumalik nang muli pa sa dati!
Limang beses inulit ng matandang hukluban na iyon ang mga salitang nakasulat sa libro hanggang sa ang napakagandang gabi ay napalitan ng pagkulog at pagkidlat. Ang ihip ng hangin ay nagbago sa isang iglap. Kulay itim na rin kalangitan nang mga sandaling iyon sa labas ng tore ng Bahaghari. Nakataas pa rin ang dalawang kamay ni Helya na nasa anyong matanda. Hindi pa kasi tapos ang sinasabi ng libro. Simula pa lamang pala iyon ng engkantasyong sinambit niya. Hinintay niya munang kumulog at kumidlat at mag-iba ang ihip ng hangin nang mga oras na iyon. Ngayon ay tatapusin na niyang sambitin ang huling apat na taludtod sa librong nakasulat.
Ang ilog sa batis ay tataas
Ang matandang puno ay mamamatay
Ang mga hayop ay magiging mabangis
Sa pagsapit ng hatinggabi, lahat ay makakasaksi
Ng kasamaan at piling-piling isinumpa ang babalik sa dati!
Lalong lumakas ang pagkulot at mga pagkidlat. Lumalakas na rin ang ihip ng hangin sa paligid na malayo sa labas ng kaharian ng Bahaghari. Ang mga ulap ay lalo pang nangitim at bumabagsak na rin nga ang mga ulan sa lugar kung saan ang mga unggoy at mga gorilya ay sa kagubatan ng Gororiya ay nagsisimula nang mangamba lalo na sina Ulay na hindi inasahan ang mangyayari sa pagtatapos ng limangdaang taong sumpa sa kanila.
...
SA KAGUBATAN NG GORORIYA...
Hindi inasahan ni Ulay ang pagsungit ng panahon. Ang lahat ay nagtitipon-tipon na sa sentro, gitna ng kagubatan ng Gororiya nang mapansin nila ang pagsungit ng panahon. Ang biglaang pagkulog at pagkidlat ay hindi nila inasahan nang mga oras na iyon. Lalo pang nanginig sa takot ang mga batang unggoy nang bumagsak na ang ulan.
“Hindi tayo aalis sa sentrong ito, mga Bahaghari,” si Ulay ang nagsalita sa harapan ng mga Bahagharing nasa anyong unggoy. Gusto niyang ang lahat ay nasa gitna ng kagubatan.
Sumunod ang lahat sa awtorisadong boses ni Ulay ngunit ang lahat ang nagitla nang makita nilang ang tubig mula sa batis ay tumaas at umabot na sa sentro ng kagubatan. Ilang oras na lamang ang nalalabi upang matapos ang sumpa sa kanilang lahat. Tahimik lamang sina haring Yalu at reyna Aliya. Katabi naman ni Ulay sina Aurora at Satur na ramdam din ang kakaibang sungit ng panahon.
“Ramdam kong may mangyayaring hindi maganda sa gabing ito, mahal na hari at reyna, Ulay,” komento ni Satur. Lagpas mga tuhod na rin nilang lahat, liban sa mga batang unggoy na nasa taas ng mga puno kumakapit.
Lumalakas na rin ang ihip ng hangin nang mga oras na iyon at hindi na rin napigilan ang pagtaas pa ng tubig na nagmumula sa batis.
“Lahat ay kumapit at magsipaghanda! Ramdam ko ang pagyanig. May mga bisita tayong kailangang batiin sa gabing ito, mga kasama!” sigaw ni Ulay sa mga kasamahang mga Bahaghari. Sinegundahan naman ito ng kaniyang amang hari at reyna.
“Maghanda sa pag-atake! May mababangis na hayop tayong makakalaban!” si reyna Aliya naman ang sumigaw upang balaan ang iba.
Hindi nga sila nagkamali dahil sa pagtaas ng tubig na nagmumula sa batis ay lumitaw ang nanari-saring dambuhala at mababangis na nilalang. Ang ilan sa mga gorilya ay hindi inasahan ang paglitaw ng mga iyon sa kanilang harapan. Ang iba ay nakagat at ang iba naman ay nalason. Sina Yalu, Aliya, Satur, Aurora at Ulay naman ay nakikipaglaban sa mga ito. Isang kakaibang gabi ang kailangan nilang lagpasan bago ang pagsapit ng umaga upang malaman ang pagtatapos ng kanilang mga sumpa.
“Kailangan nating mabuhay sa gabing ito upang maisakatuparan ang pagtatapos ng ating mga sumpa. Kung kinakailangang lipulin at paslangin sila ay gagawin natin! Para sa ating pagbabalik sa normal!”
May diin ang mga salitang binitiwan ni Ulay nang mga oras na iyon. Tuloy-tuloy lang ang pakikipaglaban niya sa mga mababangis at iba't iba pang mga hayop na dambuhala sa kanilang mga harapan. Hindi naman nagpatinag ang mga ibang gorilya sa pag-asang makababalik sila sa normal, sa sumpang mula kay Helya. Ang hindi nila alam, sa pagtatapos ng hatinggabing iyon ng kanilang pakikipaglaban ay may naghihintay pala sa kanilang isang masamang balita.
...
BALIK SA TORE NG KAHARIAN NG BAHAGHARI...
Nakaupo na si Helya sa matandang anyo nito at nakatingin sa nangyayaring panahon sa labas ng Bahaghari. Nasa harapan din niya si Salamin na ipinapakita ang nangyayari sa loob ng kagubatan ng Gororiya. Kanina pa ito humahalakhak sa kasiyahang hindi makapaghintay na sumapit ang hatinggabi at matapos ang umaga upang makita ang mangyayari sa sumpang siya ang may kagagawan.
“Sugatan ninyo sila. Paslangin kung kinakailangan. Huwag ninyong hayaang lahat ay makababalik sa kanilang dating anyo. Pahirapan sina Ulay! Pahirapan ninyo!”
Ayaw mawala ang napakalapad na ngiti sa labi ng matandahang hukluban habang pinapanood at pinapakinggan kay Salamin ang mga hiyaw, sigaw, na nagmumula sa mga sakit at pinagdadaanan ng mga isinumpa niyang mga unggoy at gorilya. Maliban sa ama at hari nito, sina Ulay, Aurora, at Satur ay panay ang pagprotekta sa kanilang sarili at sa iba pa. Kitang-kita sa salaming iyon ang pagod, paghingal, at nanari-saring mga hiyaw mula sa mga inaatake ng mababangis na hayop na kanilang kinakalaban.
“Hindi ko hahayaang makabalik ang lahat sa pagiging anyong-tao, kaya ikinalulungkot ko, Ulay, hindi magkakatotoo ang mga pangarap mong makabalik kayong lahat na Bahaghari sa normal!”
Dumagundong ang lakas ng tawa ni Helya nang mga oras na iyon. Walang tigil naman sa pag-atake ang mga mababangis na hayop hanggang sa sumapit na nga ang hatinggabi. Isa-isang nagsipaglaho ang mga mababangis na hayop. Ikinagulat nina Ulay ang nangyayari at nang mapagtantong sumapit na ang oras na kanilang hinihintay, nag-abang na ang mga ito sa kanilang pagbabalik tao.
Ang tubig sa batis ay humupa at bumaba. Tumigil na rin ang ihip ng hangin. Unti-unti nang nawawala ang mga hayop na kanilang kinalaban. Ias-isa na ring pumikit ang mga sugatan at napagod ng mga unggoy at gorilya nang mga oras na iyon. Isang maliwanag na buwan ang bumulaga sa lahat at nang madaan ng liwanag na iyon ang mga batang unggoy at gorilya, isang nakasisilaw at magkakasunod na liwanag ang nakita ng matandang hukluban sa salamin.
...
SA SENTRO, sa kagubata ng Gororiya naman ay nanatiling nakapikit ang lahat. Hindi nila nakikita ang nangyayari sa kanilang paligid pero ramdam nila ang kakaibang enerhiyang bumabalot sa kanilang mga katawan. Habang nagtatapos ang hatinggabi at sumasapit ang umaga ay dahan-dahan namang nawawala ang liwanag na iyon at unang bumalik sa pagiging tao ay ang prinsipeng si Ulay. At nang dumilat ito ay nakita niya sa tabi niya sa kauna-unahang pagkakataon ang anyong-tao nina Aurora at Satur. Subalit...
“Bakit? Bakit tayong tatlo lamang ang nakabalik sa normal? Bakit hindi kayo ina, ama at ang iba pa?”
Walang makuhang sagot si Ulay. Pero nabibingi ang tainga niya sa mga iyak at galit na naririnig niya sa mga hindi pinalad na bumalik sa dating mga anyo nito. Napaluhod na lamang si Ulay sa harapan ng kaniyang amang hari at reynang nasa anyong gorilya pa rin. Hindi naman naitago nina Aurora at Satur ang lungkot sa nakikita. Tanging silang tatlo lamang ang nakabalik sa anyong tao.
“Limangdaang taon! Limangdaang taon tayong naghintay! Pero bakit ganito? Helya! Helya!” sigaw nang sigaw si Ulay nang mga sandaling iyon.
Hindi na rin naitago nina Yalu at Aliya ang lungkot na nararamdaman nila. Gustuhin man nilang sagutin ang tanong ng anak, wala rin silang makuhang sagot sa tanong na bakit. Lumapit si reyna Aliya upang yakapin ang anak na nakabalik na ito sa pagiging tao. Ganoon rin si haring Yalu, na kahit hindi sila pinalad na muling bumalik sa kanilang tunay na anyo, masaya naman siyang makita ang anak, si Aurora, at Satur na nakawala na sa sumpa ng isang mangkukulam.