KabanataTrenta Y Uno: Nalalabing Isang Daang Taon Sa Gororiya

1543 Words
Nalalabing Isang Daang Taon sa Gororiya Ulay's Point of View Sa nalalabing isang daang taon sa Gororiya ay mas naging maingat ako, ang aking amang hari at inang reyna sa aming mga galaw. Maging sina Aurora at Satur ay mahigpit akong binabantayan. Naroon sila sa mga paborito kong lugar na puntahan kahit ang totoo ay kaya ko naman. Masakit lang minsang makita na naglalambingan ang dalawa sa harapan ko. “Saan ka pupunta, Ulay?” nahuli na naman ako at walang ibang nakahuli sa akin kung hindi si Aurora. “Iiwan mo na naman kami ni Satur? Akala ko ba walang iwanan ha?” “Maghinay-hinay ka sa iyong mga salita, Aurora. Prinsipe iyan at anak ng ating hari at reyna. Hindi ka dapat nagtataas ng tono sa kaniya,” saway at singit ni Satur kay Aurora. Sanay na ako sa dalawa. Lalong-lalo na kay Au. Ganoon naman iyon kapag ako ang kaharap niya. Ako na rin naman kasi ang nagsabi dati na huwag nang maging pormal sa akin. Totoong sanay na nga ako sa kanilang dalawa. Kahit pa nasasaktan din ang kalooban kong makitang nilalanggam na lang palagi ang dalawa. “Huwag na kayong magtalo na dalawa,” saway ko. “Ikaw naman, Tur. Hayaan mo na si Au na pagalitan ako. Nasabi ko na sa kaniya at sa iyo na hindi ninyo kailangang maging pormal sa akin. Wala tayo sa ating kaharian na Bahaghari. Nasa Gororiya tayo. Mga gorilya at unggoy tayo at hindi mga tao. Kaya, natural lang na marinig ko mula kay Aurora ang mga pagpipigil niya kapag nahuhuli niya akong nawawala.” Tumahimik na lamang si Satur. Taas-noo namang nakatingin sa akin si Aurora. Kulang na lang ay hampasin niya ako ng malalapad at malalaking mga kamay sa pisngi. Hindi na lang ako tumingin sa kaniyang nanlilisik na mga mata. Itinuon ko na lamang ang aking atensyon sa pupuntahan ko. Hindi ko na pinansin ang dalawa kung susundan ba nila ako hindi. Alam na rin naman nila kung saan ako pupunta e. Kapag tumahimik na kasi ang mga ito, ramdam kong nakasunod na sila sa akin. Hindi na ako magrereklamo niyan. “Kapag kayong dalawa nasa panganib na naman ha? Sinasabi ko sa inyo, hinding-hindi ko kayo tutulungan.” Humarap ako sa kanila at hindi nagsalita. Walang imik na tinitigan lamang nila ako pagkat alam nilang ililigtas ko na naman sila sa tiyak na kapahamakan. “Paumanhin kong minsan ay nagiging pabigat kaming dalawa sa inyo, mahal na prinsipe este Ulay,” hindi talaga pinalagpas ni Satur na hindi magsalita kahit tumahimik na ito. Ang mga salitang iyon ay naging lungkot sa aking puso. Pero hindi ko pinahalata. Hindi ako sumagot sa komento ni Satur. Bagkus ay ngumiti lang ako at nang marating ang batis ay inilublob ko ang aking sarili sa malamig at preskong tubig roon. “Hindi mo kailangang maging matapang sa lahat ng oras, Ulay. Alam naming pareho ni Satur na dati kang duwag pero hindi mo pinalalagpas na hindi gumawa ng paraan para tulungan ang mga nangangailangan. Para sa akin ay handa ka nang maging isang susunod na hari ng Bahaghari.” Gulat ako sa mga salitang binigkas ni Aurora. Hindi ko alam ang isasagot ko pero sa kaibuturan ng aking puso ay hindi pa talaga ako handang maging susunod na hari. Kapag nakabalik na sa normal ang lahat ay magsisimula pa lamang ang aking pagsubok. Hinihintay ko pang sabihin sa akin ni inang reyna Aliya ang paraan kung paano ko mababawi ang Bahaghari sa kamay ni Helya. Nagtungo pa ako sa malalim na parte ng batis at doon ay buong katawan ko ang inilublob ko sa tubig. Nang umahon ako, isang pamilyar na tinig ang aking narinig. “Malalim ba? Mas malamig at presko ba ang tubig sa malalim, Ulay?” tanong nito at nang lingunin ko ang nagsalita, si inang reyna pala. Umahon ako at nagtungo sa kinauupuan niya. “Napabisita po kayo, ina?” isang tanong rin ang ibinalik ko sa kaniya. Umupo na rin ako sa tabi nito at hinintay ang kaniyang magiging sagot. Pero iba ang inasahan kong marinig sa kaniya. “Malapit nang magtapos ang limangdaang taong sumpa sa atin ni Helya, anak. Hindi ka ba nananabik na bumalik sa normal?” aniya. Pansamantala rin akong natigilan sa kaniyang mga sinabi. Nahirapan din akong sumagot sa tanong niya. Pero pagkatapos ng halos limang minutong pananahimik ay sumagot din ako. “Sinong hindi sabik na makabalik sa pagiging tao, ina? Limangdaang taong paghihirap ang dinanas natin dito sa kagubatang ito. Limangdaang taon tayong naghintay na malagpasan ang mga pagsubok dito. Hindi lang ikaw o ako ang magiging masaya kapag naging tao na muli tayo, ina,” naging natural lang ako sa kaniya. Parang noong mga tao pa lamang kami at bata pa akong ginagabayan niya sa lahat ng bagay. “Sa tingin mo kapag naging normal na tayo, na nakabalik na tayo sa pagiging tao ay handa ka nang malaman ang paraan kung paano mo mababawi ang ating kaharian sa kamay ni Helya, na isang mangkukulam?” muli na namang nagbukas ng panibagong tanong si ina sa akin. Ilang beses ko na bang naitanong ang tanong na iyon sa aking sarili? Nakailang sabi na ba ako sa aking sarili na handa na ako kapag matapos na ang limangdaang taon sa sumpang ito ni Helya? Ilang beses ko na rin ba ipinangako sa aking sarili na babangon ako at babawiin ang aming kaharian mula sa kamay ng isang mangkukulam? “Ang pananahimik mo ay isa lang ang ibig sabihin, anak. Hindi ka pa handa. Hindi pa handa ang iyong isipan sa malaking responsibilidad na kailangan mong lagpasan. Tandaan mo, kapag nakabalik na tayo sa normal, dito pa rin kami pansamantalang maninirahan. Hanggang hindi nababawi ang kaharian, hanggang hindi napapatay si Helya, hinding-hindi tayong lahat makababalik sa normal,” muli siyang nagsalita. Matagal din kasi akong hindi nagsalita at sinagot ang tanong niya. “Paano kong ang pananahimik ko pala ay hindi ibig sabihing hindi ako handa sa malaking responsibilidad, ina? Na inihahanda ko lamang ang aking isipan sa paraang alam ko?” sagot ko na taliwas sa hinihintay niyang kasagutan mula sa akin. “Malalim ang iyong tinuran, anak. Ako ang nagluwal sa iyo, kaya alam ko kung handa ka na o hindi pa. Malalaman natin iyan kapag natapos na ang limangdaang taong pagkabilanggo natin sa sumpa ni Helya, Ulay. At alam kong sa pagsapit ng araw na iyon ay handang-handa ka na. Sige, ituloy mo na lamang ang iyong ginagawa rito sa batis. Narito naman sina Aurora at Satur para bantayan ka.” Tumayo ito at marahang naglakad pabalik sa direksyon kung saan naroon ang sentro ng kagubatan. Nang mga oras na iyon ay hindi niya ako binigyan ng pagkakataong makapagsalita. Alam kong may tiwala siya sa akin kaya niya nasabi ang mga katagang iyon. Ibinalik ko na lamang ang aking atensyon sa batis at doon ay muling inilublob ang aking sarili sa tubig. ... SAMANTALA... SA BUNDOK NG ELEMENTU, malaya at masayang pinagmamasdan ni Hariya, sa anyong matandang engkantado ang mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan, at Perruan sa silangan, kanluran, timog, hilaga, at timong-kanlurang bahagi ng lupain ng Elementu. Pagkatapos utusan ang mga elemento ng apoy, lupa, tubig, hangin, at pagmamahal ay isa-isa namang binisita ni Hariya ang mga ito. Bawat isa sa mga ito ay malugod siyang binati, tinanggap, at inalalayan. Mapagbigay, matapang, matulungin, mapagkakatiwalaan, at mapagmahal ang mga tao at imortal na ginabayan nina Diyamande, Auru, Aquarina, Shila, at Feru. Kaya, kahit walang alam ang mga ito sa totoong nangyari ng kani-kanilang mga hari at reyna, nanatiling tikom ang bibig ni Hariya. Hindi pa panahon para isiwalat ang katotohanan sa kanila. “Mas mainam na wala kayong nalalaman sa tunay na nangyari ng inyong mga hari at reyna. Pagkat darating ang araw na babalik din sila sa inyo at makababalik rin kayo sa inyong minahal na mga bayan,” isiniwalat na lamang iyon ni Hariya sa kaniyang isipan habang bumibisita sa mga ito. Nasa tuktok na siya ng bundok nang mga oras na iyon at muling siniguro ang kaligtasan ng mga ito. Binasbasan rin niya ang bawat puso at isipan ng mga ito upang maging kalmado at hindi gagawa ng masasamang bagay na ikasisira ng bawat isa sa kanila. Kahit hindi pa nagkikita ang mga ito sa paligid ng lupain ng Elementu, wala pa namang maliit o matinding kasalanang nagawa ang mga ito. Nakamasid at laging bukas ang kaniyang pakiramdam sa anumang masamang gagawin ng mga ito sa paligid ng bundok. Bagay na ipinagpapasalamat ni Hariya sa nalalapit na pagtatapos ng limangdaang taon. “Dalangin ko ang iyong pagdating, o tagapagligtas ng Elementu. Nawa ay magpakita kang muli sa aking pangitain at tulungan akong matupad ang propesiyang nakaatang sa Elementu. Ikaw ang hinihintay. Ikaw ang magiging gabay sa lahat. Ikaw ang bubuhay sa mga pinaslang na hari at reyna. Ikaw ang aking ipinapanalangin sa ngalan ng Diyosang si Malaya.” Nakaluhod na sa tuktok ng bundok na iyon ang matandang engkantado at taimtim na nagdadasal sa paparating na pagtatapos ng limangdaang taon. Nais nitong makitang muli sa kaniyang pangitain ang imahe ng tinutukoy niyang tagapagligtas ng Elementu. Ang taong bubuhay sa mga bumagsak na haring sina Diyamande, at Aura at reynang sina Aquarina, Shila, at Feru.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD