Kabanat Dose: Pangatlong Pangnanib

1535 Words
Sa Kagubatan ng Gororiya Ulay's Point of View Kagigising ko lang nang mga oras na iyon at mabilis na hinanap ng aking mga mata si Aurora. Gusto kong malaman kung okay lang siya pero iba ang aking nakita. Isang kasing tangkad kong gorilla ang bumungad at nakangiti sa aking harapan. Napakurap-kurap pa ako nang makailang beses bago ko marinig ang boses ni Aurora sa kaniyang likuran. “Kumusta po kayo, Ulay?” tanong niya sa akin. Natutuwa naman akong inalis na niya ang titulong prinsipe bago ang aking pangalan. Pero hindi tinutulan iyon ng isang asungot na kanina pa nakangiti sa aking harapan. “Isa siyang prinsipe, Aurora. Hindi mo dapat tinatawag ang prinsipe sa kaniyang pangalan lang,” aniya na ikinailing ko. Wala itong alam sa dahilan kung bakit ganoon ang pagtawag sa akin ni Aurora. “Iyan po ang utos at bilin sa akin ng prinsipe, ginoong Satur. Tatawagin kitang ginoo pagkat ikaw ay isang pinagkakatiwalaang kawal ng Bahaghari noong tayo ay mga tao pa lamang. Pero ang pigilan ako sa pagtawag sa pangalang gusto ng prinsipe ay hindi ko magagawa. Hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ng prinsipe,” pagsasalungat naman ni Aurora. Natigilan naman ito na ang pangalan pala ay Satur. Lihim akong napangiti at nang maalala nga ang pangalang Satur sa aking isipan ay pinigilan ko na ang dalawa dahil baka magkainitan pa ang mga ito sa aking harapan. Itatama ko lang naman nang kaunti ang mga nasabi ni Aurora nang maliwanagan si Satur. “Tama si Aurora, Satur. Ako ang nag-utos kay Aurora na tawagin ako sa pangalan lamang. Maaari mo rin akong tawagin sa aking pangalan lamang, kung komportable ka,” sinubukan kong tingnan ang magiging ekspresyon ng mukha nito kapag pinahintulutan ko rin siyang tawagin ako sa aking pangalan lamang. At tama ang aking hinala pagkat mabilis itong umiling. “Ikinalulungkot ko pong sabihin, prinsipe pero hindi ko po magagawa iyan. Kabilin-bilinan po kasi ng iyong amang hari at inang reyna na bantayan ka,” sagot nito. Pansin na pansin kong naghahanap ito ng dahilan sa gusto ko. “Pero walang sinabi ang ama at ina na hindi mo susundin ang gusto ko, hindi ba?” muli kong sinubok ang pasensya niya. Kahit na alam kong iniiwas nitong huwag akong tingnan, kitang-kita ko naman ang pamamawis nito sa mukha. “Hindi po. Wala po, mahall na prinsipe. Kayo pa rin naman ang masusunod,” nauutal na sana ito pero nagawa pa rin niyang ituwid ang mga salita niya sa akin. Napahagikgik na nang mga sandaling iyon si Aurora sa tabi ko. Alam ni Aurora na binibiro ko lamang si Satur. Kaya upang alisin na ang mga agam-agam nito mga pagbibiro ko, humingi na lamang ako ng despensa. “Relaks, Satur. Binibiro lamang kita. Malaya kang tawagin ako sa pangalang kumportable ka. Hindi kita pipigilan o sasawayin. Maaari mo rin akong tawaging kaibigan. Kung gusto mo lang naman dahil kami ni Aurora ay magkaibigan na. Naalala kong iniligtas niya ako sa malaking tigre sa batis, kaya ituturing ko na siyang espesyal na kaibigan, Satur,” napahaba na yata ang mga sinabi ko kay Satur pero tama ang aking mga huling tinuran dahil iyon lang ang naalala ko. Pagkatapos niyon ay wala na nga akong maalala pa. “Hindi mo kailangang tumanaw ng utang na loob sa akin, Ulay. Ang utang na loob ay hindi kailanman isang utang na kailangan mong bayaran. Kahit sino sa aming mga Bahaghari ay gagawin iyon pagkat ikaw ang aming prinsipeng susunod sa mga yapak ng iyong amang haring si Yalu, Ulay,” pagtatama naman sa akin ni Aurora. Gustong-gusto ko ang paraan ng kaniyang pagsasalita. May pagkakapareho kaming dalawa. “Bakit ka nga pala naging aking bantay, Satur? Hindi ba dapat ay ang aking ama at reyna ang kailangan mong protektahan at hindi ako?” ibinaling ko ang aking tingin at tanong kay Satur. Mausisa akong prinsipe at kahit may ideya na ako sa totoong dahilan ng aking ama at reyna, gusto ko pa ring marinig ang kasagutan mula sa pinakapinagkakatiwalaan ng hari at reyna ng Bahaghari. “Boluntaryo po akong humingi ng permiso sa inyong amang hari at inang reyna na maging inyong tagabantay, mahal na prinsipe. Wala po ako sa mga nangyaring paglusob sa inyo ng mga mababangis na hayop dahil abala rin ako sa pagbabantay sa bungad ng kagubatang ito na naging pangalawang tahanan na rin nating mga Bahaghari.” Nakatitig lang ako sa kaniya. Inaarok kung totoo ba ang mga tinuran nito sa pamamagitan ng pakikipagtitigan sa kaniyang mga mata. Ilang minuto rin bago ako nakumbinsi dahil hindi ito kumurap habang tutok na tutok ako sa pagtingin sa kaniya. “Kung pumayag naman sina amang hari at inang reyna, hindi kita pipigilan sa iyong nais na protektahan ako. Dahil diyan, gusto kong samahan ninyo ako ni Aurora na maglambitin sa mahahaba at matitibay na baging ng malalaking punong narito sa Gororiya.” Bigla ko na lamang naisip na gawin iyon. Dahil nga nasa pamilya at anyo kami ng mga unggoy, kailangan ko ring subukan kung kaya ko ang maglambitin sa mga baging. Napangiti pa ako sa harapan ng dalawa habang sina Aurora at Satur naman ay gulat na gulat ang mukha. Halatang hindi sila nasiyahan sa suhestyun ko pero dahil ako ang prinsipe, wala silang magagawa. Naglakad muna kami ng sampu hanggang dalawampung hakbang bago marating ang lugar ng may malalaking puno at matitibay ng baging. Pagkatapos niyon ay nauna akong umakyat sa isang puno at hinawakan ang mahahabang baging at maingay na naglambitin, palipat-lipat sa mga puno hawak nang mahigpit ang mga baging. Dahil siguro napansin nina Aurora at Satur na malayo na ako, mabilis ang mga itong humawak sa mga baging at sumunod sa akin. Nang mga limang puno na ang layo ko sa kanila. Pansamantala akong tumigil sa isang hindi pamilyar na parte ng kagubatan. Bumaba ako ng puno at pinagmasdan ang paligid. “Masama ang nararamdaman ko sa parteng ito. May bahid ng kadiliman ang parteng ito. Kailangan ko nang umalis dito.” Aakyat na sana ako sa puno kung saan ako bumaba nang isang pagyanig ang naramdaman kong bumaba sa aking likuran. Nang lingunin ko ang nilalang na iyon ay hindi ko napaghandaan ang malakas na suntok nito sa aking panga at napatilapon ako sa punong aakyatin ko sana. Napabuga pa ako ng dugo dahil sa malakas na pagkakabagsak ko sa katwan ng malaking punongkahoy na iyon. Dahil sa insidenteng iyon ay nakaramdam na naman ng takot ang aking buong katawan. Ramdam ko na naman kasi ang pagyanig ng lupa at nang iangat ko ang aking mukha, tatamaan na naman sana ako ng isa pang suntok kung hindi lang dumating si Satur at ito na ang sumalo sa suntok na sa akin sana tatama. “Ulay,” nag-aalalang mukha ang tumambad sa akin nang makita si Aurora. Ngumiti lang ako para ipaalam sa kaniyang okay pa naman ako. Ngunit hindi ko maitago sa kaniya ang takot ko at napayakap agad ako. “Huwag kang mag-alala, nandito lang kami ni Satur. Sinubukan kong buksan ang aking mga mata sa nangyayari kay Satur at doon ko lang napansin na isang kauri naming gorilla ang kalaban niya. Pero hindi ito katulad naming may isip dahil ang sumuntok sa akin ay isang mabangis na gorilya na hinding-hindi mo mapapatigil sa pagwawala. Galit na galit ito at halata namang wala itong sinasanto. Nakatikim nga ako ng isang malakas na suntok mula rito kaya, alam ko ang lakas ng kalabang sinasalo ni Satur. Nanatili akong nakayakap kay Aurora habang ang huli naman ay nakatingin rin kay Satur. Pansin din nitong mas malakas ang gorilyang iyon kaysa kay Satur. Parehong nagsusukatan ng lakas ang dalawa. Malakas din si Satur dahil kahit papaano ay nakakatikim rin ng malalakas na suntok ang kalaban mula sa kaniya. Ngunit hindi namin inasahan ang pagtilapon ni Satur sa aming harapan. Mabilis na bumitaw sa pagkakayakap sa akin si Aurora at nagtungo sa natumbang si Satur. Upang hindi ito mapuruhan, sinadya ni Aurora na gamitin ang sarili upang protektahan si Satur. Hindi ako makapagsalita nang makita ang unti-unting pagtumba ni Aurora sa aking harapan. Pinilit namang tumayo ni Satur upang pigilan ang susunod na atake ng malaking gorilya habang ako naman ay mabilis na sinalo ang hinimatay na si Aurora. Sa tagiliran kasi ito nasuntok na naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang ulirat. “Aurora, gising! Aurora!” sigaw ako nang sigaw. Hindi ko alam kung bakit takot pa rin ako nang mga oras na iyon. Wala talaga akong silbi. Mangiyak-ngiyak na ako sa kagigising kay Aurora at hindi ko na alam ang gagawin ko hanggang sa si Satur naman ang nakita kong natumba sa paanan ko. Tulala na ako pero nakatutok na ang aking mukha sa kasing laki ko ring gorilya na gigil na gigil na itong ako ay makalaban. Dahil sa nakitang sinapit nina Aurora at Satur upang protektahan ako, naramdaman ko na ang unti-unting pagkulo ng aking dugo. Huli ko na lamang namalayang nakikipagsukatan na rin pala ako ng lakas sa kalaban. Nagpapaulan na rin ako nang malalakas na suntok at pag-untog ng ulo ko sa mukha ng aking kalaban. Walang tigil hanggang sa sinakal ko ito at binali ang leeg nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD