Sa Kagubatan ng Gororiya
Sa Pagtatapos Limangdaang Taon
Sa mga huling isandaan at kalahating taon sa Gororiya, hindi na makapaghintay pa ang mga Bahaghari na makabalik sa pagiging isang normal na tao. Nanari-saring mga plano na ang nasa isipan ng mga ito. Ang ibang mga matatanda noon na naging malaking gorilya ay nabuhay ng halos apat na raan sa kagubatan ng Gororiya. Ang iba naman ay doon na dati ay sanggol pa lamang ay doon na sa kagubatang iyon lumaki. Halos marami na nga ang nagbago sa dating pamumuhay ng mga dating tao ng Bahaghari. Ang kaibahan lamang ay natuto silang lahat na mamuhay na parang tao pa rin kahit mga isinumpang gorilya at unggoy na sila ng mangkukulam na si Helya.
“Kumusta ang ating pagbabantay?” minsang naitanong ni haring Yalu sa mga bantay na gorilya nang bisitahin niya ang silangan, kanluran, timog, at hilagang bahagi ng malaking kagubatan ng Gororiya.
“Mabuti naman po, mahal na haring Yalu. Wala namang panganib na napaparito o nakaka-engkwentro kami. Ligtas naman po kami rito,” pare-parehong mga sagot lang ang nakuha at natanggap ni Yalu sa kanila noon. Masaya siyang marinig iyon sa kanila.
Dahil nga sa pagbisitang iyon ni Yalu sa apat na direksyon ng kagubatan ng Gororiya, doon niya napagtanto at naikuwento sa kaniyang mahal na asawa at nag-iisang reyna na si Aliya.
“Kumusta naman ang mga pagbisita mo sa kagubatang ito, Yalu?” tanong nito sa kaniya.
“Iisang mga sagot lamang ang aking narinig, mahal. Nasa mabuti naman silang kalagayan. Walang panganib na na-engkwentro. Pero...” sagot nito at agad na pinutol ang kaniyang sasabihin.
“Dahil sa anong rason, mahal na hari?” nagtatakang tanong naman ni Aliya.
“Hindi sila hinahabol ng panganib. Pero si Ulay, ang ating anak ang laging nakakasagupa ng panganib dito sa loob ng kagubatang ito. Isa lang ang naiisip kong dahilan. Na si Ulay lang talaga ang puntirya ng mga kalaban at wala nang iba,” paliwanag ni Yalu.
Nasa sentro sila ng kagubatan ng mga sandaling iyon at nakaupo sa ilalim ng lilim ng isang malaking puno. Hindi naman agad nakasagot ang reynang si Aliya sa tinuran ng kaniyang mahal na si Yalu. May punto ito at napagtanto rin niyang tama ang mga sinabi pagkat wala naman silang na-engkwentrong malaking panganib sa Gororiya. Bilang-bilang pa rin nila at nadagdagan pa ang mga sakop at binabantayan nilang mga unggoy at gorilya sa kagubatang iyon.
“Nasaan ngayon si Ulay, mahal na reyna?” mabilis na iniba ni Yalu ang tanong at hinanap ng kaniyang mga mata ang anak.
“Nangahoy at naghanap ng mga prutas kasama sina Aurora at Satur, mahal,” magalang na sagot naman ni reyna Aliya.
“Ganoon ba? Mabuti naman at kasama niya ang dalawa. Magpapahinga na lamang muna ako, mahal. Pakibantayan na lamang ako,” aniya ng hari at umidlip na ito agad pagkatapos sabihin iyon. Napailing na lamang si Aliya nang makitang nakapikit na ito sa tabi niya at hindi na nagsasalita. Iwinaksi na lamang ni Aliya sa isipan ang kung anumang bumabagabag sa ngayon sa isipan ng asawang hari na si Yalu.
...
SAMANTALA, sa silangang-kanlurang lumitaw si Helya. Magsisimula na siyang kumuha ng mga sangkap ng gagamitin niya para makontrol na nang tuluyan ang isipan ng mga kalalakiihang inalipin niya na mula lang naman sa Elementu. Pansamantalang nasa anyong magandang dilag siya pero mabilis siyang makakapagpalit sa isang matanda kapag may makakakita sa kaniyang mga isinumpa niyang unggoy at gorilya sa kagubatang iyon. Gamit ang kaniyang kapangyarihan ay tinitingnan niya ang mga sangkap sa harapan ng kasama niyang nakalutang na salamin.
Mga sangkap na kailangan:
Isang piraso ng buntot ng ahas na kobra
Tatlong piraso ng buhok na mula sa kuneho
1/2 na tasa ng dugo ng isang tigre
Nanari-saring tuyong mga dahon
Isang dagta na mula sa tangkay ng pinakamatandang puno
Isang ngipin na malaki na mula sa buwaya
Dila na kalahati na mula sa palaka
Isang puso na galing sa tao
“Napakadali lang naman palang hanapin ng mga sangkap na ito. Kailangan ko na lamang na magmadali upang hindi ako makita ng mga pangit na unggoy at gorilya dito sa kagubatang ito,” bulong ni Helya sa isipan.
Sa tulong ng kaniyang kasamang salamin ay mabilis niyang natagpuan ang mga kinaroroonan ng mga sangkap na nakalista. Una siyang pumunta sa silangang parte ng gubat at pinaslang ang isang malaking kobra at pinutol ang katawan nito makuha lamang ang buntot. Doon din sa silangang parte niya pinatay ang mga kuneho at nakuha naman ang pira-pirasong mga buhok na mula sa kuneho. Ngising-ngisi si Helya sa anyong magandang babae nito. Madali lang sa kaniyang kontrolin ang mga hayop gamit ang kaniyang kapangyarihan.
Pagkatapos makuha ang ilang sangkap sa silangan, nagtungo naman siya sa kanluran at nakipagsukatan ng lakas sa isang malaking tigre na hindi niya inasahang napakabangis. Sa huli ay nakontrol din niya ito gamit ang hipnotismo at inilagay sa kalahating tasa ang dugo nito. Sa timog na bahagi naman napadpad si Helya at doon nakita ang nanari-saring mga tuyong dahong nagsisilaglagan. Naparami ang kuha niya. Bakasakaling magkulang ang kaniyang mga sangkap. Sa hilagang bahagi naman ng gubat ay doon niya binunutan ng ngipin ang isang malaking buwaya at natagpuan na rin ang palaka. Nakakuha rin siya ng dila ng mga palakang naroon kahit kalahati lang naman nito ang kailangan niya para sa gagawin niyang gayuma. At ang panghuli ay puso ng isang tao na lamang ang kailangan niyang makuha sa kagubatang iyon.
“Mukhang hindi pala madali ang huling sangkap na kukuhin at hahanapin ko rito sa kagubatang ito. Wala palang tao rito. Kaya kailangan kong bumalik na lamang sa kaharian ng bahaghari at doon kukuha ng dugo,” untag nito sa isipan pero sinalungat siya ng kasamang nagsasalitang salamin nang marinig nito ang mga tinuran.
“Mahal na reyna, Helya. Hindi po magiging epektibo ang gagawin ninyong gayuma kung hindi ninyo dito sa kagubatang ito kukunin ang dugo ng isang tao. Hindi ba at iyon ang nakasulat sa inyong Libro ng Mahika?” pakli nito at mabilis na nag-isip nang malalim si Helya.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nag-utos at nagpaintindi sa kaniya. Saglit na pagmumuni-muni ang ginawa nito hanggang sa magdesisyong manatili muna sa Gororiya.
“Kung ang sinasabing mong tao ay ang mga dating tao na isinumpa kong maging unggoy at gorilya dito sa kagubatang ito, salamin, tama ka. Ipakita mo sa akin ang isang unggoy o gorilya na malapit sa kinatatayuan ko ngayon nang aking mapaslang,” utos nito kay Salamin at mabilis namang ipinakita nito ang pakay.
Pagkatapos ipakita iyon ay naglaho sila sa hilagang bahagi ng gubat at lumitaw sa isang tahimik at payapang batis. Ikinagulat iyon ni Helya pagkat sa tanang buhay niya ay noon pa lamang siya nakakita ng napakagandang lugar sa kagubatan ng Gororiya.
“Sino ka?” natigil ang kaniyang pagsasalarawan at pagmamangha nang may marinig siyang isang malaking boses. Nakalimutan ni Helya na magpalit ng anyo dahil nang lingunin niya ang nagsalita, pamilyar sa kaniya ang malaking gorilya. Nakumpirma lang niya ito nang magtungo sa harapan niya ang dalawang kasama at binanggit ang pangalang Ulay.
“Tinatanong ka ng prinsipe ng kagubatang ito na si prinsipe Ulay. Sino at ano ang pakay mo?” si Satur ang nagsalita. Katabi lang nito si Aurora habang nanatili namang nasa likuran niya si Ulay.
“Ikaw na pala iyan, mahal kong Ulay? Hindi ko alam na nakapagsalita pala kayo? Bakit hindi ko man lamang narinig iyon nang pinapanood ko ang mga laban mo? Hindi mo ba ako natatandaan? Kung sa bagay, mahigit apat na raang taon na at patapos na ang limangdaang taong sumpa ko sa inyo. Akalain mong bagay pala sa iyo ang maging gorilya?” pang-iinsulto ni Helya sa kaniya.
Nang mga oras na iyon ay nahagip ng paningin ni Helya ang mga unggoy na masaya pang naglalaro sa batis. Naroon ang kaniyang pakay. Kahit isa man lang sa mga unggoy na iyon ang makuha niya ay magiging masaya na siya at aalis na para gawin ang gagawing gayuman.
“Wala na tayong oras, mahal na reyna Helya. Kailangan na natin ang huling sangkap,” nagsalita si Salamin at narinig iyon nina Ulay. Sa kauna-unahang pagkakataon ay naalala ni Ulay ang mukha ng babaeng sumumpa sa kanilang lahat.
“Siyang tunay, salamin. Sige kunin mo na ang isang unggoy na iyan sa likuran nila at dalhin mo sa akin nang makuha natin ang puso niya,” utos ni Helya kay Salamin pero mabilis na pumagitna sina Satur at Aurora. Nagtungo na rin sa harapan nila ang nagagalit na si Ulay.
“Hindi ko hahayang pati sa kagubatang ito sisirain mo ang pananahimik namin, Helya! Isa kang tusong mangkukulam! Gagawin ko ang lahat na protektahan ang mga unggoy na iyan at kung inaakala mong makukuha mo ang isa sa kanila, nagkakamali ka!” galit na galit turan ni Ulay kay Helya.
“Wala akong oras makipagdiskusyon sa iyo, Ulay. Kung tinanggap mo lang sana ang aking alok noong tao ka pa lang, hindi sana kayo naging mga unggoy at gorilyang kausap ko ngayon. Kaya hindi rin kita papayagang pigilana ako sa gusto ko!”