Sa Bundok ng Elementu
Matapos ang pagluluksa sa kalungkutan sa harapan ng mga napaslang niyang mga tagapangalagang sina Diyamande, Auru, Aquarina, Shila, at Feru, tumayo si Hariya upang gawin na ang ritwal ng pagtatago ng mga katawan ng mga ito. Balik sa kaniyang normal na katawang isang makisig at makapangyarihang engkantado ay sinigurado muna niyang nakarating na sa bawat paanan ng bundok ng Elementu ang mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan, at Perruan. Nauna lang na dumating ang mga Karbona na mula pa sa silangan. Sumunod naman ay ang mula sa kanlurang mga Arumian. Pagkatapos ay ang mga Berila sa timog, Sixilan mula sa hilaga, at ang panghuli ay ang mga Perruan mula sa timog-kanluran.
Ang lahat ay nagpapahinga na sa paanan ng bundok ng Elementu nang isara ni Hariya ang mga harang na nakapalibot sa parteng iyon ng bundok ng Elementu. Hindi na niya pahihintulutan ang sinumang lapastangan o gagawa ng masamang pupunta sa bundok. Tama na ang limang nagsakripisyo para sa kaniya at sa nakararami. Hinding-hindi niya pahihintulutan ang kasamaang sisibol o bibisita sa kaniyang teritoryo. Malapit na ring magtapos ang limangdaang taon. Halos isang daang taon na lamang ang hihintayin para masilayan niya kung sino ang magiging tagapagligtas ng Elementu at bubuhay sa mga tagapangalaga niyang pinaslang ng mga alagad ni Helya. Pagkatapos maisara at hindi na makikita pa ng mga nasa labas ng harang na iyon ang nangyayari sa loob ay ginamit naman ni Hariya ang kaniyang kapangyarihan upang magsalita sa mga bagong dayo sa paanan ng kaniyang teritoryo.
“Mga Karbona, Arumian, Berila, Sixilan, Perruan, ako ang engkantadong ang pangalan ay Hariya. Narito kayo ngayon sa paligid ng tuktok ng bundok ng Elementu na pagmamay-ari ko. Gusto ko lang sabihin sa inyo na ibinilin kayo ng inyong mga hari at reyna sa akin. Sa madaling salita, ang inyong mga pinuno ay pansamantala munang hindi makakabalik sa inyo o makakasunod. Pero makakaasa kayong babalik at babalik sila sa inyo at sabay-sabay kayong lahat ng uuwi sa Karbona, Arum, Beryl, Sixila, at Perrue. Sa ngayon ay nais kong maging mahinahon na lamang muna kayo at huwag iisipin ang mga natuklasan ninyong pangyayari. Wala ring makakalabas pagkat ang bundok na ito ay napapaligiran ng isang malakas na mahika. Isipin na lamang ninyong pangalawang tahanan ang lugar na ito.”
Gamit muli ang kaniyang kapangyarihan, binuksan niya ang kaniyang pandinig at sunod-sunod na pinakinggan ang pagkagulat, pagkamangha, at mga katanungan ng mga ito. Nanatili lang na tahimik si Hariya at hindi na sinagot pa ang mga naririnig niiya.
“Totoo pala talaga ang kwentong bayan. May engkantado ngang nagbabantay sa bundok na ito sa Elementu.”
“Hariya pala ang pangalan ng engkantado. Bakit ngayon lang siya nagsalita?”
“Hindi kaya may nangyaring masama sa ating mga pinuno?”
“Narinig naman natin na wala tayong dapat ipag-alala sa paninirahan natin dito hindi ba?”
“Oo nga. Ang sabi ng engkantado ay hindi na tayo makakalabas pagkat napapalibutan na ang paligid ng mahika nito para sa ating kaligtasan.”
“Kung tama nga ang pagkakarinig natin, ibig sabihin nasa labanan pa ang ating mga pinuno. Ang kailangan na lamang gawin ay sundin ang sinabi ng engkantado. Babalik din naman sila sa atin at makakauwi rin tayo sa ating bayang pinangalagaan.”
Isang malalalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Hariya. Wala kasing kaalam-alam ang mga Karbona na sunog at wasak ang puso ng kanilang haring si Diyamande. Si Auru naman ay buta-butas ang katawan at warak din ang puso sa ginawang pakikipaglaban. Ang tinaguriang diyosa at reyna ng karagatang si Aquarina ay hindi rin nakaligtas sa mga kamay ni Ururu. Butas rin ang dibdib nito dahil sa pagkuha ng kaniyang puso. Natalo rin si Shila sa tuso at mapanlinlang na si Bagyo. Nagawa rin nitong warakin ang puso ng reyna ng Sixila. At ang panghuli, si Feru na pinakamabait sa lahat ng mga kaniyang tagapangalaga. Lasog-lasog ang mga parte ng katawan nito sa tinamong mga espada. Ang lima ay pare-parehong nawalang ng puso at iyon ang kailangang gawin ni Hariya ay ipreserba ang mga katawan nila nang maihanda ito sa pagdating ng tagapagligtas at kukuha ng mga bato at brilyante sa kamay ng mga kalaban.
“Tinatawagan ko ang kapangyarihan ng apoy, lupa, tubig, hangin, at pagmamahal. Yakapin at balutin nang mahigpit ang mga katawan ng tagapangalagang narito sa tuktok ng bundok ng Elementu. Lihim na itago sila, ipreserba, at hintaying mabuhay muli sa takdang panahon. Pula,ginto, asul, abo, at puti. Mga kulay na pagmamay-ari ng Elementu, dinggin ang aking kahilingan!”
Nagsimula na ang ritwal ni Hariya. Isa-isa na niyang tinawag ang mga elemento ng kalikasan ng Elementu. Sa tuktok ng bundok ring iyon lamang maririnig, makikita, at mararamdaman ang mga elementong lihim na pumaparoon upang sundan at sundin ang utos ng engkantado. Ang mitsa ng apoy ay nagniningas nang matagpuan ang bangkay ni Diyamande. Ang pighati naman ng lupa na kulay ginto ay mabilis na lumitaw sa paligid ng nakahandasuy na katawan ni Auru. Luha ng kalungkutan naman ang hatid ng elemento ng tubig habang dahan-dahang niyayakap ang katawan ni Aquarina. Sumunod namang nagparamda ang hanging kontrolado ang galit sa ginawang pagpatay sa tagapangalaga ng hanging si Shila. Ang panghuli, kulay puting elemento naman ay lumitaw rin sa wala nang buhay na katawan ni Feru.
Ang mga elementong iyon ay sabay-sabay na nagliliyab, kumikislap, at nagliliwanag sa harapan ni Hariya. Balot na balot na rin ng mga kapangyarihang iyon ang mga katawan ng pinuno ng Karbo, Arum, Beryl, Sixila, at Perrue. Nakamasid lang si Hariya habang unti-unting nawawala sa kaniyang paningin ang mga elementong iyon kasama ang mga katawan ng kaniyang mga tagapangalaga. Nang tuluyan na nga itong nawala sa kaniyang paningin, sinambit ni Hariya ang mga huling kataga bago siya naging isang matandang ermitanyo at naglaho sa tuktok ng bundok.
“May nawala at may darating. Ang darating ang maghahanap sa inyong mga brilyante at bato. Kapag nakuha nito ang mga bato at brilyante, hahanapin naman niya ang inyong mga bangkay hanggang sa kayong lima ay mabubuhay at tutulungan siyang matupad ang kaniyang minimithing kalayaan.”
...
Sa Kaharian ng Bahaghari
ABALA si Helya sa pagsusubaybay sa mga kalalakihang ginawa niyang sundalo ng kaniyang ninakaw na kaharian nang mga oras na iyon sa malawak na bulwagan, sa labas ng kaharian. Nakamasid lang ang mga ito na tila mga laruang pinaglalaruan at kontrolad ang mga isipan. Kanina pa ito inis nang inis dahil parang sa kaniyang kapangyarihan lang niya sila sumusunod.
“Ano kaya kung gumawa ako ng mahika para magkaroon ng sariling mga isip ang mga kalalakihang ito? Tama, gagawa ako niyon at ipapainom sa kanila. Kailangan ko munang bumalik sa loob ng palasyo upang hanapin sa libro ng aking mahika ang mga sangkap para gamitin ko sa paggawa ng gayuma.”
Pagkatapos sambitin ang mga katagang iyon sa kaniyang isipan ay tumayo si Helya. Sa pitik lang ng kaniyang mga daliri ay nawala siya sa bulwagang iyon at lumitaw sa tore ng Bahaghari kung saan naroon ang kaniyang libro. Ang Libro ng Mahika ay madali niyang nahanap at sa pahina isandaan ay nakita niya ang mga sangkap para sa gayumang gagamitin niya. Binasa niya iyon at nilista muna sa isang kulay puting dahoon.
Sangkap Para Kontrolin Ang Sariling Pag-iisip
1 pirasong buntot ng makamandag na ahas ng kobra
3 pirasong buhok ng kuneho
kalahating tasa ng dugo ng tigre
mga tuyong dahon sa Gororiya
1 dagta ng tangkay na mula sa pinakamatandang puno ng Gororiya
1 ngipin ng buwaya
kalahating dila ng palaka
1 puso ng tao
“Anong klaseng gayuma naman ito? Bakit pinapahirapan ako sa mga sangkap? Isang puso ng tao? At bakit sa Gororiya ko kailangang makuha ang ibang sangkap ha?”
Inis na inis na itinapon ni Helya ang Libro ng Mahikang hawak niya at napasabunot na lamang. Naglakad na lamang itp patungo sa balkonahe ng tore at pinakalma ang sarili. Habang tinitingnan ang baba ng tore ay napaisip siyang mas mainam ding personal niyang mabisita ang Gororiya at makita si Ulay.
“Kung nagawa ko ngang malinlang ang mga ito gamit ang alindog at kagandahan ko, magagawa ko rin ito alang-alang sa mga sangkap na kakailanganin ko. Baka magkurus pa ang aming mga landas at ako mismo ang makakapatay sa kaniya.”
Napangisi agad nang matamis si Helya sa naisip na plano. Kung kanina ay galit na galit at inis na inis siya, ngayon ay humalakhak na ito at sabik na sabik nang gawin ang kaniyang planong buuin ang sangkap at makadaupang-palad si Ulay. Hindi na ito tao kung mabibisita niya pero baka malinlang din niya ito o personal na masaksihan at marinig ang mga planong gawin ng mga ito.
“Nalalapit nang matapos ang limangdaang taon, Helya. Kapag hindi ka kumilos ay babalik sa normal na tao na sina Ulay. Mahihirapan ka ring maghanda kapag hindi pa handa ang iyong mga sundalo. Kumilos ka na habang maaga pa kung ayaw mong makuhang muli ng mga Bahaghari ang kanilang kahariang ninakaw mo. Nasa iyong mga kamay rin ang buhay at kamatayan ni Ulay. Bigyan mo si Ulay ng pagsubok na gagambala sa iba pang mga gorilya sa Gororiya. Kasama na roon ang amang hari at inang reyna nito.”