Auru, Elementu
Masayang naglalaro ang mga batang Arumian (tawag sa mga taong nakatira sa Auru. Isinunod ito sa pangalan ng kanilang bayan na kung tawagin ay Arum) nang may mapatigil ang mga ito sa isang ingay. Naroon din sa masasayang mga bata si Auru, na siyang kasalukuyang pinuno ng bayan ng Auru, sa kanlurang bahagi ng Elementu. Halos limangdaang taon na rin ang nakalipas buhat nang bigyan sila ng responsibilidad ng engkantado sa mga batong kailangan nilang pangalagaan. At isa nga siya sa mga batang iyon pinadala sa tuktok ng bundok ng Elementu. Alam din ni Auru ang bilin ng engkantado na sa loob ng limangdaang taon ay may bibisitang kalaban at ang ingay na iyon, mga dalawang bundok ang pagitan ay mula sa silangang bahagi ng Elementu— ang Karbo. Ito ang bayang kung saan namumuno si Diyamande.
“Ano kaya ang nangyari kay Diyamande? Pero hindi ko puwedeng iwan ang aking bayan dahil baka ito naman ang maging susunod na puntirya nang hindi ko pa nakikilalang kalaban,” aniya ni Auru sa kaniyang isipan.
Dahil sa ingay na iyon ay lahat ng mga bata ay nagsitakbuhan patungo sa kani-kanilang mga tahanan. Ngunit dahil alam na ni Auru na ang bayan ng Arum ang susunod na pahingahan ng kalaban, inanunsyo na agad nito sa kaniyang kumunidad na magsilikas at magtungo sa tuktok ng bundok ng Elementu. Doon ay alam niyang magiging ligtas sila pagkat ang engkantado ang nag-aalaga sa bundok na iyon.
“Mga Arumian, oras na para kayo ay magsilikas. Kailangan ninyong umalis at magtungo sa tuktok ng Elementu. Isang panganib ang nararamdamang kung lilitaw sa ating maliit na pamayanan. Sundin ang aking utos at lahat ay magsilikas. Ngayon din!”
May diin at awtorisado ang utos ng halos limang daang taon na ring si Auru. Hindi pa sana kikilos ang mga ito dahil sabay-sabay ang mga Arumian na tumingin sa kaniya. Nangungusap at nagtatanong kung ano ang tunay na dahilan. Pero dahil siya ang namamahala sa kanilang bayan, hindi na rin ang mga ito nagtanong. Isa-isa na ring nagsibalik ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan upang kunin ang mga mahahalagang bagay na madadala nila. Nang ang lahat ay may kani-kaniyang bitbit na, bumalik ang mga ito sa sentro at yumuko sa harapan ni Arum upang magpaalam.
“Hindi ninyo kailangang lumuhod para magpaalam sa akin. Dalangin kong ligtas kayong makakaalis mula rito. Kung hindi man ako makasunod, gusto kong magpatuloy ang mga Arumian sa kanila-kanilang mga buhay sa tuktok ng bundok ng Elementu. Mag-iingat kayong lahat.”
Ang mga salitang iyon ay naging palaisipan sa iilang mga kasama niya sa Arum. Kahit mabigat ay walang magagawa si Auru. Alam niyang hindi niya hawak ang buhay niya. Kahit pa ipinanganak silang mga imortal, may hangganan pa rin ang kani-kanilang buhay. Ang protektahan ang kaniyang mga sakop sa mga halang ang bituka o masasamang mga tao ang isa sa mabibigat na responsibilidad ni Auru. Ngayong dumating na ang kinatatakutan niya, kailangan na lamang niyang harapin ang paparating na kalaban.
“Kaming mga malalakas na lalaki ay maiiwan, Auru. Kung ano o sino man ang lulusob sa ating bayan ay handa kaming ibuwis ang aming buhay para sa iyo at sa bayang kinalakihan namin, Auru. Katulad mo, wala rin akong pamilyang kailangan pang titingnan. Kaya, maiiwan ako rito upang makipaglaban kasama ka,” salungat naman ng isang kasamahan niyang kanina pa pala nakatayo at hindi talaga yumuko para magpaalam.
“Ako rin,” segunda ng isa pa.
“Wala rin akong pamilya, kaya maiiwan din ako,” sabi pa ng isa pa.
Ang mga sinabi nila ay sinegundahan naman ng iba pang malalaki at malalakas na lalaki. Tiningnan lang sila mula ulo hanggang paa ni Arum. Katulad niya, nasa kaparehong edad na rin ang mga ito pero malalaki pa rin ang katawan at kaya pang makipagsabayan sa mabibigat na gawain at maging sa labanan.
“Hindi ko kayo pipilitin na maiwan kasama ko, pero kailangan nang umalis ng mga kababaihan, matatanda, at mga bata. Humayo na kayo at magtungo sa tuktok ng bundok ng Elementu. Ngayon din!”
Tinaasan na at nilakasan na ni Auru ang kaniyang boses upang ipakita ang pagiging seryoso at niya sa mga sinabi. Walang umalma sa mga naluluha nang mga kababaihan, matatanda, at mga bata. Nagbigay ng huling respeto ang mga ito sa pamamagitan ng pagyuko hanggang sa isa-isa nang nakita ni Auru ang kanilang paglisan. Nang hindi na niiya matanaw ang mga ito, naiwan siya at ang sampung mga Arumian na lalaki sa Arum.
Malayo na sa kanilang paningin ang mga Arumian nang bumulaga sa kanilang harapan ang mga halimaw. Ang isa ay tila katatapos lang ng matinding sagupaan at mukhang nag-aalab na ito. Pamilyar ang amoy ng kulay pulang nasa katawan ng halimaw na iyon at napakuyom siya ng kamao nang mapagtantong nakuha na ang pulang diyamanteng nasa pangangalaga at katawan ng kaibigang si Diyamande.
“Anong ginagawa ninyo sa Arum? Ikaw ba ang pumaslang sa aking kaibigang si Diyamande, sa bayan ng Karbo?” tanong nito sa kaharap na namumulang halimaw.
“Hindi siya ang kailangan mong kausapin. Pero tama ka dahil siya nga ang pumaslang sa pinuno ng Karbo na si Diyamande. Ako nga pala si Giginto. Siya naman si Bulcan at ang iba kong kasama ay sina Ururu, Bagyo, at ang matabang mahilig kumain ay walang iba ay si Vatu. Narito kami para kunin ang brilyante ng ginto. Sino ang pinuno sa inyo?” nang-iinis at nang-iinsultong sabi at pagpapakilala ni Giginto sa harapan ni Auru,
“Siya ang aming pinunong si Auru. Wala kang karapatang magsalita nang hindi kanais-nais sa harapan niya!” galit na komento naman ng isa sa mga Arumian. Pumagitna na ito, kasunod ng iba pa upang protektahan si Arum. “Wala kaming alam sa sinasabi ninyong brilyante.”
“Talaga ba? E, di mas maganda. Madali ko nang makukuha ang aking pakay dahil alam kong nasa katawan mo rin siguro, Auru ang brilyanteng hinahanap ko. At hindi ba sagana rin sa ginto ang bayang ito?” hindi talaga natitinag si Giginto. Siya ang inatasan ni Helya na kunin ang brilyante ng lupa, kaya dapat lang ay bumida siya.
Nang makita ni Auru ang mga kasamang nasa harapan na niya, nagsalita na ito at naglakad sa unahan nila. “Mga kasama, wala kayong dapat na ipag-alala dahil ang batong hinahanap niya ay nasa aking katawan. Upang makuha nila ito, kailangan nilang dumaan sa ibabaw ng aking bangkay. Wala kayong ibang gagawin kung hindi protektahan ang inyong mga sarili.”
Lahat naman ay napatingin kay Auru. Nagtataka at nagtatanong ang mga ito sa kanilang isipan kung ano ang tungkol sa bato at kailangang ialay pa niya ang buhay para lang sa bayan ng Arum.
“Magaling. Hindi na ako makapaghintay na wasakin ka at warakin ang iyong puso makuha ko lamang ang brilyanteng hinahanap ko. Kating-kati na ang mga kamay ko. Huwag kang ma-alala, ang mga kasama ko na ang bahala sa mga kasamahan mo, pinunong Auru,” sarkastiko ang mga salitang binitiwan nito at humalakhak pa nang nakakaloko.
Hindi napaghandaan ng mga Arumian na lalaki ang isang atakeng nagmula sa isang malakas na hangin at mabilis silang pinatalsik, malayo kay Auru. Tuwang-tuwa naman si Giginto at ang iba pa dahil hindi na sila pinahirapan pang kalabanin ang iba pa.
“Mga mahihinang nilalang. Matatangay at matatangay lang pala sila ng aking kapangyarihang hangin. Tapusin mo na nga ang laban mong iyan, Giginto nang makapunta na tayo sa susunod na destinasyon natin,” inis na inis si Bagyo nang mga sandaling iyon at tumalikod na lamang upang hindi saksihan ang gagawin ni Giginto.
Hindi naman makapaniwala si Auru sa ginawa ng kalaban sa kaniyang kasamahan. Hindi man lamang ang mga ito binigyan ng pagkakataong kalabanin sila. Mga tusong nilalang na ang tanging hangad lang naman ay ang makuha ang mga brilyante ng Elementu.
“Hinding-hindi ko kayo mapapatawad sa ginawa ninyong panlilinlang. Hinding-hindi ninyo makukuha ang brilyante ng lupang pinakaiingatan ko!”
Ang pagsigaw na iyon ni Auru ay lumikha ng maliliit na guhit hanggang sa maging bitak-bitak ito. Muntik nang mahulog at kainin ng lupa ang mga halimaw kung hindi lang mabilis na kumilos si Giginto at ginawang harang ang malaking hugis kwadradong lupang hiniwa niya gamit lamang ang kaniyang mga kamay.
“Pinapahanga mo ako, Auru. Mukhang hindi nga madali ang makuha ang bato mula sa iyo. Pero hindi kita uurungan pagkat akin lamang ang batong iyan! Akin lang!”
...
SA TUKTOK ng bundok ng Elementu, binuksan naman ng engkantado ang kanlurang bahagi ng bundok upang bigyang daan ang mga Arumian na nagsisilikas patungo sa kaniyang tahanan. Wala na si Diyamande. Si Auru naman ngayon ang humaharap sa mga kalaban. Gustuhin man niyang tumulong ay hindi niya magagawa. Wala sa kaniyang mga kamay ang kapalaran ng mga may responsbilidad sa mga brilyanteng ipinagkaloob niya sa mga pinuno ng Karbo at Arum. Alam na alam na niya ang magiging kahihinatnan at alam din niyang may darating para buhayin sila. Kaya, ganoon na lamang kung magtiwala ang engkantado sa magiging kasalukuyang buhay ng mga pinangangalagaan niyang bundok at lupain ng Elementu. Bagay na kailangan niyang paghandaan.