MASAYANG PAGLALAKBAY, iyon ang nararamdaman nina Ulya, Aurora, Satur, Uno at Dano. Mas masaya, mas magaan sa pakiramdam. Iyan ang napag-usapan at nagpakasunduan ng mga ito nang makalayo na sila sa kung saan sila natulog at nagpahinga pansamantala.
“Anuman ang mangyari sa ating paglalakbay, nais kong maging ma-ingat tayo. Gawin na lamang nating masaya ang ating paglalakad nating ito,” sabi nito at ngumiti nang buong puso sa kanilang harapan.
“Tama, dapat nakangiti lamang tayo. Kung anumang pagsubok ang darating sa ating harapan ay dapat maging masaya na lamang tayong maglalakad na magkakasama,” segunda naman ni Satur sa pagsasabi nito.
“Mas kailangan ding lagi tayong limang magkakasama upang hindi tayo maligaw nang sa ganoon ay sa iisang direksyon lamang tayo pupunta,” pagpapaalala naman ni Aurora.
“Susundin po namin ang mga bilin ninyo, mga ate at kuya namin,” magiliw at magkasabay pang sagot nina Uno at Dano.
Nangangalahati na sila sa paglalakad at nakikita na nila ang paanan ng bundok na hindi nila alam na ito ay Lihim kung tawagin. Sa kanilang paglalakad nanari-saring mga bagay ang kanilang napansin. Ang mga hilig na inakala nilang sila ay wala, nagsisimula nang matagpuan nila ang kanilang mga sarili sa mga gustong bagay. Katulad na lamang ng...
“Tinatawag ako ng tubig, magtampisaw muna tayo!” natigil ang kanilang paglalakad kanina nang makakita si Uno ng maliit na sapa at doon ay masayang nagtatalon sa tubig ng sapang iyon.
Pansamantalang pinayagan iyon ni Ulay at lahat ay nagpakasaya sa maliit na sapang kanilang nadaanan. Ang akala ni Ulay ay wala na silang iba pa pero mukhang mahaba ang sapa. Kung kanina ay si Uno ayaw umalis sa tubig, ngayon naman ay si Dano na puro halaman at mga ligaw na orkidya sa paligid. Ang kanlurang bahagi na kanilang dinararaanan ay puno ng mapang-akit na mga bagay na hinding-hindi nila maaaring hindi pansinin.
“Napakagandang mga ligaw na bulaklak. May bulaklak pa ng ngipin ng leon. Sinong hindi makakapagpigil sa napakagandang gawa ng Maykapal?” pagbibida naman ni Dano na ikinagulat nilang lahat.
Hindi inasahan nina Ulay, Aurora, at Satur na magkaiba ang hilig ng kambal. Ang mas nakakapagtaka pa ay baligtad para sa kambal ang hilig na iyon.
“Hindi ba dapat ay si Uno ang mahilig sa mga bulaklak at orkidya dahil babae siya?” nagtatakang tanong ni Aurora. Sumagi lang sa isipan niya.
“Tama ka, Aurora. Mukhang may hindi pa tayong alam sa kanilang dalawa,” segunda naman ni Satur. Si Ulay naman ay tahimik lamang pero pagkatapos ng pananahimik na iyon ay nagkomento rin siya.
“Wala sa kasariang ang hilig ng isa. Mapa-babae man ito mapa-lalaki, kaniya-kaniya tayo ng mga hilig. Kung ang hilig ng lalaki ay ang mga bagay na para sa mga babae lamang, tanggapin natin ito at maging masaya para sa kanila nang hindi inaapakan ang kanilang damdamin.”
Ang mga salitang binitiwan ni Ulay ay ikinagulat nilang lahat. Maging sina Uno at Dano ay napatigil pa at napakamot sa kanilang ulo upang intindihin ang mga sinabi nito. Napapikit at napangiti na lamang sina Aurora at Satur dahil sa tinuran ng kanilang prinsipe. Itinulo na lamang nila ang kanilang paglalakad at nang nasa bungad na sila ng bundok ay isang boses ang kanilang narinig lahat.
“Sa bundok na ang pangalan ay Lihim, nanari-saring patibong ang naghihintay pa mandin. Kaligtasan ng papasok ang mahalaga sa Lihim. Kaya huwag nang tangkain kung kamatayan ang makakamit sa lilim.”
“Anong ibig sabihin ng mga katagan iyon?” si Uno.
“Kaninong boses naman nanggaling ang tinig?” dagdag naman ni Dano. Kakamot-kamot pa rin ito sa ulo.
“Hindi rin namin alam ang sagot. Ikaw ba Satur?” sagot naman ni Aurora nang makita ang mga mata nina Uno at Dano na nakatingin sa kaniya.
“Aba, malay ko. Hindi ako matalino. Pangalan ko lang ang natatandaan kong naisusulat ko nang buo,” pabirong sagot naman ni Satur sa kanilang tatlo. Bigla namang sumingit si Ulay upang bigyang linaw ang kanilang mga narinig.
“Isang babala para sa ating lima ang pagpasok sa bundok na iyan. Iyan ang mensahe ng tinig na iyon. Ang bundok na iyan ay nagngangalang Lihim. Alam na ninyo ang ibig sabihin ng mga salitang lihim, hindi ba? Sinasabi ng boses na iyon na kung papasok tayo, maraming patibong ang naghihintay sa ating mangyari. Kung hindi naman ay magiging ligtas tayo rito sa labas.”
Simpleng mga kataga lang ang ginamit na mga salita ni Ulay para maliwanagan ang nakikinig sa kaniya. At dahil sa mga salitang binigkas niya ay nagbigay ng kani-kanilang mga opinyon ang apat sa kaniya. Nanatili lamang na nakatingin si Ulay sa bungad ng bundok na kaniyang pinakikiramdaman.
“Magiging duwag tayong matatawag kung hindi natin susubukang lagpasan ang kung anumang panganib na naghihintay sa atin sa loob ng bundok Lihim na iyan, Ulay,” aniya ni Aurora.'
“Handa akong makipaglaban basta kasama ko kayo. Handa rin akong protektahan ang lahat sa abot ng ating makakaya para kahariang babawiin natin, Ulay,” malakas ang kombiksyon ni Satur na sabihin iyon kay Ulay. “Limangdaang taon tayong nakipaglaban sa iba't ibang uri ng mababangis na nilalang. Kaya kung anuman ang magiging desisyon mo, mahal na prinsipe, susundin ko.”
“Ang nais lamang namin ay malaman kung buhay pa o patay na aming nakatatandang kapatid. Sumama kami upang hindi maging pabigat sa inyo o upang protektahan kami. Handa rin kaming makipaglaban gamit ang mga kakayahan namin,” sagot naman ni Uno.
“Gagawin ko ang lahat mapangalagaan at ma-protektahan ang aking kapatid sa anumang balakid o panganib na kakaharapin sa loob ng bundok na iyan. Nasa iyong desisyon at mga kamay po ang huling desisyon, mahal na prinsipe. Narito lang po kaming apat para suportahan kang magtagumpay sa ating misyon,” komento at paliwanag naman ni Dano.
Narinig ni Ulay ang kanilang mga sinabi. Kahit hindi ito nakatingin sa kanila, tinitimbang-timbang niya sa kaniyang isipan ang lahat nga mga narinig niya. Totoong nasa kaniya ang huling desisyon. Makatotohanan rin ang mga sinabi ni Satur dahil sa loob ng limangdaang taon ay kasama niya ang mga ito. Nakita nina Aurora at Satur ang pinagdaanan niya sa mga mababangis na nilalang. Kaya hindi siya padadalos sa magiging kasagutan niya dahil hindi lamang para sa kaniyang sarili ito kung hindi para sa nakararami. At dahil sa pagtatagpi-tagpi ng mga salita at katagang iyon ay nagdesisyon siyang sundin ang sinasabi ng kaniyang puso, gabay ang kaniyang isipan na pumasok sa bundok Lihim.
“Ang desisyong ito ay hindi para sa aking sariling kapakanan lamang. Kasama kayong apat, ang aking ama at ina, maging ang buong Bahagharing nasa ilalim pa rin ng sumpa ni Helya. Kaya, tutuloy tayo sa loob at ihanda ang ating mga sarili sa panganib na naghihintay sa atin. Halina at pumasok!”
Nakangiti ang lahat. Masaya si Ulay sa kaniyang naging desisyon. Inunahan na niya ang paglalakad pero hindi inaalis sa kaniyang isipan ang maging mapagmasid at maging maingat dahil wala pa silang kaalam-alam sa patibong at panganib na naghihintay sa kanilang lima pagkapasok sa bundok Lihim.
“Patnubayan nawa kayo ng Bathala sa bundok Lihim. Maging matapang kayo at dalangin ko ang inyong kaligtasan sa pagpasok sa loob ng bundok,” naisiwalat na lamang iyon ni Hariya sa kaniyang isipan habang nanatiling pinagmamasdan ang paglalakad nina Ulay papasok sa bundok Lihim. Anuman ang naroon ay alam niyang malalagpasan niya rin ito. Hindi pa siya magbibigay ng pagsubok. Hahayaan niyang ang Lihim ang unang sumubok sa kanilang kakayahan.