Nagising akong natutulog nang mahimbing sa lilim ng isang malaking puno. May yumuyugyog kasi sa akin kaya naalimpungatan ako at kailangang buksan ang mga mata. Kulang na lamang ay magsisigaw ako sa takot nang makita ko ang anino at mukha ng nasa aking harapan.
“Anak. Huwag kang matakot. Kami ito ang iyong amang hari at inang reyna,” anito na nasa anyong malaking gorilya habang ang ina naman ay isang uri ng unggoy na kung tawagin ay chimpanzee.
Nang tingnan ko ang aking mga kamay at paa, doon na ako napasigaw nang pagkalakas-lakas. Nabulabog ko pa yata ang buong kagubatan sa ingay na aking nilikha. Halos tumagal nang labinglimang minuto ang aking pagsigaw hanggang sa tinanggap ko na rin sa huli at maalalang isinumpa pala kami.
“Totoo nga yatang isinumpa tayo ni Helya, mahal na hari,” untag ng aking inang si reyna Aliya. Nakaupo lang silang dalawa sa harapan ko. Malalim na buntong-hingina rin ang kanilang pinakawalan, bagay na hindi naman ginagawa ng totoong unggoy, gorilya, o chimpanzee.
“Wala naman tayong kasalanan, hindi ba? Hindi ko lang talaga lubusang maisip na isusumpa niya tayo sa kadahilanang hindi pumayag ang ating anak na kaniyang maging asawa. Isa siyang mangkukulam na dapat patawan ng parusang kamatayan,” sabat naman ng aking amang haring si Yalu Bahaghari.
Napabuntong-hininga na rin ako nang malalim at nagsalita upang humingi ng tawad. “Paumanhin, aking amang hari, inang reyna. Dahil sa akin ay isinumpa tayong maging unggoy. Kung tinanggap ko lang sana ang—”
Hindi ko naituloy ang aking sasabihin dahil pinigilan ako ng aking inang tapusin ang aking nais na isiwalat.
“Walang may kasalanan, anak. Tama lamang ang iyong desisyon na hindi tanggapin ang alok ni Helya. Ang pag-ibig ay hindi minamadali. Kahit kailan ay hindi ito pinipilit. Kaya, anuman ang nangyari sa atin ngayon, isinumpa man o hindi, walang may gusto at walang may kasalanan,” pagpapaliwanag sa akin ng aking inang si Aliya. Tumango ako at niyakap na lamang silang dalawa.
“Kayo pala ang dahilan kung bakit kaming mga taong sakop ninyo ay naging ganito!”
Mula sa aming likuran ay narinig namin ang isang nagsasalitang ungggoy. Nang bumitaw ako sa pagkakayakap sa kanila, tumayo kami at hinarap namin sila. Naalala ko tuloy bigla na hindi lang pala kaming tatlo ang isinumpa kung hindi buong kaharian ng Bahaghari ay dinamay ni Helya.
“Kumalma po tayo, kahit sandali lamang.” Pumagitna ang aking ama habang ang aking ina naman ay nasa tabi niya at ako naman ang nasa likuran nilang dalawa.
“Paano kami kakalma, mahal na hari? Paano tayo makababalik sa dati nating anyo? Paano kami makakapagtrabaho? makakain? Ang pamilya namin? Paano na po sila?”
Sunod-sunod ang mga tanong na itinataboy nila sa aming harapan. Kalmado pa rin at nakikinig lang ang aking amang hari nang mga oras na iyon. Ang aking ina naman ay tahimik ding nag-iisip ng gagawin.
“Pakiusap, tumahimik po muna tayo at may tatanungin lamang ako sa ating prinsipe Ulay.” Humarap ang aking ina at nagtanong sa akin. “Ulay, anak, natatandaan mo ba ang sinabi ni Helya bago tayo isinumpang lahat?”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin, inang reyna?” hindi ko maintindihan kaya nais kong ipaintindi niya ito nang maigi sa akin.
“Ang tungkol sa sumpa, anak. May sinabi ba si Helya kung kailan at paano tayo makababalik sa pagiging tao?” muli niyang tanong at naunawaan ko na.
Agad kong inisip ang mga salitang binitiwan ni Helya sa aking alaala at naalala ang salitang limangdaang taon.
“Limangdaang taon, ina. Limangdaang taon ang naalala kong sinabi niya,” sagot ko na ikinagulat at ikinagalit pa ng mga nasa anyong unggoy.
“Ano?”
“Limangdaang taon?”
“Paano kami mabubuhay niyan sa loob ng limangdaang taon?”
“Limangdaang taong nasa anyong unggoy?”
“Wala bang paraan upang mawala ang sumpa?”
“Kasalanan ito ng prinsipe! Kung pumayag ito sa alok ng mangkukulam, hindi sana tayo naging unggoy lahat!”
Ang mga huling komento ng isang unggoy na nagsasalita ang nagpanlumo sa akin. Patuloy sila sa pagtatapon ng mga maanghang na salita. Paninisi. Paninira. Ang amang hari naman at inang reyna ay pilit silang pinapakalma. Nang mga oras na iyon, nagdesisyon muna akong umalis upang makapag-isip.
Kung sila nga ay hindi matanggap ang naging kapalaran nila, ako pa kaya na mas lalong hindi makapaniwala dahil sa sumpa ni Helya? Hindi ko naman ginustong hindi tanggapin ang alok na iyon dahil alam kung magdudulot lamang ng kapahamakan iyon sa buong Bahaghari.
Hindi ko namalayang nakarating na pala ang aking mga paa sa isang maliit na batis sa kagubatang iyon at doon ay pansamantalang kinalimutan ang nangyari kanina't nagtampisaw sa malamig at napakapreskong tubig ng maliit niyon.
“Mainam na dito muna ako sa batis nang sa ganoon ay makalimutan ko pansamantala ang mga narinig kong masasakit na salita.”
Ganoon nga ang aking ginawa. Umupo ako sa damuhan. Kaya naman ang bigat. Kahit ang totoo ay hindi ko alam kung masasanay ako sa katawan kong malaki at mga kamay na malalaki rin. Nang gamitin ko ang dalawang malalaking kamay ko upang magsalok ng tubig sa batis, napatingin ako sa aking repleksyon.
“Limangdaang taon? Ano kaya ang puwede kong gawin sa loob ng mahabang taong iyon?”
Napaisip ako at napatanong. Napailing pa ako nang hindi ko malaman ang kasagutan at nagsalok ng tubig at uminom mula roon.
“Masarap ba ang tubig sa batis, Ulay?” Napalingon ako at nakita ang aking inang reynang umupo at tumabi rin sa akin. Nagsalok din ito ng tubig gamit ang kaniyang malalaking mga kamay.
“Sa tingin mo, kapag natapos ang limangdaang taong sumpa sa atin ay makababalik talaga tayo sa pagiging isang tao, anak?” tanong niya matapos uminom. Napailing ako dahil hindi ako sigurado sa aking sagot.
“Mukhang pareho tayo ng kasagutan, Ulay. Pero iibahin ko ang tanong. Ano sa tingin mo ang dapat mong gawin kapag natapos na ang sumpa sa atin ng limangdaang taon?”
Doon ako tila napaisip at pansamantalang natahimik. Ilang saglit pa ay sumagi sa aking isipan ang araw na nagtanong ako sa kanila tungkol sa obligasyon ko bilang susunod na hari ng Bahaghari. Dahil doon ay sinagot ko ang tanong ng aking ina at isinumpa ko rin sa aking sarili na magtatagumpay ako.
“Kailangan kong maging malakas upang bawiin sa kamay ni Helya ang kaharian ng Bahaghari, inang reyna. Sasanayin ko ang aking sariling katawan, talas ng pag-iisip, at talino sa pagsasanay na alam ko. Alam kong tutulungan po ninyo ako ni ama na magtagumpay.”
“At kailangan mo ring maging matapang, Ulay. Kapag nagtagumpay ka sa iyong pagsasanay at bumalik na tayong lahat sa pagiging isang tao, may paraan upang magapi natin si Helya.”