Sa Hilagang-Kanluran ng bansang Filipinas ay may isang maliit na kaharian na kung tawagin ay Bahaghari. Mayroon itong hari at reyna na siyang namamamahala sa buong kahariang sakop ng Bahaghari.
Sa loob ng halos isandaang taon ay tahimik at payapa ang kaharian ng Bahaghari. Walang nangahas o nagtangkang sakupin ang maliit na kahariang iyon. Takot kasi ang mga ito sa hari ng Bahaghari. Kaya naging isang masaya at ligtas na lugar ang kahariang mayroong mahigit limangdaang taong naninirahan dito. At sa limangdaang taong iyon kasama ako.
Sa kaharian ng Bahaghari ako isinilang. Ang aking amang hari at inang reyna ang naging gabay ko sa aking paglaki. Mababait at maalaga silang dalawa. Walang tigil sa pag-aasikaso sa aking pagkabata. Kahit pa nang umabot ako sa edad na dalawampu, naroon pa rin sila sa aking tabi. Tinuruan ng magagandang asal tungkol sa pakikipagkapwa tao at iba pang mga kaalamang kinakailangan ko upang ibigay sa akin ang susunod na obligasyon bilang isang tagapagmana ng trono sa aming kaharian.
“Kailangan ko po ba talagang matutunan ang lahat ng ito, ama?” minsang naitanong ko noong labinglimang taong gulang pa lamang ako.
“Nararapat lamang anak. Dahil ikaw ang magmamana at mag-aalaga sa ating buong kaharian. Sa iyo ko ibibigay ang tungkulin at responsibilidad,” sagot sa akin ng amang hari.
“Ikaw ang poprotekta sa ating mga sakop lalong-lalo na ang mga taong naninirahan sa kaharian natin, Ulay. Wala kang kapatid. Wala kaming ibang pagbibilinan ng lahat ng ito kung hindi ikaw. Ikaw ang karapat-dapat sa titulo ng isang susunod na hari ng Bahaghari,” dagdag pa noon ng aking inang reyna.
“Naiintidinhan ko po. Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya upang hindi kayo mabigo sa pagtuturo at pagtulong sa akin, ama, ina.”
Mula nang ipaintindi nila sa akin ang tunay na dahilan at nakita ko naman ang katotohanan sa aking paglilibot sa mayayabong, puno ng matataas na mga puno, at mabeberdeng damuhan, maging ang mababait ng mga tao sa kaharian, naipangako ko sa aking sarili na tutuparin ko ang pangarap ng aking amang hari at reyna para sa buong kaharian. Na pagsisikapan ko ang lahat upang makamit ang mithiing iyon para sa akin.
Ngunit, ang lahat ng matayog na pangarap kong iyon ay biglang naglaho nang biglang bumisita ang isang hindi inaasahang panauhing hindi namin alam kung saan ang pinagmulan.
“Ano ang maipaglilingkod namin sa iyo, Binibini?” tanong ng hari sa kaniya nang humarap ito sa punong bulwagan ng kaharian kung saan nakaupo ang aking amang hari at inang reyna.
“Ako po ay isang dayong naghahanap lamang ng masisilungan sa inyong maliit na kaharian, mahal na hari at reyna,” sagot niya na nakita ko namang magalang at may respeto sa namumuno sa amin.
“Ano ang iyong pangalan, dalaga?” singit ng inang reyna habang ako naman ay nagdadalawang-isip sa ipinapakita ng babae sa harapan ng aking ama at ina.
“Helya. Ang pangalan ko po ay Helya, mahal na reyna,” sagot naman niya. Magalang pa rin ito dahil nanatili pa ring nakayuko at nakaluhod.
“Tumayo ka, Helya at kami ay harapin,” utos ng amang hari.
Tumayo si Helya. Sa tantiya ko ay matangkad lamang ako sa kaniya ng dalawa hanggang tatlong pulgada at dalawang talampakan ang taas. Kulay itim ang buhok nitong abot hanggang baywang niya sa likuran. Mala-porselana sa kaputian ang balat at nang tumingin ito sa amin ay kulay itim din ang balintataw nito, na ikinagulat naming tatlo.
“Ano ang iyong tunay na pakay, Helya? Nais naming malaman ang buong katotohanan bago ka namin pahintulutang manirahan sa aming maliit na kaharian,” may diin at sadyang awtorisado na ang boses ni amang hari nang mga oras na iyon. Titig na titig ito kay Helya.
“Maliban sa sinabi mong naghahanap ka lamang ng masisilungan, Helya, gusto naming malaman ang totoo mong dahilan kung bakit ka nga napadpad dito sa aming kaharian. Isandaang taon nang walang dayo ang aming kaharian, kaya natural lamang na kami ay magtaka sa iyong biglaang pagbisita.”
Maging ang aking inang reyna ay hindi rin naikubli ang pagdududa sa pagsulpot ni Helya sa aming kaharian. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nahihinuha nila ang panganib sa pagdating ni Helya, bagay na kanina ko pa nararamdaman.
“Kung iyan ang inyong nais na malaman, malugod ko pong sasabihin ang buong katotohanan sa inyo, mahal na hari at mahal na reyna ng Bahaghari,” aniya at ibinaling ang tingin sa aking direksyon na aking ikinagulat. “Nais kong maging kabiyak ng inyong anak na si Prinsipe Ulay.”
Halos ayaw kumurap ng aking mga mata. Naibaling ko kaagad ang aking tingin sa aking ama at inang tila nagulat din sa tahasang pagpapakatotoo ni Helya sa aming harapan. Kalmado lang ang aking ama at ina nang mga oras na iyon, habang si Helya naman ay mukhang hindi inalis ang pagkakatingin sa akin. Ramdam ko ang kaniyang malalagkit na titig kahit hindi ako direktang nakatingin sa kaniya.
“Paumanhin, binibining Helya. Ngunit, ang iyong sagot at ay hindi katanggap-tanggap. Kahit pa nasa tamang edad na ang aking anak na si Ulay na mag-asawa, isang kahihiyan sa aming mga lalaki ang marinig mula sa inyong mga babae na gusto ni'yo maging inyong kabiyak. Bakit hindi mo tanungin si Ulay kung gugustuhin ka nga niyang maging kaniyang asawa?”
Hindi ko inaasahan ang sagot na iyon ng aking ama. Maging ang aking ina na nasa tabi lang nito ay walang imik. Napailing lang ito. Walang itulak-kabiging maisagot sa sinabi ni Helya.
“Kung gayon, Prinsipe Ulay, nais kong marinig ang sagot mula sa iyo. Nais mo bang ako ay iyong maging asawa at kabiyak?”
Umayos ito ng tindig. Tutok na tutok ang mga mata nito sa akin. Ang kaniyang itim na balintataw ay tila nanghihipnotismo sa akin, dahilan upang mapailing ako at inalis ang pagkakatinging iyon sa kaniya.
“Paumanhin, Helya, ngunit hindi ako sang-ayon na iyong maging asawa. Wala pa sa aking kamunduhan at isipan ang bagay na iyan. Ang kaharian ng Bahaghari ay bukas sa sinumang bisitang nagnanais—”
Hindi ko na matapos-tapos ang aking sasabihin dahil nakita ng aming mga mata ang pagbabagong-anyo ni Helya. Mula sa isang maganda, mahinhin, at inosentang dilag, naging isa na ito ngayong mangkukulam na kulay itim ang lahat ng kasuotan. Lalong nagimbal ang lahat ng sunod-sunod ang pagkulog at pagkidlat sa labas. Magkayakap ang amang hari at inang reyna nang mga oras na iyon habang ako ay nakatitig lamang sa ginagawa ni Helya. Ilang saglit pa, narinig namin ang kaniyang sumpang naging dahilan ng aming paglisan sa buong kaharian.
“Dahil hindi mo tinanggap ang aking alok na aking maging asawa, isinusumpa ko ang iyong ama at ina, at ang lahat ng taong nasa Bahaghari na maging unggoy. Ikaw, Prinsipe Ulay ay isinusumpa kong maging unggoy sa loob ng limangdaang taon sa lupain na kung tawagin ay Gororiya!”