Galaxy's POV:
"Maraming salamat talaga, Kelly. Pakiramdam ko mas naging confident ako ngayon," nakangiti kong sabi.
"Ano ka ba, wala iyan! Gusto kong bumawi sa iyo mula sa lahat ng nangyari. Alam kong malaki ang naging kasalanan ko sa iyo, sa inyo. Masaya akong napatawad mo na ako," masayang sabi rin ni Kelly.
Nagyakapan kaming dalawa at muli akong tumingin sa salamin. Hanggang balikat na lang ang noong mahaba kong buhok. Pinakulayan niya rin ako ng brown para mas lalo akong magmukhang maputi. May libre pa akong nail extensions sa kaniya. Pareho kami ng disenyo na butterfly nail art.
"Uuwi na ako, Kelly. Uuna na ako sa 'yo. Makapagpahinga na sa condo. Pinagod mo ako sa mga ginawa natin, balak ko rin sanang kitain si mom. Balita ko naman na wala ang mga kapatid ko sa bahay at busy si dad. Si Kuya Zodiac naman ay may anak na at gusto kong makita balang araw ang mga pamangkin ko. Alam mo namang hindi ko matitiis si mom at lagi iyong alalang-alala sa akin," paliwanag ko kay Kelly.
"Kailan mo ba balak umuwi sa inyo?" tanong niya.
"Baka sa isang linggo–"
"Next week pa pala! Sumama ka muna sa family dinner namin. Bawal ang tumanggi ha. Matagal ka nilang hindi nakita at miss ka na rin daw ni Chantal,"putol sa akin ni Kelly.
Nakaramdam naman ako ng kaba at hiya. Alam kong iilang tao lang ang may alam ng totoong nangyari kung bakit ako napunta sa asylum at napakatagal na nanatili roon. Nahihiya ako sa mga magulang ni Kelly at naaalala ko pa ang pagtataboy ko sa kaniya noon. Pinagsisisihan ko naman na ang lahat. Masaya nga ako dahil malaki ang naitulong ng asylum sa akin para gumaling.
"Alam ko kung bakit ka natahimik. Galaxy, alam kong natatakot ka pa rin at nahihiya. Huwag kang mag-alala, alam kong iba ka na. May tiwala ako sa 'yo at saka kalimutan na natin ang nakaraan. Hindi rin iyon makakabuti sa 'yo," pangungumbinsi sa kin ni Kelly.
"Pero nahihiya talaga ako sa kanila. Hindi rin naman ako part ng pamilya niyo. At saka baka hindi na nila ako kilala–"
"Hep hep, tumigil ka nga. Halika na at sumama ka na. Inaasahan ka na nila at sinabi ko kahapon na sasama ka. Masaya ka pa nga sabi ko sa kanila noong niyaya kita," nakangising putol na naman sa akin ni Kelly.
Napabuntong hininga na lamang ako at inirapan siya. Tuwang-tuwa naman si Kelly dahil gala mode na naman kami.
Dinala niya ako rito sa private room niya sa salon. Ang Kelly na iyon ay may paganito pa. Para daw iyon sa mga hindi mapigilang tagpo with hubby niya. Ang halay talaga!
Pagbukas niya ng walk-in closet ay bumungad sa akin ang isang katerbang damit. May mga dress, pants, tops, skirts, shoes, at heels. Marami ring bag. Paniguradong napakarami rin niyang ganito sa bahay.
"Bakit napakarami naman ng mga damit mo?" tanong ko.
"Tanda mo ang kasabihan natin noon?" tanong ni Kelly.
"Humayo kayo at mamili ng mga hindi kailangan," sabay naming sabi at nagtawanan.
–
"Welcome sa aming tahanan! Iyan lang ang nakayanan ni hubby ko Galaxy. Pagpasensyahan mo na," pagyayabang ni Kelly.
Nasa harap kami ngayon ng mansyon nila. Ang lukaret ay ilang hektarya ang lupain. May fountain pa sa labas ng bahay na mas matangkad pa sa kuya ko. Hanep, ano pa kaya ang yaman ng pamilya namin? Ang balita ko ay nasa top 10 na sa pinakamayayaman sa buong mundo ang pamilya namin.
Pumasok kami sa mansyon nila. Hangang-hanga talaga ako sa gandang taglay nito. Hindi ko akalaing bahay ito at hindi resort. Halimaw ang architect na gumawa nito.
"Sinong architect ng bahay niyo?" tanong ko.
"Ang kuya ni Neon na si Radon. Kasama yata sila at ang asawa niya sa loob," sabi nito.
Tumango naman ako. Sinalubong kami ni Neon na humalik sa labi ni Kelly. Sana all naman talaga.
"Sana all na lang," asar ko sa dalawa.
Inginuso ni Kelly ang gilid ko kaya bigla akong lumingon. Muntik na namang magtama ang labi namin ni Nitron kaya lumayo agad ako.
"Una na kami sa dinning. Usap muna kayo take your time," pantataboy sa amin ni Kelly bago umalis.
Tumikhim naman si Nitron kaya lumingon ako sa kaniya. Nginitian ko siya at binati.
"I'm sorry for dragging you into this mess. Makisakay ka na lang sa sasabihin ng mga magulang ko," sabi niya.
"Naguguluhan ako. Ano iyon may problema ba?" tanong ko.
"Noong niyaya ka ng pamilya ni Kelly na sumama sa family dinner ay sinabi ni Neon na nililigawan na kita. Ayaw namang maniwala ng pamilya ko na magkakilala lang tayo," paliwanag niya.
Bahagya pang napaawang ang labi ko sa gulat. Pahamak talaga si Kelly at ang asawa niya. Pero bakit gano'n? Nakakaramdam ako ng kilig. Parang sinisilihan ang puso ko. May parte ring nasaktan sa akin dahil sana ay totoo na lang.
Sino ba ang niloko ko? Crush ko na ang isang ito!
"Sige, huwag kang mag-alala. Ayos lang iyon," nakangiti kong sabi.
Pansin ko rin ang pag-iwas ng tingin ni Nitron. Nang mapatingin ako sa salamin ay nanlaki ang mata ko.
Kaagad kong itinaas ang parteng deep v-neck nitong dress ko. Nakasuot ako ng halter v-neck dress na medyo kita ang cleavage. Si Kelly ang nagpasuot sa akin nito.
Pumasok na kami sa loob ng dining at doon napatigil ang pamilya ni Nitron sa pagkain. Nagulat naman ako nang biglang mabilaukan si Niveya sa iniinom niyang iced tea.
"Galaxy Heat?" tanong niya.
"Niveya Koten?" tanong ko rin.
Sabay kaming nagtanguhang dalawa at nagngitian. Siya yata ang asawa ni Radon. Wala naman na sa akin ang nakaraan niya sa pamilya ko. Mayroon namang second chance ang lahat para magbago.
"Magkakilala kayo?" tanong ni Kelly.
Tumungo lamang ako. Tumayo naman ang mga magulang ni Kelly at nila Nitron. Niyakap nila ako at nagpakilala ako sa kanila. Iba pa ang ngisi ni Radon kay Nitron pero itong isa ay mukhang walang pakialam.
Umupo na kami ni Nitron. Nakita ko si Chantal na pababa at kasama ang isang cute na batang lalaki. Kamukha iyon ni Niveya, anak siguro nila ni Radon.
Binati ko si Chantal bago siya umupo. Magiliw namang nagflying kiss sa akin si Chantal. Ang liksi niyang bata. Manang-mana sa nanay niyang si Kelly.
Nagsimula na kaming kumain at sumasagot naman ako sa ilang tanong ng pamilya ni Niveya. Nakikitawa nga rin ako minsan para hindi halatang out of place na ako.
Lumapit naman sa tenga ko si Nitron at akmang bubulong. Nagsitaasan ang balahibo ko nang tumama ang hininga niya sa akin.
"Are you okay? I can take you somewhere kapag tapos ka nang kumain. I know na out of place ka," bulong niya.
"I'm fine, huwag kang mag-alala. Ayaw ko ring makaabala sa pagkain mo," nakangiti kong sabi.
Tumikhim naman ang nanay ni Nitron kaya napaangat ang tingin ko sa kaniya. Mukhang fierce ang mukha ng ginang at nakakatakot ang aura. Ngunit kahit ganoon, sumisigaw ito ng kagandahan.
"So tell us, kailan ang kasal? Ikaw na lang Nitron ang walang pamilya sa inyong magkakapatid. Hindi ka na bumabata anak," sabi ni ginang.
"Mom, don't pressure her. At saka nanliligaw pa lang ako. Wala pang namamagitan sa amin," sagot ni Nitron.
"Son, walang nakakawala sa kamandag ng mga Caruso. Tandaan mo iyan," biro ng tatay ni Nitron.
Nahot seat naman ako at pakiramdam ko talaga ay totoo ang pagpapanggap namin. Kita ko rin ang pagkamangha ni Kelly. Baka iniisip niyang totoo na talaga ito.
"So iha, kumusta ang family mo? Saan ka nagwowork ngayon?" tanong ng tatay ni Kelly.
"Maayos naman po sila maging ang takbo ng negosyo namin. Wala pa po akong trabaho as of now," sagot ko.
Kita ko ang pagsulyap sa akin ng nanay ni Nitron. Mukhang hindi niya nagustuhan ang narinig niya.
"Wala kang trabaho? How come eh isa kang Heat? Sabagay, buhay ka naman sa mana mo kahit hindi ka na magtrabaho," sabi ng nanay ni Nitron.
Nakaramdam naman ako ng panliliit. Rinig ko ang pagsaway ni Nitron sa nanay niya. Balak ko naman talaga maghanap ng trabaho. Gusto ko munang ienjoy ang labas.
"Kakalabas ko lang po ng asylum noong nakaraan. I'm planning naman po na kumuha ng trabaho o maghandle ng business namin–"
Napatigil ako sa pagsasalita nang magsabi ng 'wow' ang nanay ni Nitron na si Felicia. Halatang hindi niya ako gusto para kay Nitron kahit hindi naman totoo ang lahat.
"Honestly, I don't like you for my son. I don't care about your wealth. Ayaw ko lang ng pabigat para sa anak ko," prangka niyang sabi.
Ramdam ko ang pagpiga ng puso ko at pagkakapos ko sa hininga. Nakaramdam ako ng panliliit at awa para sa sarili ko. Doon na tumulo ang mga luha ko.
Pabalyang tumayo si Nitron at hinila ako palabas. Nakatungo lamang ako habang nagpupunas ng luha.
Bakit ganoon? Kahit hindi totoo ang relasyong iyon sa pagitan namin ni Nitron ay nasasaktan ako?
Tumigil kami sa harap ng fountain nila. Inabutan naman niya ako ng panyo.
"I'm sorry dahil sa inakto ni mom," paghingi niya ng paumanhin.
"Ayos lang, nagpapanggap lang naman tayo kanina. Kaso bakit ganoon? Ang sakit eh, Nitron. Pasensya ka na rin pero uuna na ako. Pasabi na lang sa kanila ang paalam ko," sabi ko at mabilis na tumakbo paalis.