Galaxy's POV:
"You okay? Namiss ka naming lahat, miss na miss Galaxy. Ngayon lang tayo ulit nagkita-kita ah. Biruin mo iyon after so many years. Ang ganda-ganda mo rin. Parang wala ngang tumanda sa atin. Salamat sa genes ni mom at dad," malat na sabi ni Ate Stella.
Niyakap ko siya ng mahigpit at muli na naman kaming nag-iyakan. Kakalibing lang ngayon ni dad at present lahat kaming magkakapatid dito sa libing. Nasa sementeryo kami ngayon katapat ng puntod ni dad na pinag libingan niya pa lang ngayon. Nakaalis naman na ang ibang nakilibing kanina. Kaming pamilya na lamang ang natira.
Malungkot kaming lahat lalo na si mom dahil biglaan ang pagkawala ni dad. Masakit sa akin iyon lalo na at hindi ko man lang nakita si dad kahit sa huling sandali. Sana ay masaya si dad kung nasaan man siya ngayon. Mahal na mahal namin siyang magkakapatid at ni mom.
"Ladies, tama na ang iyak. Why don't we eat muna? Lalong malulungkot si dad kung magluluksa tayo nang husto. Lalo ring malulungkot si mom. We still need to move forward," pagtawag sa amin ni Kuya Zodiac.
Niyakap din namin si Kuya Zodiac. Sobrang namiss ko silang lahat, nakakatuwa nga at may mga pamangkin na ako. Naglakad na kami paalis sa puntod ni dad. Kumaway naman ako bilang huling paalam at malungkot akong hindi ko muli siyang nasilayan na buhay. May pagtatalo pa man din kami noong huli kaming nagkita.
Nang makarating kami sa sasakyan ay akay-akay ng kambal nila Kuya Zodiac si mom. Ang laki na ng anak nila Ate Yolly at Kuya Zodiac, si Levi at Mission. Ang ganda talaga ng lahi at puro half sila. Ang gwapo-gwapo naman ng anak ni Ate Stella at Kuya Johnson na si Trey. Hindi ko naman akalaing si Johnson pala ang mapapangasawa nito. Iba talaga ang ihip ng tadhana. Masaya naman ako para sa kanilang lahat syempre lalo na at nahanap nila ang totoong makakasama nila habang buhay.
Hindi ko naman maiwasang makaramdam ng inggit sa mga kapatid ko. May asawa na sila at pamilya, settled na ang lahat at masaya. Ako naman ay single pa. Hindi naman sa hindi ako masaya, gusto ko lang magkaroon ng kasama sa pagtanda. Masarap din iyong magkaroon ng anak at makakasama maging mag-aalaga sa 'yo.
Napailing na lang ako para iwaksi ang mga naiisip ko. Sumakay na kami sa van at tumungo sa isang restaurant. Nakakapagod at mainit sa labas. Ilang araw na rin akong walang maayos na tulog dahil sa pag-iyak. Hindi ko naman inaasahang ganito kasakit ang mga bubungad sa akin paglabas ko ng asylum.
Nakarating kami sa isang five-star restaurant. Napakarami nilang inorder dahil kumpleto kami. Nandito rin si Tita Ester at Tito Mayhem na magulang ni Ate Yolly. Laging naman nandito si Tita Ester dahil best friends sila ni mom. Nakakatuwa nga ang samahan nilang dalawa. Napakatagal na nilang magkaibigan, nagkatuluyan pa ang mga anak nila.
Tahimik lamang kaming kumain at nagkukumustahan lamang sila. Malaking usapan nga ngayon ang kompanya ni Ate Stella na Tellason dahil sa malaking sales nito. Mayroon na rin siyang branch sa mahigit 50+ countries at nagshiship din overseas.
"Ikaw Galaxy, kumusta naman? Balak mo na ba itake over ang pamana ni dad sa 'yo na pharmaceutical company?" tanong ni Kuya Zodiac.
Napatigil naman ako sa pagsubo at napa-isip. May sarili na pala akong kompanya at hindi ko iyon alam. Planado na pala talaga ni dad ang mga mana namin bago pa siya pumanaw. Hindi niya kami hahayaang maghirap at sinigurado niyang maayos ang magiging buhay naming magkakapatid.
Mukhang hindi naman ako handa pang magpatakbo at baka rin malugi. Kahit nasa dugo namin ang pagiging negosyante ay kinakabahan pa rin ako. Isa pa, wala pa ako gaanong experience. Gusto ko rin muna maglibot.
"Pwede bang hindi ko muna itake over? Sino ba ang nagmamanage sa ngayon? Pakiramdam ko kasi ay hindi pa ako handa. Saka balak ko munang iexplore ang nursing para mas lumawak pa ang alam ko pagdating na rin sa mga gamot. Baka makaisip din ako roon ng mga products na maidadagdag sa kumpanya," sagot ko.
"That's fine, nasa pangangalaga ko naman ang kumpanya. May acting CEO pa naman as of now pero mas lalago pa ito lalo na panigurado kapag ikaw na ang nagmanage. Makakapaghintay naman iyan, you can explore pa, Galaxy. Just tell me if you need something. Huwag ka rin manghihinayang gumastos dahil galing sa mga shares at stocks ng pamilya natin at kumpanya mo ang laman ng mga card. Magsasabi ka rin sa akin kung may kailangan ka lalo na kung may gumugulo sa 'yo," sabi ni Kuya Zodiac.
Ngumiti naman ako kaya tinanguhan ako ni kuya. Napansin ko ring nagyakapan si Tita Ester at mom. Si Ate Stella naman ay parang lumambot ang tingin.
Lumambot naman ang puso ko. Masaya silang lahat para sa akin kaya dapat din akong maging masaya. Alam kong iyon din ang gusto ni dad para sa akin, ang ikabubuti ko. Pareho sila ni mom na iyon ang pangarap sa aming magkakapatid.
Kapag inililibot ko ang aking paningin sa mesa namin ay para akong kumakain kasama ang mga modelo at artista. Ang gaganda talaga nilang nilalang, parang hindi na tao. Grabe rin ang iginanda ni Ate Yolly, parang award-winning actress ang dating. Si Ate Stella naman ay sobrang puti na parang isang runway model.
Natapos kaming kumain at hinatid nila ako sa aking condo. Inalok ako ng bahay ni Kuya Zodiac pero tumanggi ako. May dadalhin naman daw ang sekretarya niya na mga kailangang gamit ko at mga papeles mamaya. Makakatulong daw sa akin iyon at sinabi niyang papaltan niya na rin ang kotse ko. Mas maganda raw ang mga bagong sasakyan ngayon lalo na kapag automatic.
Nakabalik na ako sa aking condo at nagpahinga muna saglit. Bago ako mahiga ay nagpalit ako ng damit at naghalf bath.
Naalimpungatan naman ako nang may kumakatok sa aking pinto. Naalala ko naman ang sekretarya ni Kuya Zodiac kaya agad akong tumayo at nagsuot ng roba. Baka siya na iyan.
Binuksan ko ang pinto at pinapasok siya. Lalaki pala ito at may dalang maraming paper bags. Nginitian ko naman siya at iminuwestrang pumasok sa loob. Magalang naman niya akong tinanguhan.
Isasara ko na sana ang pinto nang may humawak dito. Pagtingin ko ay si Nitron pala. Higit isang linggo rin kaming hindi nagkita. Mabuti na lamang at napag-usapan naman namin noong nakaraan ang alok niyang trabaho.
"Bakit?" tanong ko.
Sa tapat ko na ito nakatira. Mas malapit daw kasi ito sa ospital kaysa sa dati niyang condo. Mas convenient kasi para sa kaniya. Nakakatuwa rin dahil lagi akong makakasilay.
"Can I come inside?" bored niyang tanong.
"Okay sige," nakangiti kong sabi at pinapasok siya.
Prente namang umupo si Nitron sa sala. Nakatayo lang sa gitna ang sekretarya ni Kuya Zodiac.
"Ma'am Galaxy, hindi po nabanggit ni Sir Zodiac na may kasama po pala kayo–"
"Who are you?" malamig na tanong ni Nitron kay kuyang secretary.
"Ako po si Xian Gonzales, sekretarya ho ng kuya ni Galaxy," pakilala ni kuyang secretary.
Tumango naman si Nitron at sinabing magpatuloy na itong lalaki na magsalita. Problema kaya niya? Baka siguro narinig niya ang katok ni kuyang secretary kanina tapos nacurious at binuksan ang pinto. May pagka-chismoso pala itong si Nitron. Ang judgemental ko na.
"Ito po ang gamit na ipinadala ng Kuya Zodiac niyo. May bago po kayong cellphone, bagong kotse sa baba, bagong credit cards, at mga papeles niyo po. Tinatanong niya rin po kung gusto niyo raw lumipat ng kwarto?" tanong ni Xian.
"No thanks, I'm fine here," nakangiti kong sabi.
"Nagpadala rin po ng damit si Ma'am Stella. May cookies din pong nabake ang mga pamangkin niyo. Bukas naman po dadalhin dito ang stocks ng mga pagkain. Mag-iingat daw po kayo lagi bilin ni Sir Zodiac at Ma'am Stella pati ni mom niyo ho," paliwanag pa nito.
May ilan pa siyang sinabi bago umalis. Ibinigay niya na rin sa akin ang susi ng kotse ko. Hindi ko tinanong kung anong modelo ito para maging surprise mamaya. May papel naman siyang binigay para sa manual pero hindi ko muna sinilip. Na-eexcite ako. Paniguradong luxury car iyon.
"Hey, you okay?" pag-agaw ni Nitron sa atensyon ko.
Napatingin naman ako kay Nitron at tumango. Alam nitong nawala si dad at dumalaw sila isang beses noong lamay pa.
"Yeah, napadalaw ka pala? Kumain ka na?" tanong ko.
"Narinig ko kanina iyong nakatok, akala ko ginugulo ka. Don't worry about me, magtatake-out na lamang ako mamaya. Ikaw ba?" he asked.
"Kumain na ako kanina kasama ang pamilya ko pagkatapos ng libing," sagot ko.
Saglit kaming natahimik kaya inilagay ko muna ang ibang paper bags sa kwarto. Napakarami nito at sinilip ko naman ang mga damit, ang gaganda lalo na at galing sa kumpanya ni Ate Stella. Pagbalik ko sa sala ay nakatayo na si Nitron.
"I'm going, may duty pa ako. Tell me kung kailan mo balak kunin ang trabaho. I can wait and manage pa," cool nitong sabi.
"Uhm ngayon, pwede na. I'm coming with you is it okay?" tanong ko.
"Yeah, you can. Uuna na lang ako dahil may urgent meeting pa kami. Punta ka na lang sa Caruso Hospital at ipatawag mo ako. Be there before lunch," sabi nito.
Tumango naman ako at hinatid siya palabas ng pinto. Kaagad akong nagbihis dahil naligo naman na ako kanina. Nagsipilyo na lamang ako ng ngipin.
Nagsuot ako ng denim high-waist pants at white polo croptop. Dala-dala ko ulit ang paborito kong Hermes bag. Sneakers naman ang suot ko sa paa.
Bago ako umalis ay naglagay ako ng light make-up. Lumabas na ako ng kwarto at akmang isasara ang pinto ng condo ko nang matitigan ko ito.
Habang patagal nang patagal ay mas na-aappreciate natin ang ganda ng mga bagay. Ganito ang nangyayari sa akin ngayon at sa aking kwarto lalo na at namiss ko ito.
Napakalinis ng condo unit ko at may touch of american modern house style. May sala, kusina, kwarto, at working office. Malaki ito para sa aking mag-isa lamang na nakatira.
Inilock ko na ang pinto at bumaba. Pagdating ko sa parking lot ay inilabas ko ang aking electric key at pinindot.
Tumunog naman ang isang kotse sa dulo. Napamangha naman ako sa ganda nito. Iba talaga kapag si Kuya Zodiac ang bumili. Halatang hindi titipirin.
Isa itong Aston Martin. Tiningnan ko na ang papel na bigay ni Secretary Xian kanina. Isa pala itong Aston Martin Rapide at nakalagay rin ang presyo! Grabe, nakakalula talaga. Dapat ay hindi gasgasan. Nanghihinayang nga rin akong sakyan dahil madudumihan.
Gamit ang bago kong cellphone ay kinuhanan ko ito ng litrato. Ginawa ko rin iyon na wallpaper.
Pati itong cellphone ko ay napakaganda. Apple ang brand at Iphone 11 naman ang model.
Sumakay na ako sa aking bagong kotse. Pinatakbo ko na ito at nagtungo na ako sa ospital.
Maaga pa naman kaya dumaan ako sa Jollibee para bumili ng paborito namin ni Nitron na peach mango pie. Kinikilig tuloy ako, sana ay magustuhan niya. Minsan lang din naman ako manlibre.
Nagdrive-thru na ako at kita ko pa ang mga batang kumukuha ng litrato sa kotse ko. Natatawa na lang ako at ibinaba ang bintana para kawayan sila. Kumaway naman ang mga bata pabalik. Narinig ko pa ang sabi nilang ang ganda ko raw. Hindi naman 'no.
Matapos kong makuha ang pagkain ay nagmaneho na ako papunta sa ospital. Mabuti na lamang at may GPS dahil hindi ko na saulo ang daan. Halos walong taon din yata akong nasa loob ng asylum. I lost count, hindi ko na rin matandaan.
Nang makarating ako sa ospital ay naging agaw pansin ang sasakyan ko. Proud naman ako sa aking new baby na Aston Martin dahil ang ganda nito at ang angas.
Matapos kong magpark ng sasakyan ay pumasok na ako sa ospital. Sa lobby naman ako dumiretso at hinanap agad si Nitron. Maganda itong ospital at hindi amoy kemikal. Ganoon kasi sa iba pagpasok pa lang.
"Hi, pwede kay Doc Nitron?" tanong ko.
Tiningnan pa ako nitong mga nurse na on duty mula ulo pababa sa paa. Nang makumbinsi na sila sa pagkilatis sa akin ay tumawag sila sa telepono.
"Second to the last floor. Iyong pangalawang opisina sa dulo," mataray na sabi nitong nurse.
"Salamat," masaya kong sabi.
Sumakay na ako ng elevator at pinindot ang 14th floor. Inayos ko naman ang pagkakabitbit ko sa dala-dala kong supot ng Jollibee.
Nalaman kong naduty rito si Nitron at minsan sa Acienda Asylum kung saan dati ako nakarehab at nagthetherapy. Magaling pala talaga itong doktor at nasa Google pa nga ang profile niya. Ibang klase.
Nang bumukas ang elevator ay kaagad akong naglakad sa sinabi nung nurse na opisina. Siguro ay may acting assistant naman si Nitron pansamantala. Kumatok muna ako at pagbukas ko ng pinto ay roon na nanlaki ang mata ko.
Nakaupo si Nitron at nakayuko habang may babaeng nasa tapat ng mesa niya na nakataas ang isang binti roon. Bahagya pang nakalilis ang suot nitong half thigh dress kaya aninag ko na rin ang dilaw niyang panloob.
Napatingin sila sa akin dahil tumunog ang pagbukas ko sa pinto. Nanlaki naman ang mata ni Nitron at biglang tumayo. Maging iyong babaeng kasama niya ay napataas ang kilay.
"Galaxy!" gulat niyang sigaw sa pangalan ko.
"Well, sino siya babe? Paalisin mo na iyan dito at masyadong maganda para maging taga-deliver ng Jollibee mo. I smell something fishy sa kaniya," sabi nitong babaeng singkit at maliit ang dibdib.
Hindi ko naman magawang lunukin ang laway ko dahil pinoproseso pa ng utak ko ang lahat. Hindi ko alam kung aalis ba ako, papasok, magsasalita, o iirapan ang babaeng ito.
Pero ang tanong, girlfriend ba talaga siya ni Nitron? Bakit ganoon ang posisyon ng babaeng iyan kanina?