“I believe she is telling the truth,” nasabi ni Junrel kay Javier. Itinago na niya ang name card na iyon sa kanyang bulsa at napatingin sa labas ng bintana saka napatawa siya nang mahina. “At hindi ko inasahang ang galing niyang magsalita ng wika natin, Javier.”
“Siyanga, Señor Presidente,” ang tahimik namang sang-ayon ng bodyguard na napangiti kahit paano.
Naalala pa niyang medyo maamo ang mukha ng dalaga. Medyo matangos ang maliit na ilong nito, maganda ang pagkakorte ng mga kilay nitong medyo maarko, singkit ang mga mata, makapal at maalong pilik-mata, maganda ang hugis ng mukhang medyo diamond ang hugis at magaganda ang tila palaging nakangiting mapupulang mga labi nito. Sa tingin niya ay natural lang iyon kung hindi ay manipis na lipstick lang ang gamit nito. At kahit sa suot nitong may takong ay hanggang baba niya lang ang taas ng babae dahil sa tangkad niyang six feet.
Medyo napangiti at napailing pa siya sa babaeng hindi mabura sa kanyang isipan.
Pabalik na sila sa kanilang hotel. At sinabihan niya ang driver na huwag mag-aalala dahil sa hindi naman sila nasaktan sa nangyari.
Ibinigay naman niya kay Graciela ang business card ni Stephani Tomimbang at binigyan ito ng instructions.
“Tawagan mo ang numerong ‘yan bukas ng umaga. Kumpirmahin mo kung totoong isang travel agency ‘yan at magpa-book ka ng tour bukas ng gabi. That’s my only free time, right?” Nagsalita siya habang pumuwesto sa harap ng mesa sa loob ng kanyang suite.
Medyo napamaang pa ang kuwarenta anyos na babae sa narinig mula sa kanya. “Señor Presidente, bakit—?”
“Gawin mo lang ang gusto ko, Graciela.”
“Pero… kailangan nating umalis nang maaga patulak ng Tacloban, Leyte, para tingnan at kumustahin ang mga biktima ng super typhoon,” ang debate nito.
“It doesn’t matter! Just do what I tell you to do, okay?”
Hindi na lang ito nagsalita at sa halip ay bahagyang tumango kahit alam niyang labag iyon sa kalooban nito. Pagkatapos ay iniwan na siya nito habang kumakain siya at isang bodyguard ang iniwan sa loob kasama niya habang naghahapunan din ang iba at ang chief of staff niya sa restoran ng hotel.
Nang bumalik ang babae pagkatapos nilang kumain ay tinalakay nilang muli ang kanyang itinerary sa Pilipinas.
“Bukas ng alas diyes ay kakausapin mo si Pres. Roa at tutuloy kayo sa isang luncheon meeting kasama ang ilang cabinet members niya at isang press conference na gagawin. Hanggang alas tres, maximum ang lahat ng ‘yan. Pagkatapos ng press conference, dapat magre-report ka sa Head of State pagbalik mo sa hotel. Kailangang malaman kaagad ni King Alfonso XV ang mga pinag-usapan ninyo ni Pres. Roa. At bukas ng alas kuwatro gamit ang isang chopper ay tutulak tayong Leyte.”
“So I have time to have that short tour tomorrow evening, Graciela.”
Tumango naman ito. “Pero hindi ko alam kung bakit mo ‘to ginagawa, Señor Presidente. Hindi ka naman mahilig sa mga tours at palaging official business lang ang ginagawa mo.”
Napatitig ang binata sa pakumpas-kumpas na babae. Kaya ang ginawa niya ay ipinagpaalam niya kung ano ang nangyari kanina habang naglibot sila sa Makati.
“Ano? Sigurado ka bang hindi talaga siya reporter?” manghang usisa nito.
“Kaya nga tawagan mo ang numerong ibinigay ko sa ‘yo bukas ng umaga at nang malaman natin kung nag-e-exist nga ba ‘yan o hindi.” Sumandal pa siya sa kanyang kinauupuang nasa harap ng mesa.
“Paano kung gagamitin siya ng mga political opponents mo… somehow?” Tila desperada itong nakatingin sa kanya ngunit hindi na nito alam kung ano pa ang sasabihin sa kanya kaya napatikom na lang ito ng labing kinulayan ng matingkad na pulang lipstick.
“Hindi ko nakikita kung paano maaapektuhan ang political career ko sa babaeng ‘yon. Hindi ko rin naman hahayaan ‘yon, Graciela. But… we’ll see.”
Napatitig na lang sa kanya ang babae na walang masabi. But he knew better.
***
“Lola, kain na tayo,” ang anyaya ni Bop sa abuela na nakatitig sa TV screen dahil sa sinusubaybayan nitong drama. Tapos na ang evening news nang dumating siya sa bahay at nakahanda na rin ang pagkain sa mesa para kumain silang tatlo, kasabay ang katulong. Nagbihis lang siya nang mabilis ng pambahay—maluwag na T-shirt at komportableng shorts—bago sila kumain.
Tumayo naman ito at saka hinalikan siya sa pisngi kahit ginawa na nito iyon nang dumating siya.
“Nasaan ang ice cream ko?” tanong nito sabay upo sa puwesto nito, sa kabisera ng pahabang mesa at magkatapat sila ng katulong niya sa bahay na si Nena. Medyo mataba ito at mapagkatiwalaan naman. Kung kayumanggi ang kulay niya ay mas darker sa kanya ang balat ng katulong.
“Medyo natunaw po, Lola kaya pinapa-freeze ko muna kay Nena,” turan niya.
“Pinalakasan ko nga po ang ref para sa ice cream n’yo,” ang dagdag pa ng beinte y singko anyos na si Nena.
“Buti naman. Kakainin ko ‘yon habang nanonood ako ng paborito kong drama.” Ngumiting tumango ito habang nilagyan ng dalaga ng kanin at ulam ang plato ng matanda. May kapayatan ang lola niyang morena ang balat at magkasing-tangkad lang sila. Halata na ang kulubot nitong balat, marami na ang uban sa ulo at ulyanin na sa edad na setenta.
Napangiti si Bop na nakatingin sa abuela at nag-umpisa na silang kumain pagkatapos magdasal ng pasasalamat sa Panginoon.
“Wala ka bang klase bukas, Bop apo?” tanong nito habang kumakain sila.
“Lola, tapos na po akong mag-aral at may sarili na po akong negosyo.”
“Ha? Kailan lang ‘to?” nakasimangot na tanong nito. Lalong kumunot ang kunot nang noo.
Napangiti siya sa matanda at maingat na hinawakan ito sa kamay. “Matagal na po. Kaya kalimutan mo na ang pag-aaral ko.”
Napatango na lang ito at nagpatuloy sa pagkain.
“Hindi ba siya lumabas kanina, Nena?” tanong naman niya sa katulong.
“Sa may lawn lang po, Ate Bop. Sinisigurado kong nakakandado ang gate kapag umaalis ka para hindi siya makalabas.”
“Mabuti naman. Baka kasi kung saan siya magpupupunta at hindi natin malaman. Malilimutin pa naman na siya. At alam mo na ang panahon ngayon. Basta’t huwag kang magpapapasok nang kahit na sino kahit na kakilala pa natin kapag wala ako sa bahay.”
“Opo, Ate.”
Napabuntong-hininga naman siyang napasulyap sa abuela. “Lola, magbabakasyon tayo balang araw. Kung gusto mo lang naman,” aniyang nakangiti bago sumubo ng bistek at kanin na niluto ni Nena.
Nagniningning ang mga mata ng matanda nang marinig iyon. “Siyanga, apo? Saan naman? May pera ba tayo?”
Napatawa siya nang marahan. “Lola naman! Nag-iipon na ako para sa bakasyon natin siyempre kaya ‘wag na kayong mag-alala tungkol do’n.”
“Hmm… Siguro mas maiging mag-ipon ka na lang para sa pagpapakasal mo balang araw.”
Laglag ang panga ng dalaga. Sa hindi niya alam na kadahilanan, biglang sumagi sa isip niya ang guwapong lalaki kanina na may mga bodyguards. Sumimangot siya at pilit iwinaksi iyon sa utak niya.