“Suffocation, sir,” sabi ni PSSg. Lopez at ibinigay kay Alexander ang folder habang naghihintay sa abogado ni Roldan Abril na siyang suspek sa pagkamatay ni Hernato Capingping. Tiningnan naman ni Alexander at binasa ang laman ng folder.
“Nasa interrogation room na po si Bienvinido,” sabi ni Dominic.
“Tara,” sabi ni Alexander at nagsimula na sila sa interbyu. Pagkatapos, isinunod naman nila ang iba pang mga nakasalamuha ni Hernato at ang panghuli ay si Roldan Abril na itinanggi ang pagpatay kay Hernato Capingping.
“Nandito rin kami para marinig ang side mo. Alam kong may iba't ibang pananaw ang bawat isa sa mga nangyari. Gusto naming tiyakin na maayos at patas ang imbestigasyon, kaya anumang detalye na maibibigay mo ay makakatulong,” sabi ni Alexander, at nasa tabi niya naman si PSSg. Halili para mag-take note.
“Wala nga akong kinalaman diyan. Hindi ako ang pumatay kay Hernato,” sagot ulit ni Roldan Abril at nagkrus ng mga braso.
“Okay, kung sa tingin mo wala kang kinalaman, iyon ang posisyon mo, at nirerespeto namin iyon. Tandaan mo lang na kung mayroon ka pang nais idagdag o iklaro sa mga susunod na pagkakataon, maaari mo kaming kontakin o kausapin ang abogado mo. Sa ngayon, titigil muna kami sa pagtatanong, pero magpapatuloy ang imbestigasyon batay sa ibang ebidensya at impormasyon na makakalap namin,” sabi ni Alexander at sinenyasan na si PSSg. Halili na sumunod sa kaniya. Lumabas sila ng interrogation room na nakakuyom ang mga kamao. Nagpaalam na rin ang warden at jailguards sa mga pulis.
“Ang kalmado niyo kanina, sir. Kung ako siguro ‘yon, namura ko na siya. Halata naman na siya ang pumatay,” sabi ni PSSg. Halili nang makasakay si Alexander sa sasakyan.
“Kung alam mo lang kung gaano ko pinigilan ang sarili ko,” sabat ni Alexander at umiling-iling. “Nirerespeto ko lang karapatang pantao niya at ang pagiging pulis ko. Hintayin natin ang resulta ng DNA. For now, habang wala pa, magfocus ulit tayo kay Atty. Jarvis. Ngayong patay na si Hernato, kailangan natin makahanap ng lead,” dagdag niya pa.
“Understood, sir,” sagot ni PSSg. Halili at Lopez sa kaniya. Nakarating sila sa istasyon at ito ang usap-usapan sa mga kapwa nila pulis. Pumasok si Alexander sa opisina niya at naupo sa swivel chair. Tiningnan niya ulit ang file kung saan nakasave ang video interview ni Antonette at pinanood ito. Inulit niya pa ito nang ikalawang beses. Bukod sa nagagandahan siya kay Antonette, may narinig pa ito sa babae.
“Papel,” sabi ni Alexander. “It could be evidence,” bulong niya. Mabilis na tumayo si Alexander at lumabas ng opisina niya.
“Tawagan mo ako kapag may balita na, I have to go somewhere first,” sabi ni Alexander. Nagpaalam siya na aalis muna at pumunta sa klinika ni Antonette. Ipinark niya ang sasakyan at pumasok sa loob. Mabuti at walang ibang kliyente ang doktor bukod sa kaniya.
“Antonette,” tawag niya sa babae.
“Mr. Chavez,” sabi naman ni Antonette. Siya lang ang mag-isa sa klinika dahil umalis para bumili ng ulam ang mga empleyado niya sa tapat ng klinika. Napatikhim si Alexander. “Iyong pusang dinala mo ba? Meron siyang lagnat na sanhi ng URI at may nakita rin akong parasites sa kaniya. May mga sugat rin siya at kailangan niyang mag-stay dito for days para maobserbahan,” sabi ni Antonette.
“Okay good, do everything. Money’s not an issue for me,” sabi naman niya. “Pero, Netty, maliban sa pusa may iba pa akong pakay,” saad niya. Napataas ng kilay si Antonette.
“If it’s another one of your nonsense, Alexander, ayaw kong marinig ito,” sagot naman ni Antonette.
“The paper,” sabi ni Alexander at umupo. Kinuha niya ang cellphone niya at nagsimulang mag-record. “I’ll be interviewing you again, is that okay with you?” tanong niya. Kaagad naman naintindihan ni Antonette ang gusto ng pulis.
“Okay,” sabi ni Antonette.
“Noong huli kayong mag-usap ni PSSg. Lopez, sinabi mo na palaging tulala si Atty. Jarvis habang hawak ang isang pirasong papel. Maaari ba nating linawin ang bahagi ng iyong pahayag tungkol sa nangyari noong araw na iyon?” tanong ni Alexander. Tumango naman si Antonette habang mabilis ang t***k ng puso. May nalaman na kaya ang pulis sa kaso ng asawa niya?
“Bago patayin si Jarvis, he was handling Hernato Capingping’s case, but my husband, he never shared anything work-related dahil alam kong confidential lahat ng kasong hawak niya. Nakikita ko siya madalas tulala pagkauwi sa bahay, he was fixated on this small paper at parang may bumabagabag sa kaniya,” sagot ni Antonette.
“Napansin mo ba kung ano ang laman ng papel o kung may mga detalye kang natandaan tungkol dito?” tanong ni Alexander. Umiling si Antonette, parang sumasakit ang dibdib niya kapag naalala ang araw na binaril si Jarvis.
“Hindi,” sagot niya.
“Kahit hindi niya diretsong sinabi, may binanggit ba siyang clue o ano mang bagay na may kaugnayan sa papel na iyon?” tanong ni Alexander.
“Wala talaga. Walang nasabi si Jarvis sa akin,” sagot naman ni Antonette.
“Wala ka bang ideya kung saan niya tinatago ang maliit na papel na iyon?” tanong ulit ni Alexander. Nakita niya halos maiyak na si Antonette kaya inabutan niya ito ng panyo na palagi niyang dala.
“Wala talaga pero hahanapin ko, for Jarvis, I will find that paper that might help catch the perpetrator,” sagot niya.
“Maraming salamat sa pagsagot sa mga katanungan ko, Antonette. This information is a big help. If you happen to find the paper, please coordinate with the police,” sabi ni Alexander. Tumango naman si Antonette. “Huwag kang mag-alala, we’re doing our best to find justice for Atty. Jarvis,” dagdag pa nito at pinatay ang recording.
“Netty, may isa pa akong sasabihin sa iyo,” sabi ni Alexander. “Ang dating kliyente ng asawa mo na si Hernato Capingping ay natagpuang patay sa selda nito. I know this is sudden news, but we’re conducting an investigation about it. Titingnan rin namin ang anggulo kung connected ba ang pagkamatay niya sa pagkamatay ng asawa mo,” dagdag niya. Napasinghap si Antonette at parang nahihirapan siyang huminga sa narinig. Nanlalamig din ang mga kamay niya kaya mabilis na tumayo si Alexander para lapitan siya.
“Breathe, Netty. Breathe,” sabi ng pulis at iyon ang ginawa ni Antonette. Hawak ang kamay ng babae, hinahagod nito ang likod niya para pakalmahin. Nang kumalma na si Antonette, mahinang itinulak niya papalayo si Alexander.
“Okay na ako, salamat,” mahinang sabi niya. Tumango si Alexander at nagpaalam na kay Antonette. Lumabas siya ng klinika at naiwan si Antonette na seryosong nakatingin sa pintuan.