Nang makauwi, agad na pumunta si Antonette sa opisina ng asawa. Kinuha niya ang susi sa drawer at binuksan ang pintuan. Pumasok si Antonette at pinindot ang switch ng ilaw. Nang magkaroon na ng liwanag sa opisina ng asawa, napakagat ng labi si Antonette at hindi maiwasang magbalik-tanaw sa nakaraan noong nabubuhay pa ang asawang si Jarvis.
Pinunasan ni Antonette ang luha sa mukha at naglakad patungo sa table ni Jarvis. Nagsimula siyang buksan ang mga drawers para hanapin ang papel, ngunit nalibot na niya ang lahat pero wala siyang nakita. Tiningnan niya rin ang mga libro at inisa-isa, pero walang nakaipit dito.
“Ate?” tawag ni Andeng na nakasilip sa pintuan at pinagmamasdan si Antonette at ang mga nakakalat na libro sa lamesa at sahig.
“Anong hinahanap mo, ate? Pwede kitang tulungan,” dagdag niya pa at pumasok. Ngumiti si Antonette.
“Nasaan si Mikael?” tanong ni Antonette.
“Nasa kwarto niya, Ate, nanonood ng paborito niyang palabas,” sagot naman ni Andeng at naupo sa tabi ni Antonette. “Ano bang hahanapin natin, Ate?” tanong niya.
“Papel,” sagot naman ni Antonette. Napatingin ang dalaga sa kanya nang nagtataka. “Basta papel, Deng. Maliit na papel. May ganitong kalakihan,” sabi ni Antonette habang inilalarawan ang papel sa katiwala. Tumango-tango naman si Andeng at nagsimulang buksan ang mga libro. Umabot sila ng isa’t kalahating oras pero wala pa rin silang nakikitang papel.
“Ate, hindi kaya naitapon na ‘yon ni Kuya?” tanong ni Andeng. “Mauubos na po natin mga law books niya pero hindi pa rin po natin nakikita yung papel,” dagdag pa ni Andeng na napakamot na lang ng ulo.
“Hindi ko rin alam, Deng. Ako na rito, maghanda ka na ng makakain natin,” sabi ni Antonette.
“Sige, Ate,” sagot ni Andeng at lumabas na ng kwarto. Napabuntong-hininga si Antonette at inisa-isa niyang ibalik ang mga libro. Inayos niya ang damit niya at lumabas na sa opisina ng asawa. Pumasok si Antonette sa kwarto nila at mabilis na nagpalit ng damit para puntahan ang anak. Kumatok muna siya at saka binuksan ang pintuan. Nakita niya kaagad si John Michael na naglalaro ng blocks habang sinasabayan ang kanta sa TV.
“Mommy!” sigaw ng bata at agad na yumakap sa kanya.
“Hi, my baby,” sabi naman ni Antonette at hinalikan sa pisngi si John Michael. “Gutom ka na ba? Baba na tayo and let’s see what your Ate Andeng made,” sabi niya. Tumango naman ang bata. Magkahawak-kamay, bumaba silang dalawa sa hagdan at pumunta sa dining room.
“Tamang-tama ang baba niyo, Ate, luto na ang ulam,” sabi ni Andeng habang naglalatag ng mga plato sa lamesa. Bumitaw na si John Michael at umupo sa puwesto niya at tumabi naman ang ina sa kanya.
“Salamat, Deng. Upo ka na rin,” sabi niya at sabay silang tatlong naghapunan. Habang nag-uusap at nagkakasalo sa hapunan, damang-dama nila ang bigat ng alaalang iniwan ni Jarvis.
Excited na bumaba sa dyip si Antonette sa harap ng University kung saan siya mag-aaral ng kolehiyo sa kursong Veterinary Medicine. Sa awa ng Diyos, isa si Antonette sa nakakuha ng scholarship na handog ng ampunan kung saan siya kasalukuyang nanunuluyan.
Sanggol pa lamang si Antonette nang iniwan siya sa ampunan. Hindi na niya hinanap pa ang kanyang totoong mga magulang, pero isa rin siya sa mga hindi pinalad na maampon at tumanda na sa ampunan. Kaya naman nagsumikap siya sa pag-aaral para makatulong sa mga bata sa ampunan at para na rin sa sarili niya.
Pumasok si Antonette sa loob ng University. Ang bilis ng t***k ng puso niya. Pumunta siya kung saan gaganapin ang orientation nila at nakilahok.
Mahigit isang buwan ang nakalipas, enjoy na enjoy pa rin sa klase si Antonette at meron na rin siyang mga kaibigan. Naglakad si Antonette malapit sa malawak na field. May malaking puno roon at mahangin. Dito siya madalas tumambay kapag naghihintay ng sunod na schedule ng klase niya. Naglatag siya ng maliit na picnic mat na dala-dala niya at nabili niya sa ukay-ukay nang bente pesos, at nagsimulang magbasa ng libro para sa quiz nila mamaya nang may bumahing sa likuran niya.
“Sinong nandiyan?” tanong ni Antonette. Lumabas ang isang lalaki mula sa kabilang bahagi ng puno at ngumiti sa kanya. Tumaas naman ang kilay ni Antonette. Ang lalaki sa harapan niya ay gwapo, matangkad, at maputi.
“Hi,” sabi ng lalaki.
“Nauna ako rito,” biglang sabi ni Antonette, na ikinatawa naman ng lalaki.
“Hindi ko naman inaangkin. At saka, this is school property, pwede rin naman akong tumambay dito,” sabi ng lalaki. Hindi siya pinansin ni Antonette at bumalik ito sa pagbabasa. “I’m Alexander,” pakilala niya.
“Okay, Alexander, pwede ka nang umalis,” sabi ni Antonette.
“Sungit,” sabi na lang ni Alexander at umupo sa kabilang bahagi ng puno. Antonette felt bad because of what she said to the boy. Maayos naman siyang kinausap ng lalaki pero nagmaldita pa siya. Napabuntong-hininga si Antonette.
“I’m Antonette,” sabi niya. Napangiti si Alexander at isinara ang kanyang mga mata.
Ganoon lagi ang tagpo. Kapag nagbabasa si Antonette sa ilalim ng malaking puno, nasa kabilang bahagi naman si Alexander at natutulog. Unti-unting nasasanay na siya sa presensya ng lalaki, at okay lang naman sa kanya dahil hindi naman siya nito ginugulo. Nalaman niya rin na Criminology student pala si Alexander, base sa uniporme nito.
“Netty,” tawag ni Alexander.
“Bakit? At Antonette, hindi Netty,” sagot ni Antonette.
“Would you rather be able to speak every language fluently, or be able to communicate with animals?” tanong nito. Ibinaba ni Antonette ang libro at tumingin sa mga kalalakihang naglalaro ng soccer sa field.
“Of course, I’d choose to communicate with animals,” sagot ni Antonette. “Kung hindi mo alam, VetMed student ako. It would be fascinating to understand what animals think and feel,” dagdag pa niya. Hinintay niyang magsalita ulit si Alexander pero tahimik na ito sa pwesto niya. Nagkibit-balikat siya at nagbasa muli.