MAHIRAP ang training na ibinigay sa kanilang lahat. Pantay-pantay at walang paborito. Ilan sa kanila ang sumuko na at hindi na nagpatuloy pa. Gayunpaman, mas marami pa rin ang nanatili. Mas nananaig naman ang kagustuhan ni Prin na maging magaling sa lahat ng trainees doon. Bukod sa may dugo talaga siyang mandirigma dahil anak siya ni Rob Matsui, gusto niyang pantayan si Cally balang araw.
Nang araw na iyon, plano ni Prin na lumabas ng mansion para magsanay ng kendo gamit ang isang wooden sword. Kailangan niyang patunayan ang kanyang galing lalo na at nalalapit na ang group battle.
Mahahati sa tatlong sukatan ang laban ng apat na grupo. At mauuna nga, ang kendo.
Nakakapag-sanay naman si Prin. Gamit pa nga niya ang tunay na katana kaya malakas ang loob niya at alam niyang mananalo siya. Napansin naman siya ni Cally na palabas ng main gate habang nagsasanay ito at si Joen. Kumunot ang noo ng binata at nag-excuse sa huli.
Tahimik na sumunod ang lalaki na halos hindi marinig ang mga kaluskos na gawa nito.
Nasa isip ni Cally na dahil pinababantayan dito ang dalaga, alam nito na may pananagutan ito kung sakali man na may mangyaring masama kay Prin.
Nakita ni Cally ang lahat ng kilos ni Prin. Kahit ang pagtigil nito sa ilalim ng puno ng sakura, hindi kalayuan sa mansyon. Tumigil din ang binata ilang metro mula roon, sapat lang para makita ang mga kilos at galaw nito.
Kita niya kung paano humugot ng malalim na hininga ang dalaga bago magsimula.
Ilang segundo lang ay parang naging kaisa ni Prin ang hangin at para itong nagsasayaw sa sarili nitong musika. Tumatama pa sa makinis at mala-porselanang balat nito ang papalubog na araw na nakadagdag napakagandang tanawin para sa kanya. Magaan at hasa ang pagkilos.
Natulala si Cally at halos hindi kumurap habang pinagmamasdan ang bawat pagkilos ni Prin. Hindi niya lubos akalain na humusay ang babae sa iilang linggo nila ng pagsasanay.
Hindi niya napapansin na ilang minuto na pala niyang pinagmasdan ito. Nagulat na lang siya nang may pumalakpak sa kanyang tabi.
Hindi niya akalain na sumunod sa kanya si Joen. Kanina pa ba ang ito na hindi niya rin napansin? O masyado siyang nabighani sa pagkilos ni Prin?
Nabigla naman si Prin na makita doon ang dalawang binata. Bigla itong nakaramdam ng hiya.
"Wow! GW8, ang galing mo! Turuan mo ‘ko!" ani Joen habang papalapit kay Prin.
Nakabawi naman agad ang dalaga. Pero hindi niya mai-alis ang paningin kay Cally na papalapit din sa kanyang kinatatayuan.
"Sige na, GW8, turuan mo ‘ko!" pilit dito ni Joen. Hinawakan pa nito ang sleeve ng damit ng dalaga.
"Ayoko! Tigil-tigilan mo nga ako!"
Nakatitig naman si Cally sa paghawak ni Joen sa manggas ni Prin. Kumunot ang noo niya. Hindi naman siya nakaramdam ng inis, pero gusto niyang ilayo si Joen dito.
"Huwag mo na siyang kulitin. Ako na ang magtuturo sa iyo," suway dito ni Cally.
Natuwa naman ang lalaki. "Wow! Thank you, Cally! Ikaw talaga ang master ko!" parang wala sa sarili na sabi nito. Simula ng pigilan kasi nila ito noong isang gabi sa pagtakas, itinatak nito sa isip ang mga payo ng binata na huwag kalimutan kung bakit ito nagsimula at mas pinaghusayan niya rin ang training.
Hindi na ito pinansin pa ni Cally.
"You've been good," puri nito kay Prin na ikinatuwa niya nang lihim.
"Salamat!" Tumatagos sa kaloob-looban ng puso niya ang simpleng salita na iyon. Tatandaan niya ang araw na iyon dahil iyon ang unang araw na pinuri siya ng lalaki.
"Uhm, magdidilim na kaya bumalik na tayo sa camp," naiilang na sabi niya sa dalawa.
Habang pabalik, pinakikiramdaman niya ang lalaki. "Iilang linggo ka na lang pala mananatili dito. Good luck sa pag-alis mo." Hindi niya ipinahalata na nalulungkot talaga siya.
"Hmm...” simpleng sagot ni Cally. Makakasama niya naman muli ang lahat ng matitirang trainees kapag lumipat ang mga ito ng training camp sa UK.
Sakto naman ang pagbalik nila sa camp dahil pinatawag ang lahat ng trainees at pinapunta sa general hall. Nawawala kasi ang katana na ilang daan taon na, at nagmula pa iyon sa Heian period. Iyon ang katana na nakita ni Cally sa loob ng training room para sa personal guards sa loob mismo ng tirahan ng mga Matsui. Pumila sila nang maayos base sa normal na ginagawa kapag may pagsasanay mula sa mga guro.
"Kung sino man ang kumuha ng Katana ay umamin na. Lilitaw din naman ang pangalan mo bago sumikat ang araw kinabukasan, kaya payo ko sa kumuha na kung sino ka man, mas mabuti pa na ilantad mo na ang sarili mo," ani Rob sa lahat.
Tahimik ang lahat at walang nagsasalita sa loob ng ilang minuto.
"Sisiguraduhin ko na hindi basta parusa ang igagawad ko kaya mas mabuti pa na ilantad mo na ang sarili mo!" Matigas na wika muli ng kanilang master.
"Master, iilan lang naman ang nakakapasok sa loob ng tahanan niyo. Sigurado na isa lang din sa kanila," ani Levan Hung or MB16, na nagsimulang sumagot kay Rob. "Kung hindi ang mga leader, siguradong si Cally dahil madalas namin siya na makitang pumapasok nang lihim sa loob."
Seryoso lang si Cally na tiningnan ang kasama niya na si MB16. Sigurado siya na maingat siya sa pagpasok at paglabas ng bahay ni Rob. Kaya paano siya nito nakita?
***
KUMUNOT ang noo ni Rob. "MB16, kailangan mong panindigan ang akusasyon mo."
Si Cally ang magnanakaw ng katana sa loob ng Matsui mansion? Nahihibang ba ang batang ito? Para na rin nitong sinabi na nagnakaw si Cally ng sarili nitong pag-aari.
Hindi alam ni Rob kung ano ang nangyayari pero base sa tono ng pananalita nito ay inaakusahan nito si Cally, dahil tanging ito lang ang ordinary member na malayang nakakapasok sa loob ng tahanan nila bukod kay Prin.
Tahimik naman at seryoso si Cally na hinayaan ang imbestigasyon.
"Uulitin ko, bibigyan ko ng pagkakataon na lumabas na ang taong kumuha ng katana. Hindi mo magugustuhan ang parusa na ibibigay ko," matigas nang wika ni Rob.
Halatang kinabahan ang lahat Isa pa, hindi pa man nagte-train ang karamihan sa kanila, naririnig na nila ang pangalan ng lalaki bilang isang malupit na tao, magaling sa pakikipaglaban sa mundo nito at kahit na wala itong armas ay kaya nitong pumatay ng tao.
May ideya rin sila na hindi ito simpleng tao base lang ng pag-train nito sa kanila sa loob ng ilang buwan. Tulad ng inaasahan, walang umamin sa lahat ng trainees. Sumenyas si Rob sa mga guards para halughugin ng mga ito ang bawat camp ng apat na grupo. Ilang minuto lang, isang guard ang may bitbit na katana at inabot nito iyon kay Rob.
"Shukon (my lord), nakita namin ang katana sa Blade Camp. Nasa ilalim ng kutson ni Shi Cally," pagbibigay-alam nito.
Tumingin ang halos lahat ng trainees kay Cally nang marinig ng mga ito ang pangalan niya. Hindi naman alam ng mga ito o naiintindihan ang ibig sabihin ng 'Shi’.
Humugot ng malalim na hininga si Rob. "Uulitin ko, sino ang kumuha ng katana at inilagay sa ilalim ng higaan ni Cally?" matigas nitong tanong.
"Master, hindi ba normal lang na si Cally ang paghinalaan niyo? Bakit kailangan n’yo pang itanong sa amin?" reklamo ni MB1 na leader ng Dragoon Team. "Madalas ko nga na makita si Cally sa loob ng residente kaya may posibilidad na siya talaga ang pumuslit ng katana."
"Imposibleng si Cally... Kaya nga kung sino ang kumuha ay umamin na," matigas na sabi ni Rob sa mga ito.
Si Cally naman na nakahalo sa trainees ay tahimik lamang at walang reaksyon. Gayundin si Prin. Ngunit ang lahat ng mata ng lahat ng trainees ay nasa kanyang direksiyon. Halata ang katanungan sa mga ito kung bakit ganoon na lang kung paboran siya ni Rob Matsui.
"Master, si Cally ang kumuha dahil sa kanya nakuha ang katana na nagmula pa sa Heian period," pilit ni Levan.
Nagpipigil si Kai na leader nila. Hindi nito makontrol ang sariling miyembro na si Levan pero may punto rin naman ang lalaki. Mas ninais pa rin nito na manahimik dahil naniniwala rin ito kay Cally na hindi nito kaya ang magnakaw.
"Cally…" sambit ni Joen na nasa kanyang tabi. Halata sa binata na kinakabahan ito sa resulta kung sakali man na maparusahan siya at umalis ng kampo.
Naalala ni Joen ang gabi na nakita niya ito at si Prin. Halata na galing nga ito sa loob ng mismong bahay ng mga Matsui kung saan sila pinagbabawal. Pero nagpasalamat siya na nakita niya ang dalawa nang gabing iyon dahil nananatili siya sa training. Natulungan din siya ni Cally na masiguro ang kaligtasan ng anak at ng nobya niya.
"Imposibleng si Cally!" matigas na sabi ni Rob.
"P-pero—"
Bumaling si Rob kay Cally na tahimik pa rin sa mga oras na iyon. "Cally, ano ang masasabi mo sa bagay na ito?"
Tumayo si Cally at nagpunta sa harapan. " I can say that someone was envious and wanted me out in this training, but I had never done stealing in my whole life. Furthermore, I can use this katana whenever I want. Why would I need to steal it?"
Tumingin si Cally kay Levan. "I know MB16 is the one who did it."
Agad na gumawa ng reaksyon ang huli.
"Ha! You’re crazy! Why would I need to do that? Sa ‘yo nakuha ang katana pero sa ‘kin mo isinisisi? Master, parusahan n’yo na ang magnanakaw na 'yan!" pilit ni Levan.
"I am sure you are the one," seryosong sabi niya.
Napalunok si Levan pero hindi nito ipinahalata. Pinilit pa rin nito ang pagmamatigas sa harapan ni Rob. Hindi naman makapagsalita ang ibang trainees. Naniniwala ang mga ito na si Cally ang kumuha dahil sa kutson ng binata nakita ang katana.
"You were trying to frame me. Alam mo ba kung bakit ko alam?" tanong ni Cally kay Levan.
Hindi sumagot ang huli.
"Because you saw me inside the house. Leaders are not allowed to tell anyone kung ano ang mga nakikita nila sa loob ng bahay. Siguradong ni isa sa kanila ay hindi sasabihin na nakita nila ako sa loob.... Aside from that, you knew that this katana was made in the Heian period."
Tinakasan ng kulay si Levan.
"Yeah, paano mo nga nalaman na mula pa sa Heian period ang pinahahanap ko?" baling ni Rob kay Levan habang nakatingin ng pailalim.