MAKALIPAS nga ang dalawang oras, binalikan sila ni Rob sa kasama ang iba pang guro. Ipinaliwanag nito ang training na gagawin nila. Ang una ay kailangan na fit sila bilang Dark Guards. Kailangan nilang i-maintain ang sariling sukat at timbang. Kokontrolin din sila sa lahat ng pagkain at tubig na kakainin.
Umpisa pa lang ang sinabi ni Rob pero alam ng mga trainees na hindi birong diet ang ipagagawa nito sa kanila.
Malaki rin ang responsibilidad ng leader dahil kailangan na parusahan nito ang gagawa ng kasalanan at hindi pwedeng magreklamo ang trainee. Ang pinaka-mahalaga sa training nila ay hindi ang pisikal na lakas, kung hindi ang intelektuwalidad at moral. Magsisimula ang pagsunod nila sa napili nilang leader.
Sa loob ng anim na buwan, sasamahan ni Cally ang lahat ng trainees doon bago siya magpunta sa UK para magpatuloy muli ng pag-aaral. Walang nakakaalam sa mga trainee na siya ang magiging master ng mga ito pagdating ng araw.
Tanging si Lorenz lang ang nakakaalam bilang ampon nila ito sa bahay. Hindi na rin siya nabigla nang makuha nito ang posisyon bilang leader ng Cobra group.
***
MAAGANG nag-ensayo ang grupo ni Cally. Alas-kuwatro ng madaling araw ang ibinigay na oras ni Kai para magsimula at parurusahan ang late.
Si Prin bilang katorse anyos at pasaway na bata, nahuli siya ng gising kaya na-late siya ng limang minuto. May kasama pa siya na tatlong trainee sa hilera ng mga late.
Hindi naman makapaniwala si Cally na mahuhuli ito ng dating. Lalo pa siguro na maisip na anak ito ng Uncle Rob niya.
"Do the planking hanggang sa matapos ang mga tumatakbo. Hindi pwedeng ibaba ang katawan at siguruhing maayos ang pagkakapantay ng braso," utos ni Kai.
Napalunok si Prin. Gusto niyang manghingi ng tulong kay Cally bilang pinabantayan naman siya dito sa daddy niya, pero siya rin naman ang may gusto na mag-training siya kaya wala siyang choice kung hindi sundin si Kai.
"Leader MB5, Ilang ikot po ba ang gagawin n’yo?" tanong niya rito. Kung isang ikot ay pipilitin niya na mag-plank kahit mahirapan na ang braso niya.
"Limang ikot," sagot ni Kai.
Nanlaki ang mata ni Prin. "S-sino po ang bantay?"
"Ako"
Umawang ang kanyang labi.
“MB8, you’ll start the run. Everyone, starts now!” Pumito ang lalaki at pinasimulang patakbuhin ang team nito.
Tulad ng magpa-plank, walang tigil din ang mga miyembro na tatakbo at bawal din na may mahuli sa pila. They should all be together. Simpleng panimula pero alam nilang lahat na sinasanay na sila ni Kai sa responsibilidad.
Parang maiiyak naman si Prin habang naka-plank. Ramdam niya na ang sakit ilang minuto pa lang siyang nakadapa habang sinusuportahan ng braso at binti.
May anim na minuto kada ikot ang mga kasama niya sa field kaya alam niya na treinta minutos sila roon. Pinilit niyang kalimutan ang sakit ng kanyang braso.
Kasi naman Prin! Bakit kasi kinalimutan mong gumising ng maaga? aniya sarili.
At least nagising pa siya, tama? Hindi niya pa rin kinalimutan na idilat ang mata. Pero kailangan niya bang ipagpasalamat iyon?
Pinilit niyang isipin na nakadapa siya sa malambot na kama sa kuwarto para hindi siya masaktan. Mind over power.
Naka-tatlong ikot na si Cally at ang mga kasama niya nang mapansin niya na halatang nahihirapan na si Prin. Hula rin niya na namumula na ang braso nito.
Sa simento lang kasi naka-plank si Prin at ang tatlo pang late. Parang kumirot ang dibdib niya na makita ang babae sa ganoong ayos. Ang ginawa ni Cally ay pinabilisan sa namumuno ang pagtakbo nila.
Pagtapos naman ng ehersisyo na iyon ay pwede na silang magsimula sa personal nilang oras at training bago sila ipatawag ni Rob para sa klase ng alas-sais.
Nang makabalik ay nilapitan niya agad si Prin at sinilip ang braso nito.
“Let me check your arms,” ani Cally.
“Bakit?” masungit na tanong ni Prin.
“Remember that I am your guardian.”
Umikot ang mata ng dalaga bago ipinasilip ang braso. Nagkagalos nga ang mga iyon tulad ng inaasahan at halata iyon dahil maputi ang dalaga. Hinila siya ni Cally at tumuloy sa pinakabahay ng mga Matsui.
"Get your medicine," utos nito sa maid.
Sumunod naman ito kay Cally. Ilang sandali lang ay inabot nito ang kailangan nila. Umupo sila sa isang couch na naroon.
"Don't move." Pinahiran ni Cally ng ointment ang braso ng dalaga.
Bawat pagpahid nito ng gamot at para bang nag-iiwan iyon ng kuryente sa katawan ng dalaga. Napalunok naman si Prin dahil sobrang lapit ng lalaki sa kanya. Mas kita niya sa malapitan ang butil-butil na pawis nito sa noo gawa ng pagtakbo nito, ang pilik-mata ng lalaki, ang makapal na kilay nito at ang labi. Naaamoy niya pa ang lalaki na parang hindi man lang ito bumaho sa mahabang pagtakbo.
Ipinilig niya ang ulo dahil hindi tama na pantasyahan niya ang isang kaaaban. Tama, kalaban ang tingin niya kay Cally!
"Can you at least sit properly?" wika ni Cally.
Ibinaba naman ni Prin ang tingin niya. Nakaangat kasi ang isang binti niya sa kung saan siya nakaupo.
"Bakit kailangan ko pang isipin na maupo nang maayos? Eh, bahay ko naman ito. Uupo ako sa paraan na gusto ko." Pagkatapos niyon ay inirapan niya ang lalaki.
Napailing na lang si Cally. "Let's go!” Maayos na ibinalik nito ang tela ng kanyang damit. “As your guardian, tuturuan kita kung paano ang gumising nang maaga sa susunod. Hindi lang basta gumising, tuturuan kita na tumupad sa usapan."
***
HINDI nila namamalayan na natapos na ang isang buwan ng training.
Nagagawa ni Cally na makapag-aral sa umaga o kaya ay sa gabi kapag natapos na ang physical training niya bilang dark guards. Hindi rin maiwasan na magtanong ng mga kasama niya kung saan siya pupunta o kung saan siya galing dahil kailangan niyang gumamit ng personal computer sa loob ng tirahan ng mga Matsui. Kilala siya ng lahat ng nakatira doon kaya malaya siyang nakakalabas-masok.
Bawal din ang trainees sa loob pero pinapayagan ang mga leader nila. Pinipilit lang niya na hindi makita ang kahit na sino sa mga kasama. Sa camp ng bawat group ay walang telepono o computer. Binibigyan lamang sila ng oras para makatawag sa pamilya o kaibigan.
Isang gabi, inabot ng dis-oras ang pag-aaral niya dahil kumuha siya ng ekstrang aralin. Noon lang niya napansin si Prin na nasa kabilang computer.
"Kanina ka pa?"
Nilingon siya nito. "Oo. Kinakamusta ko lang ang mommy ko."
Isang business woman kasi ang mommy ni Prin na nakabase sa Pilipinas. Madalas na ang daddy niya ang umuuwi o kaya naman ito ang nagpupunta doon sa Japan para sa personal time ng mga ito.
Naisip ni Prin ang mommy niya na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi alam na nagte-train siya kasama ng Dark Guards.
"Are you done? Let's go back!"
Nasilip ni Cally nang hindi sinasadya ang monitor nito at nakita niya na nasa social media ang babae at may ka-chat na kung sino. "Who is that guy?"
"My classmate," simpleng sagot ng dalaga.
"I could tell he’s not just a classmate. Tara na't huwag nang matigas ang ulo. Bawal tayong makipag-usap sa labas, ‘di ba?"
Naasar siya sa sinabi ng binata, ngunit sumunod siya bago pa siya nito isumbong.
"Hmp! Mr. Sungit!" Inirapan ni Prin ang lalaki at nagmamaktol na pinatay ang computer.
Hindi sila nag-uusap at sabay na naglakad pabalik sa camp ng Blade Group. Nabigla na lang si Prin nang hilahin siya ni Cally sa isang gilid bago lumiko. Tinakpan nito ang bibig niya at sumenyas na huwag magsalita bago nito tinanggal muli iyon.
Napagigitnaan siya ng lalaki at ng pader dahil kailangan nilang gumilid. Nalipat ang atensyon niya rito. Sa sobrang lapit ng dibdib nito sa kanya, naaamoy niya ang cologne ng lalaki na nakaka-adik. Para kasing nawala siya sa sarili. Tila ba nakalalasing ang amoy nito na kayang magpa-mental block sa kahit na sino.
Inangat niya ang paningin para makita ito. Nakalingon ito sa kanan at parang may hinihintay. Ilang segundo lang, mabilis itong kumilos. Isang lalaki ang galing sa loob ng camp nila ang mabilis na sinunggaban ni Cally. Hinawakan nito ang kamay, iniharap sa pader at saka inipit doon.
"Ah, ah, please. This is MB53!" hiyaw nito.
Niluwagan naman ni Cally ang pagkakahawak sa lalaki. Nakabawi naman si Prin mula sa nakaka-adik na amoy ng binata at agad na kinuwestyon ang lalaki.
"Where are you going in the middle of the night? Akala tuloy namin ay napasok na ang camp."
Napansin ni Cally ang bagpack nito at saka nagtanong. "Are you escaping?"
Nakayuko lang ito at hindi makatingin sa kanila.
"Tell me, what's wrong. Nahihirapan ka na ba sa training?" tanong muli ni Cally. Bilang nakasama niya na ang binata sa loob ng isang buwan, ramdam niya na hirap ito sa environment nila. At masasabi niya na ito ang pinaka-mahina sa Blade Group.
"Nahihirapan na nga ako, pero buntis ang nobya ko na kailangan kong puntahan. Manganganak na kasi siya sa susunod na linggo at kailangan kong makausap siya o mamamatay ako sa kakaisip. I need to be with her."
"Idiot! Kung aalis ka dito at pupuntahan mo ang girlfriend mo, sinayang mo ang pinaghirapan mo ng isang buwan. Saka hindi mo man lang ba naisip ang suswelduhin mo rito? You are jobless kapag umalis ka sa training. Samantalang after a year, you could earn millions after every year."
Natahimik naman ito dahil alam nito na may punto si Cally.
"I will give you one last chance. Kung nahihirapan ka sa training, we can help you improve your skills. That’s the only way. Ang pagtakas dito ay hindi solusyon sa problema."
Tinitigan ni Cally si Joen Sun or MB53 sa mata. Tinapik niya ito sa balikat.
"Always remember why you started," payo ni Cally. Kung manganganak na ang girlfriend nito, ang ibig sabihin lang ay ang babae at ang anak nito ang dahilan kung bakit ito naroon sa training para maging Dark Guard.
Naglakad na si Cally papasok sa camp nila. Agad naman na sumunod si Prin. May awtoridad at pang-unawa ang paraan kung paano nito pagalitan si Joen. Natahimik siya at napa-isip kung ano ang pagkatao ng lalaki. Kilala nito ang kanyang daddy. Nakakapasok din ito nang walang hirap sa kanilang mansiyon.
"Please help me!" narinig nila na sabi ni Joen. Sabay nilang nilingon ni Cally ang pabalik na lalaki.
"I can assure that your girlfriend will be safe. I'll asked someone to check on her hanggang sa manganak siya. Regarding your skills, you should focus on your weakest points. Try to learn how to fight. Unahin mong labanan ang emosyon na mayroon ka ngayon," ani Cally.
Kung ang simpleng bagay lang na iyon ay hindi pa nito kaya, paano pa ang mas mahirap pa roon.
***
NAKAPANGALUMBABA lang si Prin habang nakatingin kay Cally. Para siyang nagde-daydream.
Nagsasanay kasi ito sa Brazilian-jiu jitsu kalaban si Kai. Pinagmamasdan niya ang galaw nito. Cally, who are you, really?
Nawalan si Cally ng balanse at nagwagi si Kai, ngunit agad din itong nakabawi para patirin ang binti ng isa.
"Haaay…" Napabuntonghininga na lang siya habang nakatingin dito. Naramdaman na lang niya na may tumabi sa kanya.
"Para saan ang buntonghininga mo at sino ang tinitingnan mo?" tanong ni Ana na isa pang Blade member. Hinanap nito ang direksiyon ng kanyang mata mula sa kanilang kinauupuan. Siniko siya nito. "Wow! You like Cally?"
Napaatras siya. "O-of course, not!" mariing tanggi niya.
Nakangisi ito. Inilapit nito ang mukha sa kanya para mas malapit na makita nito ang namumula niyang pisngi.
"Hmmm.. I couldn't blame you if you like him. Karamihan sa trainees ay gusto si Cally."
Napalunok si Prin at ibinalik ang tingin sa binata na sabay din na napatingin sa puwesto niya. Nakaramdam siya ng kaba kaya agad siyang tumalikod.
"Of course, not! Baka ikaw d’yan ang may gusto sa panget na iyon!" nagagalit na sabi niya rito at saka tumakbo papunta sa tirahan ng Matsui.
Nagpunta siya sa kanyang silid na sobra ang kaba. Tulad na lang ng nararamdaman niya kapag nahuhuli siya na may ginawa siyang kalokohan. Hinagis niya ang sariling katawan papahiga sa kama at tinitigan ang kisame. Parang nakikita niya pa sa imahinasyon ang binata.
The way he looked at her while they were sitting down together. Kapag gumagamit ito sa computer room at seryoso na nakatingin sa monitor. Tumatama pa sa pisngi nito ang liwanag na nagmumula roon. Kapag seryoso ito na nag-eensayo, tulad na lang kanina. Napabalikwas ng bangon si Prin na hawak ang dibdib.
Sht! Nagugustuhan niya na nga ba ang binata? Tinatanong niya ang sarili. Bumalik muli siya sa higaan at saka dumapa. Para siyang baliw na inuutog ang noo sa malambot na kama.
"Joo, are you there?" Kumakatok ang isang maid sa labas ng pintuan ng kuwarto niya. Joo ang tawag sa kanya ng mga maid, bantay o ang mga nagtatrabaho doon na ibig sabihin ay babaeng anak ng master of the house.
"Yes."
"Kotaigo is here," anito sa labas.
Nagising sa katotohanan si Prin. Nandiyan ang Mommy niya! Sht!
Hindi niya alam kung may ideya na ang kanyang ina sa training na ginagawa niya. Pero alam ni Prin na malalaman nito ang bagay na iyon sa araw ding iyon.
Pinuntahan niya ito sa opisina ni Rob Matsui tulad ng direksiyon ng maid. Diretso lang siya na pumasok at naabutan pa ang mga ito na magkayakap at naghahalikan. Sabay na napalingon sa kanya ang dalawa nang marinig na bumukas ang pintuan.
Pero hindi nagustuhan ng mommy niya ang kanyang anyo. Tiningnan nito nang masama ang kanyang daddy.
“About that...” usal ni Rob.
"Rob! Why is she wearing a trainee outfit?" Lumayo agad ito sa daddy niya na akala mo ay may kayakap na kaaway. Lumapit ito sa kanya at saka siya niyakap.
"Darling, minamaltrato ka ba ng daddy mo?"
Rob was speechless.
"Mom, h'wag ka magalit kay daddy. Ako talaga ang may gusto na mag-train ako," paliwanag niya rito.
Tiningnan siya nito. Sinuri ang katawan niya kung may galos ba o kung ayos lang siya.
Tumikhim si Rob.
"Honey, huwag ka nang magalit. Si Prin talaga ang may nais na sumabak sa training at napatunayan naman niya na kaya niya ang training. Isa pa, si Cally ang nagbabantay sa kanya," paliwanag ni Rob
"Cally? Cally Han?" nanlalaki ang mata na tanong nito.
Ganoon din naman si Prin. Nagulat siya, lalo na ang marinig ang apelyido ng binata. Nagkatinginan sila ng mommy niya. Para namang nakakain ng kung ano ang nanay niya at agad na bumaliktad ang mood nito.
"I-is he Uncle Cloud's son?" tanong niya sa magulang. Normal na kilala niya ito lalo at bestfriend ito ng daddy niya. Hindi niya lang nakikita ang lalaki.
"Oh, yes! I knew him since he was a baby," anang kanyang ina.
"You are in the safe hands, darling! Galingan mo ang pag-akit sa kanya dahil ang guwapo ng batang iyon." Tinapik-tapik pa siya ng ginang sa balikat.
Seriously! Am I your daughter?
Pero lihim na nag-isip si Prin. Kung si Cally ay anak ni Cloud, ibig sabihin ay ito ang susunod na itatakda na maging headmaster ng Dark Lords.
Bilang Matsui, hindi lihim sa kanya ang mundo ng pamilya niya. Isa ang pamilya niya sa namumuno sa Dark Lords kaya marami siyang alam tungkol dito.
Cally Han…
Naiintindihan na ni Prin ang rason kung bakit parang prinsipe ang lalaki kung umasta at kumilos. Alam na rin niya kung bakit ito iginagalang sa kanilang tirahan.
***
INIMBITAHAN ng mommy niya si Cally na sumabay sa hapunan nilang mag-anak. Tahimik si Prin habang nasa tapat niya si Cally. Sa hindi niya malaman na dahilan, na-iilang siya rito.
Nagpasalamat ang mommy niya kay Cally.
"Tatapusin ko lang po ang quarter o ang group battle, at didiretso na po ako sa UK. Pero huwag po kayong mag-alala dahil ibibilin ko si Prin sa iba naming kasama," anito.
Nakaramdam naman ng lungkot si Prin sa narinig. Bigla niyang inangat ang paningin sa lalaki.
Hindi pa ito umaalis ay nalungkot na siya. Wala siyang magagawa dahil alam niyang mas mabigat ang haharapin nito sa mga darating na panahon.