Kabanata 2

2625 Words
HINDI na naalis ang tuwa sa mukha ng politiko sa kaniyang pag-upo sa tabi ni Daniel na patuloy sa pag-inom. Gumuhit pa ang matalim na ngisi sa labi nito katulad ng aso sa pagtitig nito sa kaniya. Kumikislap ang mga mata nitong puno ng kasakiman kaya kahit ang pumatay ng tao'y wala lang rito. Nanatiling walang reaksiyon ang ibang mga tao roon sa nangyari, nakaupo pa rin ang bawat isang tao sa kanila-kanilang mga mesa na hindi siya binibigyang-pansin. Binitiwan niya na lamang ang baril sa mesa kaya napatitig dito ang senador, kaagad din naman itong nagsawa kaya inalis din naman nito ang tingin doon. "Lumipat na lang tayo ng ibang lugar," ang nasabi ng senador nang kunin nito ang baril. Nakuha pa nitong alisin ang magasin para matingnan ang natitirang bala na lalong ikinatalim ng ngisi nito. "Hayaan na natin ang mga tao rito na linisin ang kalat," dugtong nito sa pagbalik nito ng magasin sabay abot ng baril sa alalay nitong nasa gawing kanan. Tinanggap naman ng alalay ang baril na siyang tinago nito sa likuran ng diyaket ng suot nitong terno. Napatitig na lamang siya sa politiko sa pagtayo nito na nakahawak ang dalawang kamay sa mukha ng dalawang babaeng nagbibigay ng aliw. Hindi ito kaagad umalis dahil sinibasib pa nito nang halik ang dalawang babae nang salitan, pinaglipat-lipat nito ang labi sa bibig ng mga ito kaya naghalo ang kanilang mga laway na nahaluan ng nainom na alak. Natapos ito sa paglalaro sa dalawang babae na mayroong kasamang pagsigaw sa dulo. Pinisil pa ng mataba nitong mga kamay ang malulusog na harapan ng mga babae kapagkuwan ay umalis na nga ito ng mesa, naiwan ang nagbibigay ng aliw sa upuan na umuungot na parang mga hayop. Sa paglalakad ng senador sumunod kaagad dito ang dalawang alalay nito. Hindi siya kumilos sa kinauupuan dahil sa mabilisang pag-inom ni Daniel sa alak sa basong hawak nito, pabagsak pa nitong binitiwan ang baso na gumulong pa sa mesa. Imbis na pigilan niya ang paggulong ng baso tiningnan niya lamang iyon hanggang sa mabasag sa sahig. Hindi na siya nito hinintay sa pagbuntot nito sa senador kaya napatayo na lang din siya sa kinauupuan. Sinabayan niya sa paghakbang si Daniel na nilalampasan lamang ang ibang mga mesang okupado ng mga tao. Nabaling pa niya ang kaniyang tingin sa grupo na pinatay niya na walang nararamdamang pagsisisi sa kaniyang sarili. Nakahandusay nga naman ang mga katawan sa mesa na kung titingnan sa malayo ay parang natutulog lamang ang mga ito. Naalis niya lang ang tingin sa wala nang buhay na grupo dahil sa pagsasalita ni Daniel. "Hindi ko alam na kaya mong pumatay nang ganoon lang," ang naisatinig ni Daniel sa paglapit nila sa hagdanan. "Nagulat ako." "Ano ang nakakagulat? Ibang mundo ang ginagawan natin kaya hindi ka dapat nagulat. Hindi na bago ang ganoon sa iyo," ang walang buhay niyang sabi dito. Ilang hakbang pa ay narating na nila ang hagdanan sa pag-uunahan ng kanilang mga paa. "Oo nga. Pero hindi ko magagawa ang nagawa mo," sambit ni Daniel. "Akala ko naman kasi hindi ka marunong humawak ng baril. Magagawa mo rin namang kumita ng salapi na hindi kailangang pumatay." "Sa tono ng pagsasalita mo mukhang nagsisisi kang tinutulungan mo pa ako," aniya dahil nahahalata niya talaga ang bagay na iyon sa pagkilos nito. "Hindi naman sa ganoon. Nagulat lang talaga ako. Hindi ko inasahan ang nangayari. Pero dahil sa nagawa mo mukhang tuwang-tuwa ang senador." "Mabuti naman," simple niyang sabi na wala rin naman talagang kahulugan para sa kaniya. Kahit ang mga naunang nasabi niya rito ay hindi pinagkakahulugan na iyon talaga ang kaniyang naiisip at nararamdaman. Lumalabas lamang ang mga salita sa kaniyang bibig dahil iyon talaga ang kailangan niyang gawin para hindi siya pagdudahan ng mga taong nakapaligid sa kaniya nang mga sandaling iyon. Sa dami ng mga paang bumaba sa hagdanan higit ang ingay na nagagawa ng mga iyon na natatabunan din naman ng malamyos na tugtog ng piano. Wala na ngang lumabas sa kanilang bibig matapos ng huli niyang nasabi sa kanilang pagpapatuloy. Hindi pa man nakababa ang senador ng hagdanan sinalubong ito ng bouncer na malabato ang katawan. Nagtatakang tumingin ang senador dito dahil humarang talaga ito sa daraanan. "Ano ang problema?" ang naitanong ng senador sa bouncer. Bago sumagot ang bouncer tumingin ito saglit sa mga taong naroon sa unang palapag. Hindi pa rin natigil sa pag-uusap ang mga taong naroon habang umiinom. "Mayroong mga pulis sa labas. Pinapasok ang mga aliwan dito," pagbibigay alam nito sa senador nang ibalik nito ang atensiyon sa senador sa kanilang pagtigil ni Daniel sa likuran ng dalawang alalay. Sumama ang mukha ng senador sa narinig. "Kung kailangan pang nagpunta ako rito ngayon din nila naisipang pumasok sa mga aliwan," sabi ng senador na mababanaagan ng pagkadismaya sa boses nito. "Huwag kayong mag-aalala. Hindi naman kayo makikita. Puwede kayong dumaan sa likuran," ang nasabi ng bouncer nang alisin nito ang tingin sa kausap. Tinalikuran nito ang senador sa pagpatiuna nito sa paglalakad. "Halika kayo. Sumunod kayo sa akin," dugtong nito sa pagkatalikod nito. Tuluyan ngang bumaba ang senador dahil sa mga narinig nito mula sa bouncer, inihakbang nito palayo ang paa sa huling baitang. Sa pagsunod nito ibinaling nito ang atensiyon sa dalawang alalay na nakabuntot. "Tumawag kayo ng sasakyan," utos ng senador na kaagad din namang sinunod ng alalay na nasa gawing kaliwa. Inilabas nga ng alalay ang cellphone nito sa likuran ng diyaket ng suot nitong terno't mabilisang pumindot sa paglalakad nito. Inilipat nito ang cellphone sa tainga't nagsabi, "Kailangan namin ng masasakyan. Bilisan niyo. Pumunta kayo sa likuran." Nagkatinginan na lamang sila ni Daniel sa paghakbang nila sa likuran ng dalawang alalay. Wala namang lumabas sa kanilang mga bibig na ano mang salita sa kanilang paglalakad. Dinala sila ng bouncer sa isang pasilyo matapos umalis sa unang palapag na malinaw na naliliwanagan ng pahabang bombilya sa kisame, walang ano mang palamuting nakasabit sa abuhing dingding. Sa dulo ng pasilyo naroon ang pinto na dalawa ang sara. Binuksan iyon ng bouncer pagkalapit nito kaya diretso lang sa paglalakad ang senador kasabay ang dalawang alalay. Nang sila na ni Daniel ang lumampas sa bouncer napapatitig na naman ito sa kaniyang mukha na hindi pa rin naman niya binigyan ng pansin. Hinatid na lamang siya nito tingin sa pagpasok nila sa kusina. Iilan lamang ang mga taong naroon sa kusina na nakasuot ng itim na uniporme ng mga ito. Sinulyapan lamang sila ng mga ito saglit sa pagiging abala ng mga ito, hindi na naalis ang ingay ng pagluluto. Nadaanan niya ang lalaking naghihiwa ng mga pangpalasa, mabilis na gumagalaw ang kamay nitong hawak ang malapad na kutsilyo kaya dinig-dinig ang pagtama ng talim sa kinapapatungang parihabang tabla. Tumabi pa ang ilan sa pagtama ng mga mata ng mga ito sa senador. Hindi huminto ang senador sa paglalakad kaya nauna itong nakarating sa pinto na magdadala sa kanila sa likuran ng aliwan na iyon. Nagmadaling lumapit ang isang alalay nito't binuksan ang pinto. Hindi na sila nito hinintay sa paglabas nga nito ng kusina kasunod pa rin ng dalawang alalay. Binitiwan ng alalay bigla ang pinto kaya lumagabog iyon nang bahagya. Dinagdagan nila ang bilis ng kanilang mga paa na para bang nagkakaintindihan sila kahit hindi mag-usap. Lumabas na rin sila ni Daniel ng kusina sa pagtulak nito sa pinto. Nadatnan nila ang itim na kotseng nakaparada sa daan sa likuran ng aliwan. Binuksan ng isang alalay ang pinto sa hulihan para makasakay ang senador, pumasok nga ito roon na hindi man lang tumitingin sa kanila ni Daniel. Hindi kaagad isinara ang pinto ng alalay dahil sa paglingon ng senador para sa kanila. Isinenyas nito ang kaliwang kamay kaya lumapit nga sila rito. Naamoy niya sa kaniyang kinatatayuan ang halimuyak ng rosas na nagmumula sa loob. "Hindi ko kayo maisasama," ang naisatinig ng senador. "Pumunta na lamang kayo sa bahay ko kung kailangan ko na kayong dalawa. Tatawagan ko na lamang kayo." Pinagmasdan ni Daniel nang maigi ang senador sa pagyuko nito ng ulo nang mas makita nito ang mukha ng politiko. Samantalang siya ay nakatayo lang nang tuwid sa malayo ang tingin. "Mag-ingat kayo sa daan," bilin ni Daniel na nakayuko pa. Hindi na rin naman ito nakatanggap pa ng sagot nang isara ng alalay ang pinto. Mahahalata ang malalim na buntonghinga ni Daniel sapagkat bumagsak ang balikat nito. Sinundan na lamang nito ng tingin ang alalay sa pag-ikot nito ng sasakyan patungo sa unahang upuang katabi ng nagmamaneho. Mabilisan itong sumakay ng sasakyan na sinundan din kaagad ng pag-andar niyon, naiwan na lamang ang kaunting usok na ibinuga ng tambutso niyon. "Ano ang gagawin natin ngayon?" ang naisipan niyang itanong sa muli niyang paglabas ng sigarilyo habang lumalayo ang kotseng sinakyan ng senador. Sinindihan niya iyon gamit ang ginintuang pangsindi habang ibinabaling ang tingin sa malayo. "Wala. Umuwi na lang tayo. Ang balak ko kasi sumama tayo sa senador," sabi ni Daniel sa kaniya. "Pero dahil nga sa pagpunta ng mga puils hindi na nga matutuloy. Ikaw ba? Mayroon ka bang naiisip na gawin?" Iniling niya ang kaniyang ulo dito bilang sagot sa naging tanong nito. "Mabuti na ring umuwi tayo kasi papasok pa ako sa trabaho bukas," sabi niya naman kay Daniel sabay hithit ng sigarilyo. Tumango-tango ito sa narinig na siya ring pagbuga niya sa usok na naipon sa kaniyang baga. "Nagtratrabaho ka pa rin doon sa restawran kahit maliit ang pasahod sa iyo?" ang naitanong nito na ginantihan niya ng kibit-balkat. "Lumakad na tayo. Gusto ko na rin magpahinga. Pagod na pagod ang katawan ko." Sinimulan nga nila ang paglalakad sa daan na iyon na hindi sila nag-uusap. Hindi pa man sila nakakatagal pa sa paglalakad lumiko patungo sa daan na iyon ang dalawang pulis. Pagtama ng mga mata ng mga pulis sa kanilang dalawa bumilis ang paghakbang ng mga ito pasalubong sa kanila. Hindi rin naman sila tumakbo nang sandaling iyon kahit na mataas ang posibilidad na dalhin sila ng mga pulis sa presinto. Hindi na lamang niya tiningnan ang mga pulis kahit na nakatingin nga ang mga ito sa kanila. Nakuha pang yumuko ni Daniel bilang pagbati nang ilang hakbang na lamang ang layo nila sa mga ito. "Sandali," pigil ng unang pulis sa kanila na nakataas pa ang kamay. Huminto rin naman sila dahil sa sinabi nito. "Ano ang ginagawa niyo rito?" Nagkamot ng ulo si Daniel na mayroong pilit na ngiti sa labi. "Dito lang kami dumaan kasi nakita naming nagkakagulo sa kalsada. Hindi namin gustong madamay o mapagkamalan man lang," ang nasabi nito nang mas maging kapanipaniwala. Hindi na naalis ng isang pulis ang tingin sa kaniya dahil sa paninigarilyo niya kahit kaharap ang mga ito. "Itigil mo nga iyan," ang nasabi naman ng ikalawang puils sa kaniya. Hindi niya ito pinakinggan sa pagtitig niya rito. Dahil sa hindi niya pagsunod hinablot nito ang sigarilyo sa kaniyang kamay nang iipit niya na iyon sa kaniyang bibig. Tinapon ng pulis ang sigarilyo sa tabi na masama ang tingin sa kaniya. "Akin na ang mga ID niyo para malaman namin kung nagsasabi kayo nang totoo," sabi ng unang pulis. "Bakit kailangann pa ng ID?" taka namang tanong ni Daniel. "Mayroon kaming hinahanap," paliwanag naman ng unang pulis. "Posibleng isa sa inyong dalawa iyon. Kaya para makaalis kayo nang walang problema, ibigay niyo na sa amin." "Iyon nga ang problema namin, wala kaming dalang ID," sabi naman ni Daniel. Nagsalubong ang dalawang kilay ng unang pulis sa narinig. "Kung ganoon kailangan niyong sumama sa amin para makasigurado," wika ng pulis. Sa puntong hahawakan nito ang posas bigla na lamang sumigaw si Daniel. "Takbo na!" Kaagad itong tumakbo kahit hindi pa man nito natatapos na ang sinabi na ikinatigalgal ng dalawang pulis. Nang mapagtanto niya ang nangyayari sumunod na rin siya nang takbo palayo sa dalawang pulis sa ibang direksiyon. Hinabol din naman sila ng mga opisyal na mayroong kasamang pagsigaw kaya hindi siya lumilingon sa mga ito. Inilagay niya ang buong atensiyon sa pagtakbo. Sa bilis ng kaniyang pagtakbo kasabay si Daniel bumibigat ang kaniyang mga paa. Hindi na sila nakarating sa pinakakanto sa paglitaw ng tatlong pulis pa, nakahawak ang mga kamay ng mga ito sa beywang na kinalalagyan ng baril. "Magsitigil kayo!" singhal ng pulis na nasa unahan. Pinalusot lamang nila sa kanilang mga tainga ang narinig. Dahil dito inakyat na lamang nila ang bakod na bakal na nakaharang sa simula ng eskenita na hindi nag-uusap. Puno ng kasiguraduhan ang kaniyang paggalaw kaya nga naabot niya ang itaas ng bakod na hindi nahihirapan matapos na tumalon. Bahagya siyang nauana dahil sa nagkamali ng buwelo si Daniel. Sa pagpatihulog niya mula sa itaas ng bakod ay siya ring muling pagtalon ni Daniel, nagawa na rin naman nitong maabot ang itaas ng pader sa ikalawang pagkakataon. Napaupo pa ito sa pagbaba nito na siya ring pagdating ng mga pulis na ang isa ay nakatutok na ang baril sa kanila. Hindi rin naman sila nag-aksaya ng pagkakataon bago pa maisipan ng pulis na magpaputok talaga, pinagpatuloy nila ang pagtakbo sa eskenita na iyon na tinatapakan lamang ang mga naipong basura roon. Tumalsik pa ang tubig-ulan na nabinbin doon sa pagtapak niya rito. "Maghiwalay tayo nang mahirapan sila sa paghabol," ang nasabi ni Daniel sa kaniya na habol ang hininga. Pinagmasdan niya ito sa gitna ng kanilang pagtakbo na hindi kinukuwestiyon kung tama ba ang sinabi nito. "Sige," pagsangayon niya na lamang. Pagkarating nga nila sa katapusan ng eskinita naghiwalay na silang dalawa na magkaiba ang direksiyong pinuntahan na umiiwas sa ibang mga taong naglalakad doon. Hindi siya nakatuloy nang marinig niya ang pagsigaw ni Daniel dahil nakasalubong nito ang isa pang pulis. Hindi siya nagdalawang-isip na balikan ito habang hindi pa ito napupusasan ng opisyal. Nakadapa si Daniel sa kalsada habang iniipit ng pulis ng tuhod sa likod, ang isang kamay ng opisyal ay pinilipit ang kamay ni Daniel habang isa ay kinukuha ang posas sa beywang nito. Patuloy lamang ang mga tao sa paglalakad na nilalampasan ang mga ito. Nagawa niya namang makalapit nang nailagay na ng pulis ang kabilang bilog ng posas sa kamay ni Daniel. Bago pa maisunod ng opisyal ang isa pang kamay tinulak niya ito na ikinatumba nio sa kalsada. Hindi na niya nagawang tulungan si Daniel sa pagtayo dahil ito na mismo ang gumawa niiyon. Sa balak na pagbangon ng pulis sinipa nya ito sa dibdib na muli nitong ikinaupo. Iniwan niya rin naman ito sa pagtakbong muil ni Daniel na tinitingnan ang nakalambitin na posas sa kamay nito. Umiwas sila sa mga taong naglalakad nang mas maging mabilis ang kanilang paglayo. Sa kasamaang palad hindi na sila nakatayo pa nang banggain silang dalawa ng iba pang pulis na ikinabagsak nila sa daan. Hindi na sila nakabangon nang mabilisan silang daganan ng mga ito sa likuran, maririnig na lamang ang paglagay ng mga ito ng posas sa kanilang kamay. Tumakas pa ang malutong na mura sa bibig ni Daniel sa naging kalagayan nila nang sandaling iyon, nagkatinginan pa silang dalawa habang humahalik ang kanilang katawan sa kalsada. Ramdam niya ang lamig ng posas na inilagay ng pulis sa kaniyang mga kamay sa likuran. Napabuntonghininga siya nang malalim dahil alam niyang mangyayari nga ang sandaling iyon kaya hindi na siya nagtakang hinuli siya ng pulis. Matapos silang mapusasan ng mga opisyal hinila sila ng mga ito sa kanilang mga kamay kaya napapasunod na lamang siya para makatayo. Nakuha pa siyang itulak ng pulis sa balikat para maglakad na ginawa niya rin naman, sinimulan niya ang paghakbang na hindi binibigyang pansin ang mukha ni Daniel na mayroong ngisi sa labi nito para sa nangyari sa kanilang dalawa nang gabing iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD