KABANATA 17

3028 Words
“UY! TULALA KA, bitch.” Tumingin ako kay Allison na umiinom ng fresh fruit juice. Wala naman kaming ginagawa masyado ngayon sa Lux kaya nakatambay kami rito sa rooftop ng building. Si Zylene naman ay busy sa cellphone niya na nangingiti at tila kinikilig pa. Hindi niya namalayan na kanina pa siya dinudukutan ni Allison ng banana chips. “Alam n’yo ba na magkapatid pala sina Won at Atreo.” Napukaw ko ang atensyon nila at sabay silang napalingon sa akin. Gusto kong matawa sa reaksyon nila pero para akong latang-lata at walang gana. Mabuti na lamang at naisipan ng dalawa na mamahinga kami rito sa rooftop kung saan ay pinagtulungan pa naming iakyat ang isang sofa mula sa dressing room. “Ano? Magkapatid sina Won at Atreo?” halos sabay nilang tanong kaya tumango ako at pumikit. Mabuti na lamang at suot ko ang shades ko kaya hindi masakit sa mata ang medyo palubog pa lang na araw. “Teka . . . paanong nangyari ’yon? Saan mo nalaman?” ani Zylene. “Nagpunta kasi sa amin si Won last night para itanong kung totoo ba ’yong sa amin ni Atreo. Umamin ako at nagalit siya dahil bakit daw nakikabit pa ako sa may asawa na. Sa sobrang hiya ko, naiyak na lang din ako. Sakto namang yakap ako ni Won no’ng nakita kami ni Atreo.” “Omg! Your lovelife is so complicated. Grabe, hindi talaga ma-reach ang beauty mo, day.” Napabuga ako ng hangin at naisip ang mga problema na hinaharap ko. Iniisip ko kung saan ako magsisimula? Gusto kong malaman ang dahilan kung bakit nga ba nagpakasal si Atreo kay Suzane kung hindi naman niya ito mahal? “Yeah. Zylene is right. Gosh! Hindi ko yata kaya na lumagay sa posisyon mo. Kapag sa akin nangyari ’yan, baka masiraan ako ng ulo.” Umayos ako ng upo at tumingin sa kanila nang seryoso. “Bitches, ano sa tingin n’yo ang posibleng dahilan para magpakasal ka sa babaeng hindi mo naman mahal?” Tumingin ako sa kanila. Nakasandal sila sa upuan habang nakatingin sa view na aming nakikita. “Hmm. Tingin ko ay baka fix marriage?” “O baka naman ay unwanted marriage?” Posible ang suggestion nila. Pero sa pagkakakilala ko kay Atreo, hindi siya ’yong taong gagawin ang bagay na ayaw niya, maliban na lang kung mapipilitan siya. “Alam mo b***h, kung ako sa ’yo, kaysa mag-isip ka sa wala, bakit hindi mo na lang alamin sa mga taong nakapaligid kay Atreo ang lahat? Tutal ay kaya mo naman kumuha ng private investigator.” Napatingin ako kay Allison dahil sa sinabi niya. Napaisip ako at napangiti. “Thank you, Allison. Sige, alis muna ako.” Tumayo na ako mula sa pagkakaupo sa sofa at ibinigay ko kay Zylene ang banana chips at fruit juice na hindi ko naman nakain at nainom. “Teka, iiwan mo talaga kami? Sama kami.” Napatigil naman ako at napahinga nang malalim. Sinenyasan ko ang dalawa kaya ngiting-ngiting sila na excited na tumayo habang bitbit ang kinakain. Hindi na kami nagpaalam kay Direk dahil baka hindi lang kami payagan no’n, lalo’t ayaw no’n na umalis pa kami dahil mamaya ay may photoshoot pa. Sa kotse kami ni Allison sumakay. Tinakasan lang namin ang bodyguard ko at sa likod kami dumaan na pinagpapasalamat namin dahil doon nakaparada ang kotse ni Allison. Nasa driver seat si Allison at katabi ako, habang si Zylene ay nasa backseat naman. “Saan tayo?” baling sa akin ni Allison. Napaisip naman ako kung saan kami magsisimula? Tumingin ako kay Allison na naghihintay ng sasabihin ko. “Alam ko kung saan nag-wo-work ang kaibigan ni Suzane. Doon muna tayo.” Tumango si Allison at pinagpatuloy ang pagmamaneho patungo kung saan ang daan ng restaurant na kinainan namin noon. Pagtapat sa restaurant ay hindi kami lumabas ng kotse. Tinitingnan ko sa salamin ng restaurant kung masisipat ko si Ash sa loob. Iyon ang pangalan na narinig kong itinawag ni Suzane sa kaibigan niya. Napaayos ako ng upo nang makita ito na lumabas ng restaurant. Tumingin ako kay Allison at tumango kaya pinaandar niya ang sasakyan nang mabagal habang sinusundan namin ito na naglalakad. “May kaya ba sa buhay si Suzane? Kung sa kagaya niya na maarte at masama ang ugali’y nakakapagtaka na nakipagkaibigan siya sa isang waitress?” “Wala naman akong nakikitang masama ro’n, Zylene. Siguro ay schoolmate or classmate sila noong nag-aaral sila.” Hindi na sumagot si Zylene kaya pinokus ko na ang mata ko kay Ash. Sumakay ito ng bus kaya pinaalerto ko si Allison na dapat ay masundan namin ito dahil baka hindi na namin masundan kung mawawala ito sa paningin namin. Sa isang pampublikong hospital ay bumaba siya kaya nagkatinginan kami. Pinarada ni Allison sa parking lot ang kotse at bumaba na kami para sundan si Ash. Pasimple lang at medyo malayo ang distansya namin dito. Nagsuot din ako ng shades at ’yong scarf na nasa leeg ko ay pinatakip ko sa bibig ko. “Bakit nga ba nakasuot ka ng scarf, b***h? Ang baduy, ha? Hindi mo fashion ’yan,” komento ni Allison nang mapansin ang pagtakip ko ng scarf sa bibig ko. “Paano, baka may kiss mark ni Atreo kaya todo takip.” Hindi ko na pinansin ang pang-aasar ni Zylene dahil tama naman siya. Kaninang umaga ko lang nakita ang dinulot na kagat ni Atreo sa leeg ko. Halos napakapula no’n at hindi matakpan ng ano mang cover cream o bb cream dahil halata masyado. Kaya wala akong choice kundi takpan ng scarf kahit nakakairita at mainit sa leeg. Pero maigi na rin at napakinabangan ko ngayon. Lumiko si Ash at nakita namin na pumasok ito sa isang room. Nagtanguan kaming tatlo at lumapit sa kwartong pinagpasukan ni Ash. Sumilip ako sa loob dahil salamin naman ang kalahati ng pintuan. Maraming pasyente sa loob at tanging kurtina lamang ang naghahati sa bawat pasyente. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang palabas muli si Ash na tila problemado kaya agad kaming umalis sa pinto at tumayo sa gilid ng pader. Kunwari ay nagkukwentuhan kami nila Zylene habang ako ay nakatakip pa rin ang scarf sa bibig ko. Tutal ay hindi naman nakita ni Ash noon ang dalawa kaya useless lang kung mag-disguise din sila. Nang makalagpas sa amin si Ash ay nagkatinginan kami at sinundan ito. Lumapit ito sa nurse station kaya pasimple kaming lumapit para marinig ang sasabihin nito. “Nurse, bakit hindi n’yo pa binibigyan ng lunas ang nanay ko? Sumasakit na ang tiyan niya.” “I’m sorry Miss Castro, pero hindi pa kayo nakakabayad sa bill n’yo, kaya hindi namin mabigyan pa ng gamot ang nanay mo.” “Anong klase kayong hospital!? Porket wala kaming pambayad ay hindi n’yo gagamutin ang may sakit! Tinawag pa kayong mga professional nurse, wala rin naman pala kayong silbi!” Matapos sigaw-sigawan ni Ash ang mga nurse sa nurse station ay kinuha niya ang phone at naglakad palayo roon. Napahinto siya at tinapat sa tainga ang phone niya. “Suzane, tulungan mo ako. Kailangan ko ng pera. Baka mabigyan mo ako . . . Wala kang pera? Pinagloloko mo ba ako? Nahihiga ka nga sa pera, tapos sasabihin mo sa akin na wala kang pera? Aba! Baka lumabas ang baho mo kung hindi mo ako papahiramin . . . Mabuti naman at nagbago ang isip mo. Sige, pupuntahan kita d’yan.” Matapos ang pag-uusap ni Ash at Suzane sa kabilang linya ay nagkatinginan kami nila Zylene sa nalaman namin. “Sundan natin. May alam ’yang babaeng ’yan sa baho ni Suzane.” Tumango ako at determinadong gawin ang lahat. Kung malalaman ko na mas masahol pa si Suzane kaysa sa akin, hindi ako magdadalawang isip na tuluyang agawin si Atreo. Sa isang exclusive hotel ay bumaba si Ash sa tricycle na sinakyan niya. Agad kaming bumaba at maingat na sinundan ito. Narinig namin ang sinabi ni Ash sa attendant kung anong room ang pupuntahan niya. Kaya nang kami ang tanungin ng attendant ay sinabi namin na kasama namin iyon at doon din kami patungo. Sumakay si Ash sa elevator kaya pumasok rin kami habang ako ay todo takip para hindi niya makilala. Pinagtaasan pa niya ng kilay si Allison at Zylene kaya hindi naman nagpatalo ang dalawa. Napailing ako nang maglabas ng pabango si Allison at pinisik sa paligid. “God. Bakit ang sangsang ng amoy dito? Eww.” “Ako ba ang pinaparinggan mo?” mataray na tanong ni Ash. “What? What are you saying? May sinabi ba akong pangalan?” Umirap si Ash at lumabas na nang bumukas ang pinto sa designation floor na pupuntahan niya. Lumabas din kami ngunit nauna sa akin ang dalawa para takpan ako. Napahinto naman ako sa paglalakad nang mag-ring ang phone ko. Kinuha ko sa bag ko ito at tiningnan ang tumatawag. Nakita ko na si Mommy kaya agad kong sinagot. “Yes, Mom?” “Anak, umuwi ka na at magpunta ka rito sa bahay ng kuya mo. Nawawala ang Ate Hera mo.” Nanlaki ang mata ko sa binalita ni Mom. Agad kong inaya ang dalawa na umalis na rito. “Paano ang pagsunod natin doon sa babaeng iyon?” “Tsaka na lang. Kailangan ko nang umuwi dahil kailangan ako ng pamilya ko.” Tumango si Allison kaya naisipan na naming umalis sa hotel. Bumalik kami sa Lux at agad kong tinungo ang bodyguard ko na naghihintay sa akin. “Señorita, tumatawag ho ang Lord at pinapauwi na kayo.” “Oo nga, nasabi sa akin ni Mommy. Sa bahay ho tayo nila Kuya Jam.” Umusad na paalis ng Lux ang kotse kaya napahinga ako nang malalim at nag-alala para sa pamilya ni Kuya. Bakit ganito ang nangyayari? Lapitin talaga kami ng malas. Sana naman ay makita na si Ate Hera. Paano ang mga bata kung wala silang ina na mag-aalaga at gagabay sa kanila? Ilang minuto lang ay agad na kaming nakarating sa bahay ni Kuya. Agad akong bumaba ng sasakyan at pumasok sa loob ng bahay. Dinig ko agad ang iyakan ng mga bata at sa sala ay doon ko sila nakita. “Mom, Dad, Kuya.” Bumeso ako kay Mom at Dad bago napatingin kay Kuya na kitang-kita ang pagkatulala habang nakatingin sa mga anak niya na nag-iiyakan. “Anak, nagugutom na ang mga iyan. Gamitan mo muna kaya ng de-boteng gatas.” “Mom, hindi pwede, dahil ang gusto ni Hera ay breast feeding palagi ang mga bata. Dito ho muna kayo, maghahanap lang po ako ng maaaring pagkuhaan ng ipapainom ko sa kanila.” Tumayo na si Kuya at umakyat sa taas para magbihis. Lumapit naman kami nila Mommy sa triplets na patuloy sa pag-iyak. “Diyos ko. Kawawa naman itong mga apo ko.” Binuhat ni Mommy si Jace at kinuha ko naman si Edward na ikinangiti ko. First time kong kumarga ng bata at napakasarap pala sa feeling. Nilaro ko ito kaya tumahan na ito habang nakasubo ang isang daliri sa bibig niya. Napaka-cute at nakakaawa talaga kapag umiiyak. Napatingin ako kay Dad na binuhat si Hammer. Gusto lang pala ng kilik ng tatlo at tila natakot si Hammer kay Dad kaya natahimik din. “Dad, Mom, aalis lang ho saglit ako . . . Grace.” Tumango ako kay Kuya nang balingan niya ako. Lumapit siya sa tatlong anak niya at humalik sa noo ng mga ito. Ngayon ko lang nakita si Kuya na ganito. Naging responsableng ama siya ngayon. “Dad, nalaman ho ba kung sino ang dumukot kay Ate?” Naupo ako sa sofa habang maingat na buhat-buhat ko si Edward. Nakakatuwa dahil hinayaan ako ni Ate na pangalanan ko ang isa sa mga anak nila. “Hindi pa, pero kailangan isa-isahin ang mga kaaway sa paligid. Hindi pwedeng maging padalos-dalos dahil kapag nagkamali ay baka lalo lang mapahamak ang Ate Hera mo sa humahawak sa kanya ngayon.” Tumango ako at nalulungkot para sa mga pamangkin ko. Sana mahanap na si Ate. Kawawa ang mga bata kapag matatagalan pa bago makita ang ina nila. NATAGALAN DIN BAGO nakabalik si Kuya at may dala na siyang maraming breast feed bag. Agad na nilagay namin sa boteng binili niya ang mga gatas at pinainom sa mga bata na nakahiga na sa higaan. “Grace, anak . . .” Tumingin ako kay Mommy nang tawagin niya ako. “Mauna ka nang umuwi at alam kong pagod ka na. Magpahatid ka na lang muna sa mga bodyguard mo.” Tumango ako at tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa. Kinuha ko ang bag ko at bumeso kina Mommy at Daddy. “Kuya, mauna na ako. Pupunta na lang ulit ako rito bukas. Hindi muna ako papasok para matulungan ka sa pag-aalaga.” Ngumiti siya at umiling. “’Wag na. Pumasok ka na sa work mo. ’Di ba may home study ka pa rin?” Tumango ako kaya hindi niya ako pinayagan na lumiban muna sa trabaho at sa home study ko. Nagpahatid na ako sa mga bodyguard ko sa bahay, pero malapit na sana kami sa lupain namin nang biglang napapreno ang driver ko. “Anong problema, Manong?” “Señorita, may humarang ho sa atin,” tugon nito at naglabas ng baril. Tumingin ako sa unahan at nakita ko na nagbabaan ang mga sakay ng kotse na humarang sa amin. Napayuko ako nang magpaputok ang mga humarang sa amin. Bumukas ang pinto sa side ko kaya napatingin ako rito. “Señorita, tumakas na ho kayo. Kami na ang bahala rito.” Tumango ako at nagmadaling bumaba. Inalalayan ako ng isang bodyguard ko at tumakbo na ako. May nakita akong paraan na naka-motor kaya agad ko itong hinarang. Napahinto ito kaya binaba ko na ang kamay ko at lumapit dito. “Kuya, help us, there’s a—” Napatigil ako sa pagsasalita nang alisin nito ang helmet nito at sumalubong sa akin ang mukha ni Atreo. “Atreo?” “Sakay, baby,” aniya kaya tumingin ako sa pinaghintuan ng kotse at nakita ko na nakikipagbakbakan ang mga bodyguard. Agad akong sumakay sa likod ni Atreo at kumapit sa baywang niya. Napapikit ako nang magpaputok sa gawi namin ang mga humarang sa amin, pero bumunot din ng baril si Atreo at pinaputukan ang mga namamaril sa amin habang ginegewang-gewang niya ang motor. “Baby, hold this.” Agad akong napadilat at tumingin sa kanya. Inabot niya ang baril na hawak niya kaya kinuha ko iyon at tiningnan, “Paputukan mo sila habang pabalik tayo.” Napahinga ako nang malalim at tumango. Nag U-turn si Atreo at medyo mild lang ang pagpapatakbo niya nang makalapit na kami sa mga humarang sa amin. Umayos ako ng upo at inuma sa isang nakamask ang baril saka koi to pinaputukan. Agad itong tumumba na ikinangiti ko. Binaril ko rin ang ilan at mga napatumba ko rin. Hininto ni Atreo ang pagpapatakbo kaya binaril ko ang isa na nakikipagbarilan pa sa mga bodyguard ko. “Psst!” sitsit ko na ikinalingon naman nito kaya ngumiti ako. Gaya ng iba ay binaril ko rin ito at natumba. Lumingon sa akin si Atreo na nakakunot ang noo. “Tsss.” Nagtaka naman ako nang magsungit siya pero napahawak muli ako sa baywang niya nang patakbuhin niya ang motor palayo sa pinangyarihang barilan. “Wait! Saan tayo pupunta?” Hindi siya sumagot at binilisan ang pagpapatakbo niya. Malayo-layo ang naging byahe bago kami nakarating sa isang malaking bahay. Bumusina at kasunod noon ang kusang pagbukas ng gate ng bahay. Pinasok niya ang motor at huminto kami sa hagdan na patungo sa main door ng bahay. May mga nakaparadang sasakyan sa labas. Bumaba ako habang tumitingin sa paligid ng bahay. Napakalaki at parang isa na itong hotel. Napatingin ako kay Atreo nang hawakan niya ako sa kamay. “Teka, anong ginagawa natin dito?” Tumingin siya sa akin at ngumiti lang bago ako hinila papasok. Kinakabahan ako dahil hindi ko naman alam ang pinapasok namin. Para akong pumasok sa lobby ng hotel sa itsura ng bahay. Naglalakihan ang chandelier at mamahalin ang lahat ng appliances. Nakarinig ako ng halakhakan at tunog ng kubyertos. Napahawak ako sa braso ni Atreo habang sumasabay sa kanyang paglalakad. Pumasok kami sa isang room. Binuksan ni Atreo ang pinto at hinila ako papasok doon. Pagpasok namin ay napatigil ang halakhak at napatingin sa amin ang mga taong nakaupo sa harap ng hapag at tila naghahapunan. Napatayo si Suzane kaya napatingin ako kay Atreo. Bakit niya ako dinala rito? Anong pinaplano niya? “Bakit mo siya dinala rito, Atreo?” tanong ni Suzane. “Who’s that girl, Atreo?” tanong ng isang ginang na maputi ang kutis at bakas sa mukha ang pagiging istrikto. “Ma, siya ang kabit ni Atreo. Ang kapal naman ng mukha na sumama pa rito at umeksena sa hapunan natin,” ani Suzane na sumagot sa tanong ng ginang na nalaman ko na Mommy pala ni Atreo. Kinabahan ako dahil pamilya pala ni Atreo ang lahat ng narito. Napatingin ako kay Won na seryoso ang mukha habang nakatingin sa plato niya. “What are you doing, Atreo? Are you out of your mind? Bakit mo dinala ang babae mo rito?” matigas na tanong ng ginoo na nasa pinakagitna ng lamesa at tila siya ang nakakataas. Napatingin ako kay Atreo nang humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Seryoso ang mukha niya at wala akong mabasa sa iniisip niya. “I want you all to know that this girl is my girlfriend. And I want to marry her.” Napamaang ako sa sinabi niya at hindi makapaniwala. “What? Are you crazy, Atreo? Nasasabi mo talaga ’yan sa harap ng pamilya mo? At sa mismong anak natin?” galit na tanong ni Suzane at napatingin ako sa batang nasa tabi niya habang nakaupo at nakatingin sa amin. Inalis ko ang kamay ni Atreo sa akin kaya napatingin siya sa akin. Yumuko ako para humingi ng paumanhin. “Pasensya na po sa abala. Hindi na po mauulit ito. Aalis na po ako.” “Mabuting umalis ka na nga, kabit.” “Stop it, Suzane! Don’t you dare call her like that!” suway ni Atreo kay Suzane na hindi makapaniwala. Tumalikod na ako dahil hindi ko makayanan pa ang nangyayari at tila bibigay na ang luha ko. Tumakbo ako palabas ng room na iyon at nangingilid na ang luha ko. May humaklit sa braso ko at hinarap ako nito kaya agad ko siyang sinalubong ng sampal. “Bakit mo ginagawa sa akin ito? Talagang dinala mo ako rito para ipahiya!” “Hindi kita dinala rito para ipahiya. Gusto kong malaman nila na ikaw ang mahal ko!” Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya. Napailing ako habang pumapatak na ang luha ko. “Lalo mo lang pinapamukha sa akin na kabit lang ako at mababang babae. Napakaimposible ng sinasabi mo, Atreo. Napakaimposible.” Tinalikuran ko na siya at tumakbo na ako palabas. Pinahid ko ang luha ko habang humihikbi sa pag-iyak. Lumabas ako ng bahay nila at hindi ko alam kung nasaan ako ngayon pero nilakad ko lang ang kahabaan ng kalsada habang patuloy sa pagtulo ang luha ko. Pagod na akong umiyak. Pagod na akong mahalin siya. Hindi ito ang ginusto kong love life. Pumara ako nang taxi ng makarating ako sa highway. “Grace! Grace!” agad akong sumakay nang marinig ang pagtawag ni Atreo. “Manong, bilis po, paandarin n’yo na po.” “Grace! Grace!” Hindi ako tumingin kay Atreo na pinupukpok ang bintana ng taxi. Nang binilisan na ni Manong ang pagmaneho ay hindi na nakahabol pa si Atreo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD