KABANATA 14

3098 Words
AGAD AKONG YUMAKAP kay Mommy nang makarating ako ng mansyon at nakita ko siyang nag-aabang sa bungad ng pinto. “Anak, ginugulo ka naman ba ng lalakeng iyon? Mabuti at tumawag ang mga kaibigan mo at sinabi sa Daddy mo na kinuha ka raw ng lalakeng iyon.” Tumingin ako sa kanya at umiling ako, pero hindi ko maibuka ang bibig ko dahil hindi ko malaman kung dapat ko bang ipagtanggol pa si Atreo. “Mom, wala naman po siguro silang gagawin kay Atreo?” Inakay niya ako sa loob at napahinga siya nang malalim. “Hindi ko alam, anak. Pero siguro ay kakausapin lang ng Daddy at mga kuya mo ang lalakeng iyon para sabihin na tigilan ka na.” “Mom, may alam po ba sila Dad sa katauhan ni Atreo?” Naitanong ko iyon dahil hindi naman basta-basta magagalit sila Dad kay Atreo nang walang dahilan. Ngayon ko lang naisip na baka una pa lang ay alam na nila Dad ang katauhan ni Atreo kaya pinapalayo nila ako. Lumingon sa akin si Mom nang makaupo kami sa sofa. Kita ko ang kalituhan sa mga mata niya. “Ano ba ang katauhan ng lalakeng iyon?” Napalunok ako dahil wala palang alam si Mom. Umiling ako at napahawak sa dulo ng dress ko. “Wala po. Gusto ko lang pong malaman kung bakit galit sila kay Atreo.” “Siguro ay hindi gusto ng daddy mo ang lalakeng iyon para sa ’yo. Hindi siya humingi sa amin ng permiso at nalaman namin na nobyo mo na ang lalakeng iyon. Sino ba ang matutuwa roon, anak?” Napakagat ako ng labi at napayuko. Paano kaya kung malaman nila na may asawa na si Atreo at ako ang kabit? Lalo sigurong magagalit sila Dad. Nakarinig kami ng ugong ng sasakyan kaya nagkatinginan kami ni Mom at tumayo. Lumakad kami palabas at nakita ko ang pagparada ng sasakyan nila Dad. Napasiklop ako ng kamay at sumiklab ang kaba sa dibdib ko nang bumaba na si Dad habang seryoso pa rin. “James, anong ginawa mo sa binatang iyon?” “Binigyan ko ng leksyon. Siguro ay madadala na iyon at hindi na lalapit pa sa anak natin,” tugon ni Dad at humalik siya sa labi ni Mom bago siya tumingin sa akin nang seryoso, “Follow me, Grace, We need to talk,” aniya at nauna na siyang pumasok sa loob. Napatingin ako kay Mom nang hawakan niya ako sa braso at tumango siya sa akin bago niya ako akayin sa loob. Huminga ako nang malalim bago ko pinihit ang seradura ng pinto ng opisina ni Dad. Napatinginako kay Dad na nakatayo sa harap ng bintana habang may hawak na baso ng alak sa isang kamay niya. “Did you know that Alvarez guy has a child already?” Nanginig ang kamay ko at natulala ako habang hindi ko mapigilan ang pagngilid ng luha ko. Umiling ako nang dahan-dahan habang unti-unting sumikip ang dibdib ko sa sobrang guilt na nararamdaman ko. Sabi na nga ba at alam na ni Dad ang katauhan ni Atreo. Pero ang malaman kong may anak na nga ito ang siyang lalong nagpawasak ng puso ko. Hindi ko alam na may anak na siya, dahil ang pagkakaroon nga niya ng asawa ay hindi ko alam, ’yong anak pa kaya niya. “I-I don’t know, Dad.” Napahinga nang malalim si Dad at lumakad siya patungo sa table niya at naupo sa recliner. “Kung may gusto ka, dapat ang una mong gagawin ay alamin ang pagkatao ng isang tao. Hindi ’yong sugod ka nang sugod nang wala kang kaalam-alam sa target mo.” “Ho?” Naguluhan ako sa sinabi ni Dad. “Grace, para kang mommy mo, mabilis bumibigay.” “Ano pong ibig n’yong sabihin?” Tinaas niya ang paa sa lamesa at pumikit siya. “Pero alam ko na mas malakas ang dugo ko kaya alam kong kaya mong solusyonan ang problema mo.” Napakunot-noo ako at hinintay ko pa ang sasabihin niya, pero wala na yata siyang sasabihin dahil nakita ko ang pagbigat ng hininga niya at tila nakatulog na siya. Kita ko sa mukha ni Dad ang pagod at nakokonsensya ako dahil imbes na magpahinga na lang siya ay kailangan pa niyang linisin ang lahat ng problemang dinudulot naming magkakapatid. Lumapit ako sa sofa na nasa opisina niya. May nakatiklop doong kumot kaya kinuha ko iyon at lumapit ako sa kanya. Kinumutan ko siya at hinalikan ko siya sa noo. “I love you, Daddy. Sorry po sa dinulot ko sa pamilya natin. Pangako po, aayusin ko po ito.” Matanda na si Dad pero mukha pa rin siyang binata tingnan. Hindi man kumukulubot ang mukha niya ay kita naman iyon sa mata niya. Napahinga ako nang malalim at aalis na sana ako sa tabi niya nang mapatingin ako sa folder na nasa table niya. Tumingin muna ako kay Dad bago ko kunin ang folder at buklatin ito para makita ang laman. Napamaang ako nang makita ko ang lahat ng profile ng manliligaw ko. At sa nabasa kong nakalagay ay mga gumagawa ng illegal na bagay ang mga nanligaw sa akin noon kaya nakaekis na ang mukha nila na alam kong si Dad ang may gawa. Napangiti ako dahil may dahilan pala kaya agad niyang hinaharang ang mga manliligaw ko. Binaba ko na ang folder pero napatingin ako sa nahulog na papel na tumaob sa table kaya kinuha ko iyon at tiningnan. Nanlaki ang mata ko nang makita na profile iyon ni Atreo. Walang ekis kaya binasa ko agad ang profile niya at narito nga, nakalagay na meron na siyang asawa at isang anak na lalake. Pero kung nakita na ni Dad iyon, bakit hindi niya inekisan? Bitbit ang profile ni Atreo ay naupo ako rito sa kama ko at napaisip. Alam ko na meron pang nalalaman si Dad kaya hindi niya inekisan ang profile ni Atreo. “ANAK, SIGURADO KA bang papasok ka pa sa modeling? ’Wag ka na kayang magpose-pose sa ganoon. Baka kung ano-ano lang ang pinapasuot sa ’yo, naku, hindi pwede sa akin iyon.” Ngumiti ako kay Mom na hinatid pa ako sa harap ng kotse. “Mom, isang kilalang model agency ang Lux Calisse. Kaya kung magsuot man po ako ng revealing ay hindi naman po daring masyado ang pose na pinapagawa nila. Isang classy pictorial ang pinapagawa sa akin.” Napahinga siya nang malalim at may baunan siyang itinaas na naglalaman ng ginayak niyang healthy diet food. Natawa ako dahil kanina pa niya pinagpipilitan iyon. “Sige na nga po.” Napangiti siya kaya kinuha ko na iyon. “Kainin mo ’yan lahat, anak, ha?” Tumango ako at ngumiti. “Opo. Sige po, aalis na po ako. Kanina pa po kasi ako tinatawagan ni Direk dahil may good news daw po siya sa akin.” “O, sige, mag-iingat ka, anak.” Bumeso ako sa kanya at kumaway pa ako bago sumakay ng sasakyan nang pagbuksan ako ng bodyguard ko. “Saan po tayo, Señorita?” “Sa Lux Calisse.” Tumingin ako sa bintana habang pinagmamasdan ang bawat kalye, establisyamento at mga batang kalye na namamalimos na nadadaanan namin. Napatingin ako sa batang babae na nagtitinda ng anklet. Pinahinto ko saglit ang driver ko sa tapat ng batang babae. Binaba ko ang bintana sa side ko kaya napatingin sa akin ang bata. “Magkano mo binebenta ang mga iyan, bata?” “Trenta po.” “Bakit naman mahal?” “Kasi mahal po sa kinukuhanan namin. Limang piso lang po ang puhunan namin dito.” Napatango naman ako dahil nauunawaan ko siya. “Alam mo ba na marunong akong gumawa ng ganyan.” “Po?” Naguguluhan siya kaya napangiti ako. “Gusto mo bang turuan kitang gumawa n’yan para kapag marunong ka nang gumawa ay ’yong materyales na lang ang kailangang pondohan? Para sa ’yo ang products, sa ’yo pa ang kita.” “Pero wala naman po akong pera na pambayad sa inyo. At wala po akong pera na pambili ng mga beads at nylon.” Ngumiti ako at binuksan ko ang pinto. Bumaba ako at pinagpantay ko ang taas namin para madali ko siyang makausap. “Hindi mo na ako kailangang bayaran at pati bumili ng materyales. Sagot ko na.” Nanlaki ang mata niya at hindi siya makapaniwala. “Talaga po? Pero paano po?” Hinawakan ko ang tinda niyang anklet at hinaplos ito. Hindi ito katulad ng materyales na ginagamit ni Aling Consuelo, mas maganda at makinis iyon kaysa sa nahipo ko ngayon na magaspang. “Saan ba ang bahay n’yo?” Dinala niya ako sa isang squatter area. Napapatingin sa amin ang mga tao sa bawat bahay-bahay na dikit-dikit at maging ang mga nakatambay. “D’yan po ang bahay namin.” Turo niya sa maliit at barong-baro na bahay. Bumaba kami at napatingin ako sa bahay nila. Hindi ko akalain na meron palang ganitong lugar at bahay na napakaliit para tirhan ng tao. “Apo, ikaw na ba ’yan?” Napatingin ako sa isang matandang babae na may hawak na kahoy na tila ginagawa niyang pantukod para hindi siya matumba. Napatingin siya sa akin at inaaninag pa niya ako. “Ate, siya po ang Lola ko. Kami na lang po kasi ang magkamag-anak kaya po ako na lang po ang nagtataguyod kay Lola.” “Magandang araw ho, Lola.” “Sino ba ito, Apo?” “Ah, ako po pala si Grace, Lola. Narito po ako kasi gusto ko pong bigyan ng pagkakakitaan ang apo n’yo.” “Baka naman niloloko mo lang ang apo ko? Ano namang klaseng pagkakakitaan ’yan? Baka gagamitan iyan ng pera, eh, wala kaming gano’n.” Ngumiti ako at umiling sa marami niyang tanong, “Hindi po. Sagot ko na po. Lahat po ay ako ang gagastos.” Nakita ko ang pagnginig ng kamay niya at gulat sa mukha kahit marami ng kulubot doon. “Totoo ba iyon, hija? Hindi mo ba kami niloloko?” “Hindi po.” “Pero bakit mo gagawin iyon? Kakakilala mo pa lang naman siguro sa apo ko?” Ngumiti ako at napahinga nang malalim. “Gusto ko ho kasing makilala ang nagturo sa akin gumawa ng anklet sa pamamagitan n’yo. Gusto ko ho na kapag tinanong sa inyo ng costumer kung kanino po galing ang style ng anklet ay gusto ko pong sabihin n’yo na gawa iyon ni Aling Consuelo. Iyon lang po ang paraan ko para makilala ang gawa niya. Marami po siyang gawa sa bahay nila na hindi naman po niya alam ang gagawin para ibahagi sa iba.” Nagkatinginan ang mag-lola at muling tumingin sa akin. “E, kung gano’n ay makakaasa ka roon, hija. Napakabuti mo naman.” Napangiti na lang ako nang tipid dahil kung ako ang tatanungin ay wala akong mabuting ginawa sa buhay ko. Kaya kung sa pamamagitan nito ay makakatulong ako sa iba ay baka doon ay kahit paano ay makabawas ako sa kasalanan ko. “What time na, Grace? Jusko! Maloloka ako sa ’yo!” histerikal ni Direk nang dumating ako sa Lux Calisse na late na at tila kanina pa niya ako hinihintay. “Pasensya na, Direk, may pinuntahan lang kasi ako saglit.” Napahinga siya nang malalim habang nagpapaypay. Sinara niya ang pamaypay niya at humalukipkip. “Okay-okay. Kaya gusto kitang makausap ay merong kumukuha sa atin na isang international model fashion icon at nais nilang kumuha ng model sa agency natin.” “Gano’n po. Edi, Congrats po.” Umirap siya at pumalakpak sa harap ng mukha ko tila ginigising ako sa realidad. “Congrats to you, Grace. Dahil isa ka sa napili nila.” Napakurap pa ako sa sinabi niya. Tila doon yata ako natulala. “Ako po?” “Hindi, ako. Ako!” sarkastikong niyang sabi. “Geez. Bakit ba kayong tatlong b***h ay para mga lutang? Hindi ko kayo ma-spell.” aniya. “Kasama rin ba sina Allison at Zylene?” “Oo. Alam mo naman na kahit isang gaga at kalahati ang mga friend mo ay masasabi ko na may ibubuga sila sa mga international model. Kaya kahit palaging pinapainit ng dalawang iyon ang ulo ko ay natutuwa pa rin ako sa galing nila sa harap ng camera.” Napatango ako at napangiti. Ibig sabihin ay kaming tatlo pala. Mabuti na lang at hindi ako nag-iisa. Hindi na ako kakabahan. Lumabas kami ng dressing room niya at patungo kami sa studio kung nasaan ngayon sina Zylene at Allison na sumasabak sa photoshoot, pero napahinto ako sa paglalakad nang makita ko ang palapit na si Suzane. Ang asawa ni Atreo. May kasama siya. Namukhaan ko ito. Dahil ito iyong waitress na umiirap sa akin kung saan kami kumain noon ni Atreo. “Mrs. Alvarez.” Tila natuyot ang lalamunan ko nang marinig ko ang tinawag ni Direk kay Suzane. Napangisi si Suzane nang mahinto siya sa harap namin. “Mabuti naman at alam mo na isa akong Mrs. Alvarez, Direk,” aniya at pinasadahan ako ng tingin habang nakangisi siya. “Of course. Sino ba naman ang hindi makakaalam na asawa mo ang anak ni Doctor Alvarez. He’s my doctor anyway,” tugon ni Direk at bumaling siya sa akin para sabihin na doctor niya ang ama ni Atreo. “E, kasi . . . Meron kasing tao na walang kamuwang-muwang na hindi alam na meron ng asawa ang pinatulan niya. Nakakahiya iyon, ’di ba?” “Ay! Grabe naman. May pinaparinggan ka ba?” “Mauna na ako, Direk.” Agad akong nag-paalam kay Direk at tatalikod na sana ako nang may biglang humablot ng buhok ko na kinangiwi ko. “’Wag mo akong tatalikuran, hayop kang kabit ka!” Napangiwi ako sa sakit ng pagkakasabunot niya habang pilit kong inaalis ang kamay niya. Naglabasan ang mga empleyado at nakagawa na ng atensyon ang paghiyaw ni Suzane. “Look, people! Hindi n’yo aakalain na ang batang babaeng ito ay nagawang makikabit sa asawa ko! Nakakahiya ang katulad niya!” Napaiyak ako nang hatakin niya nang malakas ang buhok ko. Napaupo ako sa sahig at napapikit ako nang sampalin niya ako. “Walang pipigil! Baka gusto n’yong kayo ang sampulan ko!” sigaw niya nang ambang may pumigil sa kanya. “Suzane, tila nabilog nga niya si Atreo. Look, suot niya ang kwintas na bigay ng Lola ni Atreo.” Napatingin sa leeg ko si Suzane at lalong humigpit ang pagkakasabunot niya sa akin. Ambang hahablutin niya iyon ay tinakpan ko ang leeg ko at hinawi ko ang kamay niya. Nagalit siya lalo at tinayo ako gamit ang paghila sa buhok ko. Ang sakit na ng anit ko at hindi ako makalaban sa kanya dahil mas malakas siya sa akin at tinutulungan pa siya ng kaibigan niya. “Akin na!” sigaw niya. Sinampal niya ako nang ayokong ibigay. “Ash, hawakan mo ang kamay,” utos niya sa kaibigan niya. “Suzane, tigilan n’yo na ’yan. Hindi n’yo alam ang ginagawa n’yo!” Pinigil pa kami ni Direk pero dinuro siya ni Suzane. “Tumahimik ka, Direk! Kilala mo ako . . .” Natahimik si Direk sa banta ni Suzane. Nagpupumiglas ako nang hawakan ako ng kaibigan niya at inilagay sa likod ko ang kamay ko. Panay na ang patak ng luha ko dahil hindi ko alam ang gagawin para patigilan sila. Inalis ni Suzane ang kwintas na bigay ni Atreo sa akin. Hindi ko rin alam kung bakit parati ko pa ring suot iyon, may parte lang talaga sa akin na gustong-gusto ang kwintas na iyon. Nang makuha niya ang kwintas ay binitiwan na ako ng kaibigan niya at tinulak pabagsak sa sahig. “Bagay lang sa ’yo ’yan, malandi!” sabi ng kaibigan niya. “Stand up, Grace!” Dumadagundong ang boses na tila nagpasinghap sa lahat ng tao na narito. Lumalabo na ang mata ko habang patuloy ang pagpatak ng luha ko. Lalo akong napaiyak nang makita ko sina Daddy at Mommy. “Diyos ko! Anong ginawa n’yo sa anak ko, ha!?” galit na sabi ni Mommy at agad na lumapit sa akin at dinaluhan ako. Napayakap ako rito at napahagulhol. “At sino naman kayo?” Napakapit ako sa kamay ni Mommy nang itayo niya ako. “I know you know me, Ms. Suzane,” matigas na sabi ni Daddy. “Hindi ko pinalaki ang anak ko para dampian mo lang ng kamay mo,” dagdag pa ni Daddy. “M-Mr. Esteban . . .” bulalas ng kaibigan ni Suzane kaya napatingin sa kaibigan niya si Suzane at nanlaki ang mata. “Kakasuhan kita sa pananakit sa anak ko at pagnanakaw sa pagmamay-ari niya,” sabi ni Dad. “Ako, magnanakaw? Wala akong ninakaw sa anak n’yong malandi!” “Aba! Lintek kang babae ka!” Pinigil ko si Mommy at umiling ako. “Give that necklace to me, Ms. Suzane.” Nilahad ni Daddy ang kamay niya kay Suzane kaya padabog na ibinigay ni Suzane iyon. “Sige, kasuhan n’yo ako. Kakasuhan ko rin ang anak n’yo, dahil kumabit siya sa asawa ko. Magdemandahan tayo, at tingnan natin kung sino ang mapapahiya.” Tumingin sa akin si Suzane nang matalim. “Let’s go, Ash!” “James, gano’n na lang iyon?” galit na sabi ni Mommy. “Relax, sweetheart. Marunong lumaban ang babaeng iyon kaya gusto ko munang matanggal ang sunggay niya.” Lumapit sa akin si Dad at hinaplos ang mukha ko. “Next time, kapag alam mong pabagsak ka na, dapat ka nang lumaban, anak. Hindi kita tinuruan ng self-defense para makitang nakabagsak ka at sugatan,” dagdag pa niya. Napakagat ako ng labi at yumakap kay Dad. Mabuti na lang at dumating sila. “Grace! Grace!” Bumitiw ako ng yakap kay Dad at tumingin kina Zylene at Allison na humahangos na lumapit sa amin. “Anong nangyari sa ’yo? Narinig namin na sumugod daw ’yong legal wife?” Hindi makandaugaga si Zylene at napatingin siya sa Mom and Dad ko. “Ah . . . he he . . . Hello po. Nandyan po pala kayo.” Parang napahiya siya at agad na tinali ang suot niyang roba nang mapansin na masyadong revealing ang suot niya. “Oo, nakita namin ang pananakit ng babaeng iyon sa anak namin,” sabi ni Mommy. “Sayang, hindi namin naabutan. Kung hindi lang kami nahuli sa balita ay baka ngudngod na ang babaeng iyon, ’di ba, Allison,” si Zylene. “Opo.” “Salamat sa effort n’yo, mga hija,” sabi ni Mommy at hinaplos ang buhok ko. “Hala! May sugat ka, Grace.” Napahawak ako sa pisngi at leeg ko dahil ngayon ko lang naramdaman ang hapdi ng kalmot ni Suzane. “Oh my god! James, dali! Dalhin na natin si Grace sa hospital!” histerikal ni Mommy habang tinitingnan ang dumudugong kalmot na dulot sa akin ni Suzane. Ngumiti ako at pinigil ito sa balikat. “I’m okay, Mom. Gusto ko na lang po umuwi.” Napahinga siya nang malalim at hinaplos ang mukha ko nang may pag-aalala. Nagpaalam ako kina Zylene at Direk bago kami umalis sa Lux Calisse. Tahimik lamang ako at nakatingin sa bintana habang nasa backseat habang sina Mom and Dad naman ay nasa unahan. “Anak, hindi mo ba kukunin itong kwintas mo?” tanong ni Mom. “Hindi na po. Dahil naman po d’yan kaya lalong lumala ang galit sa akin ni Suzane.” “At bakit naman siya nagalit?” “Bigay po ’yan ng Lola ni Atreo sa kanya. Siguro po ay alam din iyon ni Suzane. Kaya po nagalit siya dahil imbes na sa kanya ibigay ni Atreo iyan ay sa akin pa binigay.” “Ha! Haha!” Napatingin ako kay Mommy na natawa. Napakunot-noo ako dahil hindi ko maunawaan kung bakit siya natatawa. “Bakit po kayo tumatawa, Mommy?” “Sayang at hindi ko nakita ang mukha ng babaeng iyon nang makitang suot mo ito. Tatawanan ko talaga siya dahil halatang insecure siya dahil sa ’yo binigay ng lalakeng iyon ang kwintas na ito. Baka inaasam niya na sa kanya ibibigay. In fairness, maganda. Suotin ko muna, tutal ay ayaw mo pa naman kunin.” “Tsss. Ibibili na lang kita. Sa anak mo ’yan,” inis na sabi ni Dad. “Asus. Pati ba naman sa kwintas na ito nagseselos ka?” Napangiti ako kahit papaano habang pinapanood sila kung paano maglambingan at mahalin ang isa’t isa. Gusto ko sana noon na ganyan kami ni Atreo, pero malabo na iyon ngayon dahil kahit kailan ay wala nang pag-asa pa sa amin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD