KABANATA 13

3135 Words
GABI-GABI AY MUGTO ang mata ko dahil hindi pa rin matanggap ng puso at isip ko ang lahat. Kapag naririnig ko ang kwentuhan ng mga katulong sa isang palabas patungkol sa kabit ay sobra akong natatamaan. Galit na galit sila at kung sila raw ang nasa posisyon ng legal wife ay baka raw hindi lang sampal at sabunot ang aabutin ng kabit, papatayin pa raw nila. Iyak ako nang iyak at natatakot sa sasabihin ng iba. Hindi ko akalain na dadating sa puntong malalagay ako sa posisyon bilang kontrabida ng buhay ng iba. Pakiramdam ko ay napakasama ko. Kahit anong pagsisimba pa yata ang gawin ko ay hindi na gaganda ang imahe ng pagkatao ko. Nagkasala ako! Nagkasala ako! At labag sa Diyos ang ginawa ko. “Meryenda muna kayo.” Nilapag ni Mommy ang meryendang hinanda niya para sa amin ng tuitor ko. Hindi muna kasi ako pumapasok sa modelling dahil hindi rin naman ako makakakilos nang maayos at gulong-gulo pa ang utak ko. At palagi na rin akong sumasama kina Mommy kapag dadalaw sila kina Kuya Jam, o, kaya ay kina Kuya Gab. Alam kong nagtataka sila sa ikinikilos ko dahil ngayon ay hindi ko na sila sinusuway. Ginagampanan ko rin ang home school activity ko. Hindi muna kasi ako ngayon pumapasok sa girls school na dating pinapasukan ko. Pumayag naman si Dad dahil mas gusto niya iyon dahil ligtas ako. At iniisip niya rin na malabo na kaming magkita ni Atreo kapag gano’n ang setup. Kung alam lang nila ang tunay na nangyari. Baka magalit sila sa akin dahil sa katangahan ko. Ang apelyido ni Daddy na iningatan niya ay masisisira lang nang dahil sa akin. Kung sana lang ay kasingtatag ako nila Kuya na kahit paganahin pa nila ang kabaliwan nila ay kaya nilang makalusot sa gulong kinasasangkutan nila. Umakyat ako sa taas matapos ang mahabang oras ng pag-aaral ko. Naupo ako sa kama ko at muling natulala. Ganito ako kapag mag-isa lang ako. Natutulala at walang gana sa buhay. Parang ang maliwanag kong pananaw noon ay nawala. Lahat ng iyon ay nawala nang isang iglap dahil lamang sa pagmamahal ko kay Atreo. Napatingin ako sa larawan namin ni Atreo na nasa aking cellphone pa rin. Napapikit ako saglit at nanginig ang kamay ko habang tinitingnan ang lahat ng kuha naming dalawa. Pinindot ko ang delete all at sa isang iglap ay nabura na ang lahat ng litrato naming naipon sa phone ko. Kailangan kong alisin ang lahat ng bagay na nagpapaalala sa kanya. Even his text messages and number in my contact list, I delete it all. Inis na inis ako kapag patuloy pa rin siyang nagpapadala ng message and calls. Palagi niya akong tinatawagan at tine-text kahit pa hindi ko iyon sinasagot o nirereplayan. Ano pa ba ang gusto niya? Bakit hindi na lang niya ako tantanan at asikasuhin na lang niya ang asawa niya? Nanginig ang labi ko dahil iniisip ko na baka meron na siyang anak. Natatakot ako na baka nasira ko ang pamilya ng bata. Baka ngayon ay tumatanim sa isip ng bata na merong kabit ang ama niya. Tila mababaliw ako sa bawat oras dahil paiba-iba ang naiisip ko. Sa sobrang konsensya na nararamdaman ko ay hindi ko na alam kung paano iyon mawawala. Agad akong nagpahid ng luha nang may kumatok sa pintuan ng kwarto ko. Tiningnan ko kung sino ang papasok dahil bumukas na iyon. At nakita ko si Mom nang tuluyan na niyang binuksan iyon nang makitang nakatingin ako sa kanya. “Anak, narito ang mga kaibigan mo.” Tumingin ako kina Zylene at Allison na kasunod ni Mommy at ngumiti sa akin. Lumabas na si Mommy para iwanan muna kami. “Nice room. Parang prinsesa lang,” komento ni Zylene nang ilibot ang tingin sa kwarto ko. “Kumusta ka na, b***h?” Bumeso sa akin ang dalawa at naupo sa kama sa magkabilang gilid ko. Ngumiti ako sa kanila para pinakita na ayos na ako, kahit hindi pa rin. “Ayos na ako, don’t worry about me.” Tiningnan nila ako sa paraan na halatang hindi sila naniniwala. Napayuko na lang ako at napakutkot sa kuko. Hindi ko na maitago sa kanila kaya napahagulhol ako. “Hindi pa rin ako okay. Hindi ko pa rin siya makalimutan. Ang sakit sakit pa rin dito.” Tinuro ko ang dibdib ko habang taas-baba ito dahil halos hindi ako makahinga. “Bakit ganoon? Nagmahal lang naman ako . . . Bakit sa maling lalake pa?” Napayakap ako kay Allison nang yakapin niya ako. Ramdam ko ang paghaplos ni Zylene sa likod ko. Sa kanila ko na lang nalabas muli ang inipon ko sa dibdib ko. Hindi ko maipakita sa pamilya ko ang bigat na nararamdaman ko dahil alam ko na hindi palalagpasin ni Daddy, lalo na nila Kuya iyon oras na malaman nila ang nangyari sa pagitan namin ni Atreo. Naiinis ako sa puso ko. Mahal na mahal ko pa rin kasi siya kahit na niloko niya ako at pinaglaruan. Siya lang ang lalakeng nagpatibok ng puso ko, siya lang ang lalakeng pinag-alayan ko ng buong pagkatao ko, pero siya rin pala ang babaril sa puso ko. “Grace, hindi mo talaga siya makakalimutan kung palagi ka lang magkukulong sa kwarto mo. Masyado na ring nag-aalala ang Mom mo dahil pinasalamatan pa niya kami nang magpunta kami rito. Salamat at may makakausap ka na raw.” Napatakip ako ng bibig at lalong napahagulhol dahil pati si Mommy ay ginagawa ang lahat para sa akin. “Oh, you still a baby, Grace. Hindi ka dapat sinamantala ni Atreo. Hindi niya alam na isang babasaging prinsesa ang sinasaktan niya ngayon.” Pinunasan ni Allison ang luha ko at napabuntonghininga sila ni Zylene. “’Wag ka nang umiyak d’yan. Ang mabuti pa ay sumama ka sa amin.” Napalingon ako kay Zylene. “S-saan?” humihikbi kong tanong. Ngumisi siya kaya tumingin ako kay Allison na kumindat naman sa akin. TININGNAN KO ANG mga taong tila walang pakialam sa paligid basta masaya lang sila. Sumasayaw habang dinadama ang malakas na tunog na tila nagpapawala ng problema nila. Nagsiupuan kami nang makahanap ng available table, kung saan ay nasa isang sulok. Kaya pala daring ang suot ng dalawa at all black ay dahil aayain nila ako na mag-bar. Hindi ko alam kung anong ginawa nila at napapayag nila si Mommy at nang tawagan ko si Daddy para magpaalam ay pumayag siya agad nang malaman na sina Zylene at Allison ang kasama ko. I wore my blue backless dress and blue stelletos. Makapal ang ginawa kong makeup sa mukha ko para hindi mahalata ang mugto kong mata. Um-order sila Zylene ng ladies drink habang ako ay in-order naman nila ng pineapple juice. Pero ni-reject ko iyon at sinabihan sila na gusto kong uminom. “Sure ka, Grace? Baka hindi mo kaya?” “I’m okay, don’t worry, bitches.” Hinawakan ko ang straw sa ladies drink at pumikit ako habang hinihigop ko na iyon. Medyo napangiwi ako dahil medyo may lasa siyang malakas. Pero carry lang. “Hi, ladies.” Napaangat kami ng tingin sa tatlong lalake na masasabi ko naman na makikisig din pero mukhang maangas. Nakipag-friendly shakehands naman ang dalawa sa tatlo pero ako ay pinagpatuloy ko lang ang pag-inom habang tumitingin sa mga wild na costumer na nasa dance floor. May tumikhim kaya siniko ako ng dalawa. Nginuso nila ang nasa harap ko kaya napatingin ako roon. Nakita ko ang isang nakangiting lalake na tila nakakasilaw ang good looking at good aura. Mukha siyang good boy. Hindi tulad ng dalawang katabi niya. “Hi,” aniya at naglahad ng kamay. Tumango ako at saglit lang na inabot ang kamay niya. Ngumiti pa rin siya at naiilang ako dahil grabe siya makatitig. “Can we join you, girls?” tanong ng nasa gilid ni Mr. Bright guy. Agad namang tumango si Allison kaya napailing ako. “Okay, magpapakilala kami para hindi kayo mailang. Ako si Kurt. Siya si Jayson at siya si Vincent,” turo no’ng kurt sa huli na si Mr. Bright. Vincent pala ang name niya. “Alam n’yo boys, sa pangalan n’yo pa lang mukha na kayong playboy,” sabi ni Zylene kaya natawa ang dalawa na si Kurt at Jayson habang si Vincent ay ngumiti lang. “Mukha lang kaming playboy, pero good boy kami.” Inismiran ni Allison si Jayson at napailing na tila hindi naniniwala sa sinabi nito. “Sus. Kotang-kota na kami d’yan. Lahat yata ng lalakeng nakilala namin ay nagamit na ’yang pambobola. Wala ng lalakeng matino sa panahon ngayon.” “Alam n’yo, sa nakikita ko, para kayong mga galit sa lahat ng lalake. Can I ask why?” Nagkibit-balikat lang sina Zylene at Allison sa kuryosidad ni Kurt. Napatingin naman ako kay Vincent ng inusog ang small plate niya na naglalaman ng lemon fruit pagawi sa akin. “Try this. Mas masarap sipsipin ito ka-partner ng alak.” Tumango ako at nagpasalamat dito na ikinangiti niya. Palagi siyang nakangiti at parang walang pinoproblema. “Dude, naiilang sa ’yo si Miss Beautiful. Masyado ka namang halata.” Siniko ni Kurt si Vincent kaya naalis ang pagkakatitig niya sa akin at napakamot ng batok. “I can’t stop myself. She’s so beautiful,” aniya kaya nailang ako. Dapat bang sa harap ko talaga sabihin iyon? Nakakailang kaya! “So, kami hindi maganda kaya sa kanya ka lang titig na titig?” Mahinang pinalo ko ang hita ni Zylene. Gumatong pa talaga! “Hindi naman sa gano’n. You two are so beautiful also, but she’s different for me.” Hindi na ako nakatiis kaya binaba ko sa glass table ang cocktail glass na hawak ko at tumayo ako na kinatingin nila. “Rest room lang.” Hindi ko na sila hinintay na sumagot pa at nag-excuse na ako at lumakad palayo sa table namin. Nakipagsiksikan ako sa mga dumadaan. Napahinga ako nang malalim nang makalusot ako at hinanap ang rest room. Nang makita ko na ay agad akong pumasok doon. Nilapag ko sa lababo ang dala kong pouch at tiningnan ko ang mukha ko sa salamin. Sinuklay ko rin ang buhok ko gamit ang daliri ko. Napabuntonghininga na lang ako at naghugas ng kamay. Ano ba ’tong ginagawa ko? Kumuha ako ng tissue at nag-retouch nang kaunti bago ako makontento sa ayos ko. Inaayos ko pa lang ang gamit ko nang may pumasok na dalawang babae na tila liberated dahil sa klase ng ayos nila at style ng hair. “Who’s that guy?” “I don’t know. Ngayon ko lang siya nakita sa bar na ito. At tila may hinahanap na girl.” “In fairness, siya ang pinakagwapo sa group niya.” Hindi ko na pinakinggan pa ang pinag-uusapan ng dalawa dahil hindi ko naman kilala at tila balak nilang makipag-flirt sa natipuhan nila. Pabalik na ako sa table pero napahinto ako nang mahagip ng paningin ko si Atreo at ang Vipers na mga nakaupo sa high chair at pansin ko na nililibot nila ang paningin sa buong bar. Agad akong napatakip ng mukha gamit ang pouch ko. Nagmadali akong nagtungo sa table namin. “O, anong nangyari sa ’yo?” tanong ni Allison. “Kailangan na nating umalis dito,” pagmamadali ko sa kanila. “Huh?” Binulong ko kay Zylene at nanlaki ang mata niya bago nilibot ang paningin sa paligid. “Ano ’yon?” curious na usisa ni Allison. Binulong ni Zylene ang sinabi ko at agad ding nanlaki ang mata ni Allison at napatingin din sa paligid. “Let’s go!” Agad kong hinila ang kamay ni Zylene para tumayo na sila. “Wait. May problema ba?” tanong agad ni Vincent. “Sorry, pero kailangan na naming makaalis.” “Nandito kasi ang ex niya. Tila hina-hunting siya.” Gusto kong hatakin ang dulo ng buhok ni Allison nang ibunyag niya iyon. “O, anong problema do’n? Wala naman na kayo. Tsaka kung aalis ka, mas mukha kang apektado sa breakup n’yo.” Tumayo si Vincent at lumapit sa akin. Naglahad siya ng kamay na kinaguluhan ko. “Let’s dance.” Umiling ako ngunit ngumiti siya at kinuha ang kamay ko. Hinatak niya ako sa gitna ng dance floor at magalang siyang yumukod sa akin bago dalhin ang kamay ko sa labi niya para halikan. Napatingin ako sa mga taong nasa dance floor na napatingin sa amin kaya nailang ako. Agad na kinuha ni Vincent ang dalawang kamay ko at pinatong sa balikat niya. Humawak siya sa baywang ko at ngumiti sa akin. Ginabayan niya ako sa mabagal na pagsayaw at napakaginoo niyang tingnan sa ginagawa niya. “Napakatanga naman niya na pinakawalan niya ang isang tulad mo. Kung sino man siya ay malas niya dahil tiyak na may lalakeng handa kang saluhin.” “Sinong may sabi na pinapakawalan ko siya?”. Tila ako naestatwa sa kinatatayuan ko at napaangat ako ng tingin para masalubong lang ang walang emosyong tingin ni Atreo. Nakapamulsa siya na naglakad palapit sa amin kaya napabitiw ako kay Vincent at napaatras. Humarap si Vincent kay Atreo at inilagay niya ako sa likod niya. “Bitch.” Tumingin ako kina Allison na nasa tabi ko na at nakatingin din sila kay Atreo. Kinabahan ako dahil mula nang malaman ko ang lahat sa kanya, ngayon ko na lang muli siyang nakita. Para siyang walang-wala sa itsura niya. At nabasa ko ang tingin na binibigay niya sa akin. Tingin na malalim at tila ba binabalaan niya ako. “Sino ka naman?” mahinahong tanong ni Vincent. Gumalaw ang panga ni Atreo at pagak na natawa sa tanong ni Vincent. “Boyfriend ng sinasayaw mo.” Napakuyom ako ng kamay dahil sinong may sabi na boyfriend ko pa siya!? Kapal niya! “Boyfriend?” Natawa rin si Vincent. “Sa pagkakaalam ko, single siya ngayon.” Nagdilim ang mukha ni Atreo at napatingin siya sa akin pero wala akong pinakitang emosyon sa kanya. Agad siyang lumapit pa sa amin kaya hindi ko mapigilan ang pagsibol ng kaba sa dibdib ko. Hinagod ni Atreo ang buhok niya at napangisi siya bago mariing napahawak sa balikat ni Vincent. “Single? Heto ang single!” Nanlaki ang mga mata ko nang sikmuraan niya si Vincent. Agad na susugod sana sila Kurt at Jayson nang agad ding humarang ang Vipers. Hinatak na ako nila Zylene. “b***h, tara na!” aya ni Allison. “Si Vincent?” “Mas kailangan mong makaalis, Grace. Lagot kami sa Dad mo kapag nakalapit sa ’yo si Atreo,” sabi ni Zyrene. Nag-aalala ako kay Vincent at nakonsensya na naman dahil may nasaktan pa nang dahil sa akin. Pero kailangan ko nang makaalis dahil maging ako ay hindi ko alam ang tumatakbo sa isip ni Atreo para sundan pa ako rito sa bar at manggulo. Hindi ko alam kung bakit pinagpipilitan pa niya na meron pang kami. Hindi ba talaga siya nakokonsensya sa ginagawa niya? Malapit na sana kami sa kotse nang may humablot sa braso ko kaya napatili ako at gulat na napatingin sa humablot sa akin. Kumabog ang dibdib ko nang mabungaran si Atreo na malalim na nakatingin sa akin habang mahigpit na nakahawak sa braso ko. “Sa wakas, muli kitang nakita, baby,” aniya at hinawakan niya ako sa mukha habang hinahaplos-haplos. Tinulak ko siya sa dibdib palayo sa akin at sinampal ko siya. “May lakas ka pa talaga ng loob na magpakita sa akin!? At nanakit ka pa ng iba!” “Bakit hindi? Ngayon na nakahanap ako ng tiyempo para malapitan ka, kaya bakit hindi ako magkakalakas ng loob, ha?” seryoso niyang tanong at mas lumapit pa sa akin kaya napatras ako. Agad na humarang si Zylene at Allison sa harap ko kaya napahinto si Atreo. “Tigilan mo siya lalake. May asawa ka na, at hindi deserve ni Grace ang kagaya mo.” “Pwede ba! Nag-uusap kami!” galit na sigaw ni Atreo na ikinagulat ko. Napaigtad din ang dalawa. “Wala na tayong dapat pag-usapan pa, Atreo. Kailanman ay hindi ko na gugustuhin pang pakinggan ang sasabihin mo. At ang mabuti pa ay ayusin mo ang buhay mo sa asawa mo. Hindi ’yong nanggugulo ka pa sa buhay ko.” Agad akong tumalikod at nagmadaling maglakad palapit sa kotseng dala namin, pero nabigla ako at napatili nang biglang humarang sa harap ko si Atreo at binuhat ako nito na parang isang sako ng bigas. Pinaghahampas ko ang likod niya at sumigaw ako ng tulong. Napatingin ako kina Zylene na kinorner naman ng Vipers. May agad na humarang na pamilyar na kotse at bumaba doon si Seb. “Hayop ka! Ibaba mo ako!” Nagpupumiglas ako lalo na nang pagbuksan kami ng pinto ni Seb sa backseat. Agad akong ibinaba ni Atreo at pinangko agad ako para isakay sa backseat. Nagpupumiglas ako at nang maiupo niya ako ay umusog ako sa pinakadulo para abutin ang isang pinto. Bubuksan ko pa lang ito nang biglang hatakin ni Atreo ang baywang ko pausog palapit sa kanya. “Let’s go, Seb,” utos niya kay Seb na agad naman nitong sinunod. “Let me go! This is kidnapping!” galit kong sabi sa kanya at pilit inaalis ang kamay niya sa baywang ko. Para kasi siyang tuko kung makakapit. “We need to talk privately, baby. Kaya kung kailangan kong gawin ito, gagawin ko.” “Wala na tayong dapat pang pag-usapan! Dahil kahit ano pang paliwanag ang sabihin mo, hindi pa rin mababago na may asawa ka na at niloko mo ako!” mariin at puno ng galit kong sinabi iyon sa kanya habang pilit pa ring inaalis ang kamay niya sa akin. Hindi siya nakaimik at humigpit lang ang paghawak niya sa baywang ko. Nasa intersection na kami nang biglang napapreno si Sebastian. Mabuti at hawak ako ni Atreo kung hindi ay napasubsob ako. “What the f**k, Seb?” inis na bulalas ni Atreo na hawak-hawak ang ulo ko pero inalis ko ang kamay niya na kinatingin niya. “General . . . Esteban.” Agad na napatingin kami sa bintana sa side ni Atreo. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Kuya Gab na may subo-subo pang sigarilyo habang sinesenyasan kami na lumabas. Napatingin ako kay Atreo na na-tense ang katawan at humigpit ang pagkakahawak sa akin. Napahinga siya nang malalim bago niya buksan ang pinto. “Get out, Alvarez,” maangas na sabi ni Kuya kaya bumaba si Atreo. Bumaba na rin ako dahil kinakabahan ako. “K-Kuya?” Napatingin ako sa sasakyang humarang at bumaba doon si Dad at Kuya Jam. “Come here, Grace,” maawtoridad na utos ni Dad kaya napatingin pa muna ako kay Atreo na matapang na hinarap si Kuya Gab na ngising-ngisi. Naglakad ako patungo kay Dad na seryoso at maawtoridad ang binibigay na tingin. “D-Dad, ano pong gagawin n’yo sa kanya?” tanong ko. Kahit may ginawang kasalanan si Atreo sa akin ay hindi pa rin maalis ang pagtingin ko sa kanya at pag-aalala para sa kaligtasan niya. Kilala ko sila Dad. Alam ko na posibleng may gawin silang hindi maganda kay Atreo. “Nestor, iuwi n’yo na si Grace sa mansyon.” “D-Dad . . .” humawak ako sa braso niya para pigilan siya sa gagawin nila kay Atreo, pero hinawakan na ako sa braso ni kuya Nestor at pinasakay sa kotse. Napatingin ako sa unahan at nakita ko na may sinasabi si Kuya Gab at Kuya Jam kay Atreo. Nakita ko na rin ang paglapit ni Daddy. Tinanaw ko sila nang umikot na ang kotse na sinasakyan ko paalis sa lugar. Nanlaki ang mga mata ko nang sikmuraan nila Kuya si Atreo. “’W-Wag . . .” Napaiyak ako at tumingin ako kay Kuya Nestor nang hindi ko na sila matanaw. “Kuya Nestor, ibalik mo po ako doon . . . Baka anong gawin nila Daddy kay Atreo . . .” “Sorry, Señorita, pero hindi maaari. Alam n’yo na mas magagalit ang Lord kapag sinuway siya.” Bumagsak ang balikat ko at napapikit ako. Ayokong may masaktan pa sana. Gusto ko na lamang ay matahimik na ang buhay ko. Ayoko nang lumaki pa ang gulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD