Masigabong palakpakan ang pumuno sa maliit na auditorium ng aming eskuwelahan. Siyempre, ako ang may pinakamalakas na palakpak. Aba, naman. Pinarangalan kasi si Roberto bilang mahusay na pamamalakad ng pahayagan sa loob ng eskuwelahan sampu ng kaniyang mga ka-team.
Na-feature rin ang mga koleksiyon ng kaniyang tula sa isang kilalang magazine. Ang galing niya, 'di ba? Napakahusay naman talaga!
At kami na! Isang linggo na ang nakakalipas.
Isang linggong puno ng pagmamahal at kaligayahan.
O ha, ang ganda ko! At totoo naman talaga 'yun!
"Para sa 'yo." Napangiti ako nang iaabot niya sa akin ang plake na iginawad sa kaniya kanina.
ROBERTO N. PELAYO
Napakaganda naman ng name niya. "Sigurado kang akin na lang ito?" seryosong tanong ko sa kaniya, pero deep inside tuwang-tuwa ako.
"May party after this, sama ka, ha?" Saglit akong nag-isip. Kasama kasi sa team si Kate. Pero, nasa akin na naman si Roberto, wala na naman siguro siyang habol.
Nakangiti akong tumango. Tuwang-tuwang nagpasalamat siya with matching hug.
"Sunduin kita..."
"Hindi, huwag na. Ako na lang, kaya ko."
"Sure ka?" alanganin pa niyang tanong. Aaaay... Love niya ako talaga!
Tumango-tango ako sabay ng napakaganda ko na atang ngiti.
"Sige. Abangan na lang kita sa gate. Text-text na lang."
"Text-text na lang."
***
Bahagya ang ginawa kong paglayo sa pintuan. Rinig ko pa ang tawanan ng grupo ni Kate. Nang ganap na akong makalayo, naningkit ang mga mata kong sinulyapang muli ang bukas na pinto bago mabilis na umalis, bitbit ang planong tatapos sa kanilang maliligayang araw!
***
"Hey! Kanina ka pa?! Bakit hindi mo ako tinext?" Hindi na ako nagulat nang hawakan ni Roberto ang aking kaliwang balikat bago naupo sa gawi ring iyon. Inilapit niya pa ng husto sa puwesto ko ang kaniyang upuan, halos magkadikit na nga kami.
Naabutan niya akong mag-isang nakaupo sa pang-apatang lamesa. Ano bang bago? Hindi na nakapagtataka ang ganitong sitwasyon sa akin. Ngumiti lang ako nang tipid bago sumimsim ng juice sa basong nasa aking harapan, na parang may halong alak ata. Iba kasi ang lasa.
"Okay lang. Maayos naman akong nakapasok." Sinulyapan ko lang siya bago ibinaba na ang basong hawak ko.
Ibinaling kong muli ang paningin sa kanina ko pa rin tinitingnan. Ganoon din naman ang babaeng may kasamang mukhang manyak. Nakikipaglaban siya ng titig sa akin habang nakaismid.
Nasa auditorium pa rin ginanap ang party. Isinabay na rin sa mga iba pang lumahok sa mga patimpalak sa ibang eskuwelahan. Halos lahat naman ay may iniuwing parangal.
Pero wala naman akong paki roon. Basta para kay Roberto, kahit ayoko naman o hindi naman talaga at wala pala akong balak na pumunta sa mga ganitong kasiyahan ay kailangan.
Alang-alang sa minamahal kong si Roberto.
"Huwag mo na lang pansinin si Kate. Pinagsabihan ko na rin siya at hindi ka na niya guguluhin pa." Napalingon ako kay Roberto nang sabihin niya iyon. Nakatingin din pala siya sa babaeng makapal ang lipstick.
"Wala naman sa akin iyon. Hindi ko naman siya papatulan. Kahit pa ayaw na ayaw niya sa akin." Naglungkot-lungkutan ang mukha ko. Iyon bang para pa ngang maiiyak style.
Para effective na wala akong sama ng loob kay Kate. Kahit ang gusto kong gawin e, basagin sa ulo niya ang hawak kong baso.
Nang paulit-ulit...
"Napakabait mo talaga. Kaya mahal na mahal kita." Iniabot ni Roberto ang kamay ko na nakahawak sa baso. Marahang kinuha at inilagay sa bibig para halikan. Tuluyan na akong napangiti nang malawak.
Halos matunaw na kami sa isa't isa sa paraan namin nang titigan. At alam ko, kahit hindi ako nakatingin sa gawi ng kanina pa nagmamasid sa amin, umuusok na ang ilong nito sa galit.
Dahil mayamaya pa, dumarating na ang reyna ng kaartehan.
Nagseselos malamang ang hindi naman kagandahan.
"Excuse me, pinapatawag na si Roberto para sa line-up ng mga nagwagi." Nakangiti siya nang sabay kaming lumingon. Ngiting-aso ganoon.
Ni hindi man lang binitawan ni Roberto ang kamay ko kahit pa nakikita ni Kate.
Aw, it's hurt... For her.
"Sa pagkakaalam ko, ia-anounce mamaya, just enjoy Kate." Sinigurado kong labas ang napakalalim kong dimple sa kanan sa paraan nang pagkakangiti ko sa kaniya matapos sabihin iyon.
Nagde-kuwatro ako at iniangat pa ang magkahugpong naming kamay at sinadyang ilagay sa kandungan ko ang mga iyon, sa ibabaw ng aking bag.
At... Wow, ha? Hindi man lang niya sinulyapan.
Lumitaw ang magagandang hubog ng aking hita. Naka-dress akong kulay pula na umabot lang sa ibabaw ng aking tuhod. Shoes with two inches na ganoon ding kulay ang aking suot. Hindi ko na kasi kailangang mag-high heeled ng mataas, matangkad na naman ako sa aking edad.
Hindi gaya ng bansot na ito na halatang nakikipag-plastikan lang naman pero lapit nang lapit.
"Nabago na. Kailangan na siya roon." Seryosong nakahalukipkip pa si Kate sa harap namin at mukhang napipikon na.
"Sorry Kate, maybe later." Sumulyap pa si Roberto sa relong nasa kaliwa ng dingding, bago sa maliit na stage sa harapan. Napasulyap din ako at mukhang hindi pa naman nag-uumpisa.
Palihim akong napaismid. Kahit kailan naninira talaga ng moment ang babaeng ito.
Kainis!
Tumayo na ako at halatang nagulat si Roberto. Pero, hindi niya binitawan ang aking mga kamay.
"C.R. lang ako," paalam ko sa kaniya. Hinawakan ko na ang bag at pilit na binabawi ang kaliwang kamay ko.
"Samahan na kita." Akmang tatayo na siya nang umiling ako nang sunud-sunod.
"Hindi, huwag na. Ako na lang." At alanganin pa siyang bitawan iyon.
"Bilisan mo, ha?" Ngiting matamis lang ang isinukli ko sa kaniya bago ako tuluyang lumabas. Ni hindi ko na sinulyapan si Kate na hindi na talaga umalis sa harap ng lamesa namin.
Tahimik ang pasilyo at tanging tunog ng takong ko lang ang maririnig. Sa dulo ko ninais magbanyo, doon sa medyo madilim at hindi dayuhin ng estudyante. May mauuna kasing banyo na para sa babae pero nilagpasan ko yun. Sinadya kong tunguhin ang dulong banyo na bihira ngang puntahan. Dahil bukod sa maaarte ang mga estudyanteng maglakad nang kaunti, hindi rin maayos na nalilinisan iyon. Medyo napabayaan na dahil yun nga hindi gaanong nagagamit.
Parang utak lang nang taong sumusunod sa akin ngayon.
Napangiti ako nang maramdaman ang presensiya ng babaeng pilit na hindi pinapatunog ang sapatos e rinig na rinig naman. Five inches ba naman kasi ang taas. Alam ko naman kung sino siya.
Alam na alam...
Sige lang, malapit ka na sa kamatayan mo!
Deadma pa rin kahit na nang lumiko ako sa banyo. Bukas naman ang ilaw. Medyo ma-dirty lang ng slight pero keri naman. Tig-tatlong cubicle magkabilaan ang bumungad sa akin at isang napakalaking salamin sa itaas ng dalawang gripo na may tig-isang lababo.
Tsinek ko muna ang sarili ko sa salamin. Hindi ako tumitingin sa pinto. Pinanatili ko kasing bukas iyon para pumasok na ang aking 'bisita'.
Alam kong nasa labas lang siya. Napaismid ako, ang shunga naman nito.
Ipinasya kong pumasok sa huling cubicle sa kanan. Sinadya kong lakasan ang pagkakasara para alam niyang nagbanyo ako.
Nanatili akong nakatayo sa may kaliitang loob ng cubicle at hinintay ang kaniyang pagdating. Inilabas ko rin galing sa secret pocket ng aking bag ang isang pares ng gloves at may pagmamadaling isinuot ito.
May nagtse-check kasi ng bag bago pumasok sa venue. Kaya rito ko iyon itinago.
Mabuti na iyong nag-iingat. Para walang ebidensiya na magtuturo patungkol sa akin.
Nang marinig kong pumasok na siya, napangiti pa ako nang makarinig nang pag-click ng lock.
Ini-lock niya pa, ha?
Bingo!
Nang magsimula siyang maglakad palapit sa puwesto ko, iniangat ko ang kulay pula kong dress.
Kinapa ang kutsilyong nakakabit sa aking kanang hita bago marahang tinatanggal habang nakikiramdam sa babaeng paggagamitan ko nito!
Buti pala hindi ito nakita kaninang nag-de-kuwatro ako. Kailangan ko pa lang mag-doble ingat sa susunod.
Napapangiti ako nang marinig na iniisa-isa na niya ang bawat pinto ng cubicle sa pagbubukas. Nang ang pinto ko na ang bubuksan niya, inihanda ko na ang sarili.
Dahil katapusan na niya!
jhavril---