Rinig ko ang tawanan sa loob ng classroom. Dire-diretso akong pumasok, kahit pa halos lahat sila ay biglang natigilan. Sa likuran ako nakaupo at doon ko naman talaga ninais na pumuwesto. Kahit paano ay malayo sa karamihan at sa mapanghusgang paningin nila.
Gaya ngayon.
Napakunot-noo ako nang may makitang isang puting papel na nakatiklop sa ibabaw ng aking upuan. Tiningnan ko lang iyon ng ilang saglit bago alanganing dinampot. Pasimpleng inilibot ko ang paningin dahil baka may nangti-trip na naman sa kagandahan ko.
Pakiramdam ko, lahat sila ay naghihintay kung ano ang magiging reaksiyon ko sa papel na aking hawak. Marahan ko itong binuklat dahil talaga namang nakakaduda. Siyempre, first time na may gumawa nito.
At nang ganap kong mabasa ang laman, hindi ko pinahalatang sobra akong kinikilig.
Grabe naman po pala kasi!
Isa 'yung tula nang pag-ibig! At hindi naman talaga ako mahilig sa tula, duh? Pero, ang may gawa niyon, 'yun ang gusto ko.
Siya ang puwede kong kahiligan.
Si Roberto.
Pilit kong pinapaseryoso ang aking itsura dahil nanatiling nakatingin sa akin ang mga kaklase kong tsismosa.
Hawak ko nang mahigpit ang papel na parang winisikan pa ata niya ng pabango, bago pasimpleng umupo at inilagay sa ibabaw ng desk ang pinagsalikop kong palad.
Feel na feel ko ang papel na nasa pagitan nito. Eksaktong pumasok naman si Kate at ang dalawang kapareho niyang parang happy foundation day lagi ang peg.
"Kate, alam mo ba..."
"Shhh... Quiet!" sinenyasan niya lang ang epal na babaeng humarang sa daraanan nila, ni hindi sinulyapan. Nanatili kasing sa akin lang nakatingin ang kaniyang naniningkit na mata. Walang pagmamadaling lumapit ang tatlong bibe sa aking kinauupuan.
At gaya sa ibang mean girls, palabas man o sa totohanan, sabay-sabay silang humalukipkip habang nakataas ng kilay sa aking harap.
Wala man lang originality.
"Sige, kiligin ka, matuwa ka... ngayon. Pero tandaan mo, akin lang si Roberto," nakaismid na turan nito.
"Kasalanan mo kung bakit sila naghiwalay, hala ka!" si Camilla na nag "hala ka" sign pa. Parang matatakot naman ako.
Wait, wala na sila ni Roberto?
Aw, I need proof!
"Cool off lang kami. At ikaw, from the start ang epal. Alam kong ikaw ang nagpapadala ng kung ano-ano sa kaniya at iiwan sa upuan niya. Akala mo hindi ko alam? How cheap!"
Cheap? Sino, ako? Baka siya!
Siguro ang mga pinagagawa ko, pero hindi ang mga pinagbibigay ko. Hello, yayamanin ang mga iyon! Pinaghirapan kong hanapin at mga de-signature.
"Nagulat ka ba na alam ko? Well, kasi sa akin lang naman pinapatapon ni Roberto lahat ng kalat na iyon. Buti nga, tinigilan mo na. Kairita kasi!"
Nanatili lang akong sa aking puwesto; nakatingin sa kaniya habang magkasalikop pa rin ang palad sa ibabaw ng desk.
"Ano, wala ka bang sasabihin?" Halatang napipikon na siya dahil seryoso pa rin ang mukha ko at naramdaman naman siguro nilang wala akong paki sa kanila.
Sa mga sinasabi nila...
Sa mga walang kuwentang ginagawa nila...
Dahil wala naman talaga. Sobrang saya ko kaya ngayon!
Bahagyang yumuko si Kate para pumantay siguro ang mukha niya sa akin. Bahagya pa kasi niyang inilapit ang hindi kagandahan niyang itsura.
Ewww... Baka magkapalit pa kami ng mukha, lugi ako.
"Ito ang tatandaan mo, Yanna. Hindi. Ka. Magtatagumpay." Ganoon niya sinabi iyon, per syllable. Para siguro dama ko.
At hindi ko inaasahan ang biglang pagdura niya sa aking mukha. Bago nakangising tumayo ng tuwid.
Kinuha ko ang panyo na nasa aking bulsa at agad na pinunasan ang laway niya sa aking pisngi. Bago ibinalik na muli na parang walang nangyari.
Timpi. Kailangan ko ng mahabang pasensiya... Sa ngayon.
Nakangising tumalikod na sila at lumabas ng silid. Dinalaw lang pala ako para mang-away.
At duraan.
Kahit isa sa man sa aking mga kaklase ay walang naaawang tingin akong nakita. Ganoon sila kabait sa akin.
Nanatili akong hindi umiimik kahit nang matapos ang klase. Nakakuyom nang mariin ang kamay ko sa aking bulsa, habang hawak sa loob niyon ang tulang gawa ni Roberto.
***
Halos araw-araw ay may nakikita akong puting papel sa aking upuan. At puro tula ng pag-ibig iyon. Iba-iba, may english at karamihan ay gawang Filipino.
Excited tuloy akong laging pumasok. At palagian din ang ginagawa niyang pagsabay sa akin sa pagkain sa oras ng tanghalian.
Nakakakilig naman talaga!
Kaso, iba ngayong araw na ito. Wala akong nakitang puting papel sa upuan ko.
Nanlumo ako ng sobra.
Nakakalungkot.
At kahit noong oras ng tanghalian, walang Roberto na nagpakita.
Ang bilis naman niyang sumuko. Isang linggo lang?
Saklap naman!
"Hatid na kita, Yanna."
Natigilan ang may pagmamadali kong hakbang nang marinig ang pinakaaasam kong tinig sa maghapon. Pabebeng lumingon ako kay Roberto, oras ng uwian.
Para siyang modelong naglalakad palapit sa akin. Pasimple kong inipit ang buhok sa aking tainga. At ngumiti. Nang ubod ng tamis.
"Ahm, huwag na. Baka makita tayo ni ...Kate." Naka-cross finger ang mga daliri ko sa likuran. Siyempre, gusto ko talagang makasama siya.
Ngumiti siya ng walang kasing ganda. "Hayaan mo siya. Matagal na kaming break nun. Halika na." Nais pa sana niyang kunin ang mga gamit ko pero tumanggi ako. Keri ko naman kasi.
"Maglakad na lang tayo para mahaba-haba ang pag-uusap natin." Kahit siguro gumapang kami ay ayos lang sa akin basta si Roberto ang kasama ko.
"Pasensiya na kanina. Hindi ko nagawang mag-iwan ng tula para sa 'yo kasi maaga ang meeting ng mga taga-Amaya. At umabot iyon ng lunch time. Sorry, ha?" kita mong sincere siya sa kaniyang sinasabi.
Aw, sinong hindi mai-in-love sa ganitong nilalang? Ang guwapo, mabait at matalino.
Ako na ang masuwerte!
"Okay lang iyon, ano ka ba?" Bahagya ko siyang hinampas sa balikat. Tumigil naman siya at hinawakan ang kamay kong dumampi sa balikat niya.
Nais kong magtatalon sa tuwa!
Lalo na ng unti-unti niyang ilapit sa kaniyang labi at gawaran ng halik ang ibabaw niyon.
"Na-miss kita, Yanna."
Napatulala na lang ako habang kinikilig.
At hanggang makarating kami ng bahay, hindi na niya binitawan ang pagkakasalikop ng mga iyon.
jhavril---