Marahan kong ibinaba ang pahayagang nagtatakip sa aking mukha. Sinilip ko sa ibabaw niyon ang dahilan nang pagbilis ng pagtibok ng bata kong puso. Napapahinga ako nang malalim at pinagpapawisan ang aking mga kamay.
Ang cute niya talaga! Bagay ang manipis niyang labi at isang dimple sa kanan kapag ngumingiti. Mapupungay na mata na parang ang sarap titigan. Matangos na ilong na gaya sa artistang gustong-gusto ko.
Pero, mas gusto ko si Roberto. Sa edad kong kinse, masasabi kong siya na talaga ang gusto kong maging unang nobyo.
Nanlaki ang mga mata ko nang mapagawi ang kaniyang paningin sa akin. Kasalukuyan kasi kaming nasa library; ako habang nakaupo at nagbabasa at sumisilay sa kaniya habang siya ay inililibot ang paningin at tila ay may hinahanap.
Agad kong itinaas na muli ang pahayagan bilang pantakip. Alam ko kasing ganitong oras narito siya. Assistant kasi ng librarian ang girlfriend niyang si Kate.
Oo, ang sad talaga. Sobrang nalungkot ang puso ko nang malaman ko ang masakit na balitang iyon.
Tatlong buwan pa lang naman sila kumpara sa halos isang taon ko na siyang gusto. Yun nga lang, hanggang gusto lang.
Hanggang doon lang.
Siyempre, wala akong lakas ng loob na sabihin iyon. Kababae kong tao ako ang magsasabi? Nah, it's not me. Ang ganda ko naman para maghabol.
"Saan tayo pagkatapos ko rito?"
Napaismid ako nang marinig ang malanding boses ni Kate. Totoo namang malandi siya at hindi ko sinasabi ang bagay na ito dahil sa naiinggit ako o nagseselos o kahit ano pa man ang maaring itawag. Ilang beses ko na siyang nahuling may kahalikan kung saan-saan. Hindi ko alam kung ang nais niya ba ay malaman kung magaling humalik ang isang lalaki bago niya gawing kasintahan.
Nakakainis!
At oo, nakita ko ring ginawa niya iyon kay Roberto my loves bago napabalitang sila na!
Awts, ang sakit pa rin kahit naiisip ko na lang.
"Siyempre sa bilyaran. May ibibigay pala ako sa 'yo mamaya."
Jusko naman, boses pa lang kinikilig na ang small intestine ko. Hindi ko alam kung naiihi ba ako o napupupo sa sobrang kaba at kilig.
Pasimple akong umayos ng upo bago sinulyapan sila gamit ang gilid ng aking mga mata. Pasimple lang para hindi halata.
"Talaga! Oh, I love surprises! Sige, matatapos na naman kami dito e. Bye!"
Parang nais pa ng dalawang magtukaan kaso lang bukod sa mga estudyanteng naroon e, nakatingin din si Miss Librarian na inamag na ata rito sa loob ng library.
Napasimangot ako nang tuluyang umalis na si Roberto at bumalik na sa kaniyang ginagawa ang bruhilda niyang nobya na si Kate.
Umayos ako nang upo at isinara na ang props kong Amaya, pangalan ng pahayagan ng eskuwelahan. Napatitig ako sa kaliwang bahagi nito kung saan nakalagay ang mga kasapi ng nasabing pahayagan.
Hinaplos ko ang isang larawang naroon. Larawan ng kanilang editor-in-chief.
Ang guwapo na, matalino at magaling pa sa mga sulatin ang aking si Roberto.
Kapag napasaakin siya, wala na talaga akong mahihiling pa!
Tanging siya lang, sapat na.
***
Kasalukuyan kong hinahanap si Roberto sa kahabaan ng hallway. Kandahaba na rin ang aking leeg sa pagtanaw pero hindi ko siya makita.
Saan kaya siya nagpunta? Dito ko lang naman siya huling nakitang dumaan.
Mayamaya, may naramdaman akong biglang umakbay sa akin. Nakangising si Kate ang aking nalingunan sa kaliwa, habang ang dalawa niyang alipores na sina Camilla at Yen ay nasa aking kanan.
Ano na naman ang kailangan nila?
"Hinahanap mo ba ang boyfriend ko, weirdo?" Madiin pa nitong hinawakan ang balikat ko. Hindi naman ako nasasaktan manhid ata ako.
Tiningnan ko lang siya pero hindi ako nagsalita. Kaya lalo siyang nainis, mas lalo niyang diniinan ang paghawak sa aking balikat kasabay ng panlilisik ng kaniyang mga mata.
Ngumiti lang ako sa kaniya at pinalis ang kamay na nasa balikat ko. Weirdo nga siguro ako gaya ng sabi nila.
"Angas mo, a!" Hinawakan na ako ng dalawa niyang alipores at akmang sasampalin na ako ni Kate. Madilim na sa labas dahil uwian na ng lahat ng estudyante. Walang makakakita sa kanilang gagawin sa akin kung sakali. Pero, wala akong pakialam dahil hindi sapat ang mga sampal na igagawad niya sa mga sakit na napagdaanan ko na.
Hindi ako nagpupumiglas man lang o kahit ang sigawan sila na huwag gawin ang bagay na maaaring makasakit sa akin. Okay lang naman kasi.
Masokista na rin ata ako.
"Tigilan n'yo nga 'yan! Kate!" Sabay-sabay silang napalingon sa pinagmulan ng tinig. Pero, ako nanatiling tigas sa pagkakatayo. Sabay ng kanilang pagbitaw sa akin ang pagbilis agad ng t***k ng aking puso.
Dahil tinig niya 'yung narinig ko!
Nahigit ko pa ang hininga nang maamoy ang pabango niyang palapit na sa aming kinatatayuan.
"Loves! Akala ko nakauwi ka na?" Nilingon ko si Kate na matalim pa munang tumingin sa akin bago malalaki ang hakbang na sinalubong ang lalaking gusto ko.
Ang lalaking gusto ko pero pag-aari niya.
Asar, 'di ba?
Mas maganda naman akong di hamak.
Nakakunot ang noo ni Roberto habang palipat-lipat ang tingin sa aming tatlo; kay Camilla, sa akin at Yen.
"Nambu-bully ba kayo, Kate? What's happening to you?" Bahagya niyang inilayo ang katawan sa nakayakap na si Kate.
Napangiti ako sa nakita.
"Loves naman, hindi kaya. Kinakaibigan nga namin itong si Weir... Ahm, si Yanna kasi pansin mo naman walang friends. Kawawa naman kasi."
Nais umikot ng eyeball ko sa kaartehan ng babaing ito. Naka-pout pa at nakaangkala na sa braso ni Roberto.
Sumulyap sa akin si Roberto at pinakatitigan. Mata sa mata, kaluluwa sa kaluluwa...Tagus-tagusan kasi.
Aw...
"Totoo ba 'yun, Yanna?"
Shems, naman! Kilala niya ako! Well, hindi naman kasi kami classmate, matalino nga kasi siya. Ako, sa ibang bagay matalino at hindi sa academics.
Pero, oh my God! Kilala niya ako! I wanna scream!
Lumunok ako nang ilang ulit bago sinulyapan si Kate na matalim ang tingin sa akin. Nagbabantang tingin pala.
Parang sinasabi nitong huwag akong magkamali nang sasabihin at patay ako sa kaniya.
Tinaasan ko lang siya ng kilay na naging sanhi nang paniningkit nito. Indikasyon na sobrang naiinis na siya sa akin.
Well, wala akong paki!
Baka mauna ko siyang mapatay.
"Oo, pasensiya na Roberto. Nagkakatuwaan lang naman kami nitong mga kaibigan ni Kate." Inakbayan ko pa ang dalawang napaigtad sa ginawa ko. Hindi sila lumilingon sa akin pero ramdam kong mas doble ang inis nila dahil hinawakan sila ng isang weirdo.
Pasimple nilang tinatanggal ang kamay ko pero pinahihigpit ko lang lalo habang nakapaskil ang isang ngiting tagumpay sa aking labi.
"Pero, bakit... Bakit parang sasampalin mo siya, Kate?" Nagdidiwang ang puso ko sa mga naririnig. Mukhang hindi naniniwala ang bebe ko, a?
"Ano? Hindi kaya. Sasampalin ba kita, Yanna? Hindi naman, 'di ba?"
Nais kong dukutin ang dila niya at apakan nang paulit-ulit!
Kairita, ha?
Nakakalokong ngiti ang iginanti ko sa pag-ismid ni Kate.
"Halika na nga. Uwi na tayo. Don't mind her, mukhang okay na naman si Yanna. 'Di ba?" nakangiti si Kate sa akin pero nakataas ang isang kilay niya.
Amazing, huh?
Hindi na nagsalita si Roberto iniwanan niya nang nagdududang tingin sina Camilla at Yen, at walang sabi-sabing tumalikod.
Sumunod naman si Kate na inisnab muna ang beauty ko bago nagmamadaling humabol sa kaniyang nobyo.
Inis namang sumunod pa ang dalawang alipores nito na siyempre, ginaya ang ginawa ng bruhilda.
Tumaas ang kilay ko sa inis.
Unahin ko kaya si...
jhavril---