KABANATA 6

1715 Words
“ANG ganda talaga ng white dress na ‘yan, Solde! Siguradong bagay na bagay sa’yo ‘yan. Magmumukha kang diwata.” Napangiti ako sa sinabi ni Danna. Inilagay ko sa hanger ang puting dress na kanina ay pinapangarap ko lang na ipahiram sa akin ni Ma’am Geneva. ‘Yon na ang isusuot ko sa party ni Charlie. “Sapatos na lang ang kulang ko. Kahit kasi ipagpilitan ni Ma’am Geneva ang sapatos niya ay hindi ko naman kayang ilakad ang mga ganoon kataas na takong.” “H’wag mo nang alalahanin ang sapatos mo, Solde. Meron ako. Hindi kasing-bongga ng kay Ma’am Geneva, pero maganda naman. Pwede pang ipares sa white dress mo.” “Talaga? Kasya kaya sa akin?” “Oo, kasya ‘yon. Pareho lang tayo ng sukat ng paa. Saka hindi ka mahihirapang ilakad ‘yong sapatos. Minsan ko lang nagamit ‘yon kaya mukhang bago pa.” “Salamat, Danna. Isa kang anghel sa buhay ko!” “Gano’n? Sino naman ang demonyo?” tanong nito na sinundan ng hagikhik. Napailing ako. Isinarado ko na ang aparador matapos maipasok doon ang damit. “Pero alam mo, Solde, mabuti na rin pala na ikinagalit ni Senyorito ang pagpapahiram ni Ma’am Geneva sa’yo ng damit. Kita mo, imbes na pahiram lang, ibinigay na talaga sa’yo.” Natigilan naman ako. Hindi ako sigurado kung iyon nga ba ang ikinagalit ni Sir Ali. Baka kasi hindi iyon tungkol lang sa damit. Baka dahil din iyon sa nangyari sa guest room. Dahil nahipuan niya ako. Dahil napagkalaman niya akong si Ma’am Geneva. Siguro ay nandidiri si Sir Ali sa nangyari. Baka hindi matanggap ng amo ko na ako ‘yong nahawakan niya at kaya nagalit siya ay dahil ang kagaya ko na isang kasambahay ang nadikitan ng balat niya. Bakit naman kasi basta na lang siya yumakap? Hindi ba niya kilala ang nobya niya kapag nakatalikod? Pareho kaming mahaba ang buhok ni Ma’am Geneva, pero magkaiba naman kami ng katawan. O dahil sa damit kaya akala niya ay ako ang girlfriend niya?  Wala man lang sabi-sabi. Ganoon siguro siya kapag naglambing sa nobya niya, pero kung nagsalita siya agad ay ‘di lumingon sana ako at nakita niyang ako ‘yon at hindi si Ma’am Geneva. Napatingin sa akin si Danna na may malaking ngisi. Biglang naglaho ang ngiting iyon nang makita niya ang seryosong anyo ko. “Joke lang ‘yon, Solde, ha! Alam ko naman na nag-aalala ka kapag napapagalitan ni Senyorito Ali. Pero ito kasi, dahil lang sa damit? Hindi ko talaga akalain na may pagkamatapobre si Senyorito. Hindi naman siya ganiyan noong makilala ko.” “H’wag na nating pag-usapan, Danna. Tapos na, e. May ire-request na lang sana ako sa’yo kung pwede?” “Ano ‘yon?” “Pwede bang ikaw na lang muna ang tumulong kay Manay sa pagsisilbi sa amo natin mamayang hapunan?” “Bakit naman?” Hindi ako nakasagot. Hindi ko masabi na naiilang akong magkita kami ni Sir Ali. Hindi ko masabi na nag-aalala akong baka kapag nakita ako ng amo namin ay maalala nito ang insidente kanina sa guest room. Baka mawalan pa ito ng gana sa pagkain o kaya ay magalit na naman. “Anong sasabihin ko kay Manay kapag nagtanong?” tanong ulit ni Danna. “Hindi ko rin alam, e. Pero promise, Danna, ako ang aako ng trabaho mo sa kusina mamayang gabi! Basta... kapag maghahain na ng hapunan, dito na lang muna ako sa kwarto ko…” Sandali pa akong pinagmasdan ni Danna bago siya napasang-ayon. “Sige na nga! Ako nang bahala. Ako na rin ang bahalang magdahilan para sa’yo.” Napangiti ako. “Salamat, Danna. Ang dami ko nang utang sa’yo.” “Sus, h’wag kang mag-alala at nakalista naman lahat,” aniya sabay tawa.  Kinagabihan ay ganoon nga ang nangyari. Nanatili ako sa kwarto ko habang sina Manay Odette at Danna ang tanging nagsisilbi sa aming amo at sa kaniyang bisita. Hindi ko alam kung ano ang sinabi ni Danna kay Manay Odette. Nagi-guilty nga ako dahil pinilit kong magsinungaling siya para lang mapagbigyan ang hiling ko. Isang beses lang ito. Kakalmahin ko lang ang kalooban ko at babalik ako sa dati kong obligasyon sa mansion. Palilipasin ko lang sa isip ko ang nangyari. Mahigit isang oras ang dumaan nang tanggapin ko ang text sa akin si Danna. Tapos na raw kumain sina Sir Ali. Dali-dali na akong lumabas at nagtungong kusina para tuparin naman ang pangako ko sa kaniya. Pero hindi pa rin niya ako pinabayaan sa lahat ng gawain. Si Manay Odette naman ay pinipigilan pa ako. Ang alam kasi nito ay masama ang aking pakiramdam kanina, iyon ang sinabi ni Danna. “Okay na po ako, Manay. H’wag kayong mag-alala, hindi ko naman pipilitin ang sarili ko kapag hindi ko po talaga kaya.” “Paano kung samaan ka ulit ng pakiramdam? Ipahinga mo na lang, Solde.” “Hindi na po, Manay, ayos lang po talaga. Dadahan-dahanin ko po ang kilos. Saka nandito naman po si Danna para tulungan ako.” “Itong batang ito, o, siya, sige nga! Ikaw na ang bahala.” Malungkot akong napangiti nang ipagpatuloy ko na ang paghuhugas ng mga kasangkapan. Kailanman ay hindi ko naranasan ang ganitong pag-aalala mula sa tatay ko. Tanging si Lola lang ang nagmamalasakit sa akin sa tuwing may sakit ako. Pero dito sa mansion kasama ang mga hindi ko kadugo, nakaramdam ako ng pag-aaruga. At hindi pa totoong may sakit ako nito, paano pa kaya kung mayroon nga? Pagkatapos ng mga trabaho ay nagkwentuhan pa ulit kami ni Danna. Panay ang sulyap ko sa bungad ng kusina, nag-aalalang mapasukan kami roon ng aming amo at makita niya ako.  Gusto ko sanang tanungin si Danna kung nagtanong ba si Sir Ali kanina noong wala ako kaya lang ay hindi ko pa maisingit sa usapan. Baka kasi sinabi rin ni Manay Odette sa aming amo na masama ang pakiramdam ko, pagkatapos ay biglang sumulpot si Sir Ali sa kusina at makita kaming nagkukwentuhan ni Danna. Lagot na naman ako. Pero salamat at sa wakas ay nagyaya si Danna na matulog na kaya hindi nangyari ang kinatatakutan ko. Pagdating ko sa aking kwarto at nag-iisa na ulit ay naalala ko na naman ang nangyari sa guest room. Nahirapan akong matulog. Parang nararamdaman ko pa rin ang kamay ni Sir Ali sa kaselanan ko. Hindi malimot ng gunita ko ang paraan ng pagpisil niya sa bahaging iyon ng katawan ko. “Aaarrggh!” inis na sambit ko sabay napatakip ako ng unan sa mukha. Hanggang kailan ba ito magpapabalik-balik sa isip ko? Nagsisisi ako na nakasagot pa kay Chelsey. Dapat umpisa pa lang ay tumanggi na ako sa imbitasyon niya. E di sana ay wala akong pinuproblema. Kung hindi sa problema ko sa isusuot sa party ay hindi ako pupunta sa kwarto ni Ma’am Geneva. Hindi sana nangyari iyon at hindi sana ako ganito na nagtatago kay Sir Ali. Paano na kaya bukas? Hindi pupuwedeng laging ganito na umiiwas ako. Dapat talagang malusaw na sa isip ko ang nangyari. Kailangan ko ring umakto nang normal at tila walang nangyari dahil malamang na ikakagalit ‘yon ni Sir Ali. Baka maging rason pa ‘yon para umatras siya sa pagbe-benefactor sa akin at paalisin ako rito sa mansion. Paano ang pag-aaral ko? Para akong naalisan ng pasanin nang kinabukasan nang malaman kong maagang umalis si Sir Ali papuntang opisina. Ang naroon sa dining ay si Ma’am Geneva na pinagsilbihan namin ni Danna. “Glad to see you this morning, Ysolde. Hinanap kita kagabi at ang sabi ni Manay Odette ay masama ang pakiramdam mo. Okay ka na ba?” Medyo nagulat ako sa sinabi ni Ma’am Geneva. “O-opo, Ma’am. Ayos na po.” “Good to know.” Tumango siya at ipinagpatuloy na ang pagkain. Itinuon ko ang isip ko sa mga gawain sa mansion sa buong umaga. Hindi ko rin nakita si Ma’am Geneva sa paligid hanggang sa tanghalian. Ang sabi ay may pinuntahan daw ito.   Chelsey: Solde, remind lang kita about the party tomorrow. Ipapasundo na kita sa driver. Ano ba ang address ng pinapasukan mo?   Natigil ako sa pagpupunas ng balustre ng hagdan dahil sa text na iyon ni Chelsey. Kahapon ay nagtext din siya, pero hindi ko man lang nasagot. Wala kasing load ang cellphone ko at nalimutan ko namang palagyan dahil sa kakaisip sa nangyari sa guest room. Iniwan ko sandali ang aking ginagawa. Mabuti at nagtitinda rin ng load si Danna. Bumili ako sa kaniya para maka-reply sa text ni Chelsey.   Solde: Oo, pupunta ako. Pero ‘wag ka nang mag-abalang ipasundo ako. Sa bahay namin ako manggagaling, hindi dito sa pinapasukan ko.   Naghintay ako ng sagot ni Chelsey, pero tumunog ang cellphone ko sa tawag niya. Mabilis kong sinagot iyon. “Are you sure hindi ka papasundo? Mas convenient ‘yon sa’yo.” “Oo naman. Magkita na lang tayo bukas. Siya nga pala, wala akong madadalang regalo sa kahit sino sa inyo ni Charlie. Pasensiya na.” “Ano ka ba, Solde? Okay lang ‘yon! Basta makarating ka lang, regalo na ‘yon para sa akin.” “O, sige. Magkita na lang tayo bukas.” “Yey! Thank you, Solde! I’ll see you!” Pagkapatay ko ng tawag ay itinuloy ko na rin ang aking ginagawa. Sa hapunan ay sinabi sa amin ni Manay Odette na nagbilin si Sir na sa labas ito kakain kasama si Ma’am Geneva. Hindi ko nakita si Ma’am Geneva sa buong maghapon kaya naisip kong magkasama siguro sila. Napabuntung-hininga ako sa isang sulok. Okay na rin iyon na sa labas maghahapunan ang dalawa. Ligtas ulit ang pakiramdam ko. Bukas, Sabado, ay uuwi naman ako sa amin para makadalo sa party gaya ng napagkasunduan. Isang buong araw kong hindi kailangang umiwas sa aking amo. Hiling ko lang na sana sa pagbalik ko sa Linggo ay kaya ko na ulit humarap nang matiwasay kay Sir Ali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD