My Prince
"Hi Sky. Gusto mo ng cookies?" Humalik ako sa pisngi ni Tita Stella nang makapasok ako dito sa bahay nila. Ugali ko nang nagpupunta dito araw araw. Ang boring rin naman kasi sa bahay nila Julie. Bukod sa nakikita ko yang kadramahang pinaggagawa niyang pagdadrama sa mga barbie doll niya ay hindi niya pa ako pinapansin dahil tutok doon sa mga plastik niyang laruan. Kung si Stolich naman babad sa paglalaro ng xbox. Ayoko namang makipaglaro sa kanya. Ang boring rin eh.
"No thanks Tita. Si JK na naman po ba nag-utos sa inyo niyan?" tanong ko.
"Kilala mo na nga ang mga batang 'yon. Yes. Total mamaya pa naman ang trabaho ko ipagbibake ko nalang muna yung baby ko. Si Jiro nandoon pa sa kwarto niya. Akyatin mo nalang hun."
Tumango ako kay Tita at umakyat rin. Si Julie lang rin naman ang nakikinabang ng mga cookies na yan. Halatang crush niya ang pinsan ko. Tapos itong pinsan ko napapalapit narin ang loob sa kanya. Mahiyain 'yon pero madali niyang nakagaanan ng loob si JK. Ilang araw pa nga lang silang magkakilala eh.
Pagdating ko sa kwarto niya ay pinihit ko agad ang doorknob saka pumasok. Tulog parin siya. Hindi na siya naglalock eh. Alam niya kasing dumadating ako ano mang oras. Hindi naman ako masyadong maaga. Sadyang siya itong matagal gumising.
"Jiro!" Niyugyog ko siya.
"Hmmm..." Gumulong siya sa kama niya. Inalog ko ulit siya kaya gumulong ulit siya. Nakagat ko ang labi ko dahil isang gulong niya nalang ay malalaglag na talaga siya. Ang rami ko na ngang stolen pictures ng mukha niya sa phone niya na natutulog.
Nang niyugyog ko na naman siya ay tama nga ang hinala kong gumulong ulit siya hanggang humagalpak siya sa sahig kasama ng kumot niya. Humalakhak ako dahil nagising na siya at hinihimas ang pwet niya. Ang gulo pa ng buhok niya. Yan kasi!
"Sky." Isang matalim na tingin ang ibinigay niya sakin kaya nahinto ako sa pagtawa.
"Ang tagal mo kasing gumising. Yung mga pinsan mo nasa playground na. Ba't ba kasi ang tagal mong natulog." Sinundan ko siya sa walk in niya. Kaso nasa may pinto pa lang ako ay itinulak niya na ang noo ko kaya hindi ko natuloy ang pagpasok doon. Napasimangot tuloy ako. Gusto ko pa naman siyang mapanood magbihis!
"Jiro! Papasukin mo ako! Tutulungan kita." Pinagsasapak ko yung pinto niya habang tawa ako ng tawa.
"Wag na. Baliw ka. Maghintay ka diyan. 'Tsaka may ginawa lang ako kagabi." sigaw niya doon sa loob. Natigil naman ako sa kakapalo nun. Namula tuloy yung palad ko. Anong ginawa niya kagabi? Sa pagkakaalam ko hindi naman ako pumunta dito sa kanila.
Lumabas rin siya doon. Nakasuot na siya ng pambahay hindi kagaya kaninang pantulog. Napatitig ako sa mukha niya. Lumapit pa talaga ako ng todo at tumingala ng konte. Napakurap naman siya at napaatras.
"Ano ba yang ginagawa mo Sky?" Naiirita niyang sabi. Hinawakan ko ang braso niya para hindi niya ako maitulak palayo sa kanya at para matigil siya diyan sa kakagalaw.
"Teka lang." sabi ko. Tumingkayad ako hanggang makalebel ko na ang mukha niya. Tinitigan kong mabuti yung mga mata niya. Natigilan naman siya at napatitig nalang rin sakin.
"May eyebugs ka Jiro. Anong ginawa mo kagabi?" Sabi ko habang gumagala ang tingin ko sa magkabila niyang mata.
"May... may dinownload ako. Yung paborito mo. Mga disney Princess. Lahat ng klaseng prinsesa. Dinownload ko para may mapanood tayo buong summer bago magpasukan ulit." Nag-iwas siya ng tingin sakin. Medyo namula pa yung pisngi niya.
Iniapak ko narin ng buo ang mga paa ko sa sahig lalo na't nakakangalay rin ang tumingkayad. Grade 5 na ako sa susunod na pasukan eh. Tapos siya Grade 6 naman.
Nakukwento ko rin kasi sa kanya noong mga kinder pa kami na mahilig ako sa mga Princess. Kaya siya nahiligan niya naring manood kasama ko. Bawat summer yan pinaggagawa namin eh.
Hindi ko alam kung paano kami naging close simula nang araw na naramdaman kong ang lakas ng pintig ng puso ko. Kinukulit ko na siya na tabihan ako doon sa desk ko. Araw araw dikit ako nang dikit sa kanya hanggang pati yung mga pinsan niya ay naging kaclose ko narin. Maliban doon sa tatlong babaeng ni minsan ay hindi ko kinausap. Ayoko sa kanila eh. Yung tatlo kasi kung makatitig kay Jiro parang may kakaiba. Mga kontrabida talaga.
"Talaga? Wala ba yang barbie's?" tanong ko.
"Wala. Ayaw mo naman sa mga ganoon. Ba't ayaw mo sa kanila eh para ka ngang barbie." Tumalim agad ang tingin ko sa kanya kaya napangisi lang siya. Ayaw kong tinatawag akong barbie.
"Barbie's don't have prince." Tipid kong sabi. Ilang sigundo siyang tumitig sakin. Pansin ko talaga ang hilig niyang manitig sakin. Kinikilig tuloy ako. Buti nalang hindi madaling mamula yung pisngi ko. Yung nasa tiyan ko lang yung nagkakagulo. Bitukang nagkakabuhol-buhol. Ramdam ko nga minsan yung atay at obaryo kong nagraramble, parang nagre-wrestling sa loob. Pati matres ko nanginginig eh.
"Bakit ikaw? Meron ka ba?" Tumaas ang kilay niya. Napangisi naman ako sa kanya at tumango.
"Ikaw. Ako si Snow White. Tapos kayo yung dwarfs ko." Napangiti ako ng matamis. Yung mga ugali rin naman kasi ng dwarfs ni Snow White ay kaugali rin nila. Si Happy parang si V. Masayahin. Si Bashful naman medyo hawig kay JK. Mahiyain kasi 'yon. Lalo na sa mga kaklase naming mga babae. Masyado siyang mahiyain. Si Sleepy naman si Sylver kasi puro lang pagtulog ang alam nun. Si Grumpy si RM, hindi na kailangang ipaliwanag. Sapat na yung mukha niyang nakabusangot. Si Dopey naman si Harel, yung tipong masyadong hyper na akala mo nakadrugs? Tapos si Sneezy ay si Jame Brancen naman, hindi dahil sa bahing siya nang bahing kundi dahil ang cute niya. Parang yung batang may sipon. At si Doc? Pwedeng si Jiro. Pwede ring hindi.
Nakilala ko narin sila ng lubusan. Simula Kinder ako hanggang naging Elementary ay magkaklase na kami. Sa school na nila ako nag-aral, pati rin ang pinsan ko. Mas naging close ako kay Jiro lalo na't sa kanya lang rin ako dikit ng dikit. Para akong linta na ayaw nang humiwalay sa kanya bawat minuto.
"Sa pagkakaalam ko walang prinsepe si Snow White sa dwarfs niya."
"Sinabi ko bang kasali ka sa dwarfs ko?" Lumapit na ako sa kanya at ipinulupot ang kamay ko sa braso niya. "Prinsepe kita Jiro. Tapos ako yung Prinsesa mo. Paglaki natin ikakasal tayong dalawa." Napangiti ako.
"Baliw. Ang bata mo pa yan na iniisip mo." blangko niyang sabi pero namumula naman yung pisngi.
"Bakit? Ayaw mong ikasal sakin?" tanong ko
"Ewan ko sayo Sky. Kahit ano nalang pumapasok sa utak mo. Tara na nga. Hinahanap na tayo ng iba." Hinila niya rin ang kamay ko palabas ng kwarto niya. Ayaw niya bang ikasal sakin? Ang ganda ko kaya. Tapos nakasuot ako ng wedding dress. Hihintayin niya ako sa altar. Ang ganda nun! Tapos paglabas namin yung puting kabayo ang sasakyan namin.
Pumunta nga kami sa playground. Malapit lang ito sa bahay nila at sa bahay nila Julie eh. Doon kasi ako nakatira tuwing summer para malapit sa kanila. Kinumbinsi ko rin si Dad eh na doon na ako permanent. Para malapit lang sa bahay nila Jiro.
Hinawakan ko naman agad ang laylayan ng tshirt ni Jiro para hindi niya ako maiwan kung sakaling maglalakad siya. Mataas kasi yang biyas niya, ayokong maiwan. Gusto ko sabay ako sa kanya.
"Sky mapupunit na yung damit ko. Ba't ang hilig mong hawakan ako diyan?" Kinuha niya ang pulso ng kamay ko saka iyon hinawakan. Yan ang parati niyang ginagawa sa tuwing hahawakan ko yung kamay niya.
"Tapos ang bagal mo pang kumilos. Kailangan pa talagang hinihila. Tss." Nasa unahan na si Jiro habang ako naman itong nasa likod niya parin habang hawak niya lang ang pulso ng kamay ko. Eh pakiramdam ko ang bilis niya talagang maglakad eh!
"Babae kasi ako. Ganoon ang mga prinsesa. Mahihinhin." sagot ko.
"Ang hilig mo talaga sa ganyan. Mamaya manonood tayo nun." Tumango agad ako at lumiwanag ang mukha.
"Sa kwarto mo?" Ngumisi ako. Gusto ko kasi talagang humiga doon sa kama niya. Ang lambot eh. Pink yung bedsheet niya. Sinabi ko kay Tita Stella palitan niya tapos pumayag naman daw si Jiro. Pagdating sakin pumapayag siya eh. Ang spoiled ko sa kanya.
"Ikaw. O sa sala. Kahit saan. Basta tayong dalawa. Hindi naman nakikisali yung iba." sabi niya.
"Edi walang disturbo. I'm excited!" Nag hop hop na ako habang naglalakad kaming dalawa. Nailing lang siya at napansin kong napangisi siya. Easy there heart. Don't be so obvious.
Nandoon na yung iba niyang pinsan. Si Sylver nasa taas nung bahay ng slide. Nakaupo lang siya doon na parang siya na ang pinakatamad na tao sa buong mundo at naghihintay lang na may tumulak sa kanya para dumaosdos siya.
Sina V, Harel at Jame Brancen naman naghahabulan habang yung pinsan ko nasa swing na at tinutulak ni JK. At si Rap ay pabalik balik lang sa slide.
Napabusangot ang mukha ko nang may nakita akong bagong naglalaro dito. Lumapit ako doon at pumunta sa likuran niya. Walang hesitasyon ko siyang itinulak. Mabilis naman akong nilapitan ni Jiro habang yung lalakeng medyo payat na liliparin ata ng hangin pag binagyo ay matalim nang nakatingin sakin.
"Tangina ka Miss! Anong problema mo?!" Susugod na sana siya sakin nang mabilis na hinawakan ni Rap ang balikat niya. Isang kamay lang yun pero napahinto niya na yung lalake habang si Jiro naman ay hinigit na ang kamay ko at itinago ako sa likuran niya.
"Minumura mo ba siya? Bulag ka ba? Babae yan." sabi ni Rap doon sa lalake.
"Eh nakita niyo naman. Tinulak niya ako! Tanginang babaeng yan!" Sumilip ako at kitang kita ko ang galit niyang mukha sakin. Napahigpit ang pagkakahawak ni Jiro sa pulso ko.
"Nag-iisa ka lang. Pito kami dito. Kahit nga siguro sakin hindi ka uubra." sabi ni Rap. Maangas siyang tingnan eh. Lalo na pag napakaseryoso ng mukha niya ay nakakasindak siya. Siya yung tagapagtanggol ng magpipinsan.
"H-Hoy! Hindi ako kasali diyan ha!" sabi ni Harel na nagtago pa sa likod ni V. Duwag kasi yan. Masyado siyang matatakutin.
"Sky. Ba't mo kasi tinulak." sabi naman ni Jame Brancen sakin.
"Eh pwesto ko yan. Tapos ang panget niya pa. Palabasin niyo nga siya." Sinilip ko ang mukha niyang mas lalong nagalit sakin kaya si Jiro ay hinarang lalo ang sarili niya sakin. Wala na tuloy akong makita.
"Miss ang ganda mo naman ata!" galit na sabi nung lalake. Oo alam ko. Maganda ako.
"Lumabas ka nalang. Teritoryo namin ang lugar na 'to." sabi ni Jiro.
"Masasapak ko ang babaeng yan." sabi ulit nung mas payat pa sa isang walis. Ramdam ko yung panginginig ng boses niya kahit matapang naman yung boses niya. Pagdating talaga sa magpinsan na 'to ang raming natatakot. Si Sylver nga noong Grade 2 kami may sinuntok siyang lalake na natanggalan ng ngipin. Si RM naman hindi ko alam kung ilang estudyante na ang nasapak dahil binubully yung iba niyang pinsan. Si V lang itong hindi natatablan ng bullying eh. He's absent-minded.
"Teritoryo ko rin siya." Lumundag ang puso ko dahil sa sinabi ni Jiro. Napatitig nalang ako sa likod niya. Napangisi ako. Ang sarap sa pakiramdam nung may nagliligtas sayo. Ngayon alam ko na ang mga pakiramdam ng mga Prinsesa sa libro. Kulang nalang siya ng sandata.
"Mga hayop." Iritadong umalis yung lalake. Ni hindi ko na siya nagawang silipin pa dahil ayaw ata ni Jiro na makita ko 'yon. Ang lapad rin naman kasi ng likod niya!
"Sky sa susunod wag kang nanunulak. Kausapin mo." Iritadong sabi ni Rap sakin.
"Ayoko nga. Baka mabaho ang bibig nun malanghap ko pa." Umirap ako at nagtungo doon sa swing na inupuan niya. Pinagpagan ko pa yun saka ako umupo. Hindi ko rin kasi hilig na kumakausap ng kahit sino nalang. Nakakatamad bumuo ng isasagot eh. So I'd rather shut up.
"Jiro itulak mo na ako." Ngumisi ako sa kanya. Seryoso lang siya habang nakatingin sakin. Unti unti namang napawi ang ngiti ko. Alam ko kung anong ibig sabihin niyan. Galit siya dahil sa ginawa ko.
"Edi wag." Umirap ako saka umalis doon sa swing. Umakyat ako sa slide kung nasaan si Sylver. Ramdam ko naman na nakasunod lang yung tingin niya sakin.
"Sylver, itulak mo nga ako." sabi ko nang makaupo ako dito sa taas.
"Itulak mo sarili mo. Ni hindi nga kita inutusang itulak ang sarili ko."
Napasimangot ako. "Isa ka sa dwarfs ko. Tungkulin mong sundin ang iniuutos ko Sylver."
"Mukha mo Sky. Nakakatamad ngang itulak sarili ko tapos magpapatulak ka pa sakin." Umismid siya. Bumusangot lalo ang mukha ko. Nang makita niya 'yon ay napabuntong hininga rin naman siya at itinulak ako. Ang rami pa talagang sinasabi tapos susundin naman pala ako. Napatili ako dahil narin sa hagalpak ng hangin na sumalubong sakin. Nakarating rin ako sa baba. Kitang kita ko kung paano nagkasalubong lalo ang kilay ni Jiro. Anong ikinakagalit niya?
Umakyat ulit ako. Napansin ko naman na naghahagikhikan na sina Jame Brancen at V. Ba't pakiramdam ko ako ang pinagtatawanan nila.
Pumwesto ulit ako sa swing kaya itinulak ulit ako ni Sylver.
"Sky! Alam ko yung favorite color mo." sabi ni Jame Brancen na pulang pula na ang mukha dahil sa kakatawa.
"Ano?" Tumaas ang kilay ko.
"Pink." sabay nilang sabi ni V at tumawa ulit.
"Eh ano ngayon? Anong nakakatawa doon?" Umirap ako at umakyat ulit. Sina V at Jame Brancen hindi na magkamayaw sa kakatawa. Anong meron kung pink? Nakakatawa ba 'yon?
"Kasi yung panty mo color pink!" Humagalpak ng tawa si Jame Brancen lalo na si V. Nagkasalubong lang ang kilay ko. Eh ano ngayon kung kulay pink ang panty ko sa oras na 'to? Anong nakakatawa kung alam nilang pink?
Binatukan naman agad ni Jiro ang dalawa kaya natigil sa kakatawa.
"Mga m******s. Tinitingnan pa talaga. Sylver, itulak mo pababa ang babaeng yan." sabi na nag-aabang na sa akin sa baba.
"Napakautusero niyo." Iritadong sabi ni Sylver saka rin ako itinulak kaya dumaosdos na ako pababa. Sinalubong niya agad ako doon na para bang may gusto siyang takpan sakin pagkababa ko. Huminto rin naman ako lalo na't na't nasa harap ko na siya at nakaharang. Hinawakan niya ang beywang ko nang makasalubong niya na ako sa baba saka niya inayos ang bistida ko na hanggang legs ko nalang. Hindi ko namalayan na umaangat na pala 'yon sa tuwing mag eslide ako.
"Nakikita na yung pink mong panty." Iritado niyang sabi.
"Pink naman talaga ang panty ko. Tingnan mo." Itataas ko na sana yung bistida ko kaso hinawakan niya agad ang dalawa kong kamay. Galit na galit siyang napatingin sakin.
"Ba't mo ipapakita? Nasilipan ka na nga ipapakita mo pa."
"Anong ikinakagalit mo? Panty lang naman yung nakita ah." sabi ko.
"Yun na nga Sky. Panty. Panty mo. Sa susunod magshort ka kung magbibistida ka." Iritado niyang sabi. Umirap lang ako sa kanya saka binawi ang kamay ko na hawak niya. Naiinis talaga ako pag nagsusuplado siya. Gusto ko sweet siya sakin. Ganoon yung mga Prinsepe eh.
"Scarlet Gail." Napabuntong ako ng hininga dahil may diin na ang tawag na 'yon.
"Fine. Bukas magshoshort na ako. Hindi na ako magpapanty." Mas lalong tumalim ang tingin niya sakin kaya napahagikhik ako. Pinisil ko ang magkabila niyang pisngi hanggang mapanguso siya. Ako nalang lalambing sa kanya. Ayaw niya eh.
"Joke lang. Magshoshort ako with panty sa loob." Nakangiti kong sabi.
"Tss." Huminahon naman ang mukha niya at nag-iwas ng tingin sakin.
"Itutulak mo na ako sa swing? Di kana galit?"
"Eh kasi hindi ko nagustuhan yung ginawa mo. Paano kung mag-isa ka lang Sky. Edi nasuntok ka nun."
"Hindi ah. Alam ko naman na nandito kayo, ikaw. My dwarfs will protect me, even my prince." Napangiti ako ng matamis. Kitang kita ko ang pamumula ng pisngi niya.