chapter 3

1599 Words
Hindi na ako nagtagal sa bahay nina Ate Alex dahil ayokong lalong mainis sa presensya ni Yudz. Nagpahatid ako kay Carla sa tutuluyan kong condo habang nandito ako sa Pilipinas. Kahit biglaan itong pagpunta ko rito ay matagal ko nang pinag-isipan ang tungkol dito kaya meron na talaga akong titirhan kung sakali. Hindi na rin tumuloy si Carla sa loob dahil may pasok pa siya sa school kinahapunan. Wala namang problema iyon dahil kasama ko si Xolani at pianuna ko na ito rito. "Nagkita na kayo ni Jazriel?" salubong na tanong sa'kin ni Xolani nang pagbuksan niya ako ng pinto. "Hindi pa," natatawa kong sagot. "Masyado kang excited." Nilagpasan ko siya at pabagsak na umupo sa couch. Mabilis naman siyang sumunod sa'kin. "Kasi naman, Karlee, hindi tayo pwedeng magtagal sa bansang ito," nakasimangot niyang sabi sa'kin. "Sinong may sabi?" nakataas ang kilay kong tanong. Natigilan siya at napakurap-kurap na tumitig sa'kin. "Kinausap ka ni Mommy, noh?" mapanuri kong tanong. "Sinabi mo ba kung bakit tayo nandito?" tanong ko. "Sinunod ko iyong utos mo," napanguso niyang sagot. "Na sabihin sa kanya na iyong biological father mo ang hinahanap mo rito," lukot ang ilong niyang dugtong. Nakangisi akong sumandal habang nanatili ang tingin sa kaibigan ko. "Anong sabi niya?" interesado kong tanong. "Siguro ay masyado lang akong nag-o-overthink pero alam mo bang parang ayaw ng Mommy mo na magtagal pa tayo rito," napaisip niyang sagot. "Matapos kong sabihin sa kanya iyong kasinungalingang gusto mong iparating ay ramdam kong may something, eh." "Na parang nandito nga sa Pilipinas ang totoo kong ama?" tanong ko. Nang-aarok ang tinging binigay sa'kin ni Xolani bago siya mabagal na tumango-tango. "Sa tingin mo may dugong Pinoy ka?" tanong niya. Bilang nakababata ko na kasabayang lumaki ay alam niya ang bawat detalye ng buhay ko. Maliban kay Jazriel ay isa si Xolani sa mga taong pinagkakatiwalaan ko. Medyo pakialamera lang ito sa mga desisyon ko pero parang kapatid ko na ang mapagkawang-gawa na babaeng ito. Parang extension na ng sarili kong pamilya ang pamilya niya. Kaya nga nandito ito ngayon kasama ko dahil nag-alala siya na baka kung anong kalokohan ang maisipan kong gagawin dito. Mabuti raw na kasama ko siya para naman may magpi-piyansa sa'kin palabas ng kulungan kung sakali. "Hindi naman ako mukhang puro 'di ba?" balik-tanong ko. "Paano kung iyong tatay mo ang mahanap natin dito sa halip na si Jazriel?" Natigilan ako sa sumunod niyang tanong. Maging iyong ngiti ko ay biglang nawala. Seryoso akong umayos nang upo paharap kay Xolani. "Kung buhay pa siya ay sana kinontak na niya ako, 'di ba?" tanong ko sa halip na sagutan ang katanungan niya. "Hindi naman ako tinago ni Mommy, at may social media na ngayon. Isang click na lang at magkakaroon na kami ng komunikasyon." "Imposible namang tatangkain niya iyon gayong sobrang higpit ng security sa inyo," saad niya. "Paano kung naka-block pala iyong mga gano'ng attempts. Hindi ba may gano'n na. Tandaan mo, ang business ng isa sa mga kamag-anak ninyo ay nasa field ng cybersecurity." Ilang sandali muna kaming nagkatinginan ni Xolani. Tama nga siya, may posibilidad ang mga sinabi niya. Nang tumuntong na ako sa tamang edad ay hindi ko na ulit tinanong si Mommy tungkol sa totoo kong ama. Sobrang bait kasi ni Daddy Matt, ayokong isipin nito na hindi sapat ang pagmamahal at pag-aalalaga niyang binigay sa'kin kaya hinahanap ko pa rin ang totoo kong ama. "Si Daddy Matt iyong kinalakihan kong ama kaya hindi na importante iyong tungkol sa biological father ko," kibit-balikat kong wika. Nag-iwas ako ng tingin kay Xolani habang ramdam ko naman ang paninitig niya. "Huwag mong sabihin sa'kin na hindi ka curious sa kanya," nang-iintriga niyang wika. "Si Jazriel ang pinunta natin dito at hindi siya," balewala kong sagot. "Tsaka kung magkikita nga kami ay imposible namang makilala namin ang isa't isa." Saglit namayani ang katahimikan sa pagitan namin bago ito pinutol nang pagtunog ng doorbell. "May inaasahan kang bisita?" nagtataka kong tanong kay Xolani. "Nagpa-deliver ako ng mga pagkain," excited niyang sagot. Napasunod naman ang tingin ko sa kanya dahil sa kakaiba niyang excitement. Hindi namam siguro dapat ganito ka-excited 'pag nagpa-deliver ng pagkain, 'di ba? Nangalumbaba ako sa sandalan ng kinauupuan kong couch habang nakatingin sa direksiyon ng kaibigan ko. Nakangiti ito habang nakipag-usap sa kung sinumang napagbuksan. Kakarating lang namin dito kaya imposible na simpleng delivery man lang ang kausap niya. Kumunot ang noo ko nang nilakihan niya pa ang pagbukas ng pinto at mukhang inimbitahan pang pumasok ang kausap. Magtatanong na sana ako pero nahinto iyon nang tuluyang tumambad sa paningin ko ang dumating. "Asher!" napatayo kong bulalas nang makilala ang isa pa sa mga kababata namin ni Xolani. "Surprise!" nakabukas ang mga braso nitong sigaw. Kung maka-awra ito ay hindi mo talaga masasabing machong lalaki rin ang bumubuhay sa katawang lupa nito. Patakbo akong lumapit at mabilis na lumambitin sa balikat nito. Tumatawa naman si Xolani na nasa likuran namin habang pumailanlang ang malulutong na mura ni Asher. "Ang bigat mo, girl!" patiling reklamo ni Asher. "Masisira ang nail extension ko!" Sa balikat niya naman ako lumambitin pero ewan ko kung bakit iyong kuko niya ang masisira. Kakaiba rin talaga mag-isip ang baklang ito. "Bakit ka nandito?" maang kong tanong matapos kumalas mula sa pagkakakapit sa kanya. "Kasi naman ayokong magpahuli sa adventure ninyong ito," pumipilantik ang mga daliri nitong sagot. Mabilis na sinuyod ng tingin nito ang paligid bago bumukas ang satisfaction sa mukha nito. "This place is nice—not as luxurious as what we're used to, but it will do," komento pa nito bago nagpalakad-lakad. "So, where's my room?" baling nito sa'kin. Umikot ang mga mata ko at itinuro ang direksiyon ng extra room nitong condo. Nasa pang-alta na condominium building ako kaya apat ang bedrooms na meron itong unit ko. Medyo malawak din iyong living room at hiwalay ang kitchen at dining area. Ang pinakagusto ko ay ang balcony nito na nakaharap sa buong siyudad. Gusto ko kasing nakikita 'pag gabi iyong iba't ibang ilaw mula sa mga establishment na bukas tuwing gano'ng mga oras. Lumaki ako sa siyudad, kaya gustong-gusto ko ang ingay na hatid nito. Kapag natatanaw ko iyong city lights ay pakiramdam ko naririnig ko ang tinutukoy kong ingay. Hindi ko nakikita ang sariling tumira sa lugar na malayo sa nakasanayan kong buhay. Kaya nga medyo may pag-aalinlangan ako sa island hopping na ayon sa pinsan kong si Carla ay pinangako ko sa kanya. Iyon yata ang pinakamaling nagawa ko no'ng mga oras na nasa ilalim ako ng gamot na nakahalo sa nainom kong alak. Pero sa tingin ko ay bawing-bawi naman sa thirty million na napanalunan ko. Maraming natulungan ang perang iyon at ligtas naman akong nakauwi ng bahay. Tiyak na walang nagtangkang lumapit sa'kin nang biglang sumulpot si Jazriel upang iuwi ako. Siguro kung sakaling wala roon si Jazriel ay hindi gano'n ang nangyayari, dahil hindi naman ako papatol sa hamon ng mga bruhang iyon. Nasa tamang pag-iisip pa naman ako upang piliing hindi ipahamak ang sarili. Ang pinakamalalang mangyari sa'kin kung sakaling magpabaya ako ay ang kumalat sa buong mundo ang sëx scandal ko habang wala ako sa tamang huwisyo. At baka mabuntis pa ako... tapos matutulad sa'kin ang magiging anak ko. Tama nang ako lang iyong naiiba sa angkan namin. Mukhang hindi nga talaga tinadhana si Mommy at ang totoo kong ama. "Pagod ako sa biyahe, girls, kaya mag-beauty rest muna ako saglit, ha," paalam ni Asher nagpabalik sa'kin sa kasalukuyan. Nginitian ko lang ito habang pinanood na tinungo ang sinabi kong silid. Nakasunod naman si Xolani habang tulak-tulak ang malita ng kaibigan namin. Napabuntong-hininga ako habang sinundan ng tingin ang dalawa kong kaibigan. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o matatawa kay Xolani na kahit alam namang bakla si Asher ay lihim pa rin nitong minamahal. Ito namang si Asher ay sobrang manhid, sarap bunutan ng bagang. Kaya suportado ni Xolani ang kabaliwan ko kay Jazriel dahil isa rin siyang baliw, eh! Mas malala pa nga siya dahil sa bakla pa siya nagkagusto. Mabuti pa ako mas malaki ang chance na maakit si Jazriel, pero kung hindi kakayanin ay sa gayuma ako kakapit. Bakit naman kasi masyadong focus sa trabaho niya ang lalaking iyon? At ito namang si Tito Felan ay kung saan-saan pinapadala si Jazriel. Inalis ito sa security team na naka-assign para sa pamilya ko at malaman-laman ko ay nandito ito ngayon sa Pilipinas. Hindi ko nga lang sure if nagtatrabaho pa rin ba ito para kay Tito Felan. Hindi nga rin malinaw sa'kin kung ano ba talaga ang trabaho nito kay Tito dahil napapansin ko na malapit ito kay Tito Rusca at maging sa iba kong mga pinsan. Lagi ko kasi noong napapansin na may kung anong pinag-uusapan ang mga ito na sila - sila lang ang nagkakaintindihan. Sa totoo lang ay masyadong misteryoso ang pagkatao ni Jazriel. At isa iyon sa kumuha sa atensiyon. Akala ko noong una ay simpleng paghanga lang itong nararamdaman ko para sa kanya, pero no'ng sinamahan na ng konting pagnanasa ay malinaw na sa'kin na iba na talaga 'to! At habang tumatagal ay palalim na nang palalim ang nararamdaman ko, hanggang sa nagising na lang ako isang araw na aminado na ako sa sarili na mahal ko na siya. Dahil tanggap ko na iyon sa sarili ko ay sisiguraduhin kong sa'kin ang bagsak niya. Ako ang tanging babaeng magiging ina ng magiging mga anak niya. Sinumang babaeng magtatangkang agawin ang posisyon kong iyon sa buhay niya ay hindi na sisikatan ng araw. Hindi ako si Karlee Carson kung hahayaan kong mapunta sa iba ang natagpuan kong pag-ibig!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD