Kung may tao mang ayaw kong makasalubong sa pagpunta kong ito rito sa Pilipinas ay iyon ang pangit na kaibigan ni Ate Alex na sobrang yabang.
Hindi na nga pinagpala sa hitsura ay gano'n din sa ugali.
Sana pala ay hindi ko na inagahan ang pagdalaw sa bahay ni Ate Alex dahil nakasabayan pa namin ang pagdating no'ng Yudz.
Pati pangalan hindi kaaya-aya para sa'kin. Pero bagay lang sa fully made-up nitong mukha.
Ewan ko ba pero simula no'ng makilala ko ito sa kasal ni Ate Alex ay awtomatikong nasali na ito sa hate list ko. Kung pwede lang sana ay ipatumba ko na ito sa mga tauhan ni Tito Felan.
Siguro ay ganito ang inis ko sa ipis na ito dahil muntik ko na itong napagkamalang si Jazriel no'ng una kong narinig ang boses nito. Pero no'ng makita ko ang hitsura nito at marinig ang panlalait nito ay biglang kumulo dugo ko.
Kahit naman may kasungitang taglay si Jazriel ay bagay naman sa kanya pero itong Yudz na ito ay feeling talaga!
Kung sino pa nga ang mukhang espasol dahil sa dami ng foundation na nilagay sa mukha ay siya pang sobra-sobra kung pumuna sa ayos no'ng iba.
Sabihan ba naman akong mukhang uod sa kung anong halaman na tinawag nitong tuba-tuba dahil lang nagsuot ako ng gown na may shade ng kulay green.
Kasalanan ko ba kung iyon ang kulay ng damit ng maid of honor? Bigla tuloy ay ayaw ko na sa kulay green.
Ewan ko rin kung bakit apektadong-apektado ako gayong maganda naman akong tingnan sa kulay na iyon. Para nga akong fairy eh, na-emphasize ang kaputian ko at litaw na litaw ang taglay kong ganda. Pangit nga lang iyong pumuna kaya siguro hindi matanggap ng buo kong pagkatao. Wala na nga itong hitsura, wala pang taste!
"Ano?" iritable kong sikmat kay Yudz nang mapansing nakatingin pa rin ito sa direksiyon ko.
Magkatapat ang kinauupuan namin habang nasa hapagkainan kasama ang mga asawa ni Ate Alex at si Carla na sumama sa'kin papunta rito.
"Bakit ang sungit-sungit mo sa'kin?" kunot-noong tanong ni Yudz.
Narinig ko ang mahinang pagtikhim ni Ate Alex pero nang sulyapan ko ito ay nasa katabing si Kuya Vaughn ang atensiyon nito.
Binalik ko kay Yudz ang atensiyon ko at sinamaan ko na lang siya ng tingin. Makuha sana ito sa matalim na tingin, pwede ring tumirik na lang siya sa kanyang kinauupuan.
"Ang sakit kasi sa ilong ng pabango mo," masungit kong sagot. Nalukot ang mukha ko sabay ingos.
"Regalo mo sa'min iyan," bigla ay sabat ni Carla. "Hindi ko gusto ang amoy kaya niregalo namin nina Ava at Bella sa kanya."
Umasim ang panlasa ko at nabaling sa nakababatang pinsan ang matalim kong tingin.
"Sana binalik ni'yo na lang sa'kin o 'di kaya ay binigay ni'yo sa iba," nandidilat kong tugon. "Hindi kasi bagay sa kanya. Lalo siyang naging dugyot."
Naalala kong ganitong scent din ang niregalo ko kay Jazriel. Napaisip tuloy ako na baka hindi ginagamit ni Jazriel iyon dahil pangit iyong amoy. Pero depende naman siguro sa aamoy dahil no'ng binili ko ito ay gustong-gusto ko iyong matamis nitong amoy, pero ngayong naaamoy ko ito sa taong espasol na kaharap ay biglang pumangit sa pang-amoy ko.
"Ganyan naman kayong mga babae, 'pag gwapo ay binabagayan nang kahit ano," pasaring ni Yudz. "Eh, sa gano'n ako kaya bagay talaga sa'kin ito. May dugyot ba na ganito ka-cute?"
Ngumiti pa ito nang nakakaloko sa direksiyon ko. Sinusubok talaga ang self-control ko.
Gusto kong magmura nang nag-beautiful eyes pa sa harapan ko ang gago. Kahit saang anggulo ay wala akong nakikitang cute!
"Ang kapaaal," mahina pero nagtatagis ang bagang kong usal. Gusto ko siyang batuhin ng hawak kong kubyertos.
Sa gigil ko ay napagdiskitahan ko na iyong pagkain sa harapan ko. Napariin na iyong pagkakahiwa ko ng paborito kong pancake.
Parang mas gusto kong hiwain iyong mukha ng letse kong kaharap tutal ay para naman itong pinagulong sa harina. Umagang-umaga pero sagana sa foundation.
Hindi ko tuloy mapigilang isipin kung pati ba sa pagtulog nito ay naka-makeup foundation ang mukha nito.
"Karlee, tungkol nga pala sa dahilan nitong biglaan mong paglipad papunta rito..." tawag ni Ate Alex sa atensiyon ko.
Mabilis na nagbago ang ekspresyon ko sa mukha nang maalala si Jazriel. Iyong mga negatibong hatid ng presensya ni Yudz ay biglang natakapan ng nararamdaman kong excitement sa posibilidad na makikita ko si Jazriel.
"Paano mo pala nalamang nandito sa Pilipinas si Jazriel?" dagdag na tanong ni Ate Alex. Nabanggit ko na kasi kanina na ang lalaki ang dahilan nang pagparito ko.
Makahulugan akong ngumiti bago nagsalita, "So, nandito nga siya?" balik-tanong ko.
"Wala akong sinabi," nakataas ang kilay na sagot ni Ate Alex.
"Pero sa tono at tanong mo ay halatang alam mo rin na nandito nga siya," nakangisi kong pahayag.
Naiiling na lang na napabuga ng hangin si Ate Alex. Kapansin-pansin na humahaba na ngayon ang pasensya nito. Maganda naman pala ang epekto nang pag-aasawa sa kanya.
"Ano ba ang kailangan mo sa kanya kung sakaling magkita nga kayo?" seryosong tanong ni Ate Alex kapagkuwan.
Naninimbang ko munang sinalubong ang mga mata niya bago nagsalita, "Hindi mo ako isusumbong kay Mommy?" naninigurado kong tugon. "Anumang sasabihin ko ay atin-atin lang at hindi makakarating kay Mommy?"
Kumunot ang noo ni Ate Alex habang sinuyod ng tingin ang mukha ko. Hinahanap niya siguro ang indikasyong makapagsabing nagbibiro lang ako. Ang hindi niya alam ay walang halong ni katiting na biro ang intensiyon ko kay Jazriel.
"You have my word," saad ni Ate Alex pagkatapos nang ilang sandali.
Hindi niya ako hinihiwalayan nang tingin habang hinihintay ang sasabihin ko.
Pasimple kong tinapunan ng tingin ang mga kasama namin, at hindi ko mapigilan ang pag-asim ng ekspresyon ko nang mapadaan sa kumakaing human-espasol ang tingin ko.
Kahit naman parang walang pakialam si Yudz sa pinag-uusapan namin ay ayaw ko namang marinig nito ang kahit na anong tungkol kay Jazriel.
"Sasabihin ko 'pag tayong dalawa na lang," sabi ko kay Ate Alex.
Nag-angat ng mukha si Yudz at nahuli nitong nakatingin ako kaya pinandilatan ko ito ng mga mata. Mahirap na baka isipin pa nitong nagugustuhan ko ang nakikita ko ngayong pagmumukha niya.
"You're irritating," hindi ko napigilang wika habang nakipagtagisan ng tingin dito.
"But you keep on staring," nakangisi nitong sagot na lalong nagpairita sa'kin.
"Because you're on my line of vision!" matalim kong buwelta. "If you just get out if my face, maybe I won't stare!"
"Reasons..." tila nang-aasar nitong tugon at muli akong nginitian.
Pakiramdam ko ay nagpanting ang tainga ko dahil sa boses niya at pumitik ang sentido ko. Kahit anong gawin talaga ng taong espasol na ito ay walang mintis na pinapataas ang blood pressure ko.
Upang hindi ako tuluyang atakihin dahil sa sobrang inis ay itinuon ko na lang ang atensiyon sa kinakain ko. Ang problema ay parang nakikita ko ang mukha niyang nasobrahan sa foundation sa pancake na nasa plato ko. Parang nawalan tuloy ako ng gana kahit paborito ko pa ito.
"First time mo rito sa bansa, may lugar ka ba na gustong puntahan?" untag sa'kin ng asawa ni Ate Alex na si Kuya Vaughn.
"Maraming magagandang pasyalan dito," segunda naman ni Dax habang abala ito sa paglalagay ng pagkain sa pinggan ni Ate Alex.
Ganito pala ang pakiramdam nang makasaksi ng lambingan nang ganito kaaga at kabababa mo lang ng eroplano. Hindi ko nagugustuhan lalo na at walang taong lumalambing sa'kin. Hinahanap ko pa nga lang taong gusto ko at kukumbinsihin ko pa ito na mahalin ako.
Maliban sa pangalan niyang Jazriel Salvador na nagtatrabaho kay Tito Felan ay wala na akong ibang alam kundi ay ang mahalin siya simula pa lang.
Ang corny pero aminado akong ganito ako sa taong gusto ko.
Tamang-tama ang apelyido niyang Salvador dahil siya lang naman ang tagapagligtas ko simula pa noon. Kahit na noong malaman kong trabaho niya iyon ay hindi pa rin nababawasan ang utang na loob ko at pagtingin sa kanya.
Bakit naman kasi itong si Tito Felan ay ayaw yata akong sumaya dahil kahit anong gawin ko ay ayaw talagang sabihin sa'kin ang kahit pahapyaw lang na detalye ng personal na buhay ni Jazriel.
Masyadong highly classified daw ang impormasyon tungkol sa mga nagtatrabaho sa kanya.
"Gusto ni Ate Karlee na mag-island hopping kami!" masayang pahayag ni Clara.
"Gusto ko iyon?" maang kong tanong at napaturo pa sa sarili.
Ayoko sa mainit, at ayoko sa dagat! Paanong nasabi ng pinsan long ito na iyon ang gusto ko.
"Hindi ba nangako ka sa'kin," paalala pa nito sa'kin habang nandidilat.
"Oo nga pala," napangisi kong usal nang sumagi sa isip ko ang sinalubong nito sa'kin kanina.
Dala siguro ng pagod sa biyahe ang pagiging lutang ko ngayon.
"Tamang-tama, gusto kong pumunta sa isla nina Kuya Yudz!"
"Mag-isa ka!" mabilis kong sagot sa sumunod na pahayag ni Carla. "Hindi ako pupunta sa lungga ng pangit na iyan," mahina pero mariin kong bulong sa katabi kong pinsan.
"Naririnig kita," sabat ni Yudz at nag-angat pa ng tingin sa'kin.
"Totoo namang pangit ka," hindi tumitinag kong sagot sa kanya at sinabayan pa nang irap.
Sa halip na maapektuhan nang panlalait ko ay nangalumbaba pa ang loko at nagpapa-cute na ngumiti sa direksiyon ko.
"Dahan-dahan sa panlalait... baka bigla kang maakit," makahulugan niyang pahayag.
Pakiramdam ko ay nanayo ang mga balahibo ko sa batok.
"Never!" patili kong sagot.
Parang gusto kong mapayakap sa sarili upang protektahan ang dignidad ko sa ilalim ng nakakainis niyang titig.
"Huwag mo akong titigan! Baka mahawaan mo pa ako!" hindi nakatiis kong saway sa kanya.
"Next time kasi huwag kang umupo sa harapan ko para hindi kita matingnan," sarkastiko niyang tugon. Binack-to-you ako ng loko. "Malapit ko nang isipin na nagkukunwari ka lang na galit sa'kin pero deep inside ay unti-unti mo na akong nagiging crush."
Mabuti na lang ay naalala kong nasa harapan kami ng grasya kaya napigilan ko ang malutong kong mura. Nasa dulo na ng dila ko eh, naagapan ko pa!
Narinig ko ang mahinang tawa ni Ate Alex kaya pinakalma ko ang sarili. Hindi man maganda nag biro ng taong espasol na itp, at least napatawa niya si Ate Alex.
"Kumain na nga kayo, bangayan kayo nang bangayan eh," wika ni Ate Alex.
Iniwasan ko na lang na mapatingin sa katapat kong upuan para hindi ko makita ang nakakairitang mukha ni Yudz.
Okay lang na mukha niya iyong sira, huwag lang ang unang araw ko rito sa Pilipinas.
Happy thoughts... happy thoughts... Of course, matik na si Jazriel agad!
Si Jazriel na parang knight in shining armor... hindi katulad ni Yudz na sinumpang bangungot!