Ronoel
Naglalakad na ako palabas ng university nang tumunog ang aking cellphone. Kaagad ko itong kinuha sa aking bag, pagbukas ko ay text message ni Glodie ang bumungad sa akin. "Beshy, otw ka na ba dito sa coffee shop?" basa ko sa kanyang mensahe. Huminto muna ako sandali sa aking paglalakad upang makapag-reply sa kanya."Oo beshy, kakalabas ko lang ng university. Naglalakad na ako papunta diyan sa coffee shop," agad ko naman itong sinend kay Glodie at itinuloy ang aking paglalakad. Tumunog muli ang aking cellphone hudyat na nag-reply si Glodie," Bilisan mo beshy kasi nandito si Bryson kasama ang barkada niya!" Napakunot naman ang noo ko sa aking nabasa. Hindi na ako nag-reply pa. Inilagay ko na ulit sa bag ang cellphone ko. Na-i-imagine ko tuloy si Glodie habang sinasabi niya yun sa akin. Parang inasinan na bulate nanaman ito na hindi mapakali. Napailing na lang ako sa aking naisip.
Childhood friend at bff ko si Glodie. Simula pa nung mga bata pa kami ay lagi na kaming magkasama. Kaya naman ng mag-opening ang Infinity Love Cafe ay sabay kaming nagpasa ng resume. At laking tuwa namin nang pareho kaming natanggap sa trabaho. Nakakalungkot lang kasi hindi na niya naipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Dahil tulad ko ay hirap rin sa buhay. Mabait, maganda, at kikay rin si Glodie tulad ni Maya. k
Kahit na hirap sa buhay ay magaling siya mag-ayos ng kanyang sarili. Hindi tulad ko na tinalo pa ang may isang dosenang anak. Kaya siguro hindi ako magustuhan ni Bryson. Tsk!
Tanaw ko na ang coffee shop kaya binilisan ko pa ang lakad. Ewan ko ba, na-excite ako bigla ng malaman ko na nandun si Bryson. Pumasok na ako sa loob, agad naman akong binati ni Glodie "Hello beshy!" Malawak ang mga ngiti nito. Marahil dahil ito kay Greyson.
Nakita ko naman sila Bryson na nakaupo sa dulong bahagi at nakatingin silang apat sa akin,
"Hi Ronoel!" Nakangiting bati sa akin ni Xander. Sa kanilang apat si Xander ang pinakamadaldal at pilyo.
"Hello!" Nahihiya kong bati sabay yuko ng ulo. Pag angat ko ng ulo ay nakita ko si Bryson na nakatitig sa akin. Agad naman akong nag-iwas ng tingin at naglakad na papuntang locker room.
Pagkapasok ko sa locker room ay agad naman ako nagpalit ng uniporme. Sampung minuto na lamang ay duty ko na. Naalala ko naman ang naramdaman ko na paghaplos sa aking pisngi kanina. Bigla tuloy akong kinilabutan sa naisip. Hindi kaya may multo sa campus? Hindi naman totoo ang multo na 'yan eh. Siguro panaginip lamang 'yun, napailing na lamang ako sa aking naisip. Lumabas na ako sa locker room upang puntahan si Glodie. As usual nahuli ko siyang nakatitig kay Greyson habang malawak ang kanyang mga ngiti. Napailing na lamang ako sa kanyang itsura. Tinulak ko ang kaniyang noo gamit ang aking hintuturo, " Nangangarap ka nanaman ng gising," nakangiti kong wika sa kanya. Inirapan naman niya ako sa aking sinabi.
"Hmp! Minsan ko na nga lang makita si Greyson eh. Buti ka pa lagi mo nakikita si Bryson," nakanguso niyang saad sa akin. "Sshhh! 'Wag ka ngang maingay dyan baka marinig ka nila," sabi ko sa kanya sabay lingon sa pwesto nila Bryson.
"Hindi pa rin ba nakakapasok si Richel?" tanong ko sa kanya para maiba ang aming usapan.
"Hindi pa raw magaling yung nanay niya. Wala naman kasi magbabantay, " sagot naman niya sa akin.
Nakilala lang namin si Richel dito sa coffee shop. Kasabayan din namin siya mag-apply. Katulad namin ni Glodie, hirap rin ito sa buhay.
Nagpupunas ako ng countertop habang nagbibilang naman si Glodie ng pera sa kaha nang lumapit sa amin si Greyson. "Ronoel para sa'yo nga pala," tawag niya sa akin habang iniaabot ang papel. Napatigil naman ako sa aking ginagawa. Samantalang si Glodie ay parang maiihi na sa sobrang kilig. Pasimple ko siyang sinipa at pinanlakihan ng mata. Ibinalik ko naman ang tingin kay Greyson at kinuha ang ibinibigay niya sa aking papel na sa palagay ko ay invitation card "Graduation Party," mahina kong basa sabay angat ng tingin kay Greyson.
"Sa susunod na buwan pa naman 'yan. Punta ka ha. Isama mo na rin si Maya at Glodie," saad n'ya sa'kin at ibinaling naman ang kanyang tingin kay Glodie. Nakatitig lamang si Glodie kay Greyson, habang malawak ang mga ngiti " Sige pag-isipan ko muna. Sasabihan ko na rin si Maya bukas," nakangiti kong saad sa kanya para maagaw ko ang kaniyang atensyon. Nagmumukha na kasing tanga yung katabi ko dito na animo'y nangangarap ng gising.
"Sige balitaan mo na lang ako kung pupunta kayo," nakangiti rin niyang saad sa akin. Isa pang sulyap ang ibinigay niya kay Glodie at bumalik na ito sa kanilang pwesto. Kaagad ko namang pinalo si Glodie sa kanyang balikat upang matauhan. "Aray naman! Nakakarami ka na ah!" Galit niyang sabi sa akin sabay himas sa kaniyang balikat. Hindi naman malakas ang pagkakapalo ko sa kanya. Masyadong OA lang talaga ang kaibigan ko! "Anung nakakarami? kulang pa nga 'yan para magising ka sa katotohanan," nakapameywang kong sabi sa kanya.
"Hmp! Kontrabida ka talaga sa lablayp ko!" nakairap niya namang wika sa akin.
"Masyado ka naman kasing obvious. Nakakahiya dun sa tao," sermon ko sa kaniya "Ano ka ba beshy! Iba na ang generation ngayon. Sa panahon ngayon babae na ang nanliligaw para hindi maunahan ng mga haliparot sa paligid," katwiran niya pa sa akin. Agad namang nanlaki ang mata ko sa mga sinabi niya.
"Kaya naman kung ako sa'yo liligawan ko na yan si Bryson. Sige ka magapang pa yan ng mga babaeng nakapaligid sa kanya," dugtong niyang sabi. Kinilabutan naman ako sa kaniyang mga sinabi.
"Manahimik ka na nga, ang dami mo pang sinasabi baka kung may makarinig sa'yo sabihin masyado kang desperada!" Saway ko sa kanya. Tanging irap lang ang sinagot niya sa sinabi ko. Hinablot naman niya sa aking kamay ang hawak kong invitation card na binigay ni Greyson.
"Naku beshy! Sigurado ako na bongga ang graduation party na 'to!" Excited niyang wika sa akin. Mas excited pa yata siya kaysa sa'kin. " May susuotin ka na ba?" tanong niya sa akin. "Wala pa. Tsaka pag-iisipan ko pa kung pupunta ako," sabi ko sa kaniya na may halong lungkot sa aking tinig.
"Alam mo beshy 'wag mo ng pag-isipan. Pumunta na tayo dito, ako ang bahala sa'yo. Aayusan kita ng bongga!" Kumbinsi niya sa akin.
"Basta bahala na. Sasabihan na lang kita kung pupunta tayo sa graduation party na yan," wika ko sa kanya.
Matapos ayusin ni Glodie ang kaha ay agad ko naman siyang pinalitan. Mukhang wala pa siyang balak umuwi dahil nandito pa si Greyson. Dumarami na rin ang dumarating na customers. Karamihan sa mga pumapasok ay mga estudyante at professors ng university. Kaya naman naging abala ako.
Napansin ko naman ang pagtayo nila Bryson. Mukhang tapos na sila sa kanilang ginagawa. Palapit sila sa pwesto namin ni Glodie at nagpaalam "Ronoel, Glodie uwi na kami!" Nakangiting paalam ni Xander. "Mag-iingat kayo!" Ganti ko namang wika sa kanila.
Samantala nakatayo lamang si Bryson sa tabi ni Xander habang nakatitig sa akin kaya naman nailang ako sa kaniya. Parang may gusto siyang sabihin sa akin na hindi ko mawari. "Bye Glodie! See you at the graduation party," paalam naman ni Greyson kay Glodie na sinamahan niya pa ng pagkindat. Kaya naman pigil ang kilig ni Glodie habang siya ay nakaupo malapit sa kinatatayuan ko. Kahit ako ay kinilig sa pagkindat ni Greyson. Pero syempre mas doble ang kilig kung si Bryson ang kikindat sa akin. Kaya naman napangiti ako ng wala sa oras. Napatingin naman ako kay Bryson at kita ko ang kanyang pagngiti habang nakatingin sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay namula ang aking mukha sa uri ng titig niya.
"You're blushing," nakangising wika ni Bryson. Kaya naman napalingon silang apat sa akin.
Napahawak naman ako bigla sa aking pisngi upang matakpan ang aking mukha. "H-hindi ah! Sa liptint lang yan na pinahid ko sa pisngi ko kanina!" Nahihiya kong sabi sa kaniya. "Ayie! Beshy bakit namumula ang mukha mo!? Sa pagkakatanda ko hindi ka naglalagay ng liptint sa pisngi!" Kantiyaw naman sa akin ni Glodie sabay sundot sa tagiliran ko. Pinanlakihan ko naman agad siya ng mata dahil sa pambubuking niya sa akin. Nilingon ko si Bryson at kita ko ang pigil niya na pagtawa. Napalinga na rin ako sa aming paligid. At kita ko ang ibang customer na nakatingin sa amin. Kaya naman lalo ako nakaramdam ng hiya, gusto ko na lamang maglaho na parang bula sa harap nila. "Kanina naglagay ako!" Agad ko namang sabi sa kanila. Sabay baling ng tingin kay Glodie at tinaasan ko siya ng kilay. "Okay sabi mo eh!" Pigil tawa niyang sagot sa akin.
"Bye girls!" Paalam ulit ni Xander habang natatawa. Nang makalabas sila Bryson agad kong nilingon ng may masamang tingin si Glodie. "Bakit? Ano naman ang kasalanan ko at ganyan ka kung makatingin sa akin?" natatawa niyang tanong sa'kin. Hahabulin ko sana siya ng kurot ngunit mabilis siyang tumakbo palayo sa'kin at nagpaalam na uuwi na "Bye beshy! Bagay sa'yo yung blush on mo!" paalam niya sa'kin na may halong pang-aasar. "Tse! Madapa ka sana!" Sigaw ko naman sa kanya.
Nahagip naman ng aking paningin ang invitation card para sa graduation party nila Bryson. Nakaramdam ako bigla ng lungkot. Dahil isang buwan na lang mula ngayon na makikita ko siya sa campus. Bagsak ang aking balikat habang nagbibilang ng pera sa kaha. Malapit na magsara ang coffee shop. Patapos na ako ng bigla may nagbukas ng pinto. Nakayuko ako sa drawer at inaayos ang laman nito kaya naman hindi ko nakita kung sino yung pumasok. "Sorry po sarado na k—," nabitin sa ere ang sinasabi ko ng mag-angat ako ng tingin, at nang makilala ko kung sino ang pumasok. Walang iba kundi si Bryson.