Can someone teach Audrey how to sleep?
Anong oras na kasi tapos hindi pa rin siya dinadalaw ng antok. Ilang beses ding paulit-ulit na naglalaro sa isipan niya ang mga huling sinabi ni Art.
Sa 'yo ako, Audrey.
Like, what did he mean with that?
Bugnot siyang bumangon ng kama. Nakapatay na ang ilaw sa buong silid kung saan kasama niya sina Lora, ang pinsan niyang si April at dating kaklaseng si Max. Napabuntong-hininga siya saka pabagsak na nahigang muli.
Napaigtad lang siya nang magsalita si Lora.
"Hindi ka ba makatulog dahil namamahay ka o dahil may nangyari sa labas kanina?"
Nilingon niya ang bahagi kung saan naroroon si Lora. Bahagya na siyang nakapag-adjust sa dilim kaya naaaninag niya na ang nakaharap sa kaniyang si Lora.
"Namamahay. Wala namang nangyari sa labas. Nagpahangin lang ako," sagot niya. Hindi niya puwedeng sabihin dito ngayon ang mga pinag-usapan nila ni Art dahil baka marinig nina April. Kilala niya ang pinsan.
Naramdaman niyang bumangon si Lora. "Gusto mo bang bumaba sa kusina? Maggatas tayo," aya nito.
"Puwede ba?" tanong niya.
"Oo, as long as hindi naman tayo lalabas."
Pumayag na rin siyang sumama kay Lora sa kusina. Hindi naman pinatay ang ilaw sa corridor hanggang pababa sa kusina. May ilan pa ring nakasindi. Sa gawing kusina naman, may mga ilang tagasilbi pa rin ang naroroon.
"Puwede po bang makahingi ng dalawang basong gatas? Hindi po kasi kami makatulog," magalang na saad ni Lora sa isa mga babaing naroroon. Agad naman itong tumalima. Sila naman ay naupo sa mesa.
"Sige na, ano ang nangyari kanina n'ong lumabas ka?" tanong nito nang makapuwesto na sila. Kunot ang noo niya itong tiningnan. "Alam kong may nangyari."
"Ano'ng nangyari?" tanong niya pabalik.
"Tss. Nagtext sa akin si Manex, nagkita raw kayo ni Art," sagot ni Lora makaraang ilapag ng isang tagasilbi ang gatas na hiningi nila.
Napangiwi siya. "Hindi ba, bawal sa atin magdala ng gadgets?"
"Hindi naman nila malalaman. Si Manex ang nagbigay sa akin ng phone ko."
Naalala niyang nagkaroon ng checking ng gamit bago sila ihatid sa kani-kanilang silid. Gadget ang unang bawal ipasok sa Palasyo. Sa Gate palang ay ipinaiiwan pa ito. Bawal kasi ang kumuha ng litrato sa loob.
Sasagot sana siya nang biglang pumasok si Francine kasama ang dalawang kalahok din sa hapag. Nagulat pa ang dalawang kasama nito nang makita sila roon.
Humarap si Francine sa dalawang kasama. "Pakikuha rin ako ng gatas," utos nito na agad namang sinunod ng dalawa. Saka ito naupo sa ulunang bahagi ng mesa.
"Audrey Angeles and Loramae Feliciano, right?" Maarteng saad nito.
"Nice meeting you, Francine Patriarca," saad naman niya. Hindi naman bumati pabalik si Lora na sumimsim lang ng gatas nito.
"I heard na dalawa lang kayo from class C family ang nabigyan ng imbitasyon. You're so lucky."
Nagpanting naman ang taynga nila pareho sa pagdiin nito sa salitang Class C.
"Oo. At narinig ko ring ikaw ang anak ng Ikalawang Ministro. Maswerte ka rin dahil hindi isinali ni Ministro Dan ang anak niya," tugon naman ni Lora na umani ng masamang tingin mula kay Francine.
"Ay, hindi isinali ni Ministro Dan ang anak niya?" tanong niya kay Lora. "Ang swerte mo nga, Francine." Muli niyang baling kay Francine.
Hindi siya palaaway at mapagpatol. Pero hindi rin gaanong kahaba ang pasensiya niya.
"Well, hindi legal ang kanilang pagsasama." Halata ang iritasyon sa boses ni Francine. Siya namang pagdating ng dalawa nitong alipores at maingat na inilapag ang hawak nitong baso. Saka ito pumwesto sa tabi niya, dalawang upuan ang pagitan.
Nagpatuloy si Francine sa pagsasalita tungkol kay Ministro Dan kahit alam nitong may iba pang nakikinig. Mukha ngang nainis nila ito.
"Nakabuntis siya ng babae ngunit hindi nito pinanagutan. Kung hindi pa siya naging Ministro, hindi niya pa susustentuhan ang mag-ina. Paano niya isasali ang anak niyang babae kung hindi naman niya ito itinuring na anak? Sa palagay ko nga ay nagsisi ito dahil wala siyang ibang choice kundi suportahan ang babaeng kalahok lang dahil sa propesiya." Deretso itong tumingin sa kaniya.
Pareho silang nagulat sa mga sinaad ni Francine. Maski ang dalawang kasama nito'y nagulat din. Hindi niya alam ang bahaging iyon sa pagkatao ni Ministro Danny. Well, wala naman talaga siyang alam tungkol dito.
"Kahit naman siguro ako ang anak niya'y hindi ako papayag na isali niya ako sa paligsahang ito dahil siya lang din naman ang makikinabang. And I will also feel shameful having him as my father," dagdag pa nito.
"Stop judging Minister Danny. Hindi mo naman alam kung ano ang totoong pinagdaanan niya. For sure, imbento lang 'yan ng tatay mo," pagtatanggol naman ni Lora sa Ministro.
Natawa si Francine. "Loramae, hindi ba't ginagamit ka lang din naman ni Ministro Danny? Alam kong alam mo na kinausap niya ang Papa mo para isali ka paligsahan. Hindi dahil nararapat ka kundi dahil walang kasama si Audrey rito, hindi ba? Hindi ba, boyfriend mo si Manex?"
Tiningnan ni Audrey si Lora na nagpupuyos na sa inis dahil sa mga tinuran ni Francine. Sasagot pa sana ito pero marahas na siyang tumayo. Saka inubos ang gatas na nasa kaniyang baso.
"Matulog na tayo, Lora. Iwanan na natin sa kanila ang tsismis na ginagamit nila para makuha ang pulitikang gusto nila." Binalingan naman niya si Francine. "Stop meddling to other people's business, Francine. Kindly, mind your own."
Magkasabay na nilang iniwan ang tatlo sa hapag. Dinaan lang nila ang baso sa kusina saka dumeretso na sa kanilang kuwarto. Mahimbing pa rin ang tulog nina Max at April nang dumating sila.
"Sa susunod, huwag mo nalang kausapin si Francine. May sa maldita pala ang isang iyon," aniya.
"She's a bitch." Mahinang saad nito.
Hindi na siya umimik. Hindi na rin niya alam kung nakatulog na si Lora. Hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga sinabi ni Francine.
Pulitika. Iyon lamang ang nakikita niyang ugat ng lahat. Nandoon siya dahil siya kuno ang nakasaad sa propesiya. Propesiyang hindi naman niya alam kung ano'ng klase.
Ang istorya ng nakaraan ni Ministro Danny. Ang paligsahan. Ang pagsali ni Lora.
Pulitika lamang ang nakikita niyang rason ng lahat ng iyon. Ang pagbitaw ni Francine ng salitang "ginagamit". Ginagamit nga lang ba sila ni Ministro Dan?
***
Ikasampu ng umaga ang labas ng pagsusulit na ginanap kahapon. Pagkatapos nilang mag-ayos ng sarili ay agad silang nagtungo sa gusali kung saan ginanap ang pagsusulit. Lumabas na raw kasi ang resulta.
Matapos nilang batiin ang Inang Reyna at ang Reyna, umupo na sila sa nakatakda nilang silya. Iaanunsyo ng Reyna ang mga pumasa.
Si Francine ang unang nabanggit. Highest to lowest daw ang pagbanggit. Ibig sabihin, si Francine ang pinakamataas sa kanilang lahat. Marami ang namangha. Maski ang Reyna ay masaya pa itong binati.
Marami na rin ang mga nabanggit at kasama roon sina Max, April at Lora. Habang siya ay hindi pa. Ang sabi sa kanila, ang hindi masasama ang pangalan ay maaari nang umuwi sa kanilang bahay. Ibig sabihin ay bagsak sila.
"At pinakahuli," napatingin siya sa Reyna. Huli na agad? Ilan ba silang hindi pa natatawag? Napatingin siya sa Inang Reyna nang dumako ang tingin nito sa kaniya. Kinabahan siya.
"Audrey Angeles."
Napatingin siyang muli kay Reyna Lucia. "Ang mga hindi na nabanggit, ikinalulungkot ko man, maaari na kayong umuwi. Hanggang sa muli."
"Sa mga pumasa, bumalik kayo rito pagkatapos ng tanghalian."
"Congrats Audrey!" bati sa kaniya ni Lora habang naglalakad sila pabalik ng palasyo.
"Kapit lang bes." Tinapik siya sa balikat ng pinsang si April.
"Matindi talaga ang paninindigan mo, Audrey. High school pa tayo ganyan na grades mo sa exams." Natatawa namang sabi ni Max.
"Congrats girls," bati na lamang niya. Masyado siyang natense kanina dahil halos mawalan na siya nang pag-asa. Kaya pagod na siyang patulan pa sina Max at April.
Dumeretso sila ni Lora sa parkeng napapaligiran ng mga halaman. May mga ilang mesa at silyang bato roon na maayos na nakasalansan. Napaupo na lamang siya roon.
"Cheer up! Pasado ka naman e," ani Lora.
"Naubos ang energy ko r'on. Expected ko na rin namang babagsak ako."
"Huwag kang nega. Positive lang tayo."
Buti pa kasi ito, kahit hindi pumasa okay lang. E, siya?
E hindi ba gusto na rin naman niyang sumuko nalang? Ano'ng minamarkulyo ng isipan niya?
Nahulog siya sa malalim na pag-iisip nang bigla na lamang may mga bumati mula sa kaniyang likuran.
"Congratulations!"
Sina Jonas at Manex ang bumati. Kasunod namang dumating sina Art at Ace. Si Manex ay dumeretso kay Lora na agad itong niyakap at binati. Napangiti siya sa dalawa.
"Congrats, Audrey," bati ni Ace. Art remained silent.
"Kinabahan kami. Akala namin hindi ka tatawagin ng Reyna e," ani naman ni Jonas.
"Nandoon kayo?" tanong niya.
"Oo," natatawang sagot nito.
"You look disappointed. Dahil ba nakapasa ka?" ani Art naman.
Heto na naman ito.
Nagkibit-balikat lang siya. Siguro nga.
"Dapat icelebrate natin ang pagkakapasa nila. Top 5 si Lora," ani naman ni Manex.
"Bawal lumabas," sagot naman ni Lora.
"Nagpahanda si Ministro Dan. Puntahan nalang natin siya," sabi ni Ace.
"Ayos!" tugon naman ni Jonas.
Pinanuod lang niya ang mga ito. Naunang naglakad si Ace na bahagya pang nakangiti dahil may sinasabi si Jonas. Sumunod naman sina Manex at Lora na sweet pa habang sinasabi ni Manex kung gaano ito ka-proud sa kasintahan. Parang bigla nalang silang nakabuo ng isang samahan na hindi niya alam kung kailan nagsimula.
"Hindi ka ba sasama? Kahit lowest ka, you should still be proud."
Art na hindi niya alam ang last name. The ice breaker. Tss. Ngunit napaisip din siya. Hindi niya pa kilala ang apat sa buong pangalan ng mga ito.
"What's your surname?" tanong niya pagkaraang makatayo at sumunod na sa apat na nauna.
"Why are you asking?" tanong naman nito.
"Masama bang malaman? Kasama rin ba yan sa hindi dapat malaman ng mga sibilyan?"
"Jonas Evangelista. Manex Espina. Alexander and Art. I am just Art."
Nilingon niya ito. Kulang kasi ang impormasyon.
"Kapag nakapasa ka at isa ka sa mapipili, makikilala mo rin kaming lahat, Audrey. Sa ngayon, ang paligsahan muna ang iprioritize mo."
Napahinto siya sa paglalakad sa sinabing iyon ni Art. Ibig sabihin, kung sakali mang hindi siya makapasa ay hindi rin niya makikilala ang mga ito? Wow lang.
Akala pa naman niya nakabuo na sila ng samahan. Depende lang pala iyon kung makakapasa siya.
Hindi niya mawari kung bakit tila lalo siyang nawalan ng gana bukod sa malamang siya ang lowest sa nangyaring examination. Para ngang ayaw niya nang sumunod, kung hindi lang lumingon si Lora at kinawayan siya.
Nang makarating sila sa tanggapan ni Ministro Dan, masaya naman silang sinalubong nito. Binati pa nito si Lora sa pagkakabilang sa Top 5. Binati rin naman siya nito.
"Congrats din sa'yo Audrey dahil napakapit ka pa. Akala ko, sa pagsusulit na iyon na masisira ang nakasaad. Mabuti nalang." Nakangiting saad nito na ikinairap niya. Hindi niya mawari kung ano ang nais nitong iparating.
Maraming pagkain sa mesa nito. Treat raw nito sa pagkakapasa nila ni Lora. Insulto naman ang dating sa kaniya. Ano'ng kasi-kacelebrate sa lowest?
Masayang dumulog sina Jonas at Manex. Maging si Ace na bihirang ngumiti tumawa sa kautuan ng dalawang kaibigan. Si Lora ay inaya na siyang dumulog din. Nasa ulunang parte si Ministro Dan na tipid pang ngumiti kay Art na naupo naman sa kanan ng Ministro. Bakante ang tapat nito kaya ibig sabihin, doon ang pwesto niya.
Pinasadahan niya ng tingin ang mga ito. Ipapaalala na lamang niya sa sarili na ang samahang iyon ay nakadepende sa kapalaran niya sa paligsahan. Wala pang namumuong pagkakaibigan. Kung bumagsak siya, hanggang doon lang siya.
Naalala niya ang tinuran kagabi ni Francine.
Class C lang siya ng uri ng mamamayan sa Filipos. Sila ay nasa Middle class. Baka nga nasa upper pa. At mananatili siyang ganoon kahit siguro ipanalo niya ang paligsahan.
Masakit mang isipin pero, nararapat nga ba siyang sumalo sa mga iyon?
Mapait siyang napangiti nang tawagin siya ni Ministro Dan. Nakatingin naman sa kaniya sina Art at Ace. Alam niyang concern lang ang mga ito sa kaniya dahil kaibigan siya ng mga ito, pero, hindi niya gusto ang paraan nang pagkakatingin ng mga ito.
Siguro, didistansiya na lang siya sa susunod.