Humakbang si Isagani upang harapin ang tatlong elementong tiyak siyang una ng naglagay sa panganib sa kanyang buhay sa mundo pa lang ng mga elemento. “Isagani, nagtaksil ka sa sarili mong mundo sa pagtira mo sa mundo ng mga mortal.”
“Kayo ang sumira sa bahay ko?” paninigurado ni Isagani.
Ngumisi ang isa sa mga elementong nakatakip ang mukha ng malaking sumbrero’t balabal at palihim na hinugot ang mahabang talim na nakasukbit sa kanyang bewang. “Kami nga at hindi lamang bahay mo ang sisirain namin. Maging buhay mo at tatapusin ko!”
Lumundag ang elemento pasugod kay Isagani dala ang mahabang talim na mariin niyang hinahawakan sa dalawang niyang kamay. Agad na sinangga si Isagani ang pagsugod niyang iyon gamit ang hangin na kanyang ginawang harang.
“Talagang dito pa sa mundo ng mga mortal kayo gagawa ng gulo. Hindi ka takot makita ng mga tao?” Mariin na itinutulak ni Isagani ang talim na patuloy pa rin idiniin ng kanyang kalaban.
“Makita man nila kami ay wala na rin silbi sapagkat ang lahat ng tao sa bayang ito ay sumasailalim sa kapangyarihan ko. Hindi na rin magtatagal ang kanilang buhay.”
Pinaigting ni Isagani ang kanyang pakiramdam upang lawakan ang kanyang masagap. Hindi siya makapaniwala na hindi niya napansin na binalot na ng lason ang paligid na sadyang nakamamatay lalo na sa mga mortal. Naging masyado siyang abala sa pagtuon ng atensyon sa babaylan na hindi niya naramdaman ang pagdating ng kanyang mga kalaban.
Nang marinig iyon ni Lyxa ay walang pag aalinlagan itong sumugod gamit ang kanyang kapangyarihan na namumula sa pulang taling may mga pulang perlas na kayang magpasabog at gumapos ng simumang kanyang kalabanin. Hinarap siya ng isa sa tatlong elementong dumating.
“Isang elementong pumuprotekta sa isang mortal. Bakit mo iyan ginagawa?” tanong ng elementong may hawak na espada.
“Wala kang pakialam sa gusto kong gawin!”
Hindi na rin nagpahuli pa si Joaquin na harapin ang nag iisa pang kalaban. Wala man itong mga mata ay ramdam niya ang prisensya ng babaylan na humarap sa kanya.
“Ibigay mo sa akin ang pangalan mo,” utos ni Joaquin.
Ngumisi ang elemento. “Nais mong malaman ang pangalan ko at alilain ako, Babaylan. Hindi ako tanga para ibigay ang pangalan ko sa `yo.”
Lingid sa kanilang kaalaman ay hindi lamang ang tatlong elemento ang tuluyang lumabas mula sa kanilang mundo. May mga iba pang sumama na may kaparehong layunin sa pagpaslang kay Isagani. Ang mga ito ay namataan si Eeya.
“Wala ang pana ko. Paano ko sila lalabanan?” aniya sa isip.
Sa paglapit ng mga elementong tago ang mga mukha sa mga naglalakihang sumbrero’t mga balabal ay napaurong na lamang si Eeya. Naramdaman ni Isagani ang pangamba ng dalaga na agad niyang nilingon.
“Eeya! Tumakbo ka na!” sigaw niya.
Ngunit sa palingon pa lamang ni Isagani kay Eeya ay siya namang pagpapalabas ng kapangyarihan ng elementong kalaban niya. Ang kuryenteng lumabas mula sa kanyang sandata ay gumapang sa kapwa niya elementong humahabol kay Eeya upang palakasin ito. HIndi nagtagal ay naabot ng kuryenteng ito ang dalaga na agad binilanggo sa kanyang kinatatayuan.
“Ako ang kalaban mo, Isagani. Huwag mo akong maliitin sapagkat katulad mo ay may malakas rin akong kapangyarihan. Buo dapat ang loob mo sa paglaban sa akin kung hindi ay madali lamang kitang matatalo.”
Iwinaswas ng elementong may espada ang kanyang sandata na sa bawat hiwa ay nakakagawa ito ng pagkislap. “Ang mga mortal ay siyang tunay na masama sapagkat sila ay makasarili. Gagawin ka lamang alila at pagsasamantalahan ang kakayahan mo habang buhay. Hindi sila karapat dapat pag alayan ng buhay!”
“Wala kang alam sa sinasabi mo!” Sa pagsigaw ni Lyxa ay siyang pagsugod niya gamit ang kayang tali’t perlas. Pinaikutan niya ang kalaban gamit ang kanyang sandata ngunit nang tumama ito sa espada ay agad niya rin itong binawi.
Ngumisi ang elementong kanyang kalaban nang makita niya ito. Napagtanto nilang dalawa na nalaman na ni Lyxa na mayroong lason ang talim ng kanyang espada. “Sumuko ka na at bumalik sa mundo ng mga elemento. Kung tama ang magiging desisyon mo ay baka maawa pa ako sa `yo.”
“Kahit kailan ay hindi ako aalis sa piling ng Ginoo!”
“Nagpapaka tanga ka sa lalaking kahit kailan ay hindi ka makikita tulad ng pagtingin mo sa kanya. Hindi ka man niya magawang tignan simula nang lumaban ka para sa kanya. Hindi mo ba nakikita na wala kang halaga para sa kanya? Ngayon ay sabihin mo sa akin kung tama pa bang pumanig ka sa kanya.”
Hindi man nais paniwalaan ni Lyxa ang kanyang narinig ay batid niyang iyon ay katotohanan. Tapat ang pag ibig niya para sa kanyang ginoo ngunit kahit kailan ay hindi niya naramdaman na makakaya iyong suklian ng pag ibig ni Joaquin. Sinilip ni Lyxa si Joaquin na tuon ang atensyon sa kanyang kalaban. Malawak man ang kanyang pang unawa pagdating sa kanyang ginoo ay hindi niya napigilang masaktan sa pagsaksi na nagpatunay na hindi nga siya tinitignan ng kanyang sinisinta.
“Alam kong malakas kang babaylan ngunit malas mo lang dahil alam ko ang kahinaan mo.” Itinaas ng elemento ang kanyang mga kamay na nagluwal ng matatalim na yelo na kanyang itinuon kay Eeya.
Walang pag aalinlangan iniwan ni Joaquin ang kanyang kalaban upang saklolohan si Eeya. Lalong nanlumo ang damdamin ni Lyxa nang masaksihan ang labis na pag aalala ng kanyang ginoo para sa ibang babae.
Batid ng kaharap ng kalaban na kaharap ni Lyxa ang sakit ng kanyang nararamdaman mula sa kanyang nakita. Itinuon niya ang kanyang espada sa kanyang mukha. “Kaawa awa ka. Siguro naman ngayon ay handa ka ng mamatay.”
Sa kanyang isip walang ibang laman niyon kundi si Joaquin. Ngunit batid rin niyang tuon ang atensyon ng ginoo kay Eeya ay hindi sa kanya. Napapikit na lamang ito sa kawalan ng pag asa. Ngumiti man ay kalakip niyon ang pait na kanyang nararamdaman.
“Ayos na ako…” bulong niya. “Kahit ako lang ang nag mamahal… buong puso kong tanggap ang aking kapalaran.”
Sa pagbitiw ni Lyxa sa kanyang sandata ay siya namang pagtaas at paghiwa ng elemento sa kanyang espada. Handa na si Lyxa na tanggapin ang kanyang kamatayan ngunit nang ilang sandali ang lumipas at wala itong maramdamang pisikal na sakit ay nagmulat ito ng mga mata nang makaramdam ng pagpatak ng kung anong bumasa sa kanyang mukha. Nakita na lamang niya si Joaquin na sinangga ang espada na dapat ay para sa kanya.
Mabilis ang pagdating ng mga matatalim na yelo sa kinatatayuan ni Eeya. Naisin man niyang lumayo para iwasan ang mga iyon ay nananatili siyang bilanggo ng kuryente. Ilang pulgada na lamang ang lapit ng mga talim sa kanya nang bigla na lamang lumipad si Isagani upang ipang sangga ang kanyang katawan sa mga iyon ma protektahan lamang siya.
Hindi man gaanong nakaapekto kay Isagani ang talim ng mga yelo ay hindi niya inasahan ang nakabang na talim ng sandata ng elementong kalaban niya. “Isagani!”
Huli na bago pa maitulk ni Eeya ang elemento palayo sa sandata ng kalaban. Tuluyang nahiwa ang kanyang likod na labis na nagpadugo ng kanyang sugat. Nanlaki ang mga mata ni Isagani nang maramdaman ang paghiwa sa kanyang likod. Bagamat nagtagumpay siya sa pag protekta kay Eeya ay hindi niya nagawang maprotektahan ang kanyang sarili na hindi niya pinagsisisihan. Ngumiti si Isagani nang tignan niya ang dalaga bago ito tuluyang bumagsak sa balikat ni Eeya.
Sa paglapit pa ng elemento ay muli niyang itinutok ang kanyang sandata sa batok ni Isagani. “Ngayon ay tatapusin ko na ang laban sa pagputol ng iyong ulo.”
Alam ni Eeya na kung wala siyang gagawin ay tuluyang mapapahamak si Isagani. Batid niyang kung naroroon lamang sana ang kanyang pana ay nakatulong ito sa laban at hindi na sana pa nasaktan si Isagani ngunit huli na para magsisi. Nakakita ng bato si Eeya malapit sa kanyang kamay. Maliit lamang iyon at walang pinsalang maidudulot sa kalaban ngunit iyon na lamang ang nakikita niyang paraan na magagawa niya para ilayo ang atensyon ng elemento sa kanila. Kinuha niya iyon at ibinato sa kalaban. Maswerteng natamaan ni Eeya ang sumbrebo ng elemento na nagpalipad dito palayo sa kanyang nakatakip na mukha.
Mabilis na tinakpan ng elemento ang kanyang mukha gamit ang mahabang manggas ng kanyang damit. Hindi man maliwanag kay Eeya ang nangyari ay lumundag palayo ang kalaban at sumenyas sa kanyang mga kasamhan. “Umalis na muna tayo sa ngayon!”
Nagbukas ng lagusan ang elemento na kung saan mabilis na tumakbo pabalik ang lahat ng kanyang mga kasamahan na kinalaunan ay sinundan na rin niya.
“I-Isagani! Gumising ka! Ayos ka lang ba?” natatarantang wika ni Eeya nang bahagyang hinawakan sa mga balikat ang elemento.
Unti unting nagkaroon ng malay si Isagani. At sa kanyang pagmulat ay nakita niya si Joaquin na yakap si Lyxa. Kitang kita niya ang dugo sa balikat nito nang protektahan ang kanyang alila.
Napangiti si Isagani sa kanyang nakita. “Hindi lamang siya alila para sa `yo… kundi pamilya,” bulong niya bago ito tuluyang mawalan ng malay.
Pansamantalang binalik ni Joaquin si Lyxa bilang espiritu upang pakalmahin ito sa kanyang nararamdaman at isinilid sa kanyang katawan. Hindi nagtagal ay nilapitan niya si Eeya na hawak pa rin sa kanyang mga bisig si Isagani.
Sandaling pinagmasdan ang binata ang natamong sugat ng elemento ay doon ay napagtanto niyang may lason ang talim na sumugat dito. “Hindi maganda ang lagay niya. Ang lason ay kumakalat sa buo niyang katawan.”
Napaluha na lamang si Eeya sa labis na pag aalala. “Sumama na muna kayo sa bahay ko at doon natin lapatan ang sugat niya.”
May luhang pumatak mula sa mga mata ni Eeya nang tingalain niya si Joaquin. “S-Salamat.”
Pinasan ni Joaquin ang elemento upang dalhin sa kanyang bahay. Ni minsan ay hindi niya naisip na gagawa siya ng ganoong bagay sa isang elemento. Ngunit nang makita niya ang labis na pag aalala ni Eeya ay hindi niya nagawang pagsamantalahan ang sitwasyon upang basbasan niya ang elemento na siyang dapat niyang gawin bilang isang babaylan.
Abala sa pagwawalis ang batang elemetong si Nume sa bakuran ng kanilang tinitirahan nang bumukas ang malaking pinto na kung saan nakita niya ang kanilang ginoo. Agad niyang naramdaman ang nanghihinang kapangyarihan ng elementong pasan ng kanyang ginoo.
“Ginoo! Sinubukan kong pigilan si Lyxa pero nagpumilit siyang hanapin ka. Ang sabi niya ay may kakaibang nangyayari sa bayan. May lason sa paligid at kailangan ka niyang iligtas,” salubong sa kanya ni Nume.
“Huwag ka ng mag aalala, Nume. Sa ngayon ay maghanda ka ng mga halamang gamot para sa lason. Gagamutin ko ang sugat ng elementong ito.”