9.
NAPABUNTONG-hining.a na bumangon si Ruth mula sa kutson. Tulog na ang ate Rose niya at parang pagod na pagod sa maghapong paghahanap ng trabaho.
Sana siya rin ay nakakatulog dahil sa pagod pero hindi. Kahit na parang mahihimatay na siya sa sobrang pag-aalala at pag-iisip, hindi siya madalaw-dalaw ng antok.
Nagsuot siya ng tsinelas at naglakad papunta sa pintuan.
“Ruth…”
Agad siyang napalingon sa ate niya. Nakita niyang nakamulat ito at pupungas-pungas.
“Labas lang ako, te. Iinom lang ako ng kape.”
“Di ka makakatulog sa kape. Maligamgam na gatas ang inumin mo. May natira pang Swak sa lalagyan.”
Tumango siya, “Sige, te. Sorry, nagising ka pa.”
“Sus. Nag-aalala kaming lahat sa iyo. Si Nanay, walang tigil ang kakakumusta sa iyo. Baka raw mag-suicide ka.”
Nalabi siya, “Si Tiya naman. Wala naman sa isip ko ‘yan.”
Aba, di natin alam. Ang tao kapag depressed di nakakapag-isip nang matino. Mahirap na kalaban ang depresyon sa lahat, Ruth Mirabelle.”
Napasimangot siya sa sinabi ng nakatatandang pinsan. Talagang binanggit pa nito ang buo niyang pangalan.
Hindi niya ginagamit ang Mirabelle dahil pangalan iyon ng Mama niya at ng lola niyang namatay. Pinagsama iyon, at sa tuwing nababanggit, naaalala niya ang Mama niya at ang kapatid niyang nawala.
Hanggang ngayon, nakikinita pa rin niya ang dalawa na magkasama sa iisang ataol.
Walong buwan na buntis ang Mama niya noon, at isang buwan na pala na walang pintig ang puso ng bata. Nagkaroon ng mga sintomas na hindi maganda ang Mama niya, at akala ay manganganak na, iyon pala ay patay na ang bata. May mga komplikasyon na sa katawan ng ina niya ang nangyari kaya hindi kaagad naoperahan para alisin ang baby.
And her mother died because of seizure. May malubhang imperksyon na ang kanyang ina at nalason na ang dugo. Hanggang ngayon di niya alam kung dahil iyon sa stillbirth o ibang dahilan. It was so painful for her and whenever she hears the name, Mirabelle, it doesn't fail to remind her of her dead mother.
Miss na miss niya ang mga iyon, at sa mga ganitong sitwasyon na may mga problema siya, hinahanap niya ang mga magulang at nagtatanong siya sa sarili, mag-iba kaya ang lahat kung nasa tabi niya ang mga iyon?
Nagdarasal naman siya parati na malagpasan niya ang lahat ng nararanasan niya ngayon, kahit na sa katotohanan ay parang balo na rin siya kaagad kung susumahin.
“Hindi ako madi-depressed, ate. ‘Wag na kayong mag-alala ni Tiya sa akin. Ako na ang bahala sa paghahanap kay Baron,” aniya na may assurance rito para huwag na itong mag-isip pa.
“Susko. Ayoko sanang itanong sa iyo pero alam mo ba talaga lahat ng buhay ni Baron sa tatlong taon na magkarelasyon kayo?”
Hindi niya inasahan ang tanong ng ate niya kaya hindi siya nakasagot.
“Kasi, hindi naman yun basta-basta kukunin kung walang malalim na dahilan. Ang tanong, anong dahilan? Hindi naman pwedeng trip-trip lang, Ruti. Malala ang pangi-ngidnap ng tao. Hindi yun gagawin kung hindi dahil sa sindikato o may atraso ang isang tao. Hindi ko naman sinasabing masama siya,” anitong alam niyang naaawa sa kanya na sobra.
Wala naman kasi siyang ipinakilala na boyfriend sa mga ito, si Baron lang.
“Alam ko, te,” mahinang sagot niya, “Malalaman ko rin ang lahat.”
Tumango ito at di na umimik pa, “Sige na, gatas na ang inumin mo at matulog ka na rin. Mahirap magtrabaho ng puyat, Ruti.”
She nodded as an answer and opened the door. Lumapit siya sa may switch ng ilaw at binuksan iyon.
Hindi niya alam kung makakatulog ba siya dahil sa lahat ng sulok kapag pumupikit siya, inaalala niya ang asawa niya.
Sana pala ay nagtatrabaho siya araw at gabi dahil doon siya libang na sobra. Tila nakakalimutan niya ang lahat kapag may ginagawa siya at nagtatrabaho.
SABAY na lumabas para pumasok sina Rose at Ruth pero mas naunang bumaba ng jeep ang pinsan niya. Kumaway siya roon at ganun din naman si Rose sa kanya.
Ilang minuto lang ay nakababa na rin siya sa may tapat ng kumpanya.
Nagmamadali siya dahil ilang minuto na lang ay time niya. Sayang ang makakaltas na bente pesos kung ma-late siya ng ilang minuto. Pamasahe rin niya iyon. Kailangan niyang magtipid at mag-ipon ng pera para sa paghahanap niya kay Baron.
Sa gilid siya dumaan dahil marami ng empleyado ang pumapasok. Nakapila ang mga iyon para sa pag-time in.
Humanap siya ng daan kung alin ang mas kakaunti ang pila. Tatlo ang bukas na entrance kapag oras ng pasukan para hindi maipon ang mga empleyado sa pagta-time in.
Nagmamadali siyang humakbang pero naagaw ang atensyon niya ng isang babae at lalaki sa may gilid ng gazeebo kaya agad siyang napa-second look.
Napakunot noo siya, di ba at ang sekretaryo iyon ng CEO? Parang kaaway nun ang babae na kausap.
“Sumugod ka pa talaga rito para sa pagbebenta ng sarili mo.”
Ano raw?
Napakunot noo lalo si Ruth at agad siyang lumapit nang kaunti, nakatago siya sa may rebulto.
“No. I am here to offer myself even just for free. Hindi tulad ng una na binili ako ni Miguel. Now he can have me for free. Do you hear me, free. F-R-E-E. Free!” anang babae na tila proud pa. Pa-motion-motion pa iyon sa ere habang nag-i-spelling ng salitang free.
Agad siyang napatutop sa bibig. Totoo ang tsismis ng ate Rose niya na bumibili ng babae ang boss niya. Susko. Ang babaeng ito na labas ang s**o sa napakaliit na damit ang buhay na patunay.
Totoo ang sinasabi ng kapitbahay nila sa probinsya, na nag-apply na artista sa TodaMax.
Suskopo.
“My boss already turned his back on you. Di mo pa ba na-gets ang ibig nun sabihin? Ayaw na niya. Tapos na ang deal niyo. Finale. End. Wakas. W-a-k-a-s. Wakas!”
Nakagat niya ang labi dahil natatawa siya. Parehas na nag-espelingan ang dalawa.
Ang sungit pala ng kanang-kamay ng boss nila.
“Ikaw ba siya? Paladesisyon ka!” Giit ng babae kaya kumamot sa ulo ang lalaki tapos ay nameywang.
“Ang kulit mo! Makipag-usap ka sa rebulto!”
Nagmamadali iyon na lumayas sa harap ng babae kaya halos magkandatapilok pa siya sa pag-alis sa pinagtataguan.
Dali-dali siyang tumakbo pero laking panghihilakbot niya na ang sandali niyang pagma-marites ay kapalit na ng napakaraming pila para mag-time in!
Naroon na si Berna samantalang wala naman iyon doon kanina.
Naletse na!
Marites pa more, Ruth na tsismosa. Inis na sabi niya sa sarili. Ang dami na nga niyang problema, nakukuha pa niyang makinig sa usapan nang may usapan.
Sa halip na sa nawawalang asawa niya lang siya mag-focus, kung saan saan na napupunta ang utak niya.
Agad siyang napatingin sa relong suot niya.
Late na siya ng sampung minuto. Susko. Napakabilis naman. Kinse minutos na ba ang pagmamarites niya?
Tumawid siya sa driveway at kung anong tili niya nang businahan siya ng isang mabilis na sasakyan na papasok.
Kulang ang salitang tumalsik ang kanyang kaluluwa nang paatras siyang bumaliktad sa gilid ng daan.
Tumigil ang itim na maikling limousine at bumaba ang pang-likuran na bintana ng sasakyan.
“Estupida!” Singhal sa kanya ng isang matandang lalaking may bigoteng uban.
Napanganga na lang si Ruth at nakatulala sa lalaki.
“Pagbabayarin mo pa ako kung nadisgrasya ka sa katangahan mo!”
Isang kamay ang humawak sa braso niya at itinayo siya.
She immediately looked up and saw a handsome old man. Kung kanina ay tumalsik ang mga mata niya sa lakas at haba ng busina, ngayon naman ay literal na nalaglag ang mga mata niya nang mapagsino ang lalaking nakahawak sa kanya.
“Get up, lady,” nang lalaki sa mahinang paraan at saka siya itinayo, “Nasaktan ka ba?”
Umiling siya sa lambing ng lalaki. Si Deluxe Montesalvo. Kilala niya ang lalaking ito. Ito ang mukha ng Macho Café na sikat sa lahat ng panig ng mundo. Ito ang humalili sa matandang si Carmenzita Montesalvo, na ngayon ay tanyag bilang pinakamatandang tao sa buong Pilipinas.
Agad itong namulsa matapos siyang ngitian nang kaunti. Tumingin ito sa matandang nasa loob ng magarang sasakyan.
“Deluxe,” bati ng lalaki rito at mukhang magkakilala ang dalawa.
Binalingan siya muli ng Chairman, “Are you an employee here?”
She nodded formally, “Magta-time in po, Mister C-Chairman. Janitress po ako.”
“Pwede ka ng pumunta.”
“Salamat po,” aniya at tumalikod na.
Para siyang nasa alapaap. Ang pogi ng Chairman at ang bango kahit hindi niya inaamoy. Sayang. Wala siyang cellphone na de camera. Isinanla niya iyon dahil sa pinandagdag niya sa kasal nila ni Baron. Sana ay nakapagpa-picture siya sa isang bilyonaryo.
Nilakihan niya ang paghakbang at nakatingin sa kanya si Berna, namumutla.
“Napakatanga mo! Nagpapakamatay ka ba?!” Galit na sita nito sa kanya sabay haklit pa sa braso niya.
Ito ang tunay na kaibigan, tinatanga siya sa oras ng problema. Saan pa siya?
“Aray naman,” aniya rito, “Tinesting ko lang kung malakas ang preno nung sasakyan.”
“Umamin ka nga. Nagsu-suicide ka na ba?” Marahas nitong inagaw ang I.D niya at ito ang nagdikit sa machine.
“Hindi. Bakit ko naman gagawin yun?”
“Kasi nawawala ang asawa mo at desperada ka.”
“Mahahanap ko ba siya kung nasa kabilang buhay na ako?” Ganti naman niya rito kaya napatingin ito sa kanya, tapos ay nagkatawanan sila.
“Gaga ka talaga.” Anito pa saka siya inakbayan.
“Nagmamadali lang ako. Wala naman yun nang tumingin ako kaya lang mabilis talaga yung driver. Mahirap lang lumaban kasi mukhang mayaman.”
“Sino ba yun?”
Napakibit balikat si Ruth, “Di ko rin alam pero parang familiar yung mukha. Parang nakita ko na sa magazine yun.”
Napatigil sila sa pagku-kwentuhan ni Berna nang matanaw nila si Dennis na nakamasid sa kanila.
“Ang kontrabida,” bulong nito sabay hatak sa kanya para makarating na sila sa locker room.
“‘Yan lalaking ‘yan parang ‘yan ang lalaki sa hula sa'yo. Wala akong tiwala sa mga mata nun. Parang naghahanap lang ng paraan para kumagat ka sa kanya. Palibhasa ay DOM na.”
“Kakagat na lang ako sa puno, hindi lang sa kanya,” mabilis naman na sagot niya kaya natawa ito sa kanya.
“Pupunta na pala ako sa investigator mamaya,” aniya sa kaibigan na saglit siyang sinulyapan.
“Sige. Kung ‘yan ang ikapapanatag mo, support kita.” Inalog siya nito bago sila naghiwalay na dalawa dahil parehas na silang naglagay ng gamit sa mga locker nila.
Nakangiti siya sa sarili. Mabuti na lang at ganito siya kasuportado ng pinsan at kaibigan niya. Kahit paano, lumalakas ang loob niya kahit para na rin siyang nawawalan ng pag- asa.
At mas lalo siyang mabubuhayan ng loob kapag nakapunta na siya sa mga private investigators para mag-inquire.
Kahit kaluluwa niya, ibebenta niya makakuha lang ng pambayad at huwag lang niyang masabi na siya ay inutil at walang nagawa.