8

1785 Words
8. WALA sa mood na nakatayo si Ruth sa harap ng kanyang head, na si Dennis Bustamante. Ipinatawag siya nito patapos ang kanyang paglilinis sa banyo. Nakaupo ito sa may mesa at bumubusiklat ng mga records. Naiinis siya sa karakas ng lalaki dahil astang CEO. Dinaig pa nito si Lush Miguel kung maka-aura. Ang mga tao talagang trying hard ay napaghahalataan na sobra. “Bakit absent ka ng tatlong araw? May dala ka bang katibayan na nagkasakit ka?” Umpisa na ni Dennis sa kanya. “Wala po akong sakit, sir. Masama lang po ang pakiramdam ko kaya ako nag-absent.” “Pasalamat ka sa akin at hindi kita hinainan ng termination paper.” “Ngayon po ang final day kung sakaling magpapa-terminate ako. Iyon po ang nasa policy, natatandaan ko. Kaya hindi pa po ako pwedeng i-terminate dahil pumasok ako ngayon,” aniya rito at hindi lang niya masabi na wala siyang utang na loob sa lalaking ito, tulad ng gusto nitong palabasin sa kanya. Nakita niyang nanigas ang panga nito dahil sa sinabi niya pero hindi ito makahuma kasi tama siya. “Pwede na po ba akong lumabas, sir? May aasikasuhin pa po ako.” “Huwag mo nga akong panguhan, Ruth! Ako ang head!” Tumaas ang mukha niya dahil naiirita na siya rito. Kanina lang ay tinanga-tanga siya nito. Hindi lang siya nakahuma dahil problemado siya. Ngayon, hindi na siya papayag pa na papagmukhain nitong walang alam. Hindi man siya nakapagtapos, alam niyang hindi siya bobo. “Alam ko po na kayo ang head at isa akong hamak na janitress pero oras na po ng pag-uwi at mukhang nasabi niyo na naman ang gusto niyong sabihin.” “Kung ang dahilan ng pag-absent mo ay lalaki, kaya kong gawan ng paraan para tuluyan kang masisante!” Galit na sabi nito sa kanya. Kaya nga ba hindi niya sinasabi na mag-aasawa na siya, bukod sa susugurin siya ng mga kasama niya sa trabaho, lalo siyang pag-iinitan ni Dennis. “Personal na buhay ko po ang sinasabi niyo at wala akong dapat na ipaliwanag. Kung wala na po kayong sasabihin pa na konektado sa trabaho, lalabas na po ako,” aniya at gigil na gigil na siya sa lalaking ito. Tumalikod siya at wala na iyong nasabi pa. Sa wakas ay naiganti niya ang sarili sa ginawa nito kanina. Porke at dumating ang mayaman na babaeng ex ng CEO, pumapel na kaagad si Dennis. “Anong sabi sa'yo?”usisa kaagad ni Berna sa kanya. Naghihintay ang bestfriend niya sa may labas ng opisina ni Dennis. “Pasalamat daw ako sa kanya dahil di niya ako binigyan ng termination paper.” Nairolyo lang nito ang mga mata, “Baka gustong umiskor kaya feeling may utang na loob ka. Kakabwisit talaga ‘yan. Kailan ba ‘yan mapapalitan? Parang inaamag na ang mga itlog niyan dito sa utility department.” Natawa siya sa sinabi nito, “Napapanot na kamo ang mga pubic hair,” anaman niya kaya nagkatawanan sila pero saglit lang iyon. Hindi niya magawang tumawa nang matagal. Sumisirit sa isip niya ang nawawalang asawa niya. “Halika na at baka abutan pa tayo niyan dito mas lalo tayong mabwisit,” ani Berna at dali-dali siyang hinila papaalis. NAGDADALAWANG-ISIP si Ruth kung lalapit siya sa manghuhula, na tinalo pa ang outfit ni Nostradamus. Naka turban pa iyon at may bulang kristal sa ulo. Nakaupo iyon sa likod ng isang maliit na mesa. Ang galing. Moderno na ang manghuhula ngayon at sumasabay sa sibilisasyon. Nasa ulo na nun ang kristal, wala na sa mesa. “Halika na,” pilit sa kanya ni Berna saka siya hinila papunta sa babae. Napilitan siyang humakbang pero tumutunog ang kanyang cellphone sa backpack kaya agad siyang tumigil. “Sandali, baka pulis ito,” aniya saka nagmamadali na kinalkal ang kanyang bag. Nakita niya na ang ate Rose niya ang tumatawag. “Hello, ate,” aniya. “Ruth. Susko. Akala ko na-kidnap ka na rin. Nasaan ka?” “Sorry, ate di ako nakapag-text. Wala na kasing load. Nandito kami ni Berna sa Quiapo, m-magpapahula.” “Hula?” “Oo, te. Baka sakali lang naman. Nasa bahay ka na ba?” “Oo, kanina pa. May trabaho na ako. Na-hired ako kaagad sa isang kainan. Kahera ako.” “Talaga, ate? Wow. Congrats naman. Ang galing mo talaga,” masayang bati niya sa pinsan. Kahit naman ang hirap ng buhay nila at may mga problema, may mga biyaya na dumarating tulad ng trabaho ni Rosemarie. “Salamat. Umuwi ka na pagkatapos d'yan at gabi na.” “Sige, te.” Paalam niya at nawala na yun sa linya. “Halika na at worried na si ate Rose sa'yo.” “Tara,” anaman niya at kinkabahan na lumapit sa manghuhula. Gusto niyang umatras nang makita niya ang mga baraha na hawak ng matanda. Baka mamaya ay masama amg sabihin nito, umiyak pa siya roon. “May hinahanap ka?” Tanong nun nang tingnan siya kaya nagkatinginan sila ni Berna, tapos ay nakaramdam siya ng kilabot sa katawan. “Nakikita ko sa mga mata mo na may hinahanap kang tao.” Susko. “Three fifty,” iyon ang karugtong ng sinasabi ng babae kaya napatanga siya. “Ang mahal naman po,” reklamo ni Berna sa manghuhula, “Tawad naman kasi wala na ngang pera itong kaibigan ko. Two hundred.” “Napakabarat mo naman. Sige, upo,” aniyon at halos makamot pa ang kristal sa ulo. Napatanga siya at parang nahipnotismo na naupo sa silya sa harap ng babae. May ginawa iyon sa baraha tapos ay pinapili siya. Binuksan nun ang lahat ng napili niya tapos ay isa-isang binasa. “May lalaki,” aniyon. Si Baron iyon malamang, wala ng iba pa. “Nakakakita ako ng kayamanan, maraming pera at lalaki. Matatagpuan mo ang pag-ibig.” Napakunot noo si Ruth. Hindi maman mayaman si Baron, paano naman na may kayamanan na kasama sa hula? Peke naman ang babae na ito at malamang ay nagsasayang lang siya ng oras dito. “Ang hinahanap mong pag-ibig ay matatagpuan mo pero may mga balakid at tinik.” “B-Buhay pa po ba siya?” Agaran niyang tanong sa babae. “Malamang buhay. Hindi ka naman iibig sa patay.” “Diyos ko, salamat!” Bulalas niya kaagad. Buhay pa si Baron at naniniwala siya na magkikita silang mag-asawa. Baka yayaman na sila sa oras na magkita silang mag-asawa. Susko naman. “Mag-ingat ka sa isang lalaki,” ani bigla ng babae kaya muli siyang napatanga, “Isang malaking kasiraan ang gagawin nito sa buhay mo.” Napahawak si Ruth sa dibdib. Nakakatakot naman ang hula. Baka mamaya ay kung sinong lalaki ang sinasabi nito at mukhang siyokoy. Sandali. Baka ang bwisit na si Dennis ang malaking gagawa ng kasiraan. Mainit pa naman ang ulo ng walang hiyang yun sa kanya. “Dahil kapos ang bayad niyo, hanggang dito na lang ang hula ko.” A, bwisit! Kung kailan pa naman siya nagiging interesado saka naman kakapiraso ang hula at ibibitin siya. “Sunod na kostomer!” Sigaw nun kaya napilitan na siyang tumayo. Kakamot-kamot siya sa ulo. “Ang daya naman ng matanda na yun. Kapag kulang ang bayad ay kulang din ang hula,” naiinis naman na sabi ni Berna habang naglalakad sila papaalis. “Totoo kaya?” takang tanong naman niya. Nalulungkot na napabuntong hininga siya. Nakapagpahula nga naman siya, wala namang nagbago. Nawawala pa rin naman si Baron. Sana ang hula ay iyong hula na malalaman niya kung nasaan na ang mister niya, para mahagilap na niya sana. Kailangan talaga niyang makahanap ng pera para makapag-hire ng investigator. Hindi siya mapapanatag kapag wala siyang ginawa. Baka mas mauna siyang mabaliw kaysa sa makabalik si Baron sa kanya. “Kung pwede ko lang sana na isanla ang bukid na naiwan ni Papa, ginawa ko na, Berna. Gusto kong mag-hire ng maghahanap kay Baron. Pakiramdam ko ay yun ang tama kong gawin talaga,” aniya habang naglalakad sila nito papunta sa sakayan. “E di ba iniwan mo yun sa tiya mo?” “Oo, saka dun kami kumukuha ng pagkain kaya hindi rin pwede. Isa pa, ibinigay lang yun kay Papa. Sa oras na malaman ng anak ng may-ari na naghahabol na isinanla namin o ipinagbili, mawawalan kami ng karapatan dun at magbabayad pa kami sa kanila nang kaparehas na halaga. Nakakahiya kay tiya Mening. Ayoko na may masabi sila sa akin. Sila na lang ang pamilya ko kahit na sabihin na para sa asawa ko ang gagawin ko. Di ko kayang alisan ng kaunting kabuhayan ang tiya ko at mga pinsan kong sobrang babait sa akin. Tinutulungan na nga ako ni ate Rose. Hindi naman niya ako obligasyon kung tutuusin kasi matanda na ako,” aniya pa. “Sila naman ang swerte mo, Ruth. Hayaan mo na. Pasasaan ba at makakahanap ka rin ng paraan para mahanap si Baron. Nakapagtataka lang naman kasi kung sabi mo walang kaaway, anong dahilan at kinuha siya ng mga kalalakihan?” “Di ko rin maintindihan, Berna. Pagod na pagod na akong mag-isip. R ko dahil napilitan akong bumalik sa trabaho.” Inakbayan siya ni Berna dahil ang tunog ng boses niya ay papunta na sa pag-iyak. Sa bawat segundo kapag wala siyang kausap ay naaalala niya parati ang mga pinagsamahan nila ni Baron. Sobra siyang nasasaktan. “Nandito lang ako. Hayaan mo at magtatanong-tanong ako at magpapatulong sa mga kakilala kong hanapin si Baron. Kahit na picture lang ipapakita ko.: Ngumiti siya rito, “Thank you. Salamat kasi nalilibang ako kahit paano. Hindi ko gaanong naiisip ang nangyari. Ang masakit lang paano kung wala na ang hinahanap ko? Paano kung…pinatay na?” “Kumapit ka sa hula..wala maman masama kung aasa tayo na buhay pa siya. Dun tayo sa positive syempre.” “Kung may magagawa lang talaga ako Berna para kumita ng pera, talagang gagawin ko ang lahat, hindi lang ang pagbebenta ng droga,” aniya sa kaibigan at biglang may pumasok sa isip niya na isang masamang kaisipan. Nagkakaroon siya ng ideya na ibenta ang sarili niya para makapag-hire ng investigator. Nakakaiyak lang na isipin na ang sarili niya ay inangatan niya tapos ibebenta niya para mahanap ang asawa? Ano na lang ang kalalabasan niya? Ano na lang ang sasabihin ni Baron sa kanya? Hindi malalaman ni Baron kung sakali man na gagawin niya iyon. Siya lang ang makakaalam at wala ng iba pa. Mali iyon pero paano? Alangan naman na tumunganga na lang siya at maghintay sa wala. Mas lalong di niya kaya na walang gawin para kay Baron, lalo na at sobrang sakit dahil nawala iyon ay nang mismong nasa simbahan pa sila sa araw ng kasal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD