K3
UMINIT ang ulo ni Ruth nang parang sirang plaka ang salita ng pulis, na umulit-ulit sa kanyang pandinig.
"Wala pa kaming lead sa pagkawala ng iyong asawa, Miss Eduardo. Walang pagkakakilanlan ang mga taong kumuha sa kanya pero ginagawa namin ang lahat."
"Mga walang silbi!" Galit na sigaw ng dalaga sa pulis na kaharap niya."
Agad siyang hinawakan ng kanyang pinsan sa braso at inalog siya saka siya pinandilatan.
Alam niyang sinasaway siya nito sa ginagawa niyang pagsasalita sa mga alagad ng batas pero anong magagawa niya?
"Miss Eduardo, ginagawa po namin ang lahat at bigyan niyo kami ng panahon na magawa ang trabaho namin. Hindi naman po namin kayo mabibigyan ng impormasyon sa ngayon dahil tatlong araw pa lang ang nakalilipas nang mawala ang boyfriend ninyo," rason ng pulis sa kanya pero mainit talaga ang ulo niya.
"Sabihin niyo, wala akong pera kaya ganyan!" naiinis na sabi pa niya roon, na ang apelyido ay Jimenez.
Agad siyang hinila ni Rosemarie papaalis, "Salamat po, sir. Babalik na lang po kami kapag hindi na El Niño sa utak ng pinsan ko. Pasensya po, pasensya."
Kaladkad siya nito papalabas ng presinto habang siya ay umiiyak na marahas na binawi ang braso niya.
"Bakit ikaw pa ang humihingi ng pasensya, Ate Rose?" Trabaho nila yun!"
"Tanga ka ba?" Tanong nito sa kanya kaya napatingin siya sa mukha nito, "Sa ipinakikita mo, mas lalong hindi nila yun aasikasuhin dahil daig po pa ang myembro ng Hamas kung makabomba ka ng salita."
"Totoo naman," ingos niya sabay singhot.
Tumingin siya sa malayo. Nagkataon lang talaga na hindi siya mayaman at wala siyang sinasabi sa buhay para mapadali ang lahat.
Saan ba sila nagkakilala ni Baron, sa palengke? Isa iyong bagador ng bigas sa bigasan ni Lagoste, at siya ay isang hamak na empleyado lang ng Montevez PC. Nasa pinakamababang posisyon siya, isang janitress sa mga banyo. Ang sahod niya ay 533 pesos sa isang araw plus meal allowance na 150 pesos. Hindi lang isa o hanggang tatlong beses na maglilinis.
She has to clean the comfort room after the break in the morning, after lunch break, after a coffee break in the afternoon and after office hours.
Sumasahod siya ng nasa seventeen thousand sa isang buwan pero ang apartment ay three thousand five hundred. Kung kakalkulahin niya lahat, ang natitira na lang sa kanya sa isang buwan ay nasa limang libo. Sa mahal ng bilihin, mapalad na siya na may naiimpok pa siya.
Mula sa kanyang pagkabata ay ulilang lubos na si Ruth. Taga probinsya sila at ang kanyang ama ay tinamaan ng kidlat sa bukid, at iyon na ang ikinamatay. Ang ina naman niya ay matagal ng patay, nang malason iyon sa pagbubuntis sa kaisa-isa sana niyang kapatid.
Ang tanging kumupkop sa kanya ay ang kanyang tiya Mening, ang ina ng kanyang Ate Rosemarie.
Kaluluwas lang nito sa Maynila, dahil nga nagpakasal sila ni Baron. Dati itong nasa Macho Cafe, naging extra na kahera roon nang magbakasyon sa abroad ang may-ari. Dahil graduate naman ito ng Business Management ay natanggap ito.
Siya naman, kasalukuyan na itinigil ang pag-aaral para makapag-ipon sa pagpapakasal nila ng kanyang boyfriend. Simpleng kasal lang iyon. Naka-traje de boda lang siya at naka barong naman si Baron. Bukod dun ay wala ng kung ano pa. Walang mga bulaklak at mga abay.
Parang kasal sibil lang pero sa simbahan sila nagpakasal. Iyon lang ang kaya nilang dalawa dahil para sa kanila, ang mahalaga ay ang pagmamahalan nila.
Balak sana nilang pumunta ng Batanes para sa honeymoon pero nauwi sa pagkawala ng groom ang lahat.
Tatlong taon na ang relasyon nila ni Baron nang magdesisyon iyon na pakasalan siya. Hindi niya maunawaan ang dahilan at para iyong nagmamadali. Dahil mahal niya ang lalaki ay pumayag siya pero napakasakit ng nangyari, dahil katatapos pa lang ng kasal at papunta sila sa reception ay biglang kinuha si Baron ng mga hindi nakikilalang kalalakihan.
Hindi mawawala sa kanyang isip ang nangyari. Kitang-kita niya kung paano dinagukan ng mga lalaking iyon ang mister niya, nang tangkain nun na manlaban.
It was so sudden and it was really unbelievable. Bakit kinidnap si Baron? Anong mapapala ng mga kidnappers na iyon sa isang bagador ng bigas at taga tulak ng kariton ng langis sa palengke?
Halos ikamatay niya ang paglulupasay niya sa labas ng simbahan. Parang bula na nawala ang sasakyan na iyon na kumuha kay Baron.
Ang inisyal na findings ng mga pulis, may kaaway si Baron o pinagkakautangan nang malaki. Baka raw may atraso iyon pero wala naman siyang natatandaan.
Ano namang makakaaway ng asawa niya, mga sako ng bigas sa tindahan ni Lagoste? Araw-araw ay bigas lang naman o kaya ay langis ang kaharap nun.
Hindi siya roon naniniwala. Hindi naman din nagsusugal si Baron kaya wala iyong pinagkakautangan. Busy iyon sa pag-iipon para sa kasal nga nila kaya mali ang mga pulis.
"Tumahan ka na sa pag-iyak. Hindi ka makakapag-isip nang maayos kung ganyan ka, Ruth. Kailangan mong maging matatag. Umalis na sina Mama at tayo na lang dalawa ang naiiwan dito. Sasamahan na muna kita para may kasama ka sa pag-aasikaso ng pagkawala ni Baron. Magtatrabaho na muna ako kung saan ako pwede. Baka mag-suicide ka pa."
Irap pa ni Rosemarie sa kanya kaya kandatulis ang labi niya.
"Matino pa naman ako, no."
"Sa ngayon," anito sa kanya, "E nung naglupasay ka di ko alam kung ipapasok ka na namin sa mental."
Hmp.
"Dinaig mo pa si Nora Aunor sa galing mong maglupasay," natatawa nitong sabi pero siya ay hindi makangiti.
Paano naman siya ngingiti kung nawawala ang lalaking mahal niya at hindi niya alam kung buhay pa.
"Tahan na ha," ulit pa ni Rosemarie sa kanya saka pinahid ang mga luha niya.
Tumango siya.
Nahihiya siya rito. Kahit na nasa probinsya ito, pinadadalahan siya ng kalahati ng bayad sa upa sa kanyang boarding house. Wala pa itong asawa at ayaw nitong mag-asawa. Trenta y singko na ito habang siya naman ay bente uno. Trabaho lang ang inaasikaso ng pinsan niya probinsya bilang kahera sa tindahan ng mga pintura, na pagmamay-ari ng isang intsik.
Ang suporta nito sa kanya ay nariyan lang, kaya nang alukin din siya ni Baron ng kasal ay um-oo na siya para naman sila na lang na dalawa ang magtulungan, para naman maputol na ang obligasyon ni Rose sa kanya.
Alam niyang bukal naman iyon sa loob pero isa rin naman itong dukha.
Bilang kapalit naman, hinahayaan niyang ang kanyang tiya Mening ang mangasiwa sa maliit na palayan na naiwan ng kanyang ama sa kanya. Tuwing anihan ay dinadalhan siya ng bigas ng mga ito, na ipinasasabay sa mga driver na kapitbahay nila sa Aurora, Quezon.
"Asikasuhin mo ang buhay mo, Ruth," sermon ng kanyang Ate sa kanya, "May trabaho kang naiwan. Paano mo mahahanap si Baron kung ganyan ka?"
Hindi siya nakaimik. Iisa lang ang naiisip niyang paraan para mapabilis ang paghahanap niya sa asawa niya, ang mag-hire siya ng isang detective para tumulong sa kanya.
Baka masiraan siya ng bait kapag hindi niya nakita ang kanyang asawa.
She has to find a way to earn money, easy money to use just to find her missing husband.
Nang mahimasmasan ay naglakad na silang magpinsan papunta sa may kalsada para mag-abang ng masasakyan.
Nakatayo sila sa may hintayan ng jeep nang tumunog naman ang cellphone niya.
Nakita niya ang pangalan ni Bernadet, tumatawag.
Tulad niya ay janitress din si Berna sa kumpanya na pinagtatrabahuhan niya. Magkaiba lang sila ng floor building na inaasikaso. Siya ay naka-assign sa lobby hanggang sa third floor.
Agad niya iyong sinagot. Alas diyes y medya na ng umaga, tapos na ang coffee break.
"Hoy, maa-awol ka na!" Agad na salubong nito sa kanya.
"Ano?!"
"Galit na si Sir Dennis. Ano na raw at hindi ka pa pumapasok ay wala ka naman daw abiso na a-absent ka. Sana kasi, inimbita mo na lang sa kasal."
"E wala nga akong gaanong pera para imbitahin kayong lahat. Baka magalit pa sa akin ang mga kasama natin kung ilan lang inimbita ko," anaman niya.
"Basta, bukas pumasok ka na dahil last day na ng palugit. Napakasungit pa naman nun. Sinasabi na ni Wilma na siya na muna ang maglilinis sa toka mo at ako sana rin, kaya lang ayaw pumayag. Hayaan daw na mamaho para matuto ka. At ipatatawag ka sa taas, sesesantehin ka na."
Diyos ko.
Wala ba talagang pakikiayon sa kanya ang tadhana ngayon? Nawalan na nga siya ng asawa, mawawalan pa siya ng trabaho? Paano na ang paghahanap niya kay Baron kung siya ay titigil na maghanap-buhay?