"HOY, Jay! Hindi ka ba talaga sasama?"
Napatingin si Jaylord sa kaibigang si Rox nang marinig ang boses nito. Pinagmasdan niya ang ayos nito, nakaporma na naman. Alam na niya agad ang gagawin nito. Napailing na lang siya mayamaya.
"Hindi. Sa kabilang barangay ako pupunta. Baka doon maraming magbigay sa akin ng kalakal," tugon niya sa kaibigan.
Magkaiba sila ng pinagkakakitaan. Siya, nanlilimos kapag matao, o 'di kaya may mga okasyon. Nangongolekta rin siya ng karton at yero. Nasa tamang landas na siya kahit papaano. Ito at ang ibang kaibigan niya, nagnanakaw pa rin, kaya hindi siya sumasama sa mga ito. Matagal na siyang huminto sa pagnanakaw. Naisip niyang walang patutunguhan ang buhay niya kung gano'n ang pipiliin niya. Kahit malaki ang mga naiuuwi ng mga ito, hindi siya naiinggit, kasi puro galing sa nakaw. Easy money. Masarap kaya kumain kapag mula sa sarili mong pinaghirapan ang ginagastos, hindi iyong galing sa nakaw.
"O sige, ikaw ang bahala." Tinampal pa nito ang kan'yang braso. Umiling pa ito bago siya nito iniwan sa barung-barong nila.
Hinarap niya ang kariton at inayos iyon. Karton at mga yero ang hahanapin niya ngayon. Mga bote sana, kaso ang mura ng bentahan, tapos mabigat pa. Mapapagod lang siya.
Ngumiti muna si Jaylord bago itinulak ang kariton. Panibagong araw na naman sa kan'ya, panibagong pakikibaka.
Hindi naman ganoon kalayo ang pupuntahan niya. Sinabihan kasi siya ng katulong sa pupuntahan niya, na may itatapong mga yero ang mga ito, kaya kailangan niyang makuha iyon. Mukhang malaki ang kikitain niya kung sakali.
Laking pasalamat niya nang madatnan niya ang katulong sa labas na naghihintay sa kan'ya. May mga yero at karton nga na nasa harapan nito. Kaagad na isinakay niya ang karton. Sinunod niya ang yero na tinupi niya para magkasya sa kariton niya.
Ngiting tagumpay ang lakad niya ngayon. Baka makauwi siya ng malaki-laki na pera.
Walang hanggang pasasalamat ang usal niya sa katulong nang umalis siya.
May mga nadaanan pa siyang mga yero at karton na inilagay niya din sa kariton niya.
Napangiwi siya nang makita ang bumper to bumper na mga sasakyan pagliko. Papunta siya sa shop na pinagbebentahan niya ng mga kalakal.
Sinampa niya ang kariton sa gutter at sinalubong ang ibang dumadaan. Napapailing pa ang mga ito pero wala siyang pakialam.
Nang makaramdam nang pagod ay nagpahinga siya sa ilalim ng puno. Marami pa ring sasakyan na hindi gumagalaw.
"Hoy! Istorbo sa daanan ang kariton mo! Hindi mo ba alam na daanan ng tao 'to?" pagalit ng isang lalaki sa kan'ya.
Muntik na kasi itong matumba kakasiksik sa mga tao, makadaan lang. Tapos nandoon pa ang kariton niya. Muntik pa itong matumba mismo sa kariton niya. Ginilid na nga niya, e.
Naupo siya sa kariton at tumingin sa mga nakahintong sasakyan. Masyadong ma-traffic talaga sa bandang ito ng Maynila. Kung uusad man, mga kalahating dipa siguro.
Napatingin siya sa isang sasakyang tumapat sa kan'ya nang bumukas ang bintana n’yon.
Isang nakabusangot na bata ang bumungad sa kan'ya. Ang cute nito. Parang pinapagalitan yata ito. Umiikot pa ang mga mata nito pagkuwa’y titingin sa katabi nito.
"Ipasok mo ang ulo mo, anak! Baka may dumaang motorsiklo! Lagot ako sa Mama mo nito kapag may nangyari sa’yo!" dinig niyang sigaw ng isang medyo matandang babae sa bata.
Kaagad namang sumunod ito. Sa tingin niya, yaya nito ang kasama sa sasakyan.
Hindi pa rin nawawala ang pagkayamot ng bata. Pinasok nga ng bata ang ulo pero sa labas pa rin ito nakatingin. May niyakap pa itong gadget. Malaya niya tuloy itong pinagmamasdan.
Namalayan na lang niya ang sariling ngumingiti habang nakatitig sa bata. Naiinis siya kapag natatakpan ito ng mga dumadaan. Inuusod niya pa ang kariton para masilayan ulit ito.
Pakiramdam niya, may bumuhay sa puso niya. Basta, iba ang pakiramdam niya habang pinagmamasdan ito.
Pero bigla siyang nalungkot nang maalala ang bunsong kapatid. Nagkahiwalay sila, sampung taong gulang lamang ito. Nanlilimos sila no'n sa kahabaan ng kalsada ng Maynila. Magkalayo sila pero lagi niya itong binabantayan sa pamamagitan nang tanaw. Pero hindi akalain ni Jaylord na iyon na ang huling araw na makikita ang kapatid. Walang nakakita kung saan ito nagpunta, o kung may kumuha ba dito. Iyon ang isa sa pinakamasakit na nangyari sa kan’ya. Kaya nga lagi siya sa area na ito dumadaan dahil dito rin niya huling nakita ang kapatid.
Minsan, nagbabakasakali rin siya na makita ito dito ulit, pero nabibigo lang siya.
Namalayan na lang ni Jaylord na tumutulo na ang luha niya.
Nagpupunas siya ng luha nang mapansin ang dalawang bata na pabalik-balik sa gilid ng sasakyan, kung saan, nakasakay ang magandang bata.
Bigla siyang naalarma nang may makitang ilang kabataan pa ang panay turo sa bintana nito. Saka lang niya napagtantong medyo nakalitaw ang hawak ng bata na gadget.
Lalapitan na sana niya ang mga bata para pagsabihan nang biglang hablutin ng mga ito ang hawak ng batang babae.
Saglit siyang natigilan, bigla kasing umiyak ito dahil hinablot nga ang hawak nitong gadget. Nakaramdam tuloy siya nang habag para dito.
Biglang lumabas ang driver para habulin ang batang kumuha, habang ang Yaya ay niyakap ng mahigpit ang bata pagkuwa’y inalo.
Mabilis na tumalima siya para habulin ang grupong iyon. Binilisan niya ang takbo nang makitang paliko ang mga ito sa sumunod na kanto. Nalagpasan niya ang driver na humihingal na. Gusto niya sanang sabihing bumalik na pero baka hindi na niya maabutan ang mga bata. Sa huli, huminto siya at binalikan ito.
“Kuya, pabantay po ng kariton ko, at ako ang hahabol!” ‘Yon lang at iniwan niya itong natigilan. Bahala na kung maniniwala ba ito, o hindi. Basta kailangan niyang mapatahan ang batang iyon. Nasaktan siya nang makita ang pag-iyak nito.
Wala siyang nais kundi ang habulin ang mga magnanakaw iyon. Pero huli na.
Tumigil siya sa pagtakbo nang makita sina Rox. Napahilot siya sa sintido niya. Hindi naman alam ng mga bata na hinahabol niya ang mga ito, kaya lumapit siya habang sinisingil si Rox sa serbisyong ginawa ng mga ito.
“Saan mo ‘yan ibebenta?” Gulat na napatingin sa kan’ya si Rox.
“Bakit, Jay? Interesado ka? May wampayb ka ba?” Ngumisi pa ito habang pinapalu-palo ang gadget sa kamay nito. “Maganda pa naman ‘to,” dugtong pa nito.
Napabilang siya sa isip niya. May naitabi siya pero iniipon niya iyon, e. Nasa secret pocket niya iyon, sa pagkakatantiya niya aabot na ng dalawang libo ang naitabi niya. E, may ibebenta pa siya na kalakal ngayon, parang mababalik ang kalahating gagastusin niya kung sakali.
Hindi rin siya p’wedeng makipag-away kay Rox dahil marami itong kasamahan na mas malupit pa dito. Baka mapano pa siya. Kaya wala siyang choice kung hindi ang bilhin na lang.
“Sige. Sandali.” Tumalikod siya sa mga ito at may kinapa sa loob ng brief. May bulsa kasi lahat ng brief niya. Binabalot niya ng plastic iyon bago niya inilalagay sa brief na isusuot. Puro papel iyon.
Saktong isang libo at limang tig-iisang daan ang kinuha niya.
Gulat si Rox nang iabot niya iyon.
“Seryoso, Jay?”
“Ibibigay mo ba, o hindi? Paniguradong babaratin ka lang naman ng pagbebentahan mo niyan,” pandedemonyo niya sa kaibigan. “Baka maging limang daan na lang ‘yan,” susog pa niya. Ngumisi pa siya kapagkuwan.
Saglit na nag-isip ito. “Dahil malakas ka sa akin. Sige. Pero alam mo, may punto ka, baka mabawasan pa nga.” Ngumisi ito na parang ngiting panalo. “O,” anito sabay lahad.
Gano’n din siya nilahad niya ang pera dito. Parang ayaw pa sana niyang bitawan, pero dahil mainipin si Rox, hinila nito ang pera sabay talikod.
Napapikit siya na napatingin sa kamay niya. Wala na ang perang inipon niya. Konti na lang ang natira sa ilang buwan niyang pag-iipon. Mukhang kailangan niyang magtipid sa mga susunod na araw.
Nang maalala ang may-ari ng gadget na iyon, mabilis na kumaripas siya nang takbo at hinanap ang kotse. Nakausad na, kaya wala na ang mga ito sa tapat ng kan’yang kariton. Inisa-isa niya pa silip ang kotse na kaparehas ng kulay na gamit ng mga ito.
May bumukas na bintana sa unahan niya kaya lumapit siya dito.
Hilam ang luha ng bata nang bumungad ito sa kan’ya.
Muli siyang nakaramdam nang habag dito. Nakikita niya ang mukha ng kapatid dito kaya lalo siyang nakaramdam nang awa. Gan’yan na gan’yan ang kapatid niya kapag nalulungkot nang sobra. Ayaw na ayaw pa naman niyang nakikita ito na gano’n.
Akmang aalis na ang sasakyan nang sumigaw ang bata. “Manong, wait!”
Lumingon ang driver at nakita siya. Tumigil ito kapagkuwan. Nginitian niya ito bago tumingin sa bata.
Nakatingin na ang bata sa hawak niya, napahagulhol pa ito. Hindi niya alam kung anong meron ba doon sa gadget na iyon na iniiyakan nito.
“‘Wag ka nang umiyak, mamamaga ang mga mata mo, tapos papangit ka,” pananakot niya dito.
Humawak ito sa pisngi nito. “Ibig sabihin pangit na ako kasi marami na akong iniyak?”
Natawa siya sa sagot nito. “Biro lang. Maganda ka pa rin kahit na mamaga ang mga mata mo. O, heto.” Masuyo niyang ibinigay ang iniiyakang gamit nito.
Tumigil ito sa pag-iyak at kinuha ang gadget. “Salamat po, Kuya.” Niyakap nito ang binigay niya sabay pikit.
Para itong anghel sa paningin niya. Masyado siyang na-amaze sa ginawa nito.
Matagal na tinitigan niya ito. Hindi niya napansing nakadilat na pala ito ng mata at may tinatanong.
“Ano po ang pangalan mo?”
“Darlene, bilisan mo na magpasalamat,” ani ng yaya nito na abala sa telepono nito.
“Ano pong pangalan mo, Kuya?” ulit nito.
“Jay. Jaylord. Ikaw?” nakangiting pakilala niya dito.
Medyo nangangalay na siya sa posisyon niya pero tiniis niya. Pinagpantay niya kasi ang sarili sa bintana ng sasakyan. Sa tangkad ba naman niya.
Akmang sasagot ito nang paandarin ng driver ang sasakyan. Nanghihinayang na napaayos siya ng tayo nang ihatid ito ng tanaw.
Tatalikod sana siya nang marinig ang boses ng bata. Inilabas pa nito ang ulo.
“Kuya Jay!”
Napatingin siya sa hinagis nito sa semento. Mabilis na kinuha niya iyon, at sinundan nang tingin ang papalayong sasakyang kinalululanan nito.
Napaawang siya ng labi nang makita kung ano ang tinapon nito. Identification card nito sa eskwelahan. Napangiti siya nang makita ang mahalagang impormasyon nito.
Masayang tumalikod siya at binalikan ang kariton. Naitago na niya ang ibinigay nito. Masaya rin siya kasi walang bawas at kulang sa mga kalakal niya.