“BOSS, tumawag po si Caloy. Isang oras pa daw po bago lalapag ang eroplanong sinasakyan niya.” Naputol sa pag-iisip si Jaylord nang marinig ang sinabi ni Sixto.
“Salamat.” Tinampal niya ang braso nito saka pumasok sa kuwarto at nagbihis.
Nakaramdam siya nang excitement habang nagbibihis. Pero napalis iyon nang maalalang hanggang tanaw nga lang pala siya sa dalaga.
Hanggang ngayon, wala siyang lakas ng loob para magpakilala dito. Wala na siyang oras, ikakasal na ito. Kaya dapat, isa sa mga araw na ito makipagkita na siya dito. ‘Yon ay kung maalala pa siya nito.
Marahas na buntonghininga ang pinakawalan niya bago sinuot ang isang v-neck shirt, na hapit sa katawan niya, bago ang leather jacket na kulay brown.
Dinaanan niya ang telepono niya sa kama pagkatapos saka lumabas ng silid.
Nakahanda na ang ibang tauhan niya sa labas, animo'y sasabak sa isang labanan.
Well, iba na siya ngayon. Iba na ang mundong ginagalawan niya.
Isang negosyante ang umampon noon sa kan'ya. Labing-walong taong gulang siya nang makilala ang matandang Del Franco. Nang makitaan siya ng potensyal ng matanda, pinag-aral siya nito.
Coincidence, magka-apelyido sila kaya hindi ito nahirapan na ilipat sa kan’ya ang ilang ari-arian nito bago ito bawian ng buhay.
Nagsilbing inspirasyon sa kan’ya ang matanda kaya naging negosyante din siya. Nagtapos din siya ng pag-aaral. Banking and Finance ang kinuha niyang kurso. May kinalaman kasi sa finance ang negosyo ng matandang Del Franco. May sariling bangko din ang matanda na ipinamana din sa kan’ya.
Kalaunan, naging magaling siya sa larangan ng trading. Investments. Pera ang labanan. Isa siya sa magaling na trader sa Pilipinas. Halos digital asset ang tini-trade niya. Ilang beses na siyang natampok sa mga pahayagan at television.
May ilang programa din ang kompanyang hawak niya para mga baguhang traders. At ilang kompanya na rin ang gustong kumuha sa kan’ya noon, pero hindi siya pumayag. Namuhunan siya siyempre. Gusto niya, siya ang boss. May pera naman siya, kaya bakit siya magpapa-alila?
Kaya niyang kumita ng milyones sa loob lamang ng isang araw na trading. Sugal kumbaga. Isa yata ‘yan sa asset niya. Kaya niya ding i-predict kung kailan tataas ang asset niya, pagdating sa mga digital assets niya, at kung kailan din ibebenta sa market.
Dahil gusto niyang may patutunguhan ang pera niya. Bumibili siya ng mga stock shares sa market ng ilang kilalang kompanya sa Pilipinas. Doon niya ini-invest. Kalat ang pera niya. At mula iyon sa sariling pagsisikap niya, hindi sa pera ng matandang Del Franco.
Pero may sarili siyang kompanya. Isang korporasyon. Farm, mining, resorts, restaurants, publishing, at malls. Iilan lamang ‘yan sa napasok niyang uri ng negosyo. May ilang stocks din siya sa ibang kompanya sa iba’t-ibang panig ng mundo, gaya ng US, Italy, Germany, at Canada.
Wala siyang pinoproblema kung pera ang pag-uusapan.
Dahil maraming naiinggit sa narating niya. Marami ang nagte-take down para mapabagsak siya. He was a threat, indeed. Pero hindi siya natatakot. Hindi na siya ang Jaylord na palaboy na umiiwas sa gulo. Kaya na niyang makipagsabayan sa mga ito. Ang dami na niyang natutunan sa buhay. Maging kung paano din lumaban, marahas man o sa matinong paraan.
Marami rin siyang koneksyon sa gobyerno na hindi aakalain ng mga ito. Kailangan niya kasing ingatan ang buhay niya. Mamahalin pa kasi siya ng babaeng hinihintay niya.
Napangiti siya sa isiping ‘yon.
"May balita na ba sa AO?" tanong niya sa kanang kamay niya.
"Wala pa boss. Hindi pa bumabalik si Uno," sagot ni Sixto habang nakasunod sa kan'ya.
"Ok," tipid niyang sagot dito.
Pagdating sa labas ay inunahan siya nito para ipagbukas siya ng pintuan ng sasakyan.
Malapit lang naman ang bahay niya sa airport kaya kaagad nilang narating iyon.
Iginiya siya ni Caloy paupo sa bakanteng upuang naroon.
Mahigit tatlumpong minuto ang hinintay niya bago lumapag ang kinalulunanan ni Darlene Dixon. Ang nag-iisang babaeng nagpapatibok ng puso niya.
Hindi na naman siya mapakali sa upuan nang marinig kay Caloy na baka palabas na ang dalaga. Ang daming tao na paroo’t parito, kaya tumayo siya para hanapin ang dalaga.
Sa totoo lang, hindi naman niya alam kung bakit nandito siya ngayon. Alam niyang wala naman siyang mapapala. Pero gusto niya lang sundin ang puso niya. Masulyapan lang kasi ang dalaga, sapat na sa kan’ya. Hindi pa yata ito ang tamang panahon para magkita sila.
“Boss, palapit na siya sa kinaroroonan natin. Mukhang uupo po yata.” Umalis ang tauhan niya kaya napaayos siya ng upo.
Baka kasi sa tabi niya ito umupo. Pero hindi siya mapakali, umusog siya baka doon nito gusto maupo. Sa dalaga lang talaga siya ganito kaaligaga.
May kung anong saya siyang naramdaman sa isiping iyon.
Parang siyang may kiti-kiti na lumipat na naman hanggang sa bumalik sa dating puwesto.
Gusto niya ring tingnan sana kung nasaan na ito, pero pinipigilan niya ang sarili niya. Baka mahalata siya nito.
Isinuot niya ang magarang shades niya at binuklat ang isang pamphlet na nasa tabi ng upuan niya.
‘Kunyari lang na abala siya sa pagbabasa.’
Napatingin siya sa harap niya nang may naupo doon. Hindi niya maiwasang pakatitigan ito habang abala ito sa pagsipat ng telepono nito. Maya’t maya rin ang pag-angat ng telepono para ilapit sa tainga nito. Mukhang may tinatawagan ito. Kung hindi siya nagkakamali, ang nobyo nito.
Naikuyom niya ang kamao nang maalala iyon. Alam niyang ikakasal na ang mga ito pero hindi siya papayag. ‘Basta, hindi!’
Inangat niya ang hawak na babasahin pero ang tingin niya ay nasa dalaga. Halata ang pagkayamot nito sa tuwing magda-dial ito. Mukhang hindi sinasagot ng nobyo nito ang tawag. Pero kahit ganoon, hindi pa rin kabawasan sa kagandahan nito. Mula noon hanggang ngayon, taglay pa rin nito ang magandang mukha.
“Damn it, Blake!” dinig niyang sambit ng kaharap. Mukhang hindi pa iyon sinasagot ng nobyo.
‘Sabihin lang nito, siya na maghahatid kahit saan pa ‘yan.’
Napangiti ulit siya sa isiping ‘yon. Pero napalis ang ngiti niya nang marinig na may kausap na ito.
Mukhang nagpasundo ito a nobyo nito. Dahil doon, kinuyumos niya ang hawak na babasahin. Tumayo siya sa sobrang gigil.
Hindi pa man siya nakakahakbang nang magsalita si Darlene.
“Hey, your phone!” anito at tinuro ang telepono niyang muntik ng maiwanan.
Saglit siyang natulala nang marinig ang boses ng dalaga.
“Thank you, Miss.” Kinuha niya ang telepono at humarap dito. “Is it okay if I buy you a cup of coffee? Or tea? I owe you one,” nakangiting sabi niya sa dalaga sabay taas ng telepono.
Parang gusto niyang matunaw sa kinatatayuan nang ngumiti ito sa kan’ya. Sincere ang mga ngiting iyon. Bumibilis tuloy ang t***k ng puso niya.
“I am grateful for your kindness, but I do not accept anything from a stranger,” anito na ikinagalaw ng panga niya.
‘Oras na ba para makipag-usap dito?’
Tinanggal niya ang suot na salamin at lumapit sa dalaga.
“Jaylord Del Franco,” pakilala niya dito sabay lahad ng kamay.
Saglit na tumingin ito sa kamay niya pagkuwa’y tumingala. Bahagyang lumiit ang mata nito na para bang kinikilala siya.
Hindi niya maiwasang mapangiti sa loob-loob nang matitigan ito. Mas maganda talaga ito sa malapitan.
Sana makilala siya nito.
“Darlene,” tipid nitong sagot pero hindi man lang nakipagkamay.
“P’wede na ba kitang ilibre? Alam mo na ang buong pangalan ko,” nakangiting sabi niya dito. Hindi niya alam kung papayag ba ito dahil sa paraan ng paghagod nito sa kan’ya. Hindi naman siya mukhang masamang tao, e.
“Sa tingin ko naman mabait po kayo, pero hindi po talaga ako tumatanggap ng kung ano galing sa iba. Pasensiya na po,” anito at ibinalik ang tingin sa telepono nito.
May kung anong bumara sa dibdib niya nang makita ang lock screen ng telepono nito.
Napaangat siya nang tingin kapagkuwan para pakalmahin ang sarili. Mapait na ngumiti siya bago tumalikod at iniwan na lang ito.
Ibang-iba na ang Darlene na nakilala niya ngayon sa batang Darlene noon.
Sabagay, maraming taon na ang nagdaan. Trenta y siete na siya ngayon. Nagbabago naman talaga ang mga tao. Siya nga, nagbago din, sa pamumuhay nga lang. Pero pagdating kay Darlene, hindi. Si Darlene pa rin ang mahal niya, kahit gano’n ang pakitungo nito sa kan’ya.
Napapikit siya nang may butil na nalaglag mula sa mata niya.
‘Iniyakan niya ang dalaga?’
NAKATAAS ang kilay ni Darlene nang sundan niya ng tingin ang lalaking nag-alok ng kape, at ng tea sa kan’ya. Parang gusto niyang kumagat sa pa-tea nito. Kaso nag-iingat na siya. After nang nangyari sa kan’ya sa Italya, nahirapan na siyang magtiwala sa iba. Her life is at stake. Paano kung hindi lang ganoon ang abutin niya sa kung sino mang halang na kaluluwa? Buti nga nagising pa siyang buhay. At isa iyon sa ipinagpasalamat niya.
Masyado siyang naging kampante sa paligid kaya hindi niya na-secure ang sarili.
Akmang magtitipa siya ng mensahe para sa nobyo nang rumehistro sa screen ng telepono niya ang pangalan ng ina. Hinayaan niyang tumunog lang iyon. Ayaw niyang kausapin ang ina. Siguradong papagalitan siya nito ngayon.
Ilang sandali pa lang niyang binitawan ang telepono nang tumunog ulit ‘yon. Tinadtad lang naman siya ng mensahe ng ina sa isang messaging app, na available din dito sa Pinas.
Alam na nitong umuwi siya ng Pilipinas na mag-isa. Nagagalit ito dahil hindi niya isinama ang bagong assistant niya.
After nang nangyari sa kan’ya, lahat ng tauhan nila at kasambahay ay pinalitan nito. Nagagalit din ito dahil hindi siya umatend sa hearing. Baka mabasura daw ang kaso laban sa Manager niya.
Sino ba ang a-attend, kung kada segundo pinapaalala sa kan’ya ang mga nangyari? Hindi ba alam ng mga nito na masakit sa parte niya?
Mababaliw na siya kakaisip kung ano ba talaga ang nangyari! Mas gugustuhin niyang manahimik. Mas lalo din siyang mai-stress kung lumabas iyon sa media, though binayaran na ng Mama niya ang mga taong naroon sa hearing na mga kakilala at mga nakakaalam. Gusto lang nitong mabulok sa kulungan ang Manager niya, na siyang pinaghihinalaan nila. Ito naman talaga ang kumuha ng unit na inuukopa niya noong araw na iyon. Ito rin ang nakakaalam ng lahat ng schedule niya. Isa pa, bakit maaga itong umalis noong araw na ‘yon? Para ano? At, ito rin ang umorder ng kinain niyang may pampatulog, base iyon sa resulta ng laboratory test niya na isinagawa, ilang oras lang pagkagising niya.
Sa Manager niya nakaturo ang lahat ng ebidensya. Napailing siya para burahin sa isip ang mga nangyari. Iniisip din niya kung paano sasabihin iyon sa nobyo.
Paano kung iwan siya nito?