TWO years later…
“Nang, pasuyo naman po saglit si Darryl, punta lang po ako sa palengke.” Ang tawag niyang Nang ay pinaikli lang na Manang. ‘Yon na rin kasi ang nakasanayan niyang tawag kay Manang Esme dahil iyon din ang tawag ng mga kapitbahay nila.
“Sige, Dara, ako na ang bahala sa mistisong ito.”
Dara na rin ang pinangalan niya sa sarili niya mula nang tumira siya dito sa Laguna. Ang lapit lang sa Metro Manila pero hanggang ngayon, hindi pa siya natutunton ng ina at ni… Jaylord. ‘Yon ay kung hinanap nga siya.
Mas pinili niyang maging low profile. Sa paraang iyon maitatago niya ang sarili. Nagtayo siya ng maliit na negosyo na nakapangalan kay Manang Esme. Isang kainan at all-in-one shop, na mga groceries, gamit sa bahay, mga damit, gamit sa eskwelahan ang mga tinitinda niya. May tatlong tauhan naman siya sa shop at tatlo din sa kainan maliban kay Manang.
Malaking tulong para sa kanilang mag-ina ang naitayong negosyo dahil napupunan niyon ang pangangailangan nila.
Kabuwanan niya noon nang ma-acquire niya ang pasarang gusali na iyon, na hanggang tatlong palapag. Malaki naman ang naipon niya sa ilang taong pagmomodelo kaya nabili niya ng cash. Maliban kasi sa ibinibigay niya sa ina noon, talagang nagtatabi siya para sa sarili.
Hinigit niya ang body bag niya at sombrero nang lumabas. Naipasok na rin niya ang ecobag sa bag niya kanina bago nagpaalam sa matanda. Tulog pa naman si Darryl at mamayang hapon na naman ang gising nito. Panggabi kasi ang anak niya nitong nagdaang linggo– ang ibig niyang sabihin, sa gabi ito naglalaro. Pabago-bago ito, sa totoo lang. Pero may buwan na pang umaga naman ito.
Dahil malapit lang naman ang palengke sa kanila, naglakad lang siya. Mga dalawang kanto lang ang layo.
Kung tutuusin, p’wede niyang iutos ito sa mga tauhan niya sa kainan kaso, namalengke na ang mga ito. Hindi na siya nakapagpasabay dahil nawala na rin sa isipan niya tapos abala pa siya noon sa anak niya.
Bumili lang siya ng gulay at karne na sapat sa kanila ni Manang ng tatlong araw. Ayaw niyang mag-stock nang napakatagal, hindi na kasi masarap kapag niluluto.
Natuto siyang magluto pagkapanganak niya. Though kasama na niya noon si Manang na p’wedeng tagaluto, pero pinili niyang matuto. Nahihiya siyang iaasa ang lahat kaya palitan sila sa pagbantay sa anak at sa gawaing bahay.
“Luya nga po, mga halagang bente lang. Sa sibuyas, limang piraso at tatlong bawang po,” aniya nang matapat sa stall ng isang suki. “Pakisamahan po ng pamintang buo, mga halagang sengkwenta lang po.” Naubos na pala kasi.
Ngumiti ang lalaki sa kan’ya at agad na tumalima.
Inilinga niya ang sarili dahil baka may magustuhan pa siya. Magta-trickle naman kasi siya kaya okay lang kahit may mabigat, gaya ng prutas.
“Ito na ganda, o.”
“Salamat po. Ito po.” Sabay abot ng limangdaang piso. Naubos na ang barya niya sa isdaan kanina.
Pagkakuha ng sukli at pinamili ay agad na tumawid siya sa kabila. Bibili siya ng prutas para sa anak. Ginagawa niyang juice iyon para madaling mapainom sa anak.
Napangiti siya nang makita ang malalaking apple. Mukhang masarap kaya inuna niyang lapitan iyon. Kumuha siya ng apat niyon at inilagay sa plastic na bigay ng tindero saka inilagay sa timbangan nito.
“Magkano po?”
“35 ang isa, pero 33 na lang para sa ‘yo,” nakangiting wika ng tindero.
Ito ang kagandahan dito, lagi siyang nakaka-discount. Ang apple sa kabilang stall, 35 talaga, e. Pero kay Manong naka-discount siya.
“Here, Kuya, ako na ang magbabayad nang pinamili niya.”
Napatingin siya sa limangdaang inabot ng lalaki sa tindero na nasa gilid niya. Hindi niya maiwasang matigilan dahil pamilyar ang boses nito. Nagtaasan din ang balahibo niya. Dalawang taon niyang hindi narinig ang boses na iyon kaya gano’n na lang ang epekto niyon sa kan’ya.
Hindi pa pala siya kasi handang makita ito. Masakit pa rin sa dibdib isipin, pero hindi niya kayang sumpain dahil kay Darryl. Masaya siya pagdating ng anak sa buhay niya, nagkaroon ng direksyon kahit papaano. Ang dami niya ring natutunan sa buhay para sa anak.
Dahan-dahan siyang bumaling at nag-angat ng tingin.
“J-Jay,” anas niya nang makompirma nga.
Bahagyang ngumiti ito pero hindi siya gumanti. Seryoso lang siya at halata ang pagkagulat.
Ibinalik niya ang tingin sa pera niya at mabilis na nagbilang. Kaagad na ibinigay niya ang pera sa tindero at kinuha ang pinamili.
“Pakibalik na lang po sa kan’ya ang bayad niya. Hindi ko po siya kilala.” Sabay lakad nang mabilis.
“Darlene, wait!” tawag ni Jaylord sa kan’ya. “Baby, please!”
Napapikit siya nang marinig an endearment na iyon. Alam niyang nakasunod ito sa kan’ya.
‘Paano ba nito nalaman ang kinaroroonan niya, huh?’
“P’wede mo ba akong bigyan nang pagkakataon kahit saglit lang? Please, Darlene, o. Hindi mo pa nga naririnig ang side ko, basta ka na lang umalis nang walang paalam.”
“Hindi kita gustong makita, Jaylord, kaya umalis ka na bago ako magpatawag ng pulis.”
“Wala akong pakialam kahit magtawag ka ng pulis, baby. Handa naman akong makulong kung iyon ang gusto mo. At mas mabuti nga iyon para makaganti ka sa sakit na dinulot ko sa ‘yo. Wala naman nang silbi ang buhay ko dahil wala na kayo sa buhay ko.”
Napatigil siya sa paghakbang at nilingon ito.
“Ang tagal mo akong niloko, Jay. Ang tagal.” Natawa pa siya ng pagak. “Alam mo, ang galing mo doon. Ang galing-galing mong magmanipula ng buhay ko! Lahat scripted!” Hindi ito nakaimik. “Alam ko na ang lahat ng sekreto mo, at isa ka sa pinakasinungaling na taong nakilala ko, Jay. Kaya pakiusap lang, tigilan mo na ako. Hindi mo makukuha ang kapatawaran ko.” Muli niya itong tinalikuran at sumakay sa trickle na nakapila.
Totoo ang sinabi niya na manipulado ang galaw niya, gaya nang pagkakapasok niya sa modeling. Lahat-lahat, kasama na ang ginawa nito sa kan’ya noong gabing iyon. Naging stalker niya pala ito nang ilang taon din. At nagawa nito dahil obsessed sa kan’ya.
Si Jaylord din ang unang umangkin sa kan’ya noon sa Italy. Naalala na niya ang binigay nitong pangalan sa kan’ya at nakompirma niya sa binigay nitong calling card noon na hindi niya pinagtuonan nang pansin. At hindi sinasadyang naitabi niya pala ang calling card na iyon.
Kung inamin lang sana nito sa kan’ya nang mas maaga, baka hindi gano’n kasakit. Pakiramdam niya, walang totoong tao na nakapaligid sa kan’ya dahil hawak ang mga ito ni Jaylord.
Nakahinga siya nang maluwag nang makarating sa bahay nila. Tinulungan siya ng boy niya na iakyat ang mga pinamili. Nasa labas kasi noon ito ng kainan at naka-break pala ito.
Simula nang araw na iyon, hindi na siya lumabas ng bahay, at kung may ipapabili siya sa palengke, inuutos na lang niya. Tinatapat niyang walang gaanong customer kapag nag-uutos para hindi makaabala sa mga ito. Matao kasi ang lugar nila dahil malapit iyon sa terminal ng bus.
“May sabaw silang niluto sa baba, Nang. Gusto mo?” aniya kay Manang Esme na nagtutupi ng mga damit nila.
“Baka?”
“Oho.”
“Aba’y gusto ko ‘yon, Dara.”
“Sige, hingi ako sa baba.”
Kapag umay na sila sa niluluto niya, kumukuha siya sa baba kung saan naroon ang kainan din niya. Nasa second floor naman ang store niya kaya nga palengke lang ang pinupuntahan niya dahil meron naman siyang mabibili na mga pagkain gaya ng biscuit.
Hindi pa siya nakakababa ng hagdan nang makita ang magarang sasakyan sa labas nila. Bigla siyang kinabahan pero pinalis niya din at pilit na pinakalma ang sarili. Baka hindi iyon sa pinagtataguan niya.
Nakahinga siya nang maluwag nang walang lumapit sa kan’ya nang makababa. At hindi rin iyon nagbukas kaya nakahinga siya nang maluwag.
“Nyor, pahingi nga ng sabaw. Dalawang hiwa lang din ang karne. Si Ma–” Hindi na niya natuloy ang sasabihin nang makilala ang customer na nakaupo malapit kay Junior. Titig na titig ito sa suot niyang sleeveless damit. Malalim din ang neckline kaya kita niya ang paglunok nito.
Nagkunwari siyang hindi ito kilala at lumapit sa isang staff niya.
“Pakidala na lang sa taas,”
“Sige po, ma’am.”
Lumabas siya sa kainan nila na parang walang nakita saka umakyat sa hagdanan na nasa gilid lang.
Sapo niya ang dibdib niya nang makaakyat na. Pinakalma pa niya ang sarili dahil sa nakita. Kita niya ang pagkunot ng noo ni Manang Esme.
“O, bakit gan’yan ang itsura mo? Para kang hinabol sa labasan.”
“Hiningal lang sa hagdan. Kailangan ko na yatang mag-diet, ‘Nang.”
“Sus, ano pang ida-diet mo sa katawan mo? Ang ganda na.”
“Ay, kinilig naman ako, ‘Nang. Salamat. Nga pala, ihahatid na lang ni Vane ang sabaw,” aniya at dumeretso sa silid nilang mag-ina.
Napatingin siya sa anak na natutulog. Mukhang mahimbing na dahil hindi na kumikilos kahit na ang lakas nang tugtog sa katapat.
Naupo siya at humarap na lang sa laptop. Dahil sa muling pagkikita nila ni Jaylord, napilitan siyang magbukas ng social media accounts niya. Makikibalita lang siya.
Hindi pa nag-iinit ang pang-upo niya sa upuan nang marinig na magsalita si Manang Esme.
“Lalabas muna ako, Dara. Magde-deposit pa pala ako sa account ng anak ko. Naku, kailangan na naman daw ng pera.”
“Sige po.” May malapit kasi na bangko sa kanila. At sa tuwing magpapadala ang matanda, derekta na sa bank account ng anak nito.
Abala pa rin siya sa pag-scroll sa social media nang may kumatok. Marahil, iyon na ang ulam na hinihintay ni Manang Esme.
“Pasok! Bukas ‘yan!” sigaw niya.
Hindi naman kasi niya ni-lock pag-alis ni Manang.
Dinig niyang bumukas ang pintuan at sumara. Wala siyang narinig na boses mula kay Vane pero dinig niya ang paglapag nito ng ulam sa mesa nilang gawa sa salamin.
“So, dito pala kayo naglagi ng anak ko nang dalawang taon?” Napapitlag siya nang makarinig nang nagsalita.
Bigla niyang naitiklop ang laptop at lumingon.
Natigilan siya nang mapagsino iyon. Abala kasi siya sa pag-scroll kaya nawala sa isip niya ang boses na iyon. Hindi naman kasi niya inaakalang papasok ito nang basta-basta.
“A-anong ginagawa mo dito?” aniya at tumayo.
Lumapit siya sa kuna ng anak at tumayo doon. Gusto niyang takpan ang anak, ayaw niyang ipakita dito.
“Nagmagandang loob ako na ihatid ang ulam.”
“A-anong sinabi mo sa kanila para payagan kang magdala ng ulam, huh?”
“Sinabi ko?” Natawa ito ng mahina. “Sabi ko lang naman na asawa mo.”
“W-what?”
“Yes, baby.” Naupo ito sa kama kaya pinanlakihan niya ito ng mata.
“Lumabas ka, Jaylord, ngayon din!”
Tumitig ito sa kan’ya nang seryoso. “Paano kung ayoko?”
“Ipapadampot kita sa pulis,” pananakot niya.
“Sure. Maghihintay ako sa mga pulis.” Ngumiti ito sa kan’ya sabay patihulog ng sarili sa kama.
“Jay naman! Pakiusap naman, lumabas ka!”
“Hangga't hindi mo ako kinakausap, hindi ako aalis dito sa bahay mo. Wala akong pakialam kahit may ibang tao dito maliban sa inyo.”
“J-Jay,”
“God, na-missed ko ang tawag na ‘yan sa totoo lang.” Pumikit pa ito pero nagmulat din naman agad.
Mukhang hindi naman ito aalis talaga dahil pumikit ulit ito nang hindi ito makarinig nang sagot mula sa kan’ya.
“F-fine, papayag na ako. Sabihin mo kung kailan, darating ako. ‘Wag lang dito sa bahay.”
Nagmulat ng mata si Jaylord at naupo. May kinapa itong sa bulsa at inilabas iyon.
Napatingin siya sa teleponong inilapag nito.
“Anong gagawin ko sa teleponong ‘yan?”
“D’yan ako tatawag.” Tumayo ito kapagkuwan. “P’wede ko bang makita ang anak ko?” anito na ikinailing niya.
Hindi ito nakinig sa kan’ya. Bigla na lang siya nitong pinangko at inihiga sa kama. Lumapit ito sa anak kapagkuwan.
“‘Wag mo siyang istorbohin, Jay!” aniya at bumangon.
“Relax. Gusto ko lang siyang hawakan, baby.”
Hinayaan na lang niya para matapos na. Baka bumalik na si Manang mayamaya.
“Makakaalis ka na, Jay.”
Seryosong tumingin ito sa kan’ya. “Okay, aalis na ako. Mukhang sukang-suka ka na nga talaga sa presensya ko,” anito at humakbang palayo sa crib. Tumingin ito sa teleponong nasa kama. “Tatawagan kita mamaya.” ‘Yon lang at tumalikod na ito.
Kung paano ito pumasok nang basta-basta sa silid nila ng anak, gano’n din ito nang umalis.
Napailing siya kapagkuwan nang marinig ang pagsara ng pintuan.