14:

1212 Words
MAY nakapagsabi na kay Sabina na hindi dapat bine-baby ang isang taong broken ang puso kaya never siyang nagpa-baby sa kahit sino noong tapatin siya ni Baron na hindi na matutuloy ang kanilang kasal dahil bumalik na ang first love nito. Ano nga ba naman ang panama ng lahat sa mga pesteng first love na iyan, e, diyan nga nauso ang kantang may pamagat na: First Love Never Dies! Kaya rin bago niya talikuran noong isang araw si Jacob ay binilinan niya itong huwag siyang i-baby. At ang lokong lalaki, sinagot lang siya na masyado na siyang matanda para raw i-baby pa! Pero ewan ba niya, habang hinihintay niya ang numero ng kakantahin niya sa videoke ngayon ay parang nais niyang magpa-baby bigla sa lalaking nasa tabi niya at ngingiti-ngiti sa kaniya sa pa-cute na paraan. Ihele mo naman ako, Arbor… Mga ganoong drama ang nasa utak niya ngayon. Akala naman niya kinaganda niya iyon. E may mas maganda naman talaga sa kaniya ngayong gabi—si Zani. Ang ganda na nga ng babae, pinapaganda pa ito ng saya at galak nito habang nagsasayaw ito at si Jacob. Samantalang siya, heto, unti-unting pino-proseso ng utak niya kung ano ba ang mas masakit—ang malaman niyang ikakasal ang ex niya sa asawa ni Arbor o ang kaalaman na hindi na pala siya puwedeng maging kabit ni Arbor? Dapat na kasi niyang alisin si Zani sa tanong, obvious naman kasi na nag-e-enjoy na ang babae sa company ni Jacob. "Bakit sambakol 'yang mukha mo kanina pa? Hindi ba dapat ay masaya ka? Idea mo ang kasiyahan na 'to, Sab." Tama si Arbor. Kasalukuyan na ngang nagaganap ang salo-salo na hinanda nila para sa mga tauhan nito sa resort na iyon na kanilang iiwan na, isa sa mga araw na ito. Bumuntonghininga siya. "Noong isang araw lang kasi ay ikaw ang kasama ni Zani, hindi ba? Paano nangyaring si Jacob naman ngayon ang kasayaw niya? Naghihiraman ba kayo ng babae?" sunod-sunod na tanong niya kay Arbor. Napaamang naman ang huli. "Nakita mo kami?" "Unless bulag ako, siyempre ay nakita ko kayo." Pagak na natawa ang lalaki. Parang tanga rin na tumitig sa kaniya. "O, anong tinitingin-tingin mo? Ba't ganyan ka makatingin?" Umiwas siya nang tangkain ni Arbor na pisilin ang kaniyang ilong. Hindi naman kasi siya nakikipagbiruan kahit sabihin pang cute ito ngayong gabi. "Teka nga, may ginawa ba si Jacob sa 'yo na hindi ko alam?" "Hindi ko masasagot 'yan," seryosong ani Sabina, tinitigan niya nang walang ngiti si Arbor. "Oo, masyado na tayong matanda para maglokohan pa, oo, tama ka, na para nga siguro akong bata pero wala akong maisip na maisagot sa tanong mo na 'yan dahil hindi ko rin alam kung anong eksaktong nakakainis sa 'yo at sa dalawang 'yan," aniya, tukoy sina Jacob at Zani. Naglaho ang nakapaskil na ngiti sa labi ni Arbor. "Sab—" Buntonghininga na tumayo siya. Mainam pa yata na ipahinga niya ang utak niyang unti-unti na naman na nababaliw. "Sabina, hintay nga," dinig niyang habol ni Arbor sa kaniya. Pero hindi niya ito nilingon man lang. "Ikaw na ang kumanta no'ng kakantahin ko sana, wala na 'ko sa mood." "Hindi ako marunong kumanta." Humigot siya ng malalim na hininga bago niya nilingon ito. "Pero dapat kang kumanta, nakakahiya sa kanila. Madali lang naman kantahin ang Ocean Deep, Arbor." "Gaano kadali? Kasing dali ba ng pagtalon ng conversation natin na 'to?" Kuyom ang mga kamao na tugon ni Arbor sa dalaga. "Hindi. Kasing dali lang siya ng pagkalimot ng puso ko. Ang alam ko kasi ay ayaw na nito, pero parang heto na naman, hindi na yata nadala," pumiyok nang sabi ni Sabina. "May dapat na ayusin sina Zani at Jacob, hindi mo siya dapat na pagselosan." Tumango siya. "Mukha ngang maaayos na nila." "Sana all." "Tama, taga sana all na muna tayo," simpleng sagot ni Sabina sa lalaking inasam niyang maging kabit lang ngunit tila iba pala ang plano ng langit sa kanilang dalawa. Ang lakas naman kasi ng kabog ng dibdib niya ngayon. Hindi na nga bagay sa kirot na nadarama ng puso niya. "Magpahinga ka na, bukas na lang tayo mag-usap ulit." "Sige. Goodnight, Arbor." Nagkapaalaman lang sila para sa gabing iyon pero kung makaiyak naman siya ay akala naman niya ikinaganda na naman niya iyon. Nakakainis na mga luha. Nakakainis na puso. "NAKUWENTO ni Manang Vida sa 'kin na okay na raw sila ni Sabina. Sabi pa nga e napakasarap daw ng putong gawa niya." Sa tantya ni Arbor ay halos sampung minuto na siyang naktayo lang doon at wala nang tinatanaw nang dumating si Jacob upang daluhan siya. "E, ikaw, Jacob, okay ka lang ba?" tanong niya sa kaniyang kanang kamay. "Okay na okay. Nagkaro'n na kami ng deal ni Zani." "Good to hear," pormal ngunit sarkastikong tugon ni Arbor. "Salamat sa paglakad mo sa 'kin kay Zani. Matchmaker pala kayo ni Sabina, siya naman kasi ay napaglapit niya sina Egoy at Amor." "Narinig ko nga rin ang tungkol d'yan," simple niyang sagot kahit na gustong-gusto na sana itong singhalan ni Arbor. Sino ba ang hindi makakaisip na maging bayolente kung gayong malakas ang kutob niyang kung ano-ano na naman ang ginawang kalokohan ni Jacob? Kung gaano siya kilala ng tauhan niyang ito ay gayundin siya rito. Kaya nga ba kahit abala ito kay Zani ay talagang sinundan pa siya roon. "I'm sorry, Arb, tinulungan ko lang naman si Sabina na i-assess ang feelings niya sa 'yo." Sa patamad na paraan ay nilingon niya si Jacob. "Tinulungan mo siyang i-assess o ginulo mo lang siya?" "Tinulungan ko siya, kung naguluhan siya ay kasali 'yon sa proseso. Hindi ka pa naman kahit kailan nagmahal bago siya kaya wala kang alam sa ganyan." Arbor smirked. "At ikaw ay may alam?" "Hindi kasi bine-baby ang feelings, dude. Magalit ka man ngayon ay tapos na, naguguluhan man si Sabina ngayon 'yun ay dahil hindi mo siya dapat minamadali. Walang eksaktong araw, linggo o buwan ang pag-usad. Uusad lang siya sa mabilis na paraan kung matatanggap niya sa sarili niyang nagmamahal na siya at hindi siya nagmamahal na naman." "Ano bang pinagsasasabi mong kalokohan, Jacob?" mas inis lang na sambit niya. Balewalang iningusan siya nito. "Bigyan mo siya ng panahon na i-process at tunawin ang lahat sa kaniya. Hindi ka nagwagi sa goal mong gawin siyang kabit mo habang magkasama kayo ngayon dito, you know why? Mas naparamdam mo kasi sa kaniya na hindi siya option. Pinakilala mo siya sa lahat ng taong narito, sa pamilya mong narito. Hindi mo siya iniwan man lang habang nananatili kayong dalawa dito, ni hindi mo nga siya pinilit na tabihan ka." "At ang batang 'yon, hindi din naman siya nagtagumpay na umaktong maging kabit mo, mula't simula kasi, sa puso niya ay alam niyang magiging asawa ka na niya. Iyon ang mas nakadagdag sa kaniyang mga isipin. Sa ginawa kasi sa kaniya ng lalaking dapat ay mapapangasawa niya ay ayaw na sana niyang sumubok na muli," si Manang Vida, bigla itong sumulpot, may dalang isang tasa ng… gatas? "Dadalhin ko 'to kay Sabina para makatulong sa kaniyang pagtulog," anang matanda, tila nahulaan ang laman ng kaniyang isip. Tipid na tumango si Arbor. Pagkatapos ay napabuga na lamang siya ng hangin. O, pag-ibig, bakit ba ang komplikado mo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD