AiTenshi
April 2, 2017
Part 4
TV: Inilunsad na nga ng Magix Production ang pinaka bagong artistang gaganap sa remake ng Hollywood film na Brokeback Mountain. Masayang masayang ipinakilala ni Direk Limas ang major cast ng kanyang pinaka malaking proyekto. Ito ay sina Jevan Monsuni ang gaganap sa karakter na ginampanan ni Heath Ledger at si Albert Rogondola naman ang gaganap sa papel na ginampanan ni Jake Gyllenhaal. Bagamat may kaba ay kapwa nag hahanda ang dalawang aktor para sa kanilang natatanging role. Narito ang Chika ni Liza Mae Lawit.
"Salamat Mareng Winnie, nandito nga tayo ngayon sa prescon ng dalawang bida sa sinasabing pinaka malaking movie ng taon ang Brokeback Mountain pinoy adaption. At kasama nga natin ngayon sina Jevan Monsuni at Albert Rogondola para sa ating ilang katanungan. Umpisahan na natin, "Hi Jevan and Albert. Uumpisahan na ang shooting ng movie nyo, paano kayo nag hahanda?" tanong ng reporter.
Ngumiti si Albert at kinuha ng mikropono "Syempre nag double time ako sa pag wowork out ng katawan ko. At mag woworkshop rin ako para mas mag improve ang aking acting. Lalo ngayon na kakaibang role itong gaganapan ko."
"Ganoon din ako, work out at acting workshop. First time kong gaganap sa isang gay role kaya medyo kinakabahan pa ako sa magiging resulta ng shooting. Pero im sure na maganda ito lalo't si Direk Marko Limas ang gagawa." sagot naman ni Jevan.
"Nasabi ni Direk kanina na maraming bed sceen at kissing scene itong movie nyo, paano nyo ito pinag hahandaan?" muling tanong ni Liza.
"Propesyonal naman tayo kaya inihanda ko na yung sarili ko sa kissing scene. Wala namang problema basta maganda yung eksena." sagot ni Albert.
"Ganoon din ako, iyon nga lang ay hindi alam ng loveteam ko na may ganoong scene, baka magalit siya kapag nakita niyang nakikipag halikan ako sa kapwa ko lalaki." ang biro ni Jevan.
Tawanan sa buong set.
"Im sure mauunawaan naman ni Chalita ang eksena. Saka kayo na ba talaga? Diba love team lang kayo? Nauwi na ba sa totohanan ang lahat?" ang pang uusisa ng isa pang reporter.
"We are dating. At nag kakamabutihan na rin kahit papaano." ang matipid na sagot ni Jevan sabay bitiw ng makahulugang ngiti na para bang nag iiwan ng intriga para lalo siyang pag usapan.
Hindi ko na kinaya ang kaplastikan ng mga cast kaya naman pinatay ko na lang ang TV sabay bitiw ng isang malalim na buntong hininga.
Tahimik..
"Huwag kana kasi nanonood ng ganyan para di ka naapektuhan." ang puna ni mama noong pumasok ito sa sala at makitang nasa ganoon akong reaksyon.
"Hindi naman ma, wala na sa akin iyon." sagot ko naman.
"Teka ayos lang ba kay Dada na umalis ka doon sa siyudad? Paano yung unit mo?" ang tanong ni mama.
"Nag paalam na ako kay Dada kaya okay na. Saka siya na muna ang bahala doon sa tinitirhan ko. Sa ngayon ay aayusin ko muna ang mga requirement para sa pag aaral ko." tugon ko.
Tumabi sa akin si mama at inakbayan ako nito. "Sigurado kaba na iyan talaga ang gusto mo? Bakit bakas na bakas sa mukha mo ang lungkot? Nanay mo ako, alam ko at nararamdaman ko kung malungkot ka o masaya sa mga bagay na ginagawa mo. Hindi tama na takasan mo ang bagay na gusto mo dahil lang minsan kang nabigo. Lahat tayo ay dumadaan sa samut saring pag subok. Kaya nga sinasabing ang buhay ay parang gulong diba? Minsan iikot ito at mapupunta tayo sa pinaka ilalim kung saan maraming problema at pag subok. Maya maya ay iikot nanaman ito kung saan mapupunta tayo sa itaas kung saan matagumpay tayo at masaya. Ramdam kong mabigat ang kalooban mo, kahit ngumiti ka ay hindi mo ako maloloko." ang seryosong wika ni mama.
Natahimik naman ako at tila kinatukan ng tubo sa ulo. "Masaya naman ako ma, ang kailangan ko lang gawin ay huminga ng malalim at humakbang patungo sa pag babago. Ang pag layo ko sa industriya ng showbiz ay hindi naman nangangahulugang pag takas, nag iipon lang ako ng lakas ng loob para mag simula muli. Parang sa bola, tatama ka lupa at kakaldag pataas, mas mataas kaysa sa dati. Humakbang lang ako ng isang hakbang paatras upang sa aking pag sulong ay tiyak kong tama na ang magagawang pag lalakad patungo sa mga bagay na talagang mag papasaya sa akin." ang sagot ko naman.
"Kung ano man ang mga bagay na iyon na mag papasaya sa iyo ay nandito lang ako, nandito kami ng iyong papa." wika ni mama sabay yakap sa akin.
"Salamat po ma" bulong ko habang naka yakap rin sa kanya.
Tama nga si mama, kahit ipinapakita ko sa kanila na masaya ako ay nababakas pa rin pala ito sa aking mata. At sa tingin ko ay hindi ko ito maaaring ikubli sa mga taong tunay na nag mamahal sa akin. Hindi pa rin kumukupas ang suporta nina mama sa akin kahit minsan ko na silang nasaktan at binigo. Sa ngayon, ang inspirasyon na nakukuha ko sa kanila ang tanging bagay na pinang hahawakan ko upang maging malakas.
Sa pag lipas ng mga linggo ang pangalang Kiko Peralta ay hindi na naibabalita sa telebisyon. Parang isang bulang nag laho sa liwanag ang aking karera. Minsan ay napapaanood ko pa rin ang sitcom kung saan ako lumalabas, hinahanap hanap ko pa rin ang saya ng taping kasama ang aking mga katrabaho. Kahit ba sabit lamang ako doon ay ayos lang, malaking bagay pa rin iyon para sa akin. At ang ala-ala ng tuwa ay hindi mawawala sa aking puso't isipan.
Balik normal na rin ang aking buhay, nag aayos ako ng mga requirements para sa aking pag aaral at kapag hapon naman ay madalas akong mag laro ng basketball kasama ng aking mga kabarkada sa barangay. Dating gawi pa rin, ang artistang si Kiko ay naging tambay na ulit at madalas nakikitang pawisan habang nag lalakad pauwi sa kalsada.
"Oy Kiko, anong kadramahan ba iyan? Bakit hindi kana bumalik dito? Kaloka ka ang paalam mo sa akin ay isang linggo lang." ang wika ni Dada sa telepono.
"Nag aayos ako ng requirements ko para sa pasukan. Bakit ba?" ang tanong ko naman.
"Syempre hahanapin kita at tinatanong ka ng direktor mo sa sitcom. Bakit hindi ka na daw nag pupunta doon? Wa appear na ang Mr. Pogi ng Cabanatuan City." ang tugon niya.
"Weh, di nga ako kilala ng direktor na iyon. Sa mukha lang niya ako kilala tapos ay wala na." sagot ko.
"Hay nako Kiko, uuwi ako dyan next week at kakausapin kita. Kung ano anong pumapasok dyan sa isip mo eh, napapabayaan mo na ang career mo."
"Wala naman akong career." pang aasar sabay patay sa telepono.
Tatlo kaming alaga ni Dada, yung isa ay babae na sinasabak sa pag momodelo at madalas na gineguest sa mga gag show dahil may pag ka komedyante ito. Yung isa naman ay lalaki, singer at madalas rumaraket sa mga bar. Sa aming tatlo, ako ang pinaka malakas kumita kaya't tiyak na hindi papayag di Dada na mawala ako ng basta basta. Bilib rin naman ako sa kanya dahil mahusay siyang humanap ng raket at trabaho para sa amin. Bagamat hindi ito kalakihan ay hindi pa rin kami nawawalan.
"Dapat ay nag paalam ka ng maayos kay Dada para nag kaintindihan kayo." wika ni papa habang abala sa pag babasa ng Dyaryo.
"Kung sinabi ko ang totoo baka hindi niya pinayagang umuwi. Saka hindi naman ako kailangan sa sitcom, madalas ay dalawa o tatlong linya lang naman ang binibitiwan ko. Kung minsan pa nga ay dadaan lang ako sa kamera o yung nasa likod lang ng bida." sagot ko
"Alam ko, nanonood kami ng mama mo noon. At ayos lang sa amin kung maliit ang parte mo. Basta mahagip ka lang ng camera at makita namin ikaw sa tv ay masaya na kami. Yung ibang tao nga diyan ay mai close up lang sa mga game show ay masayang masaya na at pinag sisigawan na artista na sila. Iba iba ang kaligayahan ng tao anak, minsan matuto tayong tumanaw sa maliit na bagay dahil kung wala ito ay walang malaki pag kakataon na darating sa iyo." paliwanag ni papaa dahilan para matahimik nanaman ako.
"Pasensya na pa, minsan ay nakakalimutan ko ang ganoong bagay dahil masyado akong natatalo ng aking emosyon. Kung ano man ang gusot na ito ay maaayos ko rin. Nag hihintay lang ako ng tamang pag kakataon." sagot ko naman.
Inakbayan ako ni Papa at maya maya ay kumuha siya ng dalawang boteng alak sa ref. Ibuksan niya ito at iniabot sa akin ang isa.
Maya maya ay ngumiti siya at lumagok "huwag mo masyadong dibdibin ang problema, hayaan mong ang problema ang dumibdib sa iyo."
Natawa nalang ako at idinikit ang aking bote sa kanyang hawak. "Cheers pa.."
Noong gabi rin iyon ay marami pa kaming pinag kwentuhan ni papa, pati yung panliligaw niya kay mama ay naikwento na rin niya. Iyon nga lang ay lumalabas na si mama pa ang atat na atat sa kanya. Kung sa bagay, ganoon naman talaga lahat ng tatay laging ikinukwento sa kanilang mga anak na sila ang hinahabol. Kaya ayun, noong narinig kami ni mama ay asar na asar ito at kapwa kami kinatukan sa ulo.
Gayon pa man, panandalian kong nakalimutan ang lungkot dahil sa pag mamahal ng aking mga magulang..
Itutuloy..