Limelight
AiTenshi
April 4, 2017
Part 5
"Nak, ang aga mo ah. Kamusta ang lakad mo?" ang tanong ni mama noong dumating ako sa bahay.
"Sabi nung admin ay kailangan ko raw irelease ang transcript ko sa nakaraan kong school kung mag papa credit ako sa subjects. Sayang naman kasi iyon kung uulitin ko pa." ang paliwanag ko naman.
"Ganoon ba? Gusto mo ba ay pumunta ako sa dati mong paaralan at ako na ang mag lalabas ng records mo doon?" tanong ni mama.
"Hindi na ma, kayang kaya ko na iyon. Nakaka ilang lang dahil pinag titinginan ako nung mga estudyante doon sa school. Lalo na noong pumasok ako sa Mcdo sa Crossing. Para akong kriminal na tinititigan, hindi tuloy ako naka kain ng maayos." reklamo ko.
"Tinititigan ka dahil gwapo ka at siguro ay namumukhaan ka nila. Ngitian mo lang sila o kaya ay huwag mo nalang pansinin." ang wika ni mama at tumayo ito para ipag handa ako ng makakain.
Halos dalawang araw na rin akong pabalik balik sa isang pribadong paaralan dito sa aming siyudad. Sinisimulan ko na kasing ayusin ang aking records para hindi na ako mahirapan sa pag eenrol. Nais kong ituloy ang aking kursong Tourism Management. At dahil nga ayokong umulit ng 1st year ay kinakailangan kong kuhanin ang records ko sa dating paaralan kung saan na kick out ako dahil sa pag labas ko sa isang R18 na indie film. Hindi naman na ako nag paliwanag, ni hindi ko na rin pinag tanggol ang aking sarili laban sa issue na iyon. Basta hinayaan ko nalang na gumawa sila ng ganoong aksyon at hindi ko na ito pinansin pa.
TV: Samantala, balitang showbiz naman tayo. Jevan Monsuni na spotan ng ilang fans kasama ang humored girl friend na si Chalita Suarez sa isang sikat na resort sa Palawan. Sweet na sweet ang dalawa habang makatabi sa cottage, suot ni Chalita ang kanyang pinaka sexing swimsuit na siya mismo ang nag desenyo at ibinandera rin naman si Jevan ang kanyang magandang katawan sa pamamagitan ng pag popost ng mga larawan sa kanyang social media account.
Samantala, Direk Limas nag salita na tungkol sa pag kaka postponed umano ng shooting ng bagong pelikulang Brokeback Mountain na sana ay sisimulan ngayon."
Turn Off..
Pinatay ko ang telebisyon. Ewan, basta ayokong nakikita ang kahit na anong patungkol sa pelikulang iyon. Bitter na kung bitter basta ayoko. Naalala ko lang yung pang lalait na ginawa sa akin mula ulo hanggang paa. Isang buwan akong nag pakamatay sa pag ggym at pag wowork out para lang gumanda ang katawan ko pag katapos ay puro negatibong komento ang ibabato nila sa akin. Parang mga perpekto, para sila lang ang anak ng Diyos!
"Kiko naka handa na ang pag kain, pumunta kana doon sa kusina bago pa lumamig ang sabaw." pag tawag ni mama.
"Opo ma, nga pala naiwan ko yung cellphone kanina dito. Naitabi mo ba?" tanong ko.
"Oo nandoon sa drawer. Parati mong naiiwan ang cellphone mo sa cr. Iwasan mo na kasi ang mag music habang naliligo. Sumasayaw ka ba sa loob ng banyo?" ang tanong ni mama dahilan para matawa ako. "Hindi ma, mas nakalalibang kasi ang may music. Kahit naman doon sa yunit ko ay ganoon rin ako."
"Hindi ko naman alam patayin kaya inilagay ko na lang sa drawer nang tumutugtog. Saka isa pa ay maraming tumatawag sa sa iyo. Kanina pa rin iyan ring ng ring." ang puna ni mama sabay abot ng cp sa kamay ko. Dito nga ay nakita kong mayroon ako 18 missed calls. Ang 7 dito ay kay Dada, ang 5 ay sa mga alaga niya. At ang 6 naman ay mga numero lang na hindi ko kilala. Marahil ay asar na asar na sa akin ang handler ko dahil halos dalawang buwan na akong hindi nag papakita sa kanila.
"Bakit pinag tataguan mo si Dada? Para ka tuloy wanted niyan eh." wika ni mama.
"Hindi naman po ma, baka tungkol lang doon sa unit ko. Isang buwan na kasi akong di nakabayad."
"Natural naman dahil halos 2 months kanang di naka tira doon."
"Kaya nga po ma, kaya dapat ay si Dada at yung dalawang alaga niya ang mag bayad kasi sila ang nandoon ngayon." sagot ko naman habang abala sa pag subo ng pag kain. "Ma, pengeng kanin."
"Aba, nag papataba ka ba? Ang akala ko ay nag papa abs ka? Pero mainam iyan, hindi naman bagay sa iyo ang ganyang kapayat."
"Maa, di ako payat. Fit and toned itong katawan ko. Payat na may muscles. Ganito ang uso sa mga kasamahan ko sa set."
"Oo nga anak, ang hindi ko lang maunawaan ay kung bakit kailangan maganda ang katawan? Mayroon naman mga payat o mataba na sikat na sikat ngayon." pag tataka ni mama.
"Sila yung may mga stable na name sa industriya kaya't kahit anong looks nila ay ayos lang. Para naman sa amin na freelance ay dapat presentable kaya nag papaganda ng katawan. Saka sa panahon na to kahit panget ang mukha basta maputi at maganda ang katawan ay gwapo na rin. At kapag naman maganda o gwapo ang mukha mo pero di ganoon kaganda ang katawan mo tiyak na ieedit nila ang larawan mo sa social media at lalagyan ka ng mansanas sa bibig kalakip nito ang nakakatuwang meme. Isshare nila iyon hanggang sa sumikat ka dahil sa kaliwat kanang pang lalait sayo." paliwanag ko.
"Alam mo naman ang social media, karaniwan sa mga tao dito ay perfectionist. Kapag nag post ka ng english at may maling grammar ay tiyak pupunahin nila ito at pag tatawanan. Kapag naman may hindi magandang nakita sa saiyo o may nakakatuwang bagay sa iyo ay kukuhanan nila ito ng larawan at ipopost doon. Ang kapangyarihan kasi ngayon ay nasa kamay na rin ng tao. Pero ako ay sanay na rin na nakikita kang binubully sa mga ganoong sites. Basta huwag kang mag papa apekto dito." hirit ni mama.
"Talagang kasama ako sa example mama?" pag mamaktol ko.
Tawanan..
Dahil wala naman akong gagawin buong mag hapon ay nag tungo nalang ako sa gym para mag pa pawis. Wala namang ibang tao rito kundi yung mga kabarkada ko lang kaya nakakalibang rin na lumibot paminsan minsan. Nakakatuwa lang isipin na yung mga kaibigan ko rito ay hindi nag bago ng pakikitungo sa akin kahit na lumayo ako sa kanila. Iyon nga lang, parati silang nag papalibre dahil ang akala nila ay mayaman na ako, bagamat kantiyaw lang ay pinag bibigyan ko pa rin ang biro nila.
"Kaya miss na miss ko si Pareng Kiko e, parating may pa pizza." ang hirit ni Jack ang isa sa kababata ko dito sa barangay.
"Ang lalakas nyo kumain, paanong gaganda ang katawan niyo nyan? Lalo kana Jack, sabi ng mama mo ay bawas bawasan mo ang pag kain ng kanin at highblood kana." biro ko habang abala sa pag takbo sa thread mill.
"Ayos lang, masarap kumain eh. Halika na rito, itigil mo na ang pag takbo dyan." pag yaya ni Jack.
"15 mins pa, nag papa pawis nga ako eh." sagot ko naman habang tumatagaktak ang pawis sa katawan. "Tangina sexy mo pre, ganda ng likod mo oh. Tambok ng pwet mo." biro ni Jack na parang takam na takam.
"Gago! Nabakla kana naman!" ang biro ko rin.
Patuloy ako sa pag takbo habang ang mga kabarkada ko naman ay abala sa pag nguya. Kami lang naman ang tao dito sa loob ng gym kaya kahit mag ingay kami ay ayos lang. Isa pa ay tito ko naman ang may ari nito kaya minsan ay iniiwan nalang sa akin ang susi.
Naalala ko nga noong lumaban ako ng Pageant, halos buong araw ako dito sa gym. Pinangarap ko kasing makuha ang Best in Swimwear isa sa pinaka major award pero sa kabila ng pagod ko at pag sisikap na pagandahin ang aking katawan ay hindi ko pa rin ito nakuha. Di daw kasi ako magaling mag dala kaya natalo ako. Mas nanalo pa yung mas mataba sa akin na parang pinabayaan sa kusina ng isang linggo.
Tahimik..
"Tang ina pare, totoo ba ito? Si Albert Rogondola ay inaresto dahil nahulihan ng drugs sa kanyang sasakyan. Dali buksan nyo yung tv nasa balita siya." ang wika ng isa kong kaibigan habang abala sa pag scroll down ng kanyang tablet. Agad naman tumayo si Jack para buksan ang tv sa loob ng gym. At dito nga agad bumulaga sa amin ang isang balita.
REPORTER: Kagabi ay nakuha sa loob sasakyan ni Rogondola ang isang sachet ng hinihinalang mataas na uri ng shabu. Agad namang dinala ang aktor sa presinto upang mag paliwanag. Gayon pa man ay pansamantalang pinalaya ang aktor matapos mapiyansa ang kanyang abugado. Nangako namaan ang pamilya ni Albert na dadalhin sa rehabilitation center ang aktor upang maka recover ito mula sa addiction. Isa lamang si Rogondola sa mga artistang nahulihan ng shabu at drugs sa kanilang mga personal na kagamitan. Inaasahang mas dadami pa ang listahan ng mga celebrity na lulong sa drugs sa susunod na buwan.
"Umamin naman si Albert tungkol sa pag gamit nga niya ng drugs. Pero minsan lang daw niya sinubok ito upang gumanda ang kanyang katawan. Sa ngayon ay pansamatala siyang pinalaya upang dalhin sa rehabilitation center at maituloy ang kanyang karera sa showbiz" ang paliwanag ng pulisya habang iniaayos ang records ng aktor.
Tumanggi namang mag bigay ng pahayag ang pamilya ni Rogondola ukol sa usapin. Mas pinili nilang manahimik upang hindi na lumala ang isyu ng pag kakasakot ni Albert sa pag gamit ng ipinag babawal na gamot.
Samantala kaugnay nito ay nag bigay na ang pahayag si Direk Limas tungkol sa opisyal na pag kaka alis ni Albert Rogondola sa Pelikulang Brokeback Mountain. Ito rin umano ang dahilan kung bakit na postponed ang simula ng kanilang taping. At ayon pa sa direktor ang papalit kay Albert Rogondola ay ang pumangalawa sa kanya sa audition na si Mark Kiko Peralta na ngayon ay balitang nawawala at hindi pa natatagpuan.
Si Kiko baguhan pa lamang sa industriya ngunit naka kitaan na ito ng kagalingan sa pag arte. Makikita ang baguhang artor na ito sa sitcom na "Skul Trobol". Lumabas na rin siya sa ilang pelikula katulad ng "Patayin sa Kiliti si Nestor" at "Tukso, Lapitan mo ako." Sa ngayon ay pinag paplanuhan pa kung kailan sisimulan ang taping at ang panibagong prescon ng mga characters. Nag babalik sa iyo Pareng Kaka."
Tahimik sa gym..
"Tangina, si Kiko na ang pumalit kay Albert! Tangina!!" ang sigaw ni Jack
Ako naman ay nabigla rin at nawala sa balanse sa pag takbo sa thread mill kaya natumba ako at tumama ang ulo sa hawakan. Nag tuloy tuloy aking katawan na tumilapon sa sahig na ikinagulat ng lahat.
Nakaramdam ako ng kakaibang kaba at pag kahilo noong mga sandaling iyon habang naka bulagta sa lupa.
"Tol, ayos ka lang ba?!" ang tanong ng mga kaibigan ko.
"Tangina dumudugo ang ulo mo pare! Tawagin nyo si Tito!" ang sigaw ni Jack. Samantalang ako naman ay wala sa sarili at parang hindi makapaniwala sa nangyayari. Tulala ako habang binubuhat ng mga kabarkada ko na parang litson baboy na tinuhog sa kawayan.
"Anong nangyari?" tanong ni tito
"Eh si Kiko po naaksidente sa thread mill. Na out of balance matapos siya ibalita sa TV." ang wika nila na hindi malaman kung mag aalala o matatawa.
"Oh ano naman ang kinalaman ng balita sa pag kaka aksidente nya? Nakuppp!! Pumutok pala ang ulo nito!! Dalhin na to sa ospital, kunin mo yung jeep at tawagan mo ang mama nya." pag aapura ni Tito.
Noong mga oras na iyon ay gusto kong sumigaw sa sobrang tuwa ngunit umiikot naman ang aking paningin habang tumutulo ang pawis sa aking katawan. Pinag halong excitement, pagod, kaba at sakit ng ulo ang lumukob sa aking buong pag katao. Wala tuloy akong nagawa kundi ang ipikit ang aking mata at mag panggap na nawalan ng malay habang ikinakarga sa jeep na animo sako ng palay.
Itutuloy..