TWO DAYS LATER
“MAGANDA ang anak-anakan mo, at mukha ring masarap,” si Mauricio iyon, ang kaibigan niya sa kulungan na kalalaya lang at siyang pinagtatrabaho niya para mahanap si Portia. Iyon ang araw ng dalaw nito sa kanya sa piitan.
“Paano mo siya nahanap?” ang hindi makapaniwala niyang tanong dahil bilis ng development ng pabor na hinihingi niya sa kaibigan.
“Madali na ang lahat ngayon, lalo at may social media na. Nasundan ko siya noong isang gabi, ang problema nagawa niyang sumakay sa isang kotse, hindi ko alam baka nobyo niya iyon na naghihintay sa kanya,” si Mauricio na ngumisi ulit.
Isang mapanganib na ngisi ang sumilay sa mga labi ni Lauro bago nagsalita. “Pagbabayaran ng batang iyon ang lahat. Kung hindi dahil sa kanya, sana ay wala ako ngayon dito,” saka pa sinundan ang sinabi ng mahinang tawa. “at kung sinasabi mong kotse ang sinakyan niya, baka nga mayaman ang nobyo o napangasawa niya. Hindi tayo mahihirapan sa pera kung sakali. Ang kailangan lang ay makalabas ako dito,” aniyang sinadyang hinaan ang boses para hindi marinig ng iba.
Tumango-tango si Mauricio. “Tutulungan kita, sa edad kong ito na singkuwenta at sa tagal ko dito sa loob ay hindi pa ulit ako nakakatikim ng kasing tisay ng anak-anakan mo. Kundi ba naman kasi bugok iyong asawa ako, ipinagpalit ako sa Kano.”
Tumawa siya. “Ang mga babae, sakit sa ulo at kalbaryo lang sa buhay kaya dapat lang na magdusa sila. Kailangan niyang pagbayaran ang lahat, walang anuman sa akin bumalik man ako dito pagkatapos, ang importante makaganti ako,” totoo iyon sa loob niya.
At ngayon palang parang nakikita na niya ang anak-anakan niyang umiiyak at nagmamakaawa para lang buhayin niya. Dahil papatayin niya ito, kagaya narin ng ginawa nitong pagnanakaw sa buhay niya sa loob ng apat na taon niya sa piitin.
Sampung taon sintensya sa kaniya doon. Pero wala sa plano niya ang maghintay ng ganoon katagal. Dahil gaya narin ng sinabi niya. Kailangan niyang makalabas doon para maisagawa ang kanyang plano.
Kailangan niyang makapaghiganti at kailangan niyang mabigyan ng hustisya ang lahat ng kaapihan na dinanas niya dahil kay Portia at sa hipag niyang si Cecil.
Noon naramdaman ni Lauro ang sakit na biglang gumuhit sa kaniyang dibdib.
Sakit na may halong galit.
Pero kung tutuusin hindi lang basta galit ang nararamdaman niya kundi pagkasuklam, pagkapoot. Dahil nasira ang masayang buhay sana niya kasama si Janet.
Alam naman niya noon pa man na hindi siya gusto ni Cecil.
Noong simula ay hindi naman mahalaga sa kaniya gustuhin man siya o hindi ng kaniyang hipag. Ang pinaniniwalaan kasi niya basta silang dalawa ni Janet ang nagkakaunawaan ay iyon ang pinakamahalaga sa lahat. Pero hindi rin pala sa lahat ng pagkakataon ay totoo ang kasabihan na iyon. Dahil malakas na impluwensya ang mga in laws sa pagsasama ng isang mag-asawa.
At malaki ang paniniwala niya na sinusulsulan ni Cecil si Janet para pagtaguan siya ng pera ng huli.
Kung hindi lang naman sa pagdadamot sa kaniya ni Janet sa bawat sandaling humihingi siya ng pera rito para ipambili at pantustos sa bisyo niya ay hindi niya ito masasaktan. Kasalanan rin nito ang lahat dahil madamot ito. At iyon ang nagiging dahilan kaya napagbubuhatan niya ito ng kamay.
"Kung sakali ba saan ako pwedeng manuluyan?" tanong niya kay Mauricio makalipas ang ilang sandali ng kaniyang pananahimik dahil sa malalim na pag-iisip.
"May alam ako na hindi ka matutunton habang nagtatago ka. At doon din natin itatago ang anak-anakan mo kapag nakuha na natin siya," sagot ng kaibigan niyang tumawa pa ng makahulugan.
Tumango siya. "Basta ang usapan kung magkano man makukuha nating pera tig-singkuwenta porsiyento ang hatian nating dalawa, walang lamangan," wika pa niya sa tono na may katiyakan.
"Walang problema, at isa pa may tiwala naman ako sa'yo. Magkaibigan tayo," anitong tinapik pa siya sa balikat habang bakas ang kasiglahan sa tinig.
Muling tumango si Lauro sa sinabing iyon ng kaibigan niya. Habang sa isip niya ay pinagpaplanuhan na niya kung ano ang klase ng pagpapahirap ang gagawin niya sa dalawang animal na magtiyahin na naging dahilan ng pagkasira ng buhay niya.
*****
“HINDI ko alam na may itinatago ka palang katorpehan?" biro ni Vincent sa matalik na kaibigan na si Stephen hapon nang bisitahin siya nito sa kaniyang opisina. "pero mas maganda kung aaminin mo na sa kanya ang totoo mong nararamdaman kaysa maunahan ka pa ng kung sino,” payo pa niya rito na bagaman hindi nagbabago ang tono ng kaniyang pananalita ay alam niyang alam ng kaniyang kausap na totoo sa loob niya ang kaniyang sinabi.
Umiiling kasabay ang pagsilay ng nahihiyang ngiti ay nagsalita si Steven. “Hindi ko alam kung paano,” anitong sinundan pa ang sinabi ng mahinang tawa.
Umangat ang makakapal na kilay ni Vincent sa sinabing iyon ng kaibigan.
Manager sa isang real estate company si Stephen. Mula elementary ay kasama na niya kaya kilalang-kilala niya ang ugali nito.
Sa kanilang dalawa si Stevphn ang mas matinik sa babae. Dahil siya kahit sabihin pang hindi niya hinahayaang mahulog siya ng husto sa isang mas malalim na relasyon, never niyang ginawang pagsabay-sabayin ang mga babae. Pero si Stephen ay ginagawa iyon.
At ang nakapagpapa-amuse pa sa kanya, hindi iyong lingid sa mga babaeng karelasyon nito. Ibig sabihin, sa umpisa palang ay alam na ng mga itong hindi lang iisa ang nobya ng kaibigan niya. And in fairness, effective. Dahil bukod sa iwas gulo, ayon kay Stephen ay nama-manage nito ng maayos ang schedule nito pagdating sa mga nobya ng binata.
“Parang gusto ko nang maniwalang ang isang dakilang playboy ay talagang nagta-transform into a torpe type kapag tinamaan ng tunay na pag-ibig,” aniyang tumawa ng malakas. “tell me, who’s the lucky girl?” dugtong pa niyang tanong.
Naiiling habang nanatiling nakatawa lang na sumagot si Steven. “Si Zaida,” anito.
Sukat sa narinig ay kusang napanganga si Vincent.
Kilala niya si Zaida dahil schoolmate nila ito noong kolehiyo at kaibigan ng Papa niya ang Daddy nito. Pero hindi ang inamin ng kaibigan niya ang dahilan kung bakit para siyang nawala sa sarili niya. Kundi ang pinag-usapan nila ng ama niya ilang araw ang nakalipas matapos ang biglaang pagsakay ni Portia sa loob ng kotse niya.
Sa huling naisip ay wala sa loob siyang napangiti. Sa loob ng halos kalahating oras na pagkakasakay ng babae sa sasakyan niya ni hindi sumagi sa isipan niya ang hingin ang number nito. Pero sa kabila noon ay wala siyang panghihinayang na nararamdaman dahil ang totoo payapa ang kalooban niya. Ayaw man kasi niyang aminin pero malakas ang pakiramdam niyang muli niya itong makikita.