“HINDI pwede ang gusto ninyong mangyari Papa, hindi naman fair iyon sa akin at kay Zaida,” giit niya matapos ilahad ng ama niya sa kaniya ang dahilan kaya siya nito ipinatawag sa library.
“Hindi pwede? Bakit hindi pwede?” bakas ang iritasyon sa tono ng Papa niya at hindi man niya aminin ay naapektuhan siya doon. Ganoon naman siya, malaki ang respeto at takot niya sa Papa niya. Pero hindi niya iyon ipinahahalata lalo na sa mga pagkakataong may gusto itong ipagawa sa kanya na sobrang labag sa kaniyang kalooban.
Noon siya nagpakawala ng isang mabigat na buntong hininga saka nagpaliwanag. “Sinabi ko naman sa inyo hindi ba? Kung magpapakasal rin lang ako, doon na sa babaeng mahal ko? Hindi naman simple lang ang gusto ninyong mangyari eh, ang hinihingi ninyo sa akin ay buong buhay ko, kaya paano naman ako papayag sa gusto ninyong mangyari?" ang mahaba niyang sabi.
Tumawa ng mahina ang ama niya na para bang walang katuturan lang ng sinabi niyang iyong rito. At kahit hindi niya aminin, alam ni Vincent sa sarili niya mismo na nakaramdam siya ng matinding iristasyon. Pero dahil sa katotohanan na tatay niya ang kausap niya ngayon ay pinipili parin niyang magpigil at huwag ipahalata ang nararamdaman niyang iyon sa kaniyang ama.
“Don’t give me that crap hijo. Alam mo bang kagaya ng gusto kong ipagawa sa’yo ngayon ay ang kaparehong pabor rin ang hiningi sa akin ng mga magulang ko noon?”
Matagal niyang pinakatitigan ang mukha ng kanyang ama.
“Really? Pero akala ko matagal nang kayo ni Mama bago kayo nagpakasal?”
Nagkibit ng balikat ang papa niya saka muling nagsalita. “I lied, iba ang nobya ko noon na talagang mahal na mahal ko siya,” nasa tono naman ng ama niya ang huling sinabi.
At dahil narin sa labis na pagmamahal sa namayapang ina ay hindi niya napigilan ni Vincent ang makaramdam ng manibugho para rito. Pero saglit lang iyon dahil minabuti rin naman niyang walain kaagad.
“And si Mama?” hindi niya ginusto ang magtonong tila inuusig ang sariling ama pero ganoon parin ang kinalabasan.
Nagyuko ng ulo nito ang papa niya saka nagsalita. “Minahal ko siya at siya ang nagturo sa akin na ang pag-ibig ay napag-aaralan at pinipili. Ganoon ang nangyari sa akin at naging masaya ako sa kalaunan,” nakita niya sa mga mata ng ama niya ang kakaibang kislap sa mga iyon at sapat na iyon para maibsan ang selos na nararamdaman niya para sa kanyang mama.
Naiiling nalang siyang nagyuko ng ulo saka natawa. “Hindi parin ako kumbinsido Papa, I’m sorry,” aniyang tinitigan ng tuwid ang mga mata ng kaniyang ama pagkatapos.
Tila nahahapo namang isinandal ni Vicente ang likuran sa sandalan ng silya saka nagbuntong hininga. “Really?”
“Yes of course. Papa kahit naman ganito ako ngayon,” ang tinutukoy niya ay ang pagiging mapaglaro niya sa mga babae, “naniniwala parin ako na kailangan ay mahal mo ang babaeng ihaharap mo sa altar. At hindi lang basta mahal, kailangan iyon ang ang tipo na nararamdaman mong hindi mo makakaya at kinatatakutan mong mawala. Iyong klase ng pagmamahal na hindi mo maipaliwanag kasi alam mong walang katumbas na kahit anong salita. At ganoon ang hinahanap ko Papa, at wala akong maramdaman para sa babaeng pinapagusto ninyo sa akin, I'm sorry,” totoo iyon sa loob niya.
Parang walang anumang nagkibit lang ng balikat ang Papa niya saka nagsalita na mataman ang pagkakatitig sa kanya.
“Kaya mo na pala akong suwayin ngayon?” anito sa tinig na nangungunsensya pero katulad ng usual nitong tono ay napakahinahon parin nito at totoong mabilis siyang tinalaban noon.
Hindi niya sigurado pero parang alam na ng Papa niyang weakness niya ang ganoon kaya tuwing may gusto itong ipagawa sa kaniya na labas sa kalooban niya ay palagi ring ganoon ang tono na ginagamit nito sa kaniya kaya sa huli ay nakukuha rin nito ang gusto nito. Dahil nakunsensya siya.
“H-Hindi naman sa ganoon Pa,” paglilinaw niya pero mabilis na iwinasiwas ni Vincente ang isang kamay nito na tila nagsasabing huwag na siyang magsalita dahil hindi rin naman nito iyon paniniwalaan.
“Sabihin mo nga sa akin hijo, sinong babaeng naging karelasyon mo na ang hindi nagpakita ng interes sa lahat ng mayroon ka?” parang hinahamon siyang tanong sa kaniyang ng kaniyang ama.
Noon siya napaisip at nang hindi makasagot ay muling nagsalita si Vicente. “See? Nakikita mo na ba ang dahilan kung bakit gusto ko si Zaida para sa’yo?”
Napatango siya nang makuha ang ibig ipaunawa sa kanya ng ama pero mabilis rin namang nagpaliwanag.
“The same reason kaya hindi ko hinahayaang mahulog ako sa kanila, kasi alam ko ang totoo,” katwiran niya.
“Makinig ka anak, gaya ng sinabi ko sa’yo, nanggaling na ako diyan. Pero sa dahil ginusto ko, dahil pinili ko, naging masaya ako sa piling ng Mama mo. Kaya alam kong pwede ring mangyari iyon sa’yo,” sa tono ng pananalita ni Vicente ay halatang gustong-gusto nito si Zaida para sa kanya.
Pero hindi ganoon kadali ang lahat, kaya hindi siya papayag na makasal sa babaeng hindi niya mahal. Dahil una sa lahat, katulad narin ng sinabi niya kanina, kinabukasan at kaligayahan niyang pang-habang buhay ang nakataya rito.
Nagbuka siya ng bibig para sana magpaliwanag pero mabilis siyang napigil nang senyasan siya ng papa niyang ito muna. “I’m willing to do you a favor kung ganoon,” anito.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Vincent sa narinig. “Favor?”
“Yes, isang pabor. At kapag hindi mo nagawa wala kang choice kundi ang magpakasal kay Zaida. You can hate me for as long as you live pero gusto kong malaman mong ginagawa ko ito para narin sa kapakanan mo mismo at nang magiging mga apo ko sa’yo,” nasa tono ng ama niya ang pinaghalong determinasyon at pinalidad kaya out of respect and love ay alam niyang kailangan niyang sumunod.
Tumango siya. “Sige, anong pabor?”
Isang makahulugan at matagumpay nang ngiti ang pumunit sa mga labi ni Vicente sa tanong niyang iyon. “Hahayaan kita maghanap ng babaeng sa tingin mo ay mabuti para sa’yo pero sa isang kundisyon. Gusto ko ng isang simple at disenteng babae, kahit hindi mayaman walang problema.”
Napangiti si Vincent. “Right, thanks,” aniyang tuwang-tuwa.
“Sandali lang, hindi pa tapos,” putol ng papa niya sa kanya. “kailangan ay mailihim mo sa kanya ang totoo mong pagkatao. You know what I mean? Kailangan ay makilala ka niya bilang isang simple at ordinaryong binata lang. Hindi mayaman at walang kayamanan na nakatakdang manahin, walang sariling negosyo. Kapag nagawa mo ito, hindi na kita pipilitin na pakasalan mo si Zaida” ang kanyang ama.
“Papa!” protesta niya.
Umiling ng nangingiti ang kanyang ama. Sa mga mata nito ay tila ba nakikita na niya ang tagumpay. “In two months time, at kung hindi sisimulan na namin ng mga magulang ni Zaida ang pagsasaayos ng engagement ninyo.”