KABANATA 8 "CAN I GIVE YOU A RIDE HOME?"

1137 Words
LINGGO at kapag ganoong araw ay nakagawian na nila mula pa noong nabubuhay ang nanay niyang si Janet ang magsimba. Kahit naman noong bata pa siya at kasama pa nila ang stepfather niyang si Lauro ay ganoon narin ang gawi nila. Noong umpisa ay kasama nila ang amain niya pero sa kalaunan, simula nang magbago ito ay unti-unti na iyon nagbago hanggang sa tuluyan nang nawala. Madalas tinatanong niya sa sarili niya kung ano ba talaga ang ipinagdasala niya na hindi ibinigay sa kaniya ng Panginoon? Siguro iyon ay ang humaba pa ang buhay ng nanay niya para mas makasama niya ito ng matagal. Sino ba naman ang anak na hindi ginustong mangyari at maranasan ang ganoon? Lalo na sa isang katulad niyang lumaki na nakikita kung paano nahirapan si Janet hindi lang sa pagtaguyod sa kaniya kundi lalong higit sa lahat ng hindi magandang naging pagtrato rito ni Lauro? Pero totoo ngang mabait ang Diyos. At katulad ng sinasabi nila, hindi ka Nito bibigyan ng isang pagsubok na hindi mo kakayanin. Dahil kahit na sabihing nawala ng maaga ang nanay niya hindi parin naman siya nag-isa dahil kasama niya ang tiyahin niyang si Cecil. Pero sa kabila ng lahat, kailangan parin niyang aminin na marahil naging mas mabuti at masaya ang buhay niya kung nanatili silang tatlo na magkakasama. Siya, ang kaniyang ina at si Cecil. Kung tutuusin may mga pagkakataon parin naman na nakakaramdam siya ng lungkot at panghihinayang sa inabot ng pagsasama ng kaniyang ina at si Lauro pero tapos na iyon dahil wala namang ginawa ang amain niya kundi ang pahirapan nang pahirapan ang kaniyang ina.  “Kain tayo Tita?” kalalabas lang nila noon ng simbahan at napunang papadilim narin kaya naisipan niya itong yayain nang kumain sa labas. Ayaw naman kasi niyang pag-uwi nila ng bahay ay maggagayak pa ito ng kakainin nila. Well, tinutulungan naman niya ang tiyahin niya pero madalas ay nagpupumilit itong gawin ang lahat ibang mga gawaing bahay katulad ng pagluluto at sa pagkakataong ito parang mas gusto niyang i-treat ito ng masarap na hapunan sa isang kilalang kainan.  “para hindi na kayo magluto pag-uwi natin sa bahay,” dugtong pa niya. Mabait ang ngiting pumunit sa mga labi ng tiyahin niya. "Naku hindi na, magluluto nalang ako pag-uwi natin," at katulad na nga rin ng inasahan niya ang narinig niyang sagot mula rito. "Pumayag na kayo Tita, para hindi na kayo mapagod sa pagluluto at para pag-uwi natin ay manonood nalang tayo ng TV o kaya matutulog," pamimilit pa ni Portia.  Noon siya nakangiti paring tinitigan ng kaniyang tiyahin. Pagkatapos, nang marahil mapuna nito ang determinasyon sa kaniyang mukha ay magkakasunod na itong tumango.  “Ikaw ang bahala,” anito sa kanya. Sa isang na steak house niya dinala si Tita Cecil. Dinamihan talaga niya ang order ng pagkain para mabusog ito ng husto pero sa dakong huli ay ipinabalot lang din naman nila ang mga iyon para iuwi nalang. Kalalabas lang nila ng kainan at kasalukuyan ng nag-aabang ng masasakyang taxi nang lapitan siya ng kung sino. At nakapagtatakang sa isang iglap, nang magtama ang kanilang paningin ay nagkaroon ng kulay ang kanyang paligid. Gabi at madilim na noon dahil medyo nag-enjoy sila ng Tita Cecil niya sa pagkukwentuhan habang kumakain ng dinner kanina pero parang sumikat ang araw nang makita niya ang maganda nitong ngiti.  Si Vincent iyon, ang lalaking hindi niya inakalang muli pa niyang makikita matapos ang nakakatakot na gabi na kung tutuusin ay nagbibigay parin ng hindi maipaliwanag na trauma sa kaniya matapos iyong mangyari. ***** “HI, it’s so nice to see you again,” hind maunawaan ni Vincent pero totoong hindi niya makontrol ang paglapad ng kaniyang ngiti gawa ng kakaibang damdaming agad na namuo sa kanyang dibdib. Ang mga paa niya, kusang humakbang palapit sa kinatatayuan ng dalaga at ng kasama nitong babaeng sa tingin niya ay nasa sixty na ang edad. Pero sa kabila niyon ay bakas sa mukha ng ginang ang taglay na kagandahan noong kabataan nito. Malaki rin ang pagkakahawig nito kay Portia. “H-Hello,” ang tila nahihiya pang bati sa kanya ni Portia na nagdulot naman sa kanya ng amusement. “sa loob ka ba galing?” ang tinutukoy nito ay ang steak house sa kanilang likuran. Umiling siya. “I’m meeting a friend, pero mukhang hindi na darating,” ang tinutukoy niya ay si Irish, ang babaeng kasalukuyan niyang idine-date.  Nag-text ito sa kanya, galit dahil hindi nasunod ang gusto nitong sunduin niya ang babae sa condo nito mismo. At iyon ang dahilan kaya ayaw na nitong makipagkita sa kanya kaya hinayaan nalang niya. Tumango-tango si Portia. “Okay,” anitong ngumiti pagkatapos ng matipid nitong sagot na may pinalidad. Mabilis siyang nag-isip ng pwede pang sabihin. Ayaw niyang tapusin ang usapan nila at hindi niya maintindihan kung bakit. “Pauwi na ba kayo?” aniyang nginitian ang ginang na kasama ng dalaga. “Ay oo nga pala, si Tita Cecil,” pakilala ni Portia. “Tita, siya iyong lalaking naghatid sa akin sa may sakayan ng traysikel sa atin nung gabing may nakita akong bumubuntot sa akin paglabas ko galing ng trabaho? Si Vincent,” anito pa pagkatapos. Noon siya kumilos at nakangiting inilahad ang kamay sa ginang. Magaan ang loob niya rito kahit iyon ang una nilang pagkikita. Hindi na kasi niya kinausap si Portia nang gabing iyon na sumakay ito sa kotse niya. At isa pa, hanggang sa sakayan lang ng traysikel nagpahatid sa kanya ang dalaga. “Magandang gabi po, Tita Cecil. Ngayon alam ko na kung kanino nagmana ng kagandahan itong si Portia,” totoo iyon at hindi siya nambobola o nagpapalakas lang. Sa huling naisip ay natigilan siya saka lihim na tinawanan ang sarili. Magpalakas? Bakit niya gagawin iyon? At noon na nga bumalik sa isipan niya ang ibinigay na payo sa kanya ni Steven. Wala sa loob niyang pinakatitigan ang mukha ni Portia. Kung tutuusin hindi ito ang tipo niyang babae. Simple kasi si Portia habang ang lahat halos ng mga naging nobya niya ay pustura at laging nakaayos.  Pero kahit hindi niya aminin, alam niya sa sarili niyang maganda ang dalaga.  The most beautiful face for him actually.  Dahil sa kabila ng simplicity nito, talagang gustong-gusto niya itong pinagmamasdan at hindi siya nagsasawang titigan ang mukha nito, katulad nalang ngayon. “Salamat hijo,” ang sagot naman ni Tita Cecil na siyang humila sa kanya pabalik sa kasalukuyan. “Kung pauwi na kayo, ihahatid ko na kayo. What do you think?” mayamaya ay baling niya sa dalaga.  Kung bakit niya nasabi iyon, hindi niya masabi dahil kung tutuusin siya man ay nagulat sa mga salitang kusang nanunulas sa kaniyang mga labi. Pero kailangan rin naman niyang aminin na sa kabila ng lahat ng iyon ay wala siyang pinagsisisihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD