“VINCENT!” untag sa kanya ni Stephen kaya siya nakabalik sa reyalidad.
Ilang sandali rin siyang nawala sa sarili niya dahil sa pag-alala niyang iyon sa naging usapan nila ng kaniyang Papa at ngayon ay stress na naman siya sa hindi niya maipaliwanag na paraan.
“I’m sorry,” aniyang natatawang sinulyapan ang kaibigan saka ibinalik ang tingin sa binabasang papel saka iyon pinirmahan. “I think may kailangan kang malaman,” pagkuwan ay sabi niya saka itinuwid ang upo.
Umangat ang mga kilay ni Steven. “Mukhang seryoso iyan ah? Magpapatimpla na ba ako ng kape?” biro pa ng kaibigan niya.
Umiling siya kaya nagseryoso ang matalik na kaibigan. “Tungkol kay Zaida,” simula niya saka isinalaysay sa kausap ang gustong mangyari ng kanyang ama.
"Hindi ko alam actually kung paano kong sisimulan ang lahat na sabihin sa iyo pero maganda narin na nagpunta ka dito ngayon para i-open sa akin ang problema mo," pagpapatuloy niyang itinuwid ang pagkakaupo sa kaniyang swivel chair.
Nangunot agad ang noo ni Stephen sa sinabi niyang iyon.
"Ano ba iyon at bakit masyado kang pa-suspense?" tanong nito bagaman biro ay alam niyang alam na nitong seryoso ang gusto niyang sabihin.
Huminga muna ng malalim si Vincent bago muling nagbuka ng bibig para magsalita. "Si Papa, kinausap na niya ako tungkol sa pag-aasawa at plano niya akong ipagkasundo sa anak ng matalik niyang kaibigan," simula niya.
Umangat ang makakapal na kilay ni Stephen. "Yeah? Problema nga iyan kung para sa isang babaero na katulad mo at kasaluyan pang nag-eenjoy sa pagiging binata," si Stephen na sinundan pa ang sinabi ng isang mahinang tawa.
Nangalatak si Vincent sa sinabing ng kaibigan. "Tsk, hindi iyon ang ibig kong sabihin pre, problema ito para sa ating dalawa sa totoo lang," aniya.
Sa sinabing iyon ni Vincent ay mabilis niyang nakita ang pagbabago sa emosyong nasa mga mata ni Stephen.
"Anong ibig mong sabihin?" sa tono ng pananalita ni Stephen ay mukhang nakakatunog na ito sa ibig niyang sabihin.
"Si Zaida ang babaeng planong ipagusto sa akin ni Papa," pagtatapat niya.
Sa sinabi niyang iyon ay matagal siyang tinitigan muna ni Stephen bago ito nagbuka ng bibig para magsalita.
“Pare naman, ang dami mong pwedeng karibalin kung sakali, ako pa?” ang natatawang tinuran ni Stephen.
"Syempre hindi ko gagawin sa iyo iyon ano ka ba? At isa pa ayoko rin namang matali pang-habang buhay sa isang taong hindi ko naman mahal. Kaya kung sakaling nangyaring hindi si Zaida ang babaeng mahal mo hindi ko parin siya pakakasalan," paliwanag niya at totoo iyon sa loob niya.
Nang hindi magsalita si Stephen ay muli siyang nagbuka ng bibig para magsalita.
"Binigyan ako actually ni Papa ng kasunduan at sana matulungan mo ako dahil ang totoo hindi ko alam kung paano ko gagawin ito. Tutal ikaw naman ang matinik sa babae, kailangan ko ng assistance mo," aniyang sinundan ang sinabi ng mahinang tawa pero deep inside alam ni Vincent na naramdaman ng matalik niyang kaibigan ang kaseryosohan ng sinabi niyang iyon rito.
"Ano iyon hahanap talaga tayo ng babaeng pwede mong mapangasawa? Sa tingin mo ba ganoon lang kadali ang lahat? Hindi napipilit ang pagmamahal pare. Sa loob nga ng napakahabang panahon wala kang nakita at nakilalang babae na pwedeng mong alukin ng kasal iyon pa bang mamahalin mo?" sa tono ng pananalita ni Stephen noon pa lamang tuluyang nag-sink in kay Vincent kung gaano kaseryoso ang problema niya ngayon.
"Ang kailangan ko babaeng pakakasalan, at hindi lahat ng nagpapakasal ay nagmamahalan. Unless, gusto mong matuloy ang kasal namin ng babaeng mahal mo?"
"Para mo naman akong tino-torture sa sinasabi mong iyan?" si Stephen na naiiling pa. "alam mo ginawa mo pang dalawa ang problema ko," anitong nagbuntong hininga pa sa huli.
"I'm sorry, pero sa to tell you the truth ayoko talagang mangyari iyon, ayokong makasal sa babaeng hindi ko naman talaga mahal. Alam ko hindi ako magiging masaya kapag ganoon ang ginawa ko," pagsasabi niya ng totoo.
"Eh sa gagawin mong solusyon hindi ba wala namang ipinagkaiba iyon sa gustong mangyari ng Papa mo na pakasalan mo si Zaida?"
Umiling siya. "Malaki dude, at least hindi mawawala sa'yo ang babaeng mahal mo," aniyang muli na naman nagbuntong hininga. "ngayon ko lang narealize na hindi pala biro itong problema ko. Kung may mahahanap lang sana akong babae na pwede kong pakasalan tapos after a year or two ay pwede ko nang i-divorce, solve na ang problema ko," aniya.
Pakiramdam tuloy niya sa isang iglap ay pasan na niya ang buong mundo dahil sa tuluyang pagsi-sink in sa kaniya ng lahat ng kaganapan.
Nakakatawang isipin na kung hindi pa nila napag-usapan ni Stephen ang tungkol rito ay hindi niya makikita kung gaano kaseryoso ang lahat.
At sa isang iglap isang simple pero seryosong realization rin ang parang tumimo sa isipan niya.
Ano ba talaga ang gusto niya sa buhay niya at sa edad niyang ito ay parang wala pa sa plano niya ang pagbuo ng pamilya?
Masyado yata niyang na-e-enjoy ang lahat klase ng kalayaan na mayroon siya kaya hindi niya napapansin na tumatanda na siya? Kung tutuusin marami sa mga ka-batch niya noong college ang may mga asawa at anak na. Pero siya ni wala siyang masabi na seryosong karelasyon. Kaya hindi rin siguro niya masisisi ang Papa niya kung kaya naisipan nitong gawin ang ganoon sa kaniya.
"Kailangan kong gawan ng paraan ang tungkol dito. Ang mahirap pa hindi gusto ni Papa na magpakilala ako ng kung ano talaga ako," isa pang pag-amin na naging dahilan ng muling pagsasalubong ng mga kilay ni Stephen.
"Anong ibig mong sabihin?"
Natawa siya ng mahina saka magkakasunod na umiling. Pagkatapos ay muling nagbuka ng bibig para magsalita.
"Ang paniniwala kasi niya pera lang ang habol sa akin ng mga babaeng nakakarelasyon ko, which is actually true. Pero hindi ko maisip minsan man na magagawa ni Papa na utasan akong mag-pretend na normal na tao para lang makahanap ng babaeng hindi materyosa at mukhang pera," ang naiiling niyang salaysay saka muling nagbuntong hininga.
"Seryoso ka?" ang hindi makapaniwalang tanong ni Stephen.
Noon siya dry na tumawa. "Mukha ba akong nagbibiro?"
"Mas mukha kang problemado," ang tumatawang sabi ni Stephen.
"Anyway doon sa part na pera ang habol sa iyo ng marami sa mga nakakarelasyon mo, agree ako doon. "Sa tingin mo, itanan ko nalang kaya si Zaida para mawala na ang problema mo?"
Sa narinig ay parang nagkaroon ng pag-asa si Vincent. "Kaya mo bang gawin iyon?" tanong niya rito.
Nagkibit ng balikat ang binata. "Bakit naman hindi? Para sa mahal ko, kahit ano gagawin ko."
“Kailangan kong umisip ng paraan, kilala ko ang Papa, hindi iyon titigil hangga’t hindi nakukuha ang gusto niya. Hindi sa takot ako sa kaniya pero sobrang mahal ko siya at hangga’t maaari ayoko siyang masaktan," sa huli ay mas pinili parin niyang sabihin kay Stephen ang totoo.
Tumango si Steven bilang pag-sang-ayon. “Mag-isip tayo ng paraan. Sa panahon ngayon parang mas mainam kung magpakilala ka nalang na simpleng empleyado dito sa kompanya ninyo. O kung gusto mo taxi driver nalang?” ang suhestiyon ng kaibigan niya.
Hindi siya umimik at sa halip ay muling nagbalik sa kanyang alaala ang eksenang ni sa panaginip ay hindi niya nakita. At aminin man niya o hindi, may mga pagkakataong kinikilig siya ng lihim dahil doon. Pero ayaw niyang bigyan iyon ng pansin dahil sa ngayon, may problema siyang kailangang unahin.